• August 20, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for August 19th, 2026

Security guard, timbog sa pamamaril sa machine operator sa Valenzuela

Posted on: August 19th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

SUGATAN ang 52-anyos na machine operator ng isang pabrika matapos barilin ng security guard ng naturang pasilidad sa Valenzuela City.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, sinabi ni Valenzuela police chief P/Col. Joseph Talento na naganap ang insidente ng pamamaril pasado ala-1:40 ng hapon noong Linggo sa loob ng pabrikang gumagawa ng plastic sa Barangay Lawang Bato.

Lumabas sa imbestigasyon na kinuha umano ng 49-anyos na security guard ang baril na pag-aari ng security agency na naka-issue sa isa pang sekyu saka binaril ang biktima sa hindi pa malaman na dahilan.

Kaagad isinugod ang biktima sa Valenzuela Medical Center kung saan siya patuloy na inoobserbahan sanhi ng tinamong tama ng bala sa katawan habang naaresto naman ang suspek ng rumespondeng mga tauhan ng Police Sub-Station.

Ayon kay Col. Talento, walang karapatan ang suspek na gamitin ang hindi naka-issue sa kanyang baril kaya bukod sa kasong Frustrated Murder, sasampahan din siya ng kasong paglabag sa R.A. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act sa Valenzuela City Prosecutor’s Office. (Richard Mesa)

Kelot, dedbol nang paulanan ng bala sa harap ng tindahan sa Malabon

Posted on: August 19th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

HUMANDUSAY ang duguang katawan ng 35-anyos na kelot nang ratratin ng hindi pa kilalang mga suspek sa harap ng isang tindahan sa Malabon City, Lunes ng gabi.

Dead-on-the-spot sanhi ng mga tinamong mga tama ng bala sa ulo, likod, at kanang braso ang biktimang si alyas “Kenneth”, residente ng Dimpsite, Sito 6, Brgy. Catmon habang mabilis na tumakas ang hindi pa batid na bilang ng mga salarin patungo sa hindi natukoy na lugar.

Sa ulat ni Malabon police chief P/Col. Kenneth Mission kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, nangyari ang insidente ng pamamaslang dakong alas-10:30 ng gabi sa harap ng isang tindahan sa Block 1, NASACA, Sitio 6, sa naturang barangay.

Sa pahayag sa pulisya ng may-ari ng tindahan na si alyas “Emerson”, umupo sa harapan ng kanyang tindahan ang biktima upang doon humitit ng binili sa kanyang sigarilyo habang pumasok naman siya sa loob ng bahay para magpahinga.

Makalipas ang ilang sandali ay nakarinig na siya ng sunod-sunod na putok ng baril kaya gumapang siya palabas nang tumigil ang pamumutok at dito niya nakita ang duguan at wala ng buhay na katawan ng biktima na nakahandusay na sa lapag.

Ayon kina P/MSg Ernie Baroy at P/MSg Diego Ngippol, may hawak ng kaso, na nakuha sa crime scene ang siyam na basyo at anim na depormadong bala mula sa kalibre .45 pistola na isasailalim sa ballistic examination habang inaalam pa nila ang motibo sa pamamaslang, pati na ng pagkakakilanlan sa mga suspek. 

(Richard Mesa)

Malabon LGU, mahigpit ang monitoring, paghahanda dahil sa pag-ulan na dala ng Habagat

Posted on: August 19th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NANATILING naka-monitor si Mayor Jeannie Sandoval at ang pamahalaang lungsod sa lagay ng panahon, waterways, at mga lugar na madaling bahain dahil sa patuloy na katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan sa Metro Manila at iba pang bahagi ng Luzon na dala ng Habagat.

“Patuloy ang ating mahigpit na monitoring at paghahanda kasama ang MDRRMO at iba pang katuwang na ahensya upang agad na makatugon sa anumang epekto ng Habagat. Tayo ay handa at makasisiguro ang ating mga kababayang Malabueño na tayo ay tutugon sa pangangailangan nila ngayong may malakas na ulan. Hinihiling namin sa ating mga kababayan na makipagtulungan, manatiling mapagmatyag,” ani Mayor Sandoval.

Aniya, sa pamamagitan ng iba’t ibang departamento ng lungsod, pinananatili ng lokal na pamahalaan ang mas mataas na paghahanda at mga hakbang sa pagtugon sa pangunguna ng Malabon Disasters Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) na patuloy nakamonitor sa kondisyon ng panahon sa pamamagitan ng PAGASA advisories at iba pang opisyal na channel ng komunikasyon.

