Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan
NAKALASAP ng matinding pagkatalo ang Gilas Pilipinas Women sa FIBA Pre-Olympic Qualifying Tournament na ginanap sa Gudajara, Mexico.
Tinalo sila ng host country na Mexico sa score na 61-58 sa kanilang unang laro.
Sa unang quarter ay hawak na Gilas Women ang kalamangan kung saan umabot pa sa 15 puntos ang kanilang kalamangan.
Sa huling anim na minuto ng laro ay mayroong 10 puntos na kalamangan ang Gilas Women 57-47.
May tsansa pa sanang maitabla ng Gilas Women ang laro sa natitirang 21 segundo subalit hindi naipasok ng veteran center na si Jack Animam ang isa sa dalawang free-throw.
Pagdating naman sa ilang segundo ng laro ay nagkaroon ng maling pasa si Afril Bernardino kay Vanessa De Jesus na nagresulta sa unsportmanlike foul at nagtapos sa pag-asa ng Gilas Women para manalo.
Nasayang nagawang 15 points, apat na assists at tatlong rebound ni De Jesus habang si Animam.
Dahil sa resulta ay mahaharap sa must-win situation ang Gilas Womens laban sa World No. 7 na Canada sa araw ng Huwebes, Agosto 20.
NAGKAMIT ng gintong medalya si Pinoy pole vault star EJ Obiena sa Golden Sand 2026 competition na ginanap sa Międzyzdroje, Poland.
Nadomina ni Obiena ang Promenada Gwiaz kung saan nagkamit nito ang season-best na 5.91 meters para makamit ang medalya.
Ito na ang pang-walong gintong medalya ng world number 13 ngayong 2026 season na nakuha sa Cottbus, Berlin, Halberstadt, Poznań, Eisenstadt, at Tianjin.
Nahigitan nito ang ilang mga sikat na pole vaulter gaya nina Cole Walsh, Hunter Garretson at US at Robin Emig ng France.
Target nitong makabalik sa top 10 kung saan kasalukuyan itong nagsasagawa ng pagsasanay sa Greece kasama si world number 2 na si Eammanoil Karalis.
UPANG panagutin ang mga nagtatapon ng basura, inihain ni Navotas Rep. Toby Tiangco ang House Bill 10841 o Anti-Littering Community Service Act.
Sa ilalim ng panukala, ang mga nagkasala ay paparusahan ng isang araw o walong oras na community service sa unang opensa, dalawang araw sa ikalawa at tatlong araw naman sa ikatlo at susunod pang mga opensa. Paglilinisin ang mga nagkakalat o nagtatapon ng basura ng mga kanal, estero at iba pang waterways.
“Napakasimple lang naman nito: kung wala kang makitangbasurahan, hawakan mo muna ang basura mo hanggang may mapagtatapunan ka nang maayos. Pero kapag itinapon natin kung saan-saan, sa kanal din ang bagsak niyan at buongkomunidad ang apektado kapag bumaha,” ani Tiangco.
Layon ng panukala na palakasin ang pagpapatupad ng Republic Act No. 9003 o Ecological Solid Waste Management Act of 2000, na nagbabawal sa pagkakalat o pagtatapon ng basura sa mga pampublikong lugar.
Ayon kay Tiangco, ang mahinang pagpapatupad ng batas at naglilimita sa pagiging epektibo ng mga anti-littering rules.
Tinatayang 750 metric tonelada ng basura at debris ang nakolekta ng Metropolitan Manila Development Authority mula sa daang tubig matapos ang ilang araw na pag-uulan.
“Kapag bumabara ang kanal dahil sa basura, tayong lahat ang apektado—mga pamilyang binabaha, mga motorista, mganegosyo, at mga manggagawang kailangang maglinis. Kaya hindi sapat na may batas. Kailangan may malinaw ding pananagutan sa pagpapatupad nito,” pahayag ni Tiangco.
Sa ilalim ng panukala, ang mga local officials at empleyado na bigong magpatupad ng batas ay posibleng kumaharap sa 15 araw na suspension without pay sa unang offense, 30 araw sa ikalawa at dismissal mula sa serbisyo sa ikatlo at susunod na opensa.
