• August 20, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

“Modus operandi” sa paggamit ng confidential funds ni VP Sara nabulgar

NABULGAR  ang “modus operandi” umano sa paggamit ng confidential funds ni Bise Presidente Sara Duterte, ayon sa House prosecution team nitong Martes.
Tinukoy ni House trial spokesperson Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong ang testimoniya ni special disbursing officer (SDO) Gina Acosta sa impeachment trial sa Senado kung saan sinabi nito na si Duterte ang nag-utos na ibigay ang P125 million in cash kay Vice Presidential Security and Protection Group chief Col. Raymund Dante Lachica.
“Ang talagang nagko-call ng shots at nag-o-order sa dalawang individual, si Ms. Gina Acosta being the SDO at si Col. Lachica, bilang siya ‘yung nag-implement nitong confidential funds, ay ang Vice President,” sinabi ni Adiong.
Itinuring na hostile witness si Acosta dahil empleyado pa rin ito ng OVP bilang SDO ng ahensiya. Sa kanyang testimonya, hindi na sana niya ibibigay ang pera kay Lachica subalit inutusan siya ni Duterte.
Ayon kay Adiong, hindi awtorisado na tumanggap ng pondo si Lachica at paglabag ito sa joint circular ng Commission on Audit (COA).
Idinagdag ni House prosecutor Manila Rep. Joel Chua na utusan lamang ang naging papel ni Acosta.
“Lumalabas kahapon (Lunes), ang naging trabaho lamang ni Ms. Gina Acosta ay merely ministerial o parang ang nangyari sa kanya tagapirma lang dahil hindi niya naiintindihan kung ano ang nasa plano at taga-withdraw lang,” sinabi ni Chua.
Napansin ni Chua na inamin ni Acosta na wala siyang alam sa intelligence gathering kahit na siya ang designated na opisyal na responsable sa pamamahagi ng confidential funds ng OVP.
Aniya, dito ang maraming nagtatanong kung bakit nandun pa si Acosto bilang SDO ng OVP at kontrolado ni Duterte.
Sa isinagawang press briefing, sinabi ni House prosecution legal spokesperson at counsel Benjamin “Jay” Tolosa Jr. na ang testimonya ni Acosta ay mahalaga dahil natukoy nito ang “chain of control” sa confidential funds ng ahensiya.
“Nakita po natin doon na lumilinaw ‘yung chain of control dito sa usapin pong confidential funds na lumalabas na base sa mga dokumento at sa mga testigo, kung ano ‘yung naging papel ng Bise Presidente dito,” ani Tolosa.
Ganito rin ang naging problema ng COA habang inaalam ng mga state auditors kung papaano nagastos ang pondo.
“Parang lumalabas nga eh, parang ghost project itong confidential fund. ‘Yung mga goods, mga gamot, puro ghost. Lahat po, ghost. Wala pong lumalabas na totoo at balido,” dagdag ni Chua.
(VINA de GUZMAN)