Mahigpit din binabantayan ang mga kalapit na ilog, tributaries, flood marker, at tide conditions habang naka-deploy naman na ang mga rescue truck at mga response team upang subaybayan ang mga lugar ng responsibilidad. May mga nakahanda na rin relief goods, food packs, mga gamut at emergency supplies para sa posibleng paglikas ng mga residente sakaling magkaroon ng pagbaha .

Nag-deploy din ang Public Safety and Traffic Management Office ng mga truck para sa Libreng sakay simula pa noong Lunes para maghatid ng mga pasahero mula sa mga lugar kung saan naiulat ang pagbaha.

Tinitiyak din ng pamahalaang lungsod ang wasto at napapanahong pagpapakalat ng mga abiso at impormasyong pangkaligtasan upang mapanatiling alam ng mga residente ang mga kondisyon ng panahon at posibleng mga panganib.

“Patuloy nating hinihikayat ang lahat ng Malabueño, lalo na ang mga nasa mabababang lugar at flood-prone areas, na manatiling alerto, subaybayan ang mga opisyal na abiso, at iwasan ang hindi kinakailangang pagbiyahe habang patuloy ang malalakas na pag-ulan. Higit sa lahat, maging handa tayong lumikas agad kung kinakailangan upang matiyak ang kaligtasan ng ating mga pamilya.” paalala ni City Administrator Dr. Alexander Rosete. (Richard Mesa)

4,579 MANILENYO LUMIKAS SA HAGUPIT NG HABAGAT; MDSW TULOY ANG AYUDA

Posted on: August 19th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

UMABOT sa 4,579 na indibidwal mula sa 1,555 na pamilya ang nasa vacuation center sa lungsod matapos lumikas dahil sa patuloy na pag-ulan at pagbaha dulot ng Habagat.

Sa pinakabagong Evacuation Update, kabilang sa mga apektadong lugar ang mga barangay sa anim na distrito ng Maynila at Baseco.

Pinakamarami pa rin ang evacuees sa District III, na may kabuuang 1,708 indibidwal mula sa 653 pamilya. Kabilang dito ang mga pansamantalang nanunuluyan sa Regidor Elementary School, T. Alonzo High School at P. Guevara Elementary School.

Sumunod ang District VI, kung saan umabot sa 1,109 indibidwal mula sa 351 pamilya ang lumikas sa iba’t ibang evacuation center, kabilang ang BMA Building, Don Bosco School, Barangay 894 Multi-Purpose Hall at iba pang evacuation sites.

Sa Baseco, nasa 621 indibidwal mula sa 207 pamilya ang kasalukuyang nasa Baseco Evacuation Center.

Samantala, may 571 indibidwal mula sa 160 pamilya sa District II, habang 301 indibidwal mula sa 103 pamilya naman ang nasa District IV.

Sa District V, nasa 136 indibidwal mula sa 48 pamilya ang nailikas, habang 133 indibidwal mula sa 33 pamilya naman ang nasa Barangay 105 Covered Court sa District I.

Kasabay ng patuloy na pagdami ng evacuees, todo-arangkada naman ang Manila Department of Social Welfare (MDSW) sa paghahatid ng ayuda at serbisyo sa mga pamilyang naapektuhan ng Habagat.

Sa pangunguna ni MDSW Director Jay Reyes Dela Fuente, patuloy na naghahatid ang MDSW ng hot meals, breakfast, bottled water, sleeping mats, modular tents, kits, food boxes at iba pang pangunahing pangangailangan ng mga evacuee.

Nakasaad sa pinakahuling ulat na naipamahagi na ang breakfast/hot meals at bottled water, habang patuloy din ang pagbibigay ng sleeping mats sa mga pamilyang pansamantalang nanunuluyan sa evacuation centers.

Isinasagawa ang tuloy-tuloy na relief at evacuation operations sa direktiba ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso, upang matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng mga Manilenyong apektado ng masamang panahon.

Patuloy namang nakaantabay ang MDSW at iba pang response teams sa mga evacuation center upang agad na matukoy at matugunan ang karagdagang pangangailangan ng mga evacuee habang nagpapatuloy ang epekto ng Habagat.

Tiniyak naman ng lokal na pamahalaang lungsod na patuloy ang kanilang pagkilos upang maihatid ang kinakailangang tulong sa mga Manilenyong nangangailangan sa gitna ng patuloy na pag-ulan at pagbaha. 

