• July 16, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for June 27th, 2026

Hanggang 10th date daw sabi ni Kris… BIMBY at RYZZA MAE, nag-date sa kasama ang mga nanay (ni: ROHN ROMULO) 

Posted on: June 27th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAG-VIRAL talaga sa social media ang photos nina Bimby Aquino at Ryzza Mae Dizon na kuha sa isang restaurant sa isang mall.

Kaya kilig na kilig ang mga dabarkads dahil mula sa hosting nila sa ‘Eat Bulaga’ ay nakapag-date sila. 

Kasama nina Bimby at Ryzza ang kanilang mga mama pati na rin ang isa pang anak-anakan ni Kris Aquino na si Miles Ocampo at si Jenny Ferre.

Marami ang natuwa dahil sa patuloy ang paglakas ng Queen of All Media, mula sa pagdalaw sa noontime show dahil sumama  nga ito hanggang dinner.

Bongga rin si Kris dahil naghahanap siya ng pagkain na parehas na gusto nina Ryzza at Bimby.

“She doesn’t eat burgers, and she doesn’t like pizza. Eh si Bimb mabubuhay sa burgers at pizza. So kailangan maghanap tayo ng food na pareho niyong gusto,” pahayag ni Kris at napansin nito na gusto pala ni Ryzza ang steak.

Say pa ni Kris na magtanong sina Bimby at Ryzza sa isa’t-isa.

Hirit naman ni Bimb, “First date, kasama ang mga nanay! Hahahaha!”

“Ganun talaga, up to the 10th date, kasama ang mga nanay!” sagot naman ng kanyang mommy. 

Tanong naman si Bimby kay Ryzza, “Hindi ka ever nagka-boyfriend?”

Hindi naman ang sagot ni Ryzza, at tinanong naman nito si Bimby kung nasubukan nang manligaw.

Oo raw, pero parang hindi naman ligaw, dahil kinaibigan lang daw niya. 

Tinanong naman ni Miles si Kris kung pinakaboto ba ito kay Ryzza.

“Gusto kasi ni Bimb maasikaso, at `yung maalaga, kasi daw ‘yun ang personality niya, na siya maalaga. 

“Super naman ‘yung ginawa niyang pag-alaga sa akin. Gusto daw sana niya na ma-return `yon sa kanya,” sagot ni Kris.

Kaaliw din ang pagbibiro ni Kris kay Ryzza ng ‘manugang’ at bagay din ang Ryzza Mae Cojuangco-Aquino! 

Well, mukhang may aabangan ang netizens sa loveteam nina Bimby at Ryzza Mae. 

Hinihintay pa rin ang pahayag ni Christopher…MATET, sinagot uli ang bashers at may mensahe kay IAN (ni: REY PINEDA)  

Posted on: June 27th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

SINAGOT ni Matet de Leon ang mga bashers na nagkokomento ng negatibo tungkol sa kanyang mga post.

“Maraming nangyari sa amin na hindi ko na nire-reveal sa inyo dahil hindi naman kayo kasali. ‘Pag nalaman ninyo, baka maloka kayo!” sagot nito sa isang basher.

Prangka. Walang kagatul-gatol magbigay ng pahayag itong si Matet, lalo na kung alam niyang nasa tama siya. 

May paninindigan.

Malayo si Matet sa ate niyang si Lotlot de Leon.

Tahimik lamang ito. Malumanay. May kasaibhan nga na, “she can be meek as a lamb but can always roar like a lion”.

Pinatunayan ito ni Lotlot ng matanong siya tungkol sa mga pahayag ni Ian de Leon sa isang panayam dito sa Fast Talk With Boy Abunda.

Dito talagang naglabas na siya ng sama ng loob.

     Di na nakapagpigil pa.

