• August 12, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for August 8th, 2026

“Maleta boys,” ginamit lang sa smear campaign vs. top officials, House prosecutors

Posted on: August 8th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

INIHAYAG ni House Prosecution Panel adviser at spokesperson Ace Barbers na ang desisyon ng apat na dating marines o kilala bilang “maleta boys” na bawiin ang dati nilang alegasyon kaugnay sa multi-bilyong pisong flood control project kickbacks ay nagpapakita na nagamit lamang ang mga ito. Sa pagtatangka na idiskredito ang ilang matataas na government officials at miyembro ng House prosecution panel na humahawak sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Barbers, ang pagbawi ay posibleng dahil sa konsensiya at kabiguan sa bahagi ng nag-recruit sa kanila na mapunan ang umano’y pangako ng seguridad at kaukulang financial rewards.

“Their recantations clearly show that someone prepared a script and used them to spread false allegations against senior government officials and members of the House prosecution panel,” pahayag nito.

Nang taungin kung napalakas ng naturang pagbawi ang kredibilidad ng prosekusyon, sinabi ni Barbers na “Oo, pinapalakas nito ang kredibilidad ng prosekusyon. Ang pagbawi ay nagpapakita na may nagdikta at nag-udyok sa kanila na mag-sinungaling, at ito ay isang sadyang pag-atake para siraan ang impeachment process.”

“Malamang konsensya at napakong pangako ang dahilan ng pagbawi nila,” dagdag ni Barbers.

Sa bagong ginawang notarized affidavits, opisyal na binawi ng apat na dating marines ang lahat ng kanilang statements na nagsasangkot kina President Ferdinand Marcos Jr., dating Speaker Martin Romualdez, dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co, at iba pang personalidad sa alegasyon ng bribery at cash deliveries.

(VINA de GUZMAN)

Sa kontrobersiyal na flood control projects…Dating Speaker Romualdez, itinangging siya ang nasa likod ng pagbawi ng apat na dating marines

Posted on: August 8th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

HINDI totoo. Ito ang binigyan-diin ni dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa akusasyon ng Ombudsman na siya ang nasa likod ng pagbawi ng apat na dating marines kaugnay sa kontrobersiyal na flood control projects.

“This shows how extremely prejudiced he is against me,” pahayag pa ni Romualdez.

Sinabi ng Leyte solon na ang ginaang pagbawi ng apat na dating marines na nagpapatunay na ang lahat ng akusasyon laban sa kanya ay hindi totoo at gawa-gawa lamang.

Aniya, hindi siya matatakot na harapin ang akusasyon laban sa kanya.

“I will not be intimidated. I will face every accusation against me, defend myself with the facts, the evidence, and the truth.” pagtatapos nito. (VINA de GUZMAN)

2 aktibong pulis, tiklo sa iligal na pagbebenta ng baril sa Caloocan

Posted on: August 8th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

ARESTADO ang dalawang aktibong pulis sa ikinasang buy-bust operation ng kanilang mga kabaro dahil sa pagbebenta umano ng iligal na armas sa Caloocan City, Huwebes ng umaga.

Kinilala ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili ang mga pulis na sina alyas “Onin” na may ranggong Staff Sergeant, 32, nakatalaga sa Caloocan Police Sub-Station 2 at alyas “JayAr” na may ranggong Master Sergeant, 39, ng Caloocan Police Sub-Station 9.

Sa nakarating na ulat kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/MGen. Anthony Aberin, nagkasa ng buy-bust operation ang mga tauhan ni Caloocan Police Chief P/Col. Joey Goforth sa pangunguna ni P/Lt. Col. Rengie Deimos matapos ang ilang araw na surveillance at monitoring operation laban sa dalawa kasunod ng natanggap na impormasyon hinggil sa umano’y ilegal na gawain ng mga ito.

