MMDA gagamit ng NCAP camera vs basura
- Published on August 8, 2026
- by Francis Paolo Torres
GAGAMIT na ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng mga CCTV camera na katulad ng ginagamit sa No Contact Apprehension Policy (NCAP) upang matukoy at mahuli ang mga nagtatapon ng basura kung saan-saan.
Ayon kay MMDA General Manager Nicolas Torre III, mayroon nang 32 camera na inilalagay sa mga estero na natukoy na madalas gawing tapunan ng basura. Dahil dito, ilan umano sa mga residente ang tumigil na sa maling pagtatapon matapos malaman na mino-monitor ang kanilang lugar.
Sinabi ng MMDA, nakalikom sila ng walong cubic meters ng basura sa Vitas Pumping Station noong Miyerkules at karagdagang apat na cubic meters noong Huwebes.
Ipinaliwanag ni Vitas Pumping Station Plant Manager Jude Erick Paz na ang mga basurang itinatapon sa kalsada ay napupunta sa mga inlet at pangunahing drainage tulad ng Estero de Vitas. Naiipon ang basura sa mga screen ng pumping station at bumabara rito, kaya napipilitang ihinto pansamantala ang operasyon upang linisin ang mga ito.
May mahigit 70 pumping station ang MMDA sa Metro Manila para makatulong sa pagbawas ng baha, ngunit ayon sa ahensiya, nakahahadlang ang maling pagtatapon ng basura sa mabilis na pagdaloy at paglabas ng tubig patungo sa dagat. Pinag-aaralan na rin ang mas mabibigat na parusa laban sa mga mapapatunayang nagtatapon ng basura nang iresponsable.