• August 12, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for August 10th, 2026

Hamon ng mambabatas na pangalanan ng 4 na maleta boys ang mastermind sa kanilang mga ‘fabricated stories’

Posted on: August 10th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

HINAMON ng isang mambabatas ang apat na dating miyembro ng “Maleta Boys” na pangalanan ang mga personalidad sa likod na mga alegasyon na nagdeliver sila ng male-maletang pera kay Pangulong Ferdinand Marcos at ilan pang matataas na opisyal ng gobyerno.

“Ang hinihingi natin ay simple: buong katotohanan. Kung fabricated ang mga affidavit, sino ang nag-fabricate? Kung scripted, sino ang gumawa ng script? Kung may mastermind, pangalanan at patunayan,” sabi ni Manila Rep. Bienvenido Abante. 

Ayon kay Abante, bagama’t umatras ang apat mula sa sinasabing “18 Marines,” o mga dating sundalo na naging mga bodyguard umano ng puganteng resigned congressman Zaldy Co, hindi nangangahulugan na ligtas na sila sa mga kinakaharap na kaso.

Ayon sa mga ulat, sina Rosebert Macasasa Waupan, Cecilio Serafica Larroder Jr., Benny Bulontate at Bernard Tube ay naghain ng kanilang sinumpaang salaysay na inuurong nila ang kanilang mga naunang affidavit sa Office of the Ombudsman. 

Sa kanilang mga naunang salaysay, personal umano silang nagdeliver ng mga maleta na puno ng pera kina Pangulong Marcos, dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, Co, at ilan pang matataas na opisyal ng gobyerno.

Binawi naman nila ang kanilang mga salaysay at sinabi nila na sila ay napwersa na pirmahan ang mga nakapreparang affidavit. Anila, ang kanilang abogado, Levito Baligod, ang nagturo sa kanila kung ano sasabihin sa publiko.

“Ngayong sinasabi mismo ng apat na gawa-gawa ang kanilang mga naunang salaysay, hindi puwedeng hanggang pagbawi na lamang. Sabihin nila ang buong katotohanan. Sino ang nagplano nito? Sino ang naghanda ng mga affidavit? Sino ang nag-utos? At ano ang pakay?” tanong ni Abante. 

 “If they are now saying that their previous affidavits were fabricated, then they have a responsibility to identify the people behind them. Name names, tell the whole story, and present the evidence,” dagdag ng kongresista.

Ayon kay Abante, hindi sapat na sabihing fabricated ang kanilang affidavit. “Kung may nagdikta, nagturo, nag-pressure o nag-utos sa kanila, pangalanan nila. Kung may ebidensya sila, ilabas nila. The truth cannot depend on which affidavit happens to be the latest one.” (VINA de GUZMAN)

MAHIGIT 2,000 BENEPISYARYO NAKINABANG SA NHA SA PEOPLE’S CARAVAN SA SORSOGON

Posted on: August 10th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MAHIGIT 2,000 benepisyaryo nakinabang sa isinagawang National Housing Authority (NHA) ang “People’s Caravan: Serbisyong Dala ay Pag-Asa” sa Capitol Compound ng Lungsod ng Sorsogon.

Bilang kinatawan ni NHA General Manager Joeben A. Tai, pinamunuan nina Region V Acting Manager at Concurrent Sorsogon/Masbate District Manager Engr. Rolando G. Ramos ang aktibidad kasama ang 36 partner agencies.

Kabilang sa mga tanggapan na nakiisa ang Philippine Statistics Authority (PSA), Philippine National Police (PNP), Social Security System (SSS), PhilHealth, Pag-IBIG Fund, at Land Transportation Office (LTO), Sorsogon Civil Registry Office, at Sorsogon Police Provincial Office na naghandog ng serbisyo ukol sa aplikasyon ng ilang civil registry documents at valid IDs.

Para sa atensyong medikal, nagkaroon ng medical at dental missions ang Department of Health (DOH), Commission on Population and Development (CPD), Armed Forces of the Philippines (AFP), Provincial Government of Sorsogon, at Sorsogon City Health Office. 