(Gene Adsuara)

12 TIMBOG SA ANTI-FIXING OPERATION SA PASAY; DALAWANG OPISYAL NG LTO NA SANGKOT SIBAK SA PUWESTO AT SASAMPAHAN NG KASO

Posted on: August 19th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

BILANG bahagi ng 7-Point Reform Agenda ni Land Transportation Office (LTO) Chief Assistant Secretary Markus V. Lacanilao mula nang mamuno sa ahensya, patuloy na pinaigting ng LTO ang kampanya laban sa fixing matapos maaresto ang 12 indibidwal, kabilang ang dalawang opisyal ng LTO Pasay District Office, sa isang anti-fixing entrapment operation sa Pasay City noong Agosto 14, 2026.

Isinagawa ang operasyon ng mga tauhan ng LTO Law Enforcement Service–Field Enforcement Division (LES-FED), Philippine Coast Guard (PCG), at Philippine National Police (PNP), kabilang ang mga tauhan ng Pasay City Police Station at Sub-Station 8, sa ilalim ng pangangasiwa nina PBGEN Allan C. Nobleza (Ret.), Director ng LES; PBGEN Antonio P. Bartolome (Ret.); PBGEN Celso P. Bael (Ret.); at PCOL Ephraim A. Arcilla (Ret.).

Ang lahat ng nahuli ay sasailalim sa kaukulang imbestigasyon at proseso para sa pagsasampa ng mga kaso laban sa mga mapatunayang sangkot sa illegal fixing activities. Kabilang sa mga isinailalim sa imbestigasyon ang kawani ng LTO Pasay District Office, na agad na inatasang alisin sa puwesto ni Asec. Lacanilao habang isinasagawa ang kaukulang administratibong proseso.

Titiyakin ng LTO na ang sinumang mapatunayang sangkot sa fixing ay haharap sa kaukulang pananagutan at hindi makapagtutuloy sa ilegal na gawain sa loob ng ahensya.

“Hindi kami magbubulag-bulagan sa ganitong gawain. Alam namin kung paano kumikilos ang mga fixer, kabilang ang mga empleyado ng LTO na maaaring nasasangkot dito, at patuloy naming palalawakin ang operasyon para matukoy ang mga taong nasa likod nito. Hindi titigil ang LTO hangga’t hindi natutukoy at nalilinis ang mga ganitong kalakaran sa ating mga tanggapan,” pahayag ni Asec. Lacanilao.

Sa laban kontra fixing, patuloy na paiigtingin ng LTO ang mga operasyon nito, sa pakikipagtulungan sa iba pang law enforcement agencies, upang matukoy, mapanagot, at maparusahan alinsunod sa batas ang mga sangkot sa ilegal na transaksyon at mapanatili ang malinis, maayos, at tapat na serbisyo ng ahensya.

Hinihikayat naman ng LTO ang publiko na huwag makipagtransaksyon sa mga fixer at agad i-report ang anumang kahina-hinalang gawain o alok ng ilegal na serbisyo sa pamamagitan ng opisyal na Facebook page na Ireport Mo Kay LTO Chief o sa website na https://ireportmokayltochief.ph/ upang agad na maisagawa ang kaukulang beripikasyon, imbestigasyon, at aksyon ng ahensya. 

(PAUL JOHN REYES)

SSS nagbukas ng Emergency Loan Program

Posted on: August 19th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

BINUKSAN na ng Social Security System (SSS) ang Emergency Loan Program (ELP) para sa mga miyembrong naapektuhan ng bagyong Maymay at Habagat.

Layunin ng programa na magbigay ng agarang tulong pinansyal sa mga miyembro ng SSS na naapektuhan ng ka­lamidad.

Ayon kay SSS President and Chief Executive Officer Robert Joseph M. de Claro, nananatiling bukas ang ELP para sa lahat ng kwalipikadong miyembro sa buong bansa. Aniya, bahagi ang programa ng patuloy na pangako ng SSS na magbigay ng suporta sa mga miyembrong nangangailangan, lalo na sa panahon ng hindi inaasahang pangyayari.

Sa ilalim ng ELP, ibi­naba ang kinakailangang bilang ng buwanang kontribusyon mula 36 buwan sa 18 buwan, basta’t may hindi bababa sa anim na naitalang hulog ang miyembro sa loob ng nakalipas na 12 buwan.

Kwalipikadong mag-apply ang mga self-employed, voluntary, non-working spouse, at land-based OFW members kung mayroon silang hindi bababa sa anim na buwang kontribus­yon sa ilalim ng kanilang kasalukuyang membership type bago ang buwan ng aplikasyon.

Maaaring makahiram ang kwalipikadong miyembro ng hanggang P20,000 na may 7 porsiyentong interes kada taon. Babayaran ito sa loob ng 30 buwan, kabilang ang anim na buwang moratorium kung saan walang kailangang bayaran at walang ipapataw na multa.