• August 12, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for August 10th, 2026

McNally ng US, pinataob ni Eala sa Canadian Open

Posted on: August 10th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGPATULOY ang pag-angat ni Alex Eala sa international tennis scene matapos niyang makapasok sa Round of 16 ng Canadian Open.

Sa laban kontra kay Caty McNally ng US, ipinakita ni Eala ang kanyang determinasyon at husay sa loob ng court.

Sa unang set, bumawi si Eala mula sa mabagal na simula at nakapagtala ng limang sunod na panalo upang makuha ang set sa iskor na 6-3.

Sa ikalawang set, nagkaroon siya ng pagkakataong tapusin ang laban ngunit nakabawi si McNally at nakuha ang set, 7-5.

Sa gitna ng laban, humingi ng medical timeout si Eala matapos madulas at masaktan ang kanyang kanang bukong-bukong, ngunit ipinagpatuloy niya ang laro nang walang pag-aatubili.

Alas Pilipinas Women, silver medalist sa SEA V Cup matapos ang thrilling win kontra Indonesia

Posted on: August 10th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NASUNGKIT ng Alas Pilipinas Women ang kauna-unahang silver medal ng bansa sa SEA V Cup matapos pataubin ang Indonesia, 25-13, 23-25, 25-19, 33-31, nitong Linggo sa Thailand.

Matapos ang matinding laban na umabot sa marathon fourth set, nakaligtas ang Alas Pilipinas sa walong set points ng Indonesia bago tuluyang selyuhan ang panalo.

Nagtabla pa ang dalawang koponan sa 31-all bago umarangkada ang Pilipinas.

Nanaig ang crucial block nina Fifi Sharma at Jia de Guzman para pigilan ang Indonesia, bago tuluyang magkamali ang kalaban sa drop shot at maibigay sa Pilipinas ang makasaysayang panalo.

Dahil dito, nalagpasan na ng Alas Pilipinas ang anim nitong bronze-medal finishes mula nang itatag ang torneo noong 2019, na noon ay tinawag na ASEAN Grand Prix bago naging SEA V.League at kalaunan ay SEA V Cup.

NAGTAPOS na ang kampanya ng Pinay tennis star na si Alex Eala, kasalukuyang World No. 20, sa Canada Open 2026 matapos siyang talunin ng dating Olympic champion at World No. 12 na si Belinda Bencic ng Switzerland sa straight sets, 6-4, 6-0.

Posted on: August 10th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

Sa unang set, dikit ang laban at nagpalitan ng puntos ang dalawang manlalaro, ngunit kinapos si Eala kaya’t nakuha ni Bencic ang set.

Pagdating sa ikalawang set, tuluyang nakontrol ni Bencic ang momentum ng laro, dahilan para mahirapan si Eala na makapuntos.

Bago pa man ang laban, iniinda na ni Eala ang ankle injury na nakuha sa kanyang huling laro kontra Caty McNally, ngunit itinuloy pa rin niya ang laban.

Sa pagkatalo, nagtapos ang kampanya ng Pinay star sa Round of 16.

Gayunman, mainit pa rin siyang sinuportahan at pinalakpakan ng mga Filipino fans sa kanyang laban sa Canada Open.

Luzon pinadapa ng habagat

Posted on: August 10th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PINADAPA ng Habagat ang ilang bahagi ng Luzon kabilang ang Metro Manila kung saan tatlo katao ang iniulat na nasawi sa lalawigan ng Batangas.

Sa report ni Batangas Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) Chief Fe Fernandez ­nitong Linggo, Agosto 9, kabilang sa mga nasawi ay isang lalaking nakur­yente sa paglalakad sa tubig baha sa Lipa City.

Isa ang nalunod sa Brgy. San Jose Sico, Batangas City at isa naman ang nalibing ng buhay sa landslide sa Brgy. Kalumala, Sta. Teresita ng lalawigan.

Ayon sa opisyal, ang Lipa City ay dumanas ng grabeng pagbaha simula pa nitong Sabado ng gabi. Nasa 15 barangay ang pinaka matinding naapektuhan habang nasa 229 pamilya ang inilikas. Dahil sa matin­ding pagbaha ay nasira ang konkretong pader sa Fernando Air Base ng Philippine Air Force (PAF) sa Lipa City.

