• August 30, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for June 19th, 2026

Alaala ni Dolphy, muling nabuhay sa big screen…’Home Along Da Riles: Da Reunion’, inendorso ng MTRCB (ni: ROHN ROMULO)  

Posted on: June 19th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MULING magbabalik ang tawanan, kuwentuhan at mga alaala ng paboritong kapitbahayan ng mga Pilipino matapos aprubahan ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang Home Along Da Riles: Da Reunion na may PG (Parental Guidance) classification.

Tiyak na tatagos sa puso ng maraming manonood ang reunion movie ng isa sa pinakasikat na sitcom sa kasaysayan ng telebisyon, na unang pinasikat ng yumaong Comedy King na si Dolphy.

Naging bahagi ng buhay ng maraming Pilipino ang Home Along Da Riles noong dekada ’90 dahil sa mga kuwentong sumasalamin sa pang-araw-araw na buhay, problema at tagumpay ng karaniwang pamilyang Pilipino na nakatira sa tabi ng riles.

Ayon kay MTRCB Chairperson at CEO Lala Sotto, na aminadong lumaki sa sitcom ng yumaong comedy king, maraming manonood ang tiyak na makakaugnay sa pelikula dahil sa nostalgia na hatid nito.

“Marami sa atin ang lumaki sa panonood ng Home Along Da Riles at sa mga aral at tawang hatid ni Tito Dolphy. Ang reunion film na ito ay siguradong magbabalik ng masasayang alaala sa maraming Pilipino,” ani Sotto.

Dagdag pa niya, hindi maiiwasang maalala ang Comedy King sa pagbabalik ng sikat na franchise. 

“Mami-miss natin si Tito Dolphy sa reunion na ito. Ngunit nananatiling buhay ang kanyang pamana sa mga karakter at kuwentong minahal ng publiko sa loob ng maraming taon,” dagdag niya.

Bukod sa reunion movie, binigyan din ng PG rating ng MTRCB ang inaabangang animated film na Toy Story 5, na muling pagbibidahan nina Tom Hanks, Tim Allen at Joan Cusack bilang mga boses nina Woody at Buzz Lightyear.

Samantala, nakatanggap naman ng R-16 classification ang horror-thriller na Voice Message, ang science fiction film na Saccharine, at ang drama film na 10s Across the Borders/Patawid.

PG naman ang thriller film na Hungry, habang sumailalim din sa pagsusuri ng Board ang Megaworld Cinema exclusive na Premiere Cut: Tigers Are Not Afraid – Director’s Cut.

Hinimok naman ni Sotto ang mga magulang at manonood na patuloy na gamitin ang film classification system bilang gabay sa pagpili ng mga pelikulang panonoorin.

“Ang layunin ng MTRCB ay tulungan ang mga manonood na makagawa ng tamang pagpili. Sa pamamagitan ng ating mga klasipikasyon, mas nagiging gabay tayo sa responsableng panonood habang patuloy na sinusuportahan ang iba’t ibang kuwentong hatid ng pelikula,” aniya.  

Okay lang na magkamali dahil doon matututo… CAPRICE, ‘di napi-pressure sa image na mabait at maayos na tao (ni: ROSE GARCIA) 

Posted on: June 19th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGUSTUHAN namin ang sagot ni Caprice Cayetano nang tanungin namin siya kung hindi ba siya napi-pressure na may image siya na napakabait, na napaka-ayos na tao, na parang bawal siyang magkamali.

Sey ni Caprice, “Hindi naman po at okay lang din po kung may mga mistakes kasi po, do’n naman po ako pwede pang matuto.”

Nagkaroon ng instant popularity si Caprice nang pumasok siya sa PBB. At since then, nagtuloy-tuloy na nga, kabilang na ang kauna-unahan niyang serye, ang romantic drama na “You’re My Favorite Songs.”

Bata pa lang ay nag-aartista na si Caprice, pero dream come true raw para sa kanya ang magkaroon ng serye na siya ang lead. At ang YMFS nga ang una niyang lead role.

Sabi namin kay Caprice, maraming mapapa-sana all sa kanya dahil tatlong nagguguwapuhang mga teen actors ang leading men niya.

Sina Marco Masa, Clifford at Heath Jornales. Siyempre, sa tatlo, given naman na sila ni Heath ang talagang may malaking following.

Ngayong Lunes, June 22, sa ganap na 4 pm ang pilot ng “You’re My Favorite Songs” sa GMA-7 before “Family Feud”.