     Umalma nang husto si Matet sa mga bashers niya. Nag-post ito…

     “Naging maingat ako sa pagsagot. Yung mga piagsasabi ni ian, TRUTH niya yun. Noong nagpa-interview siya at nagsabing siya ang sole heir ng paulit-ulit, umikot ang mga puwet ninyo. Nag-ssume na nang-aagaw kami. Mga ‘to naman o. Yung amin, ayoko na sana ilabas. Never kayong nakarinig o nakapanood na nagover-share ako, ha”.

     Sinagot din nito ang mga kritikong nagsasabing wala siyang utang na loob.

     “Nakatingin ang nanay ko habang nagsusulat ako ngayon Alam niyang sobrang grateful ko at naalagaan ko siya ng higit sa makakaya ko. 

     “Kaya guys, tama na yan. ‘Wag niyo na inisin sarili ninyo ha? Hindi naman kayo kasali eh.”

     Bukod sa pagsagot sa mga bashers nag-iwan din ng mensahe si matet para sa kapatid na si Ian…

     “Sana sinabi mo rin sa tao ‘yung mga nagawa mong mali. Na hindi totoong nangkakamkam kami. Na ‘yung zoom meeting (tutal nabanggit mo na) eh para sa play na ffeling ko mali at hindi enterprise o foundation? Sana hindi mo nae-enjoy ito. 

     “Sa tingin mo ba deserve namin ‘to? Na wina-walanghiya kami ng tao kahit alam mo kung sino at anong klaseng tao kami? Mukha kaming kupal kahit alam mong hindi. ‘Di kayo sumasagot sa chat eh. Dito na lang.”

     Sa kasalukuyang kontrobersyang nangyayari sa pamilya nina Matet, sino nga kaya ang nagsasabi ng totoo?

     Isa siguro sa mga puwedeng magpatotoo kung sino ang tama at mali ay walang iba kundi si Christopher de Leon.

     Si Boyet ang itinuturing na ama nina Lotlot, Matet, Kenneth, at Kiko. Bukod sa tunay na anak nitong si Ian sa namayapang superstar na si Nora Aunor.

     Bakit nga ba hindi namamagitan si Boyet sa sigalot ng pamilya niya?

     Wala ba siyang alam? O ayaw lang nitong makialam?

     Hindi ba’t higit sa lahat siya ang puwedeng mamagitan sa naging problema ng kanyang mga anak?

Star-studded ang taunang parangal ng PMPC… REGINE, MOIRA, JAMES, MAKI, JAYDA at BEN&BEN, wagi sa 17th Star Awards for Music (ni: ROMMEL GONZALES) 

Posted on: June 27th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

STAR-STUDDED ang 17th Star Awards for Music ng PMPC Star Awards Inc. sa pagdalo ng karamihan sa winners at awardees sa gabi ng parangal na ginanap nitong Huwebes, Hunyo 25, 2026, sa Teatrino, Promenade Greenhills, San Juan City.

Consistent sa pagpunta sa Star Awards for Music ang Asia’s Songbird na si Regine Velasquez-Alcasid kaya naman nakapagpasalamat siya onstage sa pagkapanalo bilang Female Concert Performer of the Year.

Hindi rin nasayang ang pagdalo at pag-stay hanggang matapos ang awards night nina Moira, James Reid at ng magkapatid na Paulo at Miguel Benjamin ng bandang Ben&Ben dahil kabilang sila sa big winners at personal nilang natanggap ang kanilang mga tropeyo para sa napanalunan nilang major awards.

Si Moira ang itinanghal na Female Recording Artist of the Year. Nasungkit naman ng “jgh” album ni James Reid mula sa mahigpit na laban ang Album of the Year. Habang iniuwi naman ng Ben&Ben ang Duo/Group Artist of the Year.

Idagdag pa riyan ang nakuhang special award ni Moira na Female Star of the Night at si James bilang Male Celebrity of the Night.