Ayon pa sa opisyal, hindi na makayanan ng drainage system sa lungsod ang mataas na tubig baha na rumagasa sa mga kabahayan.

Samantala sa report ng Office of Civil Defense (OCD), 182 lugar sa hilagang Luzon, CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) MIMAROPA (Mindoro, Marinduque, Romblon at Palawan) ang lumubog sa baha.

Ayon kay OCD Deputy Administrator at Assistant Secretary Bernardo Rafaelito Alejando IV, nasa 110,000 pamilya o katumbas na 382,000 indibidwal ang apektado ng kalamidad sa Region I, II, III. V, IX, Cordillera Admi­nistrative Region (CAR) at CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon. Sa nasabing bilang ay nasa 2,200 pamilya o 7,300 ang kinakanlong sa nasa 86 evacuation centers sa mga apektadong lugar.

Ang pitong nasugatan ay mula sa CAR partikular na sa Benguet habang wala namang iniulat na nawawala. Nasa 569 namang mga Local Go­vernment Units (LGUs) ang nag-anunsyo ng suspensiyon ng klase dulot ng masamang lagay ng panahon.

Sa report ng PAGASA, ang habagat ay patuloy na magpapaulan sa Metro Manila, malaking bahagi ng Luzon at Visayas Region. Inaasahandin ang mga pag-ulan sa Ilocos Sur, La Union, Abra, Be­nguet, Zambales, Bataan, at Occidental Mindoro.

 ( DARIS JOSE)

2,424 silid-aralan napinsala ng ulan ni Habagat- DepEd

Posted on: August 10th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MAY kabuuang 2,424 silid-aralan ang napinsala dulot ng malakas na pag-ulan na bitbit ng southwest monsoon o habagat.

Batay sa paunang assessment mula sa Department of Education’s Disaster Risk Reduction and Management Service (DRRMS), ipinapakita na may 403 ng mga silid-aralan ang totally damaged, habang 505 ang nagtamo ng major damage, at 1,516 ang nagtamo ng minor damage.

Sinabi ng DepEd na kasalukuyang bina-validate ng Regional and Schools Division Offices ang data upang madetermina ang priority sites para sa agarang deployment ng emergency cleanup personnel. 

Sa kabilang dako, sinabi ni Education Secretary Sonny Angara na minamadali na ng DepEd at Department of Labor and Employment (DOLE) ang rehabilitasyon ng public schools na napinsala ng malakas na ulan.

Pinasalamatan ni Angara ang DOLE at ang Office of the Executive Secretary para sa pagbibigay ng mahalagang manpower at operational support para sa kahandaan ng mga paaralan at emergency cleanups.

“Ito ang tunay na diwa ng bayanihan—nagbibigay tayo ng pangkabuhayan sa ating mga manggagawa habang tinitiyak na ligtas at handa ang ating mga paaralan,” ang sinabi ni Angara.

Sa ilalim ng TUPAD-Brigada Eskwela initiative, ‘as of July 30, 2026’, pinondohan ng DOLE ang deployment ng 168,517 temporary workers para sa 9,186 public schools sa buong bansa, nagbigay ng P 1.07 bilyon na financial assistance para suportahan ang school opening operations.

Pinuri naman ni Angara ang DOLE para sa commitment nito na magbigay ng emergency labor assistance para tulungan ang habagat-affected schools na kagyat na makabangon.

“Ngayong hinaharap natin ang pinsala ng habagat, muli tayong nagpapasalamat sa DOLE sa kanilang mabilis na pagtugon. Sa tulong ng ating emergency labor augmentation, mas mabilis nating malilinis at maipapaayos ang ating mga silid-aralan upang maiwasan ang anumang abala sa pag-aaral ng ating mga kabataan,” ayon sa Kalihim. (DARIS JOSE)

Sa lahat ng mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan…PBBM, ipinag-utos na manatiling nasa ‘heightened alert’ sa gitna ng Habagat

Posted on: August 10th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

IPINAG-UTOS ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa lahat ng mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno na manatiling nasa ‘heightened alert’ sa gitna ng epekto ng Habagat.