***

KATULAD nang sinulat na namin, hindi kuryente dahil tuloy na tuloy na ang bagong serye ni Coco Martin na “Sigabo” na mapapanood sa TV5.

Simula nga sa Lunes, June 22, sa ganap na ika-walo ng gabi, kasabay sa ibang platform at networks, mapapanood na rin ang pagbabalik tambalan nina Coco at Julia Montes sa Kapatid network.

Magiging hudyat na kaya ito para muling mapanood ang mga ABS-CBN contents sa TV5?

At ‘eto na, simula rin naman sa June 29, weekdays ng 11:00 AM, mapapanood na rin sa iba’t-ibang platforms naman ng ABS-CBN ang “Face to Face with Ate Koring” ni Korina Sanchez. 

Basta ang sure kami, personal na si Coco mismo ang nakipag-usap sa Kapatid network. At nagtagumpay naman siya. 

Pararangalan ang natatanging pelikula at mga bituin… POPS at Kuya KIM, magsisilbing hosts ng 9th EDDYS  (ni: ROHN ROMULO) 

Posted on: June 19th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

ISANG maningning at puno ng kasiyahang pagtatanghal at pagbibigay-parangal sa mga natatanging bituin at bumubuo sa mga pelikulang Pilipino ang inaasahan sa nalalapit na The 9th EDDYS (Entertainment Editors’ Choice) sa ika-5 ng Hulyo sa Ceremonial Hall ng Marriott Grand Ballroom, Newport World Resorts sa Pasay City.

Sa pag-oorganisa ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd), ang seremonya ay pangungunahan ng mga hosts na sina Concert Queen Pops Fernandez at batikang TV anchor Kim Atienza.

Ang mga natatanging pelikulang Pilipino na ipinalabas sa iba’t ibang platforms sa nakalipas na taon ay maglalaban-laban para sa mga parangal sa labing-apat na kategorya, kabilang ang Best Picture, Best Director, Best Actor, at Best Actress.

Magbubukas ang programa sa isang special production number kasama sina Fred Moser at Kanata Tapia ng Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition 2.0 at ang cast ng advocacy drama na I’m Perfect.

Ipepresenta naman ng Kapuso actor at AKTOR PH chairman na si Dingdong Dantes ang mga nagawa at patuloy na mga hakbangin ng organisasyon sa pakikipagtulungan sa SPEEd, habang ang dalawang grupo ay patuloy na bumubuo ng mga programa sa pakikipag-ugnayan sa komunidad at pakikipagtulungan sa industriya.

Pangungunahan ng Inspirational Diva na si Jamie Rivera ang isang taos-pusong pagtatanghal para sa posthumous tribute segment.

Maghahandog ng espesyal na awitin ang bossa nova singer na si Andrea Gutierrez at ang singer-songwriter na si David Young bilang pagsasara ng programa.

Ang ika-9 na edisyon ng The EDDYS ay ididirek ng concert director na si Calvin Neria, mula sa produksiyon ng Echo Jham sa ilalim ng pamamahala ni Ms. Mhae Sarenas. 

Ang taunang kaganapan ng SPEEd ay sinusuportahan ng Playtime Entertainment, Manila Marriott Hotel, Globe Telecom, Unilab Inc., Sound Check, at Beautéderm Corporation. 

Nagsilbing pangunahing venue partner ang Luxent Hotel. Dito isinagawa ang screening ng mga nominadong pelikula at ang natakdang pag-aanunsiyo sa Hunyo 25 ng mga nominado sa bawat kategorya, kung saan si QC Councilor Alfred Vargas ang magiging espesyal na panauhin. 

Tulad ng mga nakaraang taon, ang Chan Robles & Company sa pangunguna ni Juancho Robles ang mangangasiwa sa pagbibilang ng boto upang tiyakin ang transparency sa proseso ng pagpili.

Kasalukuyang pinamumunuan ni Tessa Mauricio-Arriola ng The Manila Times, ang SPEEd ay binubuo ng mga entertainment editor at mga mamamahayag mula sa mga pangunahing broadsheet, tabloid, at nangungunang online news portal sa buong bansa. 

Ang The EDDYS ay nagsisilbing paraan ng grupo sa paghikayat sa mga Filipino filmmaker, producer, manunulat, aktor, at iba pang kaalyadong artista sa industriya ng pelikula sa Pilipinas na ipagpatuloy ang kanilang hilig sa paglikha ng mga pelikulang