Isang sibilyan ang ginamit na poseur-buyer ng pulisya na nagbayad ng P2,500 marked money sa mga suspek kapalit ng hindi lisensiyadong kalibre .38 revolver na kargado ng dalawang bala na dahilan ng kanilang pagkakaaresto dakong alas-5:30 ng umaga sa Riles Compound, Brgy., 5.

Nakumpiska rin sa dalawa ang kanilang service firearm na kalibre .9mm pistol na ang isa ay kargado ng 10 bala sa magazine at 15 bala naman sa isa pa, isang 12-gauge shotgun na may apat na bala, dalawang mobile phone, dalawang motorsiklong gamit nila sa ilegal na operasyon at ang ginamit na marked money.

Maliban sa kasong administratibo, mahaharap din ang dalawa sa kasong paglabag sa Illegal Sale and Illegal Possession of Firearms at Possession/Sale of High-Powered Firearms sa ilalim ng R.A. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act sa Caloocan City Prosecutor’s Office. (Richard Mesa)

P171K droga, nasabat sa HVI drug suspect sa Caloocan

Posted on: August 8th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

SA kulungan ang bagsak ng isang umano’y tulak ng droga na itinuturing bilang High-Value Individual (HVI) matapos maaresto sa buy bust operation at makuhanan ng mahigit P171K halaga ng shabu sa Caloocan City.

Kinilala ni Caloocan Police Chief P/Col. Joey Goforth ang naarestong suspek bilang si alyas “Boss M”, 21, na mahaharap sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 sa ilalim ng Article II ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Benliner Capili, sinabi ni Col. Goforth na ikinasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Lt. Restie Mables ang buy bust operation laban sa suspek kasunod ng natanggap na impormasyon hinggil sa pagbebenta umano nito ng illegal na droga.

Isang pulis na nagpanggap na buyer ang nagawang makipagtransaksyon kay alyas Boss M, at nang tanggapin nito ang marked money mula sa pulis kapalit ng isang plastic sachet ng marijuana kush ay agad siyang dinamba ng mga operatiba dakong alas-11:25 ng umaga sa Brgy., 180.      

Nakumpiska sa kanya ang hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana at marijuana kush na nagkakahalaga ng P96,389 at nasa 11 grams ng suspected shabu na nagkakahalaga ng P74,800 na aabot lahat sa kabuuang halaga na P171, 189.06, at buy bust money. (Richard Mesa)

PINAGHIHINALAANG BAHAGI NG ROCKET NA NATAGPUAN SA BAYBAYIN NG CAGAYAN, INAALAM PA

Posted on: August 8th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

INAALAM pa ng Philippine Coast Guard (PCG) kung ang natagpuan sa baybayin ng Barangay Babuyan Claro Calayan Cagayan nitong August 6, 2026 ay isang bahagi ng rocket.

Ayon sa Philippine Coast Guard bandang 12:30 tanghali nang nakatanggap sila ng ulat mula sa isang residente na may natagpuang bagay sa baybayin ng Sitio Naydi ay pinaniniwalaang bahagi ng isang rocket. Pansamantalang iningatan ito ng residente bago ito narekober ng mga tauhan ng Philippine Navy CAFGU.

Sinabi naman ni PCG Spokesperson Commodore Noemie Cayabyab na sa isinagawang inspeksyon ng Coast Guard ay walang nakitang anumang marka o palatandaan na nagpapatunay na ang naturang bagay ay bahagi nga ng rocket.

Inilipat ang nasabing bagay sa isang ligtas na lugar habang hinihintay ang pagsusuri ng mga awtoridad.,

Nagpaalala rin siya sa mga mangingisda at mga residente sa baybayin na huwag hawakan o pulutin ang anumang hindi kilalang bagay na napapadpad sa dagat at agad itong iulat sa pinakamalapit na lokal na awtoridad.