Sa usaping trabaho at negosyo, naglatag ng information booth, orientation proper and skills demonstration, at job fair ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Migrant Workers (DMW), Department of Science and Technology (DOST), Department of Trade and Industry (DTI), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), at Public Employment Services Office (PESO) ng Sorsogon. 

Nagkaroon din ng KADIWA Pop-Up Store at pamamahagi ng seedlings at fingerlings mula sa Department of Agriculture (DA), Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), at Office of the Provincial Agriculture. 

Ilan pa sa mga ahensyang naghandog ng kanilang serbisyo ay ang Department of Information and Communications Technology (DICT) para sa kanilang libreng Wi-Fi connectivity at e-GovPH assistance; Public Attorney’s Office (PAO) para sa kanilang notarial at legal services; Philippine Information Agency (PIA) para sa orientation on dismissing fake news; GCash para sa financial literacy orientation; at ilan pang local na sangay ng Sorsogon para sa security at logistical support. 

Dumalo rin sa kaganapan sina Sorsogon Governor Edwin B. Hamor, Mayor Ma. Ester E. Hamor, at First District Representative Marie Bernadette G. Escudero. 

Ito ang unang caravan ng NHA sa buwan ng Agosto na inaasahang masusundan pa – isang pagpapatunay sa dedikasyon ng ahensya sa misyon nitong patuloy na maghandog ng kaginhawaan sa buhay ng pamilyang Pilipino, alinsunod sa hangarin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., na isang Bagong Pilipinas. (PAUL JOHN REYES)

2 wanted sa carnapping sa Manila, nalambat ng NPD sa Malabon

Posted on: August 10th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

TIMBOG ang dalawang indibidwal kabilang ang 29-anyos na bebot na kapwa wanted sa kasong carnapping sa Manila nang matunton ng pulisya sa Malabon City.

Sa ulat, ikinasa ng mga tauhan ni ng Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Benliner Capili ang operation laban sa dalawang akusado na kapwa residente ng Brgy., 18, Caloocan City.

Nasukol ng mga operatiba ng District Anti-Carnapping Unit (DACU-NPD) ang lalaking akusado na edad 32, welder, sa Brgy., Longos, habang sa Barangay Tañong, kapwa ng Malabon City nakorner ang babaeng akusado.

Hindi na nakapalag ang dalawa nang arestuhin ng mga pulis sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Regional Trial Court, Branch 36, Manila para sa kasong New Anti-Carnapping Act of 2016 (RA 10883) na may inirekomendang piyansa na tig P300,000 bawat isa.

Pansamantalang nakapiit ang mga akusado sa Custodial Facility Unit ng NPD-DACU habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa hukuman. (Richard Mesa)

Lalaking nagnakaw ng dalawang baril sa Malabon, timbog

Posted on: August 10th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

REHAS na bakal ang kinasadlakan ng isang lalaki na nagnakaw ng dalawang lisensiyadong baril nang matiyempuhan ng mga pulis habang bitbit ang lalagyan ng armas sa Malabon City.

Ayon kay Malabon Police Chief P/Col. Kenneth Mission, sinampahan na nila ng kasong pagnanakaw at paglabag sa R.A10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act sa Malabon City Prosecutor’s Office ang suspek na si alyas “Tonyo”, 30.

Sa ulat, naglalakad sa kahabaan ng Matahong St. Brgy. San Agustin ang suspek alas-11:20 ng gabi nang sitahin siya ng mga tauhan ni Col. Mission matapos makita ang bitbit niyang berdeng lalagyan ng baril, na tumutugma sa iniulat ng biktima na pinaglalagyan ng kanyang mga nawawalang baril.

Wala rin maipakitang patunay ang suspek na sa kanya ang lalagyan ng baril at nang buksan ay tumambad ang laman nitong dalawang kalibre .22 rifles, mga magazine at mga bala na positibong kinilala ng biktima na kanyang pag-aari.