“Ang pag-aatas ng community service na paglilinis ng mga kanal ay naglalayong ipaunawa sa mga lumalabag na higit na madali at halos walang hirap ang wastong pagtatapon ng basura kaysa sa napakahirap, matrabaho, at magastos na paglilinis ng mga kanal at drainage system na nababarahan dahil sa iresponsableng pagtatapon ng basura. Sa pamamagitan ng aktwal na pakikilahok sa paglilinis ng mga kanal, inaasahang magkakaroon sila ng mas malalim na pag-unawa sa masasamang epekto ng hindi wastong pagtatapon ng basura at mas matibay na pagpapahalaga sa kanilang personal na pananagutan sa pangangalaga sa kalikasan at kapaligiran,” ani Tiangco.
Ang isang offender na nabigong gawin ang kinakailangang community service ay sasailalim sa kaukulang proceedings at penalties sa ilalim ng Revised Penal Code at iba pang batas. (VINA de GUZMAN)
SINABI ng Office of the Special Assistant to the President na iniutos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa buong pamahalaan na h𝘶𝘸𝘢𝘨 𝘮𝘢𝘨𝘵𝘪𝘱𝘪𝘥 𝘴𝘢 𝘳𝘦𝘭𝘪𝘦𝘧 𝘦𝘧𝘧𝘰𝘳𝘵𝘴 𝘢𝘵 𝘵𝘪𝘺𝘢𝘬𝘪𝘯𝘨 𝘴𝘢𝘱𝘢𝘵 𝘢𝘯𝘨 𝘱𝘢𝘨𝘬𝘢𝘪𝘯 𝘢𝘵 𝘱𝘢𝘯𝘨𝘢𝘯𝘨𝘢𝘪𝘭𝘢𝘯𝘨𝘢𝘯 𝘯𝘨 𝘣𝘢𝘸𝘢𝘵 𝘢𝘱𝘦𝘬𝘵𝘢𝘥𝘰𝘯𝘨 𝘬𝘰𝘮𝘶𝘯𝘪𝘥𝘢𝘥.
Sa katunayan, gamit ang bilyun-bilyong probisyon sa Quick Response Funds, mabilis na naipamahagi ng pambansang gobyerno, sa pamamagitan ng DSWD at mga LGU, ang halos 193,000 family food packs, kasama ang hot meals at essential relief kits sa buong bansa.
Kaya nga, malinaw na walang iwanan sa oras ng sakuna.
“Nananatiling prayoridad ng pamahalaan ang mabilis at maayos na pag-agapay sa bawat pamilyang Pilipino,” ayon sa nasabing tanggapan.
Sa kabilang dako, tuloy tuloy lang ang pagpapaabot ng pamahalaan ng kailangang tulong para sa mga pamilyang nangangailangan ng suporta sa gitna ng epekto ng Habagat.
Sa Facebook post ng Presidential Communications Office (PCO) ay ibinahagi nito ang ginagawang hakbang ng DSWD na may kaugnayan sa pamamahagi ng tulong sa apektado nating mga kababayan.
Ayon sa PCO, nasa 699.78 milyong piso ng humanitarian assistance ang naipaabot ng DSWD sa mga kinauukulan nating mga kababayan.
Kasabay nito sinabi ng PCO ay na sa 3 daan at 13 evacuation centers ang nananatiling bukas para sa 6,338 mga pamilya.
Mayroon din na 4.83 bilyong pisong relief resources ang available para suportahan ang tuloy-tuloy na paghahatid ng tulong sa mga komunidad. ( DARIS JOSE)
MATAPOS ang madugong pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University na ikinasawi ng dalawang katao, nanawagan ang mga mambabatas ng mas matapang na batas para maiwasan ang mga ganitong uri ng karahasan sa mga estudyante sa bansa.
Sa pangunguna ni Akbayan Partylist Rep. Chel Diokno, nagpaabot ito ng pakikidalamhati sa mga naulila kasabay ng panawagan sa Kamara na isabatas ang Child Safety Against Gun Violence Act.