Patuloy na nakikipag-ugnayan ang PCG sa iba pang ahensya ng pamahalaan upang matukoy ang pinagmulan at katangian ng naturang bagay, bilang bahagi ng pagpapanatili ng kaligtasan sa karagatan. (Gene Adsuara)

KILALANG MALL, SINALAKY NG BI, 6 NA DAYUHAN, INARESTO

Posted on: August 8th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAARESTO ng Bureau of Immigration (BI) ang anim na dayuhang natuklasan na umano’y nagtatrabaho nang illegal sa isang kilalang mall sa Binondo, Maynila.

Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, isinagawa ang operasyon sa isang kilalang mall sa Binondo, kung saan nagtatrabaho ang mga ito na walang pahintulot.

Ang mga inaresto ay natuklasang nagbebenta ng mga kalakal, na isang paglabag sa Retail Trade Act.

Bineberipika rin ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan at citizenship ng dalawa sa kanila na nagsabing sila ay mga Pilipino.

Isinagawa ang pagsusuri sa nabanggit na mall matapos makatanggap ng ulat ang BI na may mga dayuhan na nagtatrabaho ng walang kinakailangang pahintulot.

Ayon sa BI, isasampa ang kasong paglabag sa Philippine Immigration Act of 1940 (na binago) laban sa mga dayuhang naaresto.

Binigyang-diin ni Viado na patuloy na palalakasin ng BI ang pagsusuri sa mga dayuhang inaabuso ang karapatang manatili sa bansa sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga gawaing hindi pinahihintulutan ng kanilang visa.

“Our immigration laws must be enforce fairly and firmly. Foreign nationals who violate the conditions of their stay, particularly thise engaged in anautorized business activites will face the full force of law” ayon kay Viado. (Gene Adsuara)

3 huli sa aktong bumabatak ng droga sa Valenzuela

Posted on: August 8th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

BINITBIT sa selda ang tatlong hinihinalang drug personalities matapos mahuli sa aktong sumisinghot umano ng droga sa magkahiwalay na lugar sa Valenzuela City.

Batay sa ulat, nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ng Valenzuela Police Sub-Station 3 mula sa isang concerned citizen na may nagaganap umanong illegal drug illegal drug activities sa isang abandonadong bahay sa kanto ng Israel at Engracion Sts., Brgy., Marulas.

Kaagad namang rumesponde sa lugar ang mga tauhan ng SS3 at naaktuhan ng mga ito ang dalawang lalaki na abala umano sa pagsinghot ng shabu sa loob ng nasabing bahay dakong alas-3:00 ng Huwebes ng hapon.

Nakumpiska sa dalawang naaresto na sina alyas “Michael” at alyas “Toper” ang isang nakabukas na plastic sachet na may bahid ng umano’y shabu at ilang drug paraphernalias.

Nauna rito, alas-7:05 ng Miyerkules ng gabi nang mahuli din sa akto ng mga operatiba ng Police Sub-Station 6 si alyas “Erwin”, 44, na bumabatak din umano ng shabu sa loob ng kanyang bahay sa Esteban St., Brgy. Dalandanan. Nakuha sa kanya ang isang nakabukas na plastic sachet na may bahid ng hinihinalang shabu at drug paraphernalias.

Pinasalamatan naman ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento ang publiko na nagbibigay ng impormasyon hinggil sa mga illegal na aktibidad parasa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa lungsod. (Richard Mesa)

MGA LUMABAG NA ACCREDITED MOTORCYCLE AT CAR DEALERS, PINANAGOT NG LTO

Posted on: August 8th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

INANUNSYO ni LTO Chief, Assistant Secretary Markus V. Lacanilao ang pinaigting na kampanya ng Land Transportation Office (LTO) laban sa mga paglabag sa proseso ng initial registration ng mga bagong sasakyan, sa ginanap na “Kwentuhan with the LTO Chief” ang pagsisimula ng pagpapatupad ng mga kaukulang parusa laban sa mga accredited motorcycle at car dealers na napatunayang hindi tumupad sa itinakdang proseso ng initial registration.