Maging ang dalawa sa hosts na sina Jayda Avanzado at Dylan Menor ay nagkamit din ng mga parangal. Hindi nga makapaniwala si Jayda na mananalo siya ng Female Pop Artist of the Year plus Female Celebrity of the Night. 

Wagi naman si Dylan ng Male Star of the Night. Nakasama nilang mag-host ng awards night sina Jarren Garcia at Marthena Jickain.

Dumalo rin sa music event si Maki kaya natanggap niya ang award niyang Male Pop Artist of the Year. Pero kinailangan niyang umalis dahil may tinatapos pa siyang recording kaya hindi niya nakuha ng personal ang tropeyo para sa hit song niyang “Dilaw,” na nanalong Song of the Year.

Hindi nakapunta sa taunang parangal ng PMPC ang multi-awardees na SB19, BINI, at si TJ Monterde. Marami pa naman silang napanalunan awards. Pero nagpadala sila ng representatives mula sa kanilang management team at recording company.

Nagwagi ang SB19 ng Duo/Group Concert Performer of the Year at Concert of the Year para sa kanilang “Pagtatag! World Tour (Manila).” Nakuha rin nila ang award para sa Music Video of the Year (“Kalakal” with Gloc-9), gayundin ang special Fan Favorite Award mula sa co-presentor ng Star Awards for Music na PlayTime. Ang SB19 ang nakakuha ng pinakamaraming boto mula sa isinagawang fan poll ng PlayTime sa kanilang website.

Nanalo naman ang BINI ng Pop Album of the Year para sa kanilang “Talaarawan” album sa Star Music. Winner din sila sa Dance Recording of the Year para sa dance hit nilang “Salamin Salamin.” Ang naka-tie nila sa naturang award na P-Pop group din mula sa AQ Prime Music, ang Bilib, ang present kaya natanggap nila ang tropeyo para sa kanta nilang “Say Whatcha Wanna Say.”

Tatlong awards ang pinagwagian ni TJ – Male Recording Artist of the Year, Male Concert Performer of the Year, at Collaboration of the Year – kung saan naka-duet niya ang kanyang misis na si KZ Tandingan sa awitin niyang “Palagi.”

Hindi rin nakapunta sa awards night si Kris Lawrence na nanalong R&B Artist of the Year. Pero nagdulot naman ng kilig sa audience ang pagdating ng dati ni Katrina Halili para tanggapin ang award. Patunay lang na talagang nagkakamabutihan muli ang dalawa lalo na’t madalas silang mapanood na sweet sa kanilang collab videos sa social media.

Present naman lahat ng Lifetime Achievement awardees para tanggapin ang kanilang mga natatanging parangal – ang Pilita Corrales Lifetime Achievement Awardees na sina Celeste Legaspi at Andrew E, pati na si Mon del Rosario na pinagkalooban naman ng Parangal Levi Celerio Lifetime Achievement Award. Hinandugan ng tribute performance ni Ima Castro si Celeste, ang Salbakuta para kay Andrew, at sina Chad Borja at JV Decena para kay Mon.

Dumalo na, nag-perform pa ang legendary group na Rainmakers, na recipient ng Mga Natatanging Alagad ng Musikang Pilipino.

Kabilang din sa singers at performers na nagtanghal sina Jarren Garcia, Sam Concepcion, at Jojo Mendrez.

Nakatuwang ng PMPC Star Awards Inc. sa pag-organisa ng 17th Star Awards for Music ang Echo Jham Entertainment Production na pinamumunuan ni Ms. Mhae Sarenas. Si Calvin Murphy Neria ang nagdirek ng naturang music event.

Nagdiriwang at nagpapasalamat naman sa tagumpay ng 17th Star Awards for Music ang mga opisyales at miyembro ng PMPC Star Awards Inc. sa pangunguna ng kasalukuyang Pangulo na si Fernan de Guzman at ng Overall Chairman na si Mell Navarro.