“Nananawagan tayo sa Kongreso at administrasyon na isabatas na ang Child Safety Against Gun Violence Act (HB 10058) upang mas maprotektahan ang ating mga kabataan laban sa ganitong trahedya,” ani Diokno
Aniya, maraming tanong ang kailangang sagutin: Saan nakuha ng bata ang high-powered firearm? Ano ang ugat ng pangyayari? Sino ang nagkulang sa paggabay at pagbabantay? “Habang iniimbestigahan ito, kailangan din nating kumilos,” dagdag ng kongresista.
Gayun din ang naging panawagan ni Akbayan Rep. Perci Cendana sa agarang isabatas ang Child Safety Against Gun Violence Act.
“(Ito ay) upang mahigpit na mapigilan ang access ng mga menor de edad sa mga baril at matiyak na magiging gun-free zones ang ating mga paaralan,” ani Cendana.
“Nakababahala na tila nano-normalize na ang ganitong uri ng karahasan. Schools should be safe spaces for learning and creativity, not places for our kids to fear for their lives,” dagdag ng kongresista.
Sa parte naman ni Mamamayang Liberal Partylist Rep. Leila de Lima, ang nangyaring pamamaril sa Ateneo de Zamboanga nitong Martes ay maraming iniwan na katanungan na hindi kaagad masagot.
“Ano nang nangyayari?! Paano na naman naipasok ang baril sa paaralan? It’s very alarming that less than two months after the Tacloban school shooting, another act of violence like this has occurred. The bad side of social media and video games exerting pernicious influence on young people are now in full view. Forms of violence never seen before in our country. Urgent and effective safeguards are needed to prevent similar tragic incidents,” pahayag ni De Lima.
Nanawagan naman si Quezon Rep. David Suarez na isabatas ang House Bill No. 9825 o Digital Safety of Minors Act.
“Through this measure, we are not banning technology or restricting young people’s right to learn and express themselves. We are simply ensuring that digital platforms are designed with the needs and safety of children as the priority,” sinabi ni Suarez.
Dalawang estudyante ang kumpirmadong nasawi kabilang ang mismong suspek sa pamamaril sa Ateneo de Zamboanga High School Campus nitong Martes
Batay sa initial report natukoy ang biktima na si Patrick Dylan Wee, isang grade 10 student na natagpuang patay sa ikaapat na palapag ng eskuwelahan habang ang suspek, Mohammad Mael Jalani, isang Grade 9 student ay nagbaril sa sarili matapos isagawa ang krimen.
Lumalabas sa imbestigasyon na isinagawa ng suspek ang pamamaril nang walang malinaw na dahilan at nagpaputok ng baril sa mga estudyanteng nasa loob ng silid-aralan gamit ang isang high powered rifle at kalibre 45 na pistola.
Ayon kay Zamboanga City Mayor Khymer Olaso, nakasuot ng bodycam si Jalani at naka streaming live ang pamamaril bago nito winakasan ang sarili.
(VINA de GUZMAN)
NABULGAR ang “modus operandi” umano sa paggamit ng confidential funds ni Bise Presidente Sara Duterte, ayon sa House prosecution team nitong Martes.
Tinukoy ni House trial spokesperson Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong ang testimoniya ni special disbursing officer (SDO) Gina Acosta sa impeachment trial sa Senado kung saan sinabi nito na si Duterte ang nag-utos na ibigay ang P125 million in cash kay Vice Presidential Security and Protection Group chief Col. Raymund Dante Lachica.
“Ang talagang nagko-call ng shots at nag-o-order sa dalawang individual, si Ms. Gina Acosta being the SDO at si Col. Lachica, bilang siya ‘yung nag-implement nitong confidential funds, ay ang Vice President,” sinabi ni Adiong.
Itinuring na hostile witness si Acosta dahil empleyado pa rin ito ng OVP bilang SDO ng ahensiya. Sa kanyang testimonya, hindi na sana niya ibibigay ang pera kay Lachica subalit inutusan siya ni Duterte.
