• July 16, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for June 27th, 2026

Subic-Clark-Manila Batangas (SCMB) Railway tinutulak ng US

Posted on: June 27th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

 TINUTULAK ng United States na magkaroon na ng feasibility study ang proposal para sa pagtatayo ng Subic-Clark-Manila-Batangas (SCMB) Railway kung kaya’t naghahanap ng mga railway experts na siyang mamamahala sa gagawing proyekto.

 Ayon sa US Trade and Development Agency (USTDA) sa isang pahayag na ginawa na sila ay naghahanap ng US contractor na siyang magiging watchdog sa mga deliverables na gagawa ng feasibility study.

 “We are seeking a US contractor to act as a watchdog over deliverables submitted by the contractor working on the feasibility study,” wika ng USTDA.

Ibinigay ng USTDA ang technical assistance na kontrata sa isang Virginia-based na consultancy, ang Cadmus Group, noong nakaraang June 2025 na binigyan naman ng pondo na nagkakahalaga ng $3.8 milyon para sa nasabing FS.

 Sa ilalim ng nasabing kontrata, ang Cadmus ay siyang mamahala sa preparatory studies kasama ang development ng isang railway transport model, port-rail integration. Kasama rin ang environmental impact assessment at regulatory, legal analysis.

 Ayon kay Department of Transportation (DOTr) undersecretary John Batan na ang pag-aaral ay tuloy-tuloy at inaasahang matatapos ang FS sa susunod na taon.

 “Based on the project notice, the company that will oversee the development of the study will review and assess each milestone deliverable submitted by Cadmus to us. The contract opens from initial information gathering to the final report and stakeholder presentation. The assessment should consider all relevant aspects of the scope of work and should give the professional opinion of the contractor as to whether the work presented in the deliverable is sufficient and acceptable for payment,” wika ng USTDA.

 Dapat rin ang nasabing contractor ay makikipag-ugnayan sa mga co-funders ng nasabing FS tulad ng Manila-based Asian Development Bank (ADB) at Swedfund, na isang development finance arm mula sa Sweden.

 Ang ADB ay nag commit ng $8 milyon para gamitin sa FS ng SCMB railway habang ang Swedfund ay magbibigay ng pondong P74 milyon.

Dagdag ni Batan na ang bansang United States ay may buong suporta sa proyekto ng SCMB railway upang makapanghikayat ito ng mga investors sa gagawing Luzon Economic Corridor (LEC).

 Ang 250-kilometrong SCMB ay siyang magiging pangunahing logistics backbone ng LEC na naglalayon na makakatulong upang magkaroon ng mas mabilis at maayos na daloy ng mga kalakal sa buong key economic hubs sa Luzon. LASACMAR

PULISYA SA DAVAO, NAMAHAGI NG HELMET SA MGA RIDER BILANG HAKBANG SA PAGLILIGTAS NG BUHAY

Posted on: June 27th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

BILANG bahagi ng kampanyang “Feel Safe, Feel Good,” personal na pinangunahan ng mga tauhan ng Regional Highway Patrol Unit 11 (RHPU 11) ang pamamahagi ng mga motorcycle helmet sa mga rider sa Davao Region. Layunin ng programa na hikayatin ang mas ligtas na pagmamaneho at mabawasan ang panganib ng malubhang pinsala sa mga aksidente sa kalsada.

Sa halip na puro pagpapatupad lamang ng batas, ipinakita ng mga pulis ang mas malawak na kahulugan ng kanilang tungkulin—ang pagprotekta sa buhay bago pa man mangyari ang anumang trahedya. Ang simpleng pamamahagi ng helmet ay naging simbolo ng malasakit at pagnanais na makauwi nang ligtas ang bawat motorista sa kanilang pamilya.

Pinuri ni Chief PNP, Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., ang inisyatibang ito at ang mga pulis na patuloy na naghahanap ng mga paraan upang maging mas malapit at mas kapaki-pakinabang sa komunidad.

“Ang tunay na sukatan ng ating serbisyo ay hindi lamang kung ilang batas ang naipatupad kundi kung ilang buhay ang ating natulungan at naprotektahan. Ang isang helmet na naipamigay ngayon ay maaaring maging dahilan upang may isang ama, ina, o anak na makauwi nang ligtas bukas,” ani PGen Nartatez.

Dagdag pa niya, “Mahalagang makita ng publiko na ang pulis ay hindi lamang tagapagpatupad ng batas kundi katuwang din sa pangangalaga ng buhay at kapakanan ng bawat mamamayan. Sa maliliit na paraan, maipapakita natin ang malaking malasakit.”

Patuloy na hinihikayat ng PNP ang lahat ng motorista na gawing bahagi ng kanilang araw-araw na paglalakbay ang pagsusuot ng tamang protective gear at pagsunod sa mga batas-trapiko. Sa bawat ligtas na biyahe, isang buhay ang napapangalagaan at isang pamilya ang naiiwasan sa pangamba.

Ang ganitong mga inisyatiba ay patunay na ang kapulisan ay patuloy na nagsusulong ng Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman, kung saan ang malasakit sa mamamayan ay hindi lamang ipinapangako kundi aktuwal na isinasabuhay. (PAUL JOHN REYES)

Walang nadamay na Pinoy sa Venezuela quake – DFA

Posted on: June 27th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

TINIYAK ng embahada ng Pilipinas na walang nadamay na Pinoy sa Venezuela matapos magkasunod na tumama ang 7.5 at 7.2 magnitude na lindol doon.

“As of this writing, no reports of injuries or casualties have been received from Filipino nationals in Venezuela,” anang DFA.

Base sa pinakahuling ulat, 32 katao na ang nasawi habang 700 iba pa ang nasugatan.

Nagpaabot na rin ng taos pusong pakikiramay si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga naulilang pamilya dahil sa nasabing lindol.

Ayon sa Pangulo, nakalulungkot ang naturang insidente. Sa ngalan aniya ng mga Filipino, nakikisimpatya ang Pilipinas sa Venezuela.

Nabatid kay Analyn Ratonel, spokesperson ng DFA, tinatayang mayroong 74 na Pilipino sa Venezuela, na marami sa kanila ay mga religious missionaries.

Sinabi rin ng DFA na nakikipag-ugnayan ang Embahada sa mga Pilipinong naninirahan sa kabisera ng Venezuela na Caracas at sa lungsod ng Barinas upang alamin ang kanilang kalagayan.

Pinayuhan ng DFA ang mga Pilipino na mana­tiling ligtas sa kanilang mga tahanan at subaybayan ang mga lokal na balita at mga abiso ng gobyerno para sa mga update sa sitwasyon.