Ads June 27, 2026

Posted on: June 27th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PINUNO NG BARANGAY 17, PINANGUNAHAN ANG MGA PROGRAMA SA KAPAKANAN, KALIGTASAN, AT INPRASTRUKTURA SA LUNGSOD NG CALOOCAN

Posted on: June 27th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MAS pinalakas pa ni Barangay Captain Danilo Dela Cruz-Gloria ang pagpapatupad ng mga komprehensibong programa sa pagpapaunlad ng komunidad na naglalayong itaas ang antas ng kalusugan, kaligtasan, at imprastraktura sa loob ng Barangay 17, Zone 2, Distrito 2.

Isang subok na lingkod-bayan, umupo si Kapitan Dela Cruz-Gloria sa pinakamataas na posisyon sa ehekutibo ng barangay matapos ang mahabang karanasan sa lokal na pamamahala, kung saan naglingkod siya ng tatlong sunod-sunod na termino bilang Barangay Kagawad at kalaunan ay bilang Barangay Treasurer. Sa kanyang pag-upo sa pwesto, agad na binigyang-prayoridad ng beteranong opisyal ang sanisasyon ng kapaligiran at kaligtasan ng publiko upang makabuo ng isang matatag na komunidad.

Upang mabawasan ang pagbaha tuwing panahon ng tag-ulan, naglunsad ang pamunuan ng barangay ng malawakang operasyon ng de-clogging sa mga lokal na sistema ng kanal bago pa man magsimula ang habagat. Bukod dito, aktibo ring itinataguyod ng barangay ang programang “HAPAG” (Halina’t Magtanim ng Prutas at Gulay) ng Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal (DILG), sa pamamagitan ng pagtatag ng mga lokal na inisyatibo sa paghahalaman sa urban upang isulong ang seguridad sa pagkain. Nananatiling isa sa mga pangunahing adhikain ng kasalukuyang administrasyon ang kalusugan ng publiko. Regular na nagbibigay ang barangay ng mga mahahalagang gamot sa mga mahihirap na sektor, partikular na sa mga senior citizen, mga magulang, at mga kabataan. Mas pinalawak pa ang mga pagsisikap sa pangangalagang pangkalusugan sa pamamagitan ng mga targeted na serbisyong medical outreach, kabilang ang mga kampanya para sa bakuna laban sa rabis para sa mga alagang hayop sa buong komunidad at mga nakalaang feeding program para matugunan ang nutrisyon ng mga kabataan.

Sa layuning masugpo ang kriminalidad at mapataas ang lokal na seguridad, pinangunahan ni Kapitan Dela Cruz-Gloria ang pagpapalagay ng mga closed-circuit television (CCTV) camera sa mga estratehikong sulok ng kalsada upang magkaroon ng 24/7 na pagbabantay sa mga aktibidad sa neighborhood. 

 Para naman sa paghahanda sa sakuna, estratehikong ipinamahagi ang mga fire extinguisher para sa mabilisang pagtugon sa oras ng sunog.

Kasabay nito, nakakita rin ng makabuluhang pag-unlad ang lokal na imprastraktura, na tinatampukan ng mga kasalukuyang proyekto sa pag-aaspalto ng daan at ang komprehensibong pagsasaayos o renovation ng pangunahing covered court ng barangay, na nagsisilbing sentro para sa mga pagtitipon ng komunidad at mga serbisyo ng pamahalaan.

Nagpahayag ng kanyang malalim na pasasalamat si Kapitan Dela Cruz-Gloria kay Lungsod ng Caloocan Mayor Along Malapitan para sa patuloy na paglalaan ng mga lokal na pondo at teknikal na suporta na nagbigay-daan upang maisakatuparan ang mga proyektong ito.

“Sinisiguro ko po sa aking mga minamahal na kabarangay na patuloy naming itataas ang antas ng aming pamamahala. Nananatili kaming ganap na nakatuon sa pagpapahusay ng kaayusan, kapakanan, at pangkalahatang kalusugan ng ating komunidad,” pahayag ni Kapitan Dela Cruz-Gloria. 