Ayon kay Adiong, hindi awtorisado na tumanggap ng pondo si Lachica at paglabag ito sa joint circular ng Commission on Audit (COA).
Idinagdag ni House prosecutor Manila Rep. Joel Chua na utusan lamang ang naging papel ni Acosta.
“Lumalabas kahapon (Lunes), ang naging trabaho lamang ni Ms. Gina Acosta ay merely ministerial o parang ang nangyari sa kanya tagapirma lang dahil hindi niya naiintindihan kung ano ang nasa plano at taga-withdraw lang,” sinabi ni Chua.
Napansin ni Chua na inamin ni Acosta na wala siyang alam sa intelligence gathering kahit na siya ang designated na opisyal na responsable sa pamamahagi ng confidential funds ng OVP.
Aniya, dito ang maraming nagtatanong kung bakit nandun pa si Acosto bilang SDO ng OVP at kontrolado ni Duterte.
Sa isinagawang press briefing, sinabi ni House prosecution legal spokesperson at counsel Benjamin “Jay” Tolosa Jr. na ang testimonya ni Acosta ay mahalaga dahil natukoy nito ang “chain of control” sa confidential funds ng ahensiya.
“Nakita po natin doon na lumilinaw ‘yung chain of control dito sa usapin pong confidential funds na lumalabas na base sa mga dokumento at sa mga testigo, kung ano ‘yung naging papel ng Bise Presidente dito,” ani Tolosa.
Ganito rin ang naging problema ng COA habang inaalam ng mga state auditors kung papaano nagastos ang pondo.
“Parang lumalabas nga eh, parang ghost project itong confidential fund. ‘Yung mga goods, mga gamot, puro ghost. Lahat po, ghost. Wala pong lumalabas na totoo at balido,” dagdag ni Chua.
(VINA de GUZMAN)
IPINAG-UTOS ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa mga law enforcement agencies na magsagawa ng masusing imbestigasyon kaugnay sa pagkasawi ng dalawang estudyante matapos mangyari ang pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University, Martes ng umaga, Agosto 18.
Sa kalatas na ipinalabas ng Office of the President (OP), nais ng Pangulo na madetermina kung ano ang dapat gawin para mapigilan ang iba pang pamilya, iba pang eskuwelahan at iba pang komunidad na dumanas ng kaparehong pagdadalamhati.
“We grieve with the families and the entire 𝗔𝘁𝗲𝗻𝗲𝗼 𝗱𝗲 𝗭𝗮𝗺𝗯𝗼𝗮𝗻𝗴𝗮 community over a tragedy that should never have happened,” ayon sa Pangulo.
“Our schools are where we entrust our children to learn, to grow and to dream about the lives ahead of them. They must also be among the safest places in our country,” aniya pa rin.
“We will work with our schools and communities to strengthen the safeguards that protect our students and ensure that they can pursue their education without fear,” dagdag na pahayag ni Pangulong Marcos.
Sa ulat, kinumpirma ng regional police na nagkaroon ng pamamaril sa isang high school campus sa lungsod at agad na rumesponde ang mga awtoridad upang tiyakin ang seguridad sa lugar.
Kinumpirma ni Zamboanga City Mayor Khymer Olaso na nangyari ang insidente dakong alas-8:30 ng umaga, ngayong araw ng Martes, Agosto 18.
Base di umano sa paunang impormasyon, nakapasok sa paaralan ang suspek na may dalang high-powered firearm at .45 caliber pistol.
Sinabi ni Olaso na makikita umano sa video na una nitong tinangkang paputukan ang isang guro bago lumipat sa ibang silid at barilin ang isang estudyante.
Namatay ang nasabing estudyante habang nasawi rin kalaunan ang umano’y gunman. Sinabi rin ng alkalde na dalawa pang indibidwal ang posibleng nasugatan.
Ayon pa kay Olaso, may suot umanong body camera ang suspek at nagla-livestream habang nagaganap ang insidente.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang motibo sa pamamaril at kung paano naipasok sa campus ang mga armas.