Iniutos na ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili sa Malabon Police Sub-Station 6 na isailalim sa ballistic examination ang nabawing mga baril at beripikahin ang mga iprinisintang dokumento ng biktima. (Richard Mesa)

LTFRB, SINUSPINDE ANG OPERASYON NG TAXI DAHIL SA LABIS NA PANININGIL SA ISANG DAYUHANG TURISTA

Posted on: August 10th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

SINUSPINDE ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ng pamumuno ni DOTr Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez, sa loob ng 30 araw ang operasyon ng isang taxi matapos umanong maningil ng P2,000 sa isang dayuhang turista para sa limang minutong biyahe mula sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II, agad naglabas ang ahensya ng show cause order (SCO) laban sa operator matapos mamonitor ng LTFRB social media team ang vlog tungkol sa insidente.

Bukod sa paniningil ng sobrang pasahe, iniulat din sa vlog na pinasakay ng driver ang isa pang tao sa taxi.

“Malinaw itong paglabag sa mga patakaran at regulasyon ng prangkisa. Walang pasahero, lalo na ang mga dayuhang turistang dapat nating malugod na tinatanggap sa bansa, ang nararapat tratuhin nang ganito,” ani Chairman Vigor.

“Ngunit bibigyan natin ng pagkakataon ang operator na magpaliwanag bilang bahagi ng due process. Samantala, pansamantalang sinuspinde ang operasyon ng nasabing taxi,” dagdag niya.

Sa inilabas na SCO, inatasan ang operator na isuko sa LTFRB ang plaka ng taxi at isailalim sa drug test ang driver na sangkot sa insidente.

Pinagpapaliwanag din ang taxi operator kung bakit hindi ito dapat patawan ng kaukulang parusa dahil sa umano’y kabiguang magbigay ng ligtas, maaasahan at maginhawang serbisyo, gayundin sa umano’y paniningil ng sobrang pasahe.

Itinakda sa Agosto 19 ang pagdinig, kung saan inaasahang magsusumite ang operator ng notarized na paliwanag hinggil sa insidente.

Nagbabala naman si Chairman Vigor sa mga operator at driver ng taxi na mahigpit na sumunod sa mga patakaran, dahil hindi mag-aatubili ang LTFRB na magsuspinde o magbawi ng prangkisa laban sa mga mapapatunayang lumalabag.

Hinimok din niya ang publiko na agad ireport sa LTFRB ang anumang pang-aabuso ng mga driver ng pampublikong sasakyan. Tiniyak niya ang mabilis na pagtugon sa mga reklamo sa pamamagitan ng hotline 1342 at online platforms. 

(PAUL JOHN REYES)

Pag-apaw ng La Mesa Dam asahan – PAGASA

Posted on: August 10th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

BUNSOD ng walang tigil na mga pag-ulan, inihayag ng Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical (PAGASA) na asahan ang posibleng pag-apaw ng La Mesa Dam dala ng Habagat sa malaking bahagi ng Luzon at Visayas.

Ayon kay PAGASA hydrologist Richard Orendain, nasa 79.70 metro na ang lebel ng tubig sa La Mesa Dam sa Quezon City alas-5 ng madaling araw kahapon malapit na sa spilling level nitong 80.15 metro. Posibleng umabot sa spilling level ang La Mesa Dam ngayong madaling araw kung magpapatuloy ang malakas na pag-ulan sa watershed nito. Nagbabala ang PAGASA na maaaring magdulot ito ng pagbaha sa mga lugar na malapit sa Tullahan River.

Nabatid kay Orendain na bahagyang bumaba na ang lebel ng tubig sa Tullahan River matapos itong halos umabot sa kritikal na antas. Gayunman, may posibilidad itong umapaw kung magpapatuloy ang pag-ulan at aabot sa spilling level ang La Mesa Dam. Nasa ligtas pang antas na 161.12 metro ang Angat Dam bagama’t tumaas ito ng 2.23 metro, malayo pa rin ito sa spilling level na 210 metro. Tinatayang aabot lamang sa 170 hanggang 175 metro ang lebel ng tubig nito pagsapit ng katapusan ng Agosto.