( SONNY ASIGNACION)

MGA TSERMAN INOOBLIGANG MAGPAKABIT NG CCTV SA MAYNILA

Posted on: June 27th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

LAHAT ng chairman ng 897 barangay sa Maynila ay inoobliga na magkabit ng higit 10 CCTV o closed circuit television bilang hakbang kontra krimen.

Sa pakikipag-ugnayan ng Manila City Hall Press Club kay Manila District 1 Councilor Jhun Ibay na siyang Chairman ng Committee on Peace and Order and Public Safety, malaki ang maitutulong ng naipasang City Ordinance No. 9152 o Barangay CCTV Ordinance of 2025 para sa seguridad ng bawat komunidad.

Ayon kay Ibay na siyang principal author ng ordinansa, makakatuwang ng bawat barangay ang Manila Police District (MPD) sa paglalagay ng CCTV sa mga strategic na lugar kung saan kadalasan nangyayari ang krimen.

Aniya, magiging responsibilidad naman ng bawat opisyal ng barangay ang pagbili o paglalagay ng CCTV gamit ang sarili nilang pondo.

Paliwanag ni Ibay, mananagot ang bawat chairman ng barangay kung hindi ito maipapatupad ng maayos kung saan maaari silang masuspinde kapag nagpabaya sa pagbabantay at pagmo-monitor.

Bukod dito, hindi lamang para sa pagbabantay ng krimen ang paglalagay ng CCTV kungdi makakatulong din ito sa ibang bagay na magbebenepisyo ang baqat Manilen̈o. (Gene Adsuara)

NPD, INILUNSAD ANG 96-DAY FITNESS CHALLENGE

Posted on: June 27th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

INILUNSAD ng Northern Police District (NPD) ang 96-Day Biggest Loser Physical Fitness Challenge, bilang bahagi ng programang naglalayong mapabuti ang physical na kondisyon at pangkalahatan na kapakanan ng kapulisan.

Ang aktibidad ay dinaluhan ni NPD Acting Director P/BGen. Benliner Capili, P/Col. Dominic Guevarra, Chief, Regional Medical and Dental Unit, National Capital Region Police Office, na nagsilbi bilang panauhing pandangal at tagapagsalita, P/Col. Relly Arnedo, Officer-in-Charge, Deputy District Director for Administration; at P/Col. Charlie Cabradilla, Chief, District Personnel and Records Management Division.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni PBGEN Capili ang kahalagahan ng pagpapanatili ng pisikal na fitness sa mga opisyal ng pulisya, na idiniin na ang malusog at may kakayahang pisikal na mga tauhan ay mas nasasangkapan upang gampanan ang kanilang mga tungkulin at magbigay ng mahusay, tumutugon, at de-kalidad na serbisyo ng pulisya sa mga komunidad ng CAMANAVA.

Ang 96-araw na hamon ay bahagi ng patuloy na pangako ng NPD sa kapakanan at pag-unlad ng mga tauhan, paghikayat sa disiplina, malusog na pamumuhay, at pangkalahatang kagalingan habang pinapahusay ang pagiging epektibo at kahandaan sa pagpapatakbo sa paglilingkod sa publiko.

Umabot sa 543 kalahok mula sa mga tauhan ng District Headquarters at CAMANAVA City Police Stations (CPS) ang dumalo sa naturang programa na layong isulong ang kalusugan, kagalingan, at pisikal na kahandaan sa mga tauhan ng pulisya.

Ang inisyatibong ito ay sumasailalim sa patuloy na pagsisikap ng NPD na pangalagaan ang kapakanan ng kapulisan at palakasin ang kanilang kahandaan sa paglilingkod sa komunidad, alinsunod sa adhikain ng PNP para sa Bagong Pilipinas, Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman. (Richard Mesa)

Bilang suporta sa Philippine Arbor Day…CALOOCAN LGU, NAGTANIM NG 3,100 SEEDLINGS

Posted on: June 27th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

BILANG suporta sa Philippine Arbor Day 2026, nagtanim ang Pamahalaang Lungsod ng Caloocan ng 3,100 seedlings na bahagi ng patuloy na pangako nito sa pangangalaga sa kapaligiran at climate resilience.