Ang hakbang ay kasunod ng mga isinagawang pagdinig sa mga Show Cause Order (SCO) na naunang inilabas ng LTO laban sa mga accredited motorcycle at car dealers na naharap sa mga reklamong may kaugnayan sa hindi pagsunod sa itinakdang panahon ng pagpo-proseso at paglalabas ng Official Receipt (OR), Certificate of Registration (CR), at plaka.

Batay sa mga inilabas na resolusyon, 37 dealers ang pinatawan ng multa, 39 naman ang pinatawan ng ₱500,000 multa at anim (6) na buwang suspensyon sa kanilang accreditation, habang 12 ang kinansela ang accreditation at isinailalim sa isang taong blacklisting dahil sa napatunayang paglabag sa mga umiiral na batas at regulasyon ng LTO.

“Hindi nagtatapos sa pag-iisyu ng SCO ang aksyon ng LTO sa pagpapanagot sa mga accredited dealer na hindi tumutupad sa kanilang mga obligasyon. Hindi namin hahayaan na ang kanilang kapabayaan ay patuloy na magdulot ng abala at paghihirap sa ating mga motorista. Ang mga dealer na patuloy na hindi susunod sa mga patakaran ng LTO ay haharap sa mas mabibigat na parusa, kabilang ang pagpapatigil ng kanilang operasyon,” pahayag ni Asec. Lacanilao

Binigyang-diin ng LTO na magpapatuloy ang mahigpit na pagpapatupad ng mga umiiral na regulasyon upang matiyak ang maagap na pagproseso ng initial registration ng mga bagong sasakyan at mapanagot ang mga accredited dealer na hindi tumutupad sa kanilang mga obligasyon. Hinihikayat din ng ahensya ang publiko na magsumite ng mga reklamo laban sa mga accredited dealer na lumalabag sa mga umiiral na regulasyon sa pamamagitan ng opisyal na Facebook page na Ireport mo kay LTO Chief o sa website na https://ireportmokayltochief.ph/ upang agad na maisagawa ang kaukulang aksyon at matiyak ang mabilis, maayos, at tapat na paghahatid ng serbisyo sa publiko.

 (PAUL JOHN REYES)

MMDA gagamit ng NCAP camera vs basura

Posted on: August 8th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

GAGAMIT na ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng mga CCTV camera na katulad ng ginagamit sa No Contact Apprehension Policy (NCAP) upang matukoy at mahuli ang mga nagtatapon ng basura kung saan-saan.

Ayon kay MMDA General Manager Nicolas Torre III, mayroon nang 32 camera na inilalagay sa mga estero na natukoy na madalas gawing tapunan ng basura. Dahil dito, ilan umano sa mga residente ang tumigil na sa maling pagtatapon matapos malaman na mino-mo­nitor ang kanilang lugar.

Sinabi ng MMDA, nakalikom sila ng walong cubic meters ng basura sa Vitas Pumping Station noong Miyerkules at ka­ragdagang apat na cubic meters noong Huwebes.

Ipinaliwanag ni Vitas Pumping Station Plant Manager Jude Erick Paz na ang mga basurang itinatapon sa kalsada ay napupunta sa mga inlet at pangunahing drainage tulad ng Estero de Vitas. Naiipon ang basura sa mga screen ng pumping station at bumabara rito, kaya napipilitang ihinto pansamantala ang operasyon upang linisin ang mga ito.

May mahigit 70 pum­ping station ang MMDA sa Metro Manila para makatulong sa pagbawas ng baha, ngunit ayon sa ahensiya, nakahahadlang ang maling pagtatapon ng basura sa mabilis na pagdaloy at paglabas ng tubig patungo sa dagat. Pinag-aaralan na rin ang mas mabibigat na parusa laban sa mga mapapatuna­yang nagtatapon ng ba­sura nang iresponsabl­e.