Ito’y bunsod ng pagbaha sa Metro Manila at ilang bahagi ng Luzon dulot ng malakas na ulan, araw ng Linggo.

“The President is closely monitoring the impact of the Habagat, particularly the situation in flood-prone areas and the rising water levels in dams and reservoirs,” ang sinabi ng Malakanyang.

“He has directed concerned agencies to remain on heightened alert, closely coordinate on water releases, and take the necessary preventive measures to protect communities and critical infrastructure,” ayon pa rin sa Malakanyang.

Sa kabilang dako, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ipinag utos naman ng Pangulo sa Department of Health (DoH) na maging maagap sa magiging sakit dulot ng walang tigil na pag-ulan. 

Ang Department of Health aniya ay laging maagap sa sitwasyong ganito. 

Kaya ang paalala ni Castro sa publiko na “basta nadikit o napalusong sa tubig baha, sinasadya man o hindi, agad na hugasan ng malinis na tubig at sabon ang katawan. “

“Kailangan din pong kumonsulta sa pinakamalapit na health center. Ito ay kahit walang nararamdaman o kahit walang sugat, sapagkat hindi agad lumalabas ang sintomas ng Leptospirosis. Maaari ring dumaan ang mikrobyo ng Lepto sa mga talsik ng tubig baha sa mata o bibig,” ayon kay Castro.

“Libre po ang konsultasyon at gamot (Doxycycline) sa lahat ng health centers. Kumonsulta po dahil hindi pwede sa buntis o sa batang 12 years old pababa ang Doxycycline. Mayroon ring mga Dengue Fast Lane sa mga DOH hospitals sa buong bansa,” ang sinabi pa rin ni Castro.

Handa rin ang Department of Health sa mga malilinis na lalagyan ng tubig (jerry cans) at chlorine tablets para siguraduhing ligtas ang iinuming tubig. At kung hindi sigurado sa inuming tubig, pakuluin ito ng dalawang buong minuto simula sa pagkulo.

“Wag na po nating antaying magkalagnat, manilaw ang mata o balat, o mawalan ng ihi dahil sa Lepto. Kumonsulta na agad basta napalusong, kahit walang sugat o nararamdaman,” ang winika ni Castro. 

(DARIS JOSE)

55% ng mga Pinoy ang mas gusto na nakabatay sa ebidensiya bago pa maglabas ng hatol sa impeachment trial laban kay VP Sara- OCTA Research

Posted on: August 10th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

TINATAYANG 55% ng mga Pinoy ang mas gusto na nakabatay sa batas at ebidensya ang magiging hatol ng mga senador sa impeachment case ni Vice President Sara Duterte bago pa magpasya ng mga senador bilang mga hukom ng impeachment trial, ayon sa pinakabagong non-commissioned survey mula sa OCTA Research.

Acquittal o conviction lang ang maaring pagpipilian na pasya ng mga senador bilang mga hukom ng impeachment trial.

Samantala, makikita sa July 2026 Tugon ng Masa (TNM) nationwide survey na ang “acquittal sentiment is concentrated in Mindanao and conviction leanings are strongest among the youngest and older-middle-aged Filipinos.”

“First, a clear majority of Filipinos say it is still too early to decide and that they need to see the evidence presented during the trial,” ang makikita pa rin sa survey.

Sinasabing 55% ang nasa posisyon na ito habang 21% naman ang mas gusto na ipawalang-sala ng mga Senate-judges si VP Sara at linisin ang pangalan ng Bise-Presidente mula sa mga kaso laban sa kanya, mayroon namang 17% ang pabor na hatulan siya at alisin mula sa tanggapan habang 7% naman ang walang opinyon o nananatiling undecided.

“The results suggest that there is currently no significant public mandate for either conviction or acquittal,” ayon sa OCTA Research.