Alinsunod sa tema ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), “Luntiang Bukas,” itinatampok ng inisyatiba ang mga pagsisikap ng Lungsod na palawakin ang mga berdeng espasyo at hikayatin ang mas malaking partisipasyon ng komunidad sa pangangalaga sa kapaligiran.

Ang aktibidad ng pagtatanim ng mga puno ay pinangunahan ni Mayor Along Malapitan, kasama ang mga opisyal ng pamahalaang lungsod, empleyado, katuwang na ahensya, at mga boluntaryo, na muling pinagtitibay ang magkakasamang responsibilidad ng Caloocan sa pagbuo ng mas napapanatiling kinabukasan.

“Sama-sama nating itanim ang pag-asa ngayon upang mapakinabangan natin ang isang mas luntiang bukas para sa lahat,” pahayag ni Mayor Along.

Dagdag niya, ang Pamahalaang Lungsod ng Caloocan ay nananatiling nakatuon sa pagpapatupad ng nagpapanatiling mga hakbangin sa kapaligiran na nag-aambag sa isang mas matatag na lungsod para sa susunod na henerasyon. (Richard Mesa)

Eala makakaharap si Zarazua ng Mexico sa unang round ng Wimbledon

Posted on: June 27th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MAKAKAHARAP ni Pinay tennis star Alex Eala sa first round ng Wimbledon si Renata Zarazua ng Mexico.

Ito ang unang pagkakataon na makakaharap ni Eala si world number 76.

Subalit noong nakarang taon ay nakasama niya si Zarzula sa doubles ng French Open at umabot pa sila ng ikalawang round.

Noong nakaraang taon kasi ay nabigo ito kay Barbora Krejčíková sa tatlong set.

Sa kasalukuyan ay nasa ranked 30 ng WTA si Eala.

Yahoo Mail: Search, Organize, Conquer

Türkiye, sinira ang perfect record ng ng USA sa 3-2 thriller

Posted on: June 27th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

SINIRA ng Team Türkiye ang dapat sana’y perfect record ng Team USA sa group stage ng nagpapatuloy na FIFA World Cup 2026.

Sinorpresa ng Türkiye ang team USA sa harap ng naghihiyawang mga manonood sa Los Angeles Stadium, sa pamamagitan ng 3-2 thriller win.

Maagang dinomina ng USA ang laban sa pamamagitan ng mabilis na goal ni Auston Trusty sa ika-3 minuto pa lamang.

Subalit hindi nagpatinag ang Turkish team at mabilis na sumagot ang bagitong player na si Arda Güler sa ika-10 minuto upang itabla ang iskor. 

Sinundan pa ito ng isang goal mula kay Barış Alper Yılmaz sa ika-31 minuto upang agawin ang bentahe bago ang halftime, 2-1.

Sa pagpasok ng second half, muling binuhay ni Sebastian Berhalter ang pag-asa ng USA sa ika-49 na minuto para sa 2-2 equalizer.

Bagaman nagpatuloy ang pisikalang laban para mauwi sana ito sa isang draw, hindi pumayag ang Team Turkey at sa stoppage time (90=8 mins) ay ipinasok ng koponan ang isang goal para tapusin ang laban sa score na 3-2.

Sa kabila nito ay una nang nakapasok ang USA sa Round of 32 matapos nitong dominahin ang unang dalawang laban at ibulsa ang pinakamagandang record sa Group D. Sa kabilang banda, dalawang beses na ring natalo ang Turkey at posibleng hindi na makakausad pa sa susunod na elimination round.