• August 20, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Mas malaking insentibo sa mga disaster at rescue workers sa panahon ng kalamidad, panukala ng mambabatas

ISANG mambabatas ang nagpanukala na bigyan ng mas malaking insentibo ang mga disaster at rescue workers sa panahon ng kalamidad.

Inihain ni Quezon City Rep. Patrick Michael Vargas ang House Bill No. 2269, o “Magna Carta for Public DRRM Workers” na naglalayong bigyan ng 25 percent hazard pay, 50 percent standby on-call compensation, at fully subsidized hospital care sa mga nasaktan na disaster at rescue workers.

Ayon kay Vargas, napapanahon na isabatas ang HB 2269 sa gitna ng walang tigil na buhos ng ulan dulot ng habagat.

“Habang nag-iikot po tayo, nakita po natin ang matinding sakripisyo at malasakit ng ating mga DRRM workers upang siguraduhin na ligtas ang mga mamamayan, at may maayos na evacuation centers na mapupuntahan,” sabi ni Vargas. 

Ayon kay Vargas, nakapaloob sa HB 2269 ang mga Contract of Service (CoS) at Job Order (JO) workers sa mabibigyan ng benepisyo at proteksyon.

Ang mga field personnel ay bibigyan ng full subsistence allowances, monthly laundry allowances, five percent longevity pay increase sa bawat limang taon sa serbisyo, libreng living quarters o housing allowances kung na nadeploy malayo sa kanyang tirahan.

“Buhay ang iniaalay nila para sa kaligtasan ng bawat pamilyang Pilipino, kaya oras na para suklian natin ang kanilang sakripisyo at dedikasyon,” ani Vargas. (VINA de GUZMAN)