“The results also suggest that most Filipinos are withholding judgment and place importance on the presentation and evaluation of evidence before a final decision is reached. Second, the preference to see the evidence first is broadly shared across geographic and demographic groups. This position leads in all four major geographic areas and across socioeconomic classes,” ang sinabi pa rin ng OCTA Research, idagdag pa na ang nangingibabaw na pananaw ay dapat ang hatol ay nakabase sa ebidensiya na ipinresinta o iniharap sa panahon ng paglilitis.

Ang isinagawang pag-aaral ng OCTA Research ay bahagi ng July 2026 Tugon ng Masa (TNM) nationwide survey nito kung saan isinasagawa ang fieldwork mula July 4 hanggang 11, 2026, gamit ang face-to-face interviews sa 1,200 respondents na may edad na 18 at pataas , lalaki at babae.

Ang survey ay mayroong margin of error na ±3% na may 95% confidence level nationwide, at ±6% para sa NCR, Balance Luzon, Visayas, at Mindanao na may subnasyonal na mga pagtatantya, na may 95% confidence level.

Ang mga respondents para sa survey ay 1,200 registered voters (walang intensyon na bumoto kabilang na iyong mga undecided) nakapanayam sa pamamagitan ng face-to-face ukol sa kasalukuyang political, social, economic issues at maging sa personal at household information.

Ang evidence-first position leads sa NCR (56%), Balance Luzon (58%), Visayas (53%), at Mindanao (48%).

Nakapagtala naman ang Mindanao ng pinakamataas na ‘preference for acquittal’ na may 41%, habang nakapagtala na ang Balance Luzon ng pinakamataas na ‘support for conviction’ na may 22%.

Sa socioeconomic class, ang kaparehong posisyon ang nanguna sa hanay ng Class ABC (64%), Class D (54%), at Class E (50%). Ang Class E ay medyo mas malamang na paboran ang acquittal o pagpapawalang-sala na may 30%. ( DARIS JOSE)

Dahil sa patuloy na pag-ulan sanhi ng Southwest Monsoon ngayong Agosto 10 : WFH sa gov’t offices at alternative learning modes sa lahat ng levels sa public at private schools

Posted on: August 10th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGPATUPAD ang Malakanyang ng Work-from-Home (WFH) arrangement sa government offices at alternative learning modes sa lahat ng antas ng mga eskwelahan ngayong araw ng Lunes, Agosto 10, bunsod ng inaasahang patuloy na pagbuhos ng malakas na ulan sanhi ng Southwest Monsoon at rekomendasyon na rin ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Base sa Memorandum Circular No. 123, na ipinalabas ng Malakanyang, nilagdaan ni Acting Executive Secretary Ralph Recto sa pahintulot na rin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., nakasaad dito ang mga sumusunod na lugar na kasama sa WFH arrangement sa government offices at alternative learning modes gaya ng National Capital Region (NCR), Abra, Ilocos Sur, La Union, Benguet, Pangasinan, ZambalesTarlac, Pampanga, Bataan, Bulacan, Rizal, Cavite, Batangas, Occidental Mindoro at Oriental Mindoro.

Samantala, hindi kasama sa WFH arrangement ang mga ahensyang may kinalaman sa paghahatid ng basic at health services, kahandaan at pag-responde sa mga sakuna at kalamidad.

Ang suspensyon sa trabaho at adopsyon ng alternative work arrangements para sa mga pribadong kumpanya at tanggapan ay ipinauubaya na ng Malakanyang sa diskresyon ng kani-kanilang pinuno.

Pinapayuhan ang lahat na mag-ingat. 

(DARIS JOSE)

JAPANESE FUGITIVE, INARESTO SA BI INTRAMUROS

Posted on: August 10th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

INARESTO ng Bureau of Immigration (BI) ang isang 38-anyos na Japanese national na pinaghahanap ng mga awtoridad sa Japan.

Kinilala ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado ang suspek na si Koizumi Haruki, na inaresto sa loob ng punong tanggapan ng BI sa Intramuros Maynila habang nagpo-proseso ng kanyang visa extension. 

Ayon sa mga awtoridad ng Japan, si Koizumi ay may nakabinbin na warrant of arrest sa kanya dahil sa paglabag sa Law on the Prevention of Transfer of Criminal Proceeds ng Japan. Kinumpirma rin ng talaan ng BI na siya ay naka-blacklist dahil sa pagiging undesirable foreign national.

Matapos arestuhin ng BI Fugitive Search Unit (FSU), dinala si Koizumi sa BI holding facility, kung saan siya mananatili habang isinasailalim sa deportation proceedings.

“Muling napatunayan ng pagiging mapagmatyag ng ating mga frontline personnel ang kanilang mahalagang papel sa pagprotekta sa ating bansa laban sa mga dayuhang pugante. Ipinakita rin ng pag-arestong ito ang mahusay na koordinasyon ng ating mga yunit at ng ating matatag na pakikipagtulungan sa mga dayuhang law enforcement agencies,” ayon kay Commissioner Viado. (Gene Adsuara)

Giit ng mambabatas…VP Sara, tunay na may pananagutan sa P612.5 million confidential funds ng OVP at DepEd

Posted on: August 10th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

SI Vice President Sara Duterte ang may pananagutan sa P612.5 million confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at bilang naging Kalihim ng Department of Education (DepEd), ayon kay Kabataan Party-list Rep. Renee Louise Co, tagapagsalita ng House prosecution.

Iginiit ni Co na ang mga special disbursing officers (SDOs) na nangangalaga at namamahagi ng pondo ay ginagampanan lamang ang kanilang tungkulin sa ilalim ng awtoridad ng Duterte.

Ipinaliwanag ni Co ang “command responsibility” ni Duterte sa kilos ng kanyang mga subordinate.

“Pag may pagkakamali ho anuman sa isang document, ‘yung isang inferior government official, meron pa ring responsibility ang supervisor, ang superior officer,” sabi ni Co.

 “Hindi natin pwedeng masabi that the buck stops at just the special disbursing officer. Meron at meron pong responsibility ‘yung higher commanding officer,” dagdag ng kongresista.

Tinukoy naman ni Robert Ace Barbers, adviser at tagapagsalita ng House impeachment team, na sina dating OVP SDO Gina Acosta and dating DepEd SDO Edward Fajarda ay ginampanan lamang ang kanilang tungkulin sa utos ni Duterte.

 “Yes, the head of the agency appoints the SDOs, ito si Fajarda and si Acosta. But to me, they are just mere pawns,” sinabi ni Barbers. 

“Sila lang ‘yung magdi-disburse, at sila ‘yung may authority given by the head of the agency to disburse these funds and make sure that the funds are properly used and properly spent on items that are allowable under the Joint Circular,” dagdag ng dating kongresista.

Pinaliwanag ni Barbers na ang responsibilidad ng mga SDOs ay hindi maiaalis ang pananagutan ng hepe ng ahensiya sa usapin ng confidential funds.

“Kasi nga, siya ang pumipirma sa physical and financial plans, siya ang pumipirma sa liquidation, siya ang pumipirma sa mga iba pang certification,” sabi ni Barbers.

Ayon kay Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr., legal spokesperson at counsel ng House prosecutors, naging parehas ang posisyon ng prosecution team sa testimonya ni COA auditor Roderick Wamil sa Senate impeachment court.

“His (Wamil) position is, liability’s not on the special disbursement officer alone. In fact, higher responsibility and accountability is placed on the head of agency,” sabi ni Tolosa.

Sa kanyang testimonya, binanggit ni Wamil ang Section 102 ng Government Auditing Code, kung saan ang head of the agency ay “directly and primarily responsible for all funds and properties pertaining to his or her office.”

Idinagdag ni Wamil ang Joint Circular No. 2015-01, kung saan nakalagay na mayroon direktang pananagutan ang hepe ng ahensiya sa paggamit ng confidential funds.

“At makikita rin natin dun sa mga napakadaming certifications and different liquidation reports, documents na pinirmahan ng Bise Presidente, nakalagay doon she is accountable for the use of those confidential funds,” sabi ni Tolosa. 

(VINA de GUZMAN)