Nagpatupad din si Olaso ng suspensyon ng klase nitong Martes ng umaga.
Ang insidente ay kasunod ng isa pang malagim na school shooting sa Tacloban City noong Hunyo 22, kung saan tatlong estudyante ang napatay at hindi bababa sa 20 ang nasugatan. (DARIS JOSE)
SA GITNA ng matinding pagbuhos ng ulan sa Metro Manila, araw ng Lunes, kapansin-pansin ang malaking tulong ng Pasig-Marikina River Channel Improvement Project PMRCIP ng pamahalaan sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, dahil sa proyektong ito, hindi umapaw ang ilog at naprotektahan ang mga residente ng Marikina at Pasig City mula sa matinding baha lalo na’t ilang linggo nang walang tigil ang pag-ulan.
Aniya, ayon sa Public Works and Highways, sa pangunguna ni Secretary Vince Dizon, utos ng Pangulo na padaliin ang konstruksyon ng flood mitigation structures sa kahabaan ng Marikina River katuwang ang Japan International Cooperation Agency o JICA.
Sa ngayon ani Castro ay nasa 53% na ang construction project ng naturang proyekto. Kasama rin dito ang pagtatayo ng floodgates, pumping stations at iba pang istruktura upang makontrol ang tubig sa Manggahan Floodway at tuluyang mabawasan ang humigit-kumulang 63% ang mga binabahang lugar na sakop ng Pasig-Marikina River Basin.
Samantala, nakatutok aniya si Pangulong Marcos sa sitwasyon sa Metro Manila at ibang bahagi ng bansa ng patuloy na nakakaranas ng matinding pag-ulan.
Patuloy aniya na naka-monitor ang Pangulo upang mabantayan ang seguridad ng mga residente sa mga apektadong lugar.
Utos ng Chief Executive sa lahat ng ahensya na iprayoridad ang kaligtasan ng mga residente at siguruhing maaabot ng tulong ang mga nasalanta ng baha
Sa kabilang dako, ang Office of the Civil Defense ay naglabas ng kanilang response cluster member agencies upang agad na magbigay tulong hindi lang aniya sa mga local government units kung hindi sa lahat ng mga apektadong residente.
Ipinag-utos na rin ang libreng sakay sa Metro Manila habang naka-standby ang search and rescue units, samantala ay patuloy naman ang relief operations ng pamahalaan.
Tiniyak din aniya ng gobyerno ang tuluy-tuloy na clearing operations at medical assistance sa mga sinalanta ng baha. ( DARIS JOSE)
NAGPAABOT ng pakikiramay si Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III sa mga pamilya at mahal sa buhay ng mga batang nasawi sa trahedyang nangyari sa Ateneo de Zamboanga.
Ayon kay Dy, bilang ama at lolo ay masakit isipin na may mga magulang na naghatid ng anak nila sa paaralan ngayong araw, pero hindi na nila ito makakasamang umuwi.
“Our children are growing up in a world very different from the one we grew up in. They face influences and dangers that many of us did not have to deal with at their age. We owe it to them to understand that world better,” ani Dy.
Hindi puwedeng matapos ang tugon natin sa pakikiramay at panalangin. Kailangan nating maintindihan kung bakit at paano ito nangyari, kung ano ang maaaring nakapigil dito, at kung ano ang dapat nating baguhin para manatiling ligtas ang ating mga anak sa paaralan.
Bilang mambabatas aniya, hindi lamang nagsisimula ang kanilang trabaho matapos ang isang trahedya.
“We have to look for the gaps before another family has to bury a child.”
Idinagdag nito na hindi puwedeng iyakan ang trahedyang ito ngayon at pagkatapos ay kalimutan na lang bukas.
“Kikilos ang Kongreso nang maagap, batay sa ebidensya, at may paninindigang humanap ng mga solusyong tunay na magbibigay-proteksyon sa ating mga anak.
Sa mga pamilyang nagdadalamhati ngayon, kasama ninyo kami sa sakit at sa panalangin,” pagtatapos ni Dy.
(VINA de GUZMAN)