Hamon ng mambabatas na pangalanan ng 4 na maleta boys ang mastermind sa kanilang mga ‘fabricated stories’
- Published on August 10, 2026
- by Francis Paolo Torres
HINAMON ng isang mambabatas ang apat na dating miyembro ng “Maleta Boys” na pangalanan ang mga personalidad sa likod na mga alegasyon na nagdeliver sila ng male-maletang pera kay Pangulong Ferdinand Marcos at ilan pang matataas na opisyal ng gobyerno.
“Ang hinihingi natin ay simple: buong katotohanan. Kung fabricated ang mga affidavit, sino ang nag-fabricate? Kung scripted, sino ang gumawa ng script? Kung may mastermind, pangalanan at patunayan,” sabi ni Manila Rep. Bienvenido Abante.
Ayon kay Abante, bagama’t umatras ang apat mula sa sinasabing “18 Marines,” o mga dating sundalo na naging mga bodyguard umano ng puganteng resigned congressman Zaldy Co, hindi nangangahulugan na ligtas na sila sa mga kinakaharap na kaso.
Ayon sa mga ulat, sina Rosebert Macasasa Waupan, Cecilio Serafica Larroder Jr., Benny Bulontate at Bernard Tube ay naghain ng kanilang sinumpaang salaysay na inuurong nila ang kanilang mga naunang affidavit sa Office of the Ombudsman.
Sa kanilang mga naunang salaysay, personal umano silang nagdeliver ng mga maleta na puno ng pera kina Pangulong Marcos, dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, Co, at ilan pang matataas na opisyal ng gobyerno.
Binawi naman nila ang kanilang mga salaysay at sinabi nila na sila ay napwersa na pirmahan ang mga nakapreparang affidavit. Anila, ang kanilang abogado, Levito Baligod, ang nagturo sa kanila kung ano sasabihin sa publiko.
“Ngayong sinasabi mismo ng apat na gawa-gawa ang kanilang mga naunang salaysay, hindi puwedeng hanggang pagbawi na lamang. Sabihin nila ang buong katotohanan. Sino ang nagplano nito? Sino ang naghanda ng mga affidavit? Sino ang nag-utos? At ano ang pakay?” tanong ni Abante.
“If they are now saying that their previous affidavits were fabricated, then they have a responsibility to identify the people behind them. Name names, tell the whole story, and present the evidence,” dagdag ng kongresista.
Ayon kay Abante, hindi sapat na sabihing fabricated ang kanilang affidavit. “Kung may nagdikta, nagturo, nag-pressure o nag-utos sa kanila, pangalanan nila. Kung may ebidensya sila, ilabas nila. The truth cannot depend on which affidavit happens to be the latest one.” (VINA de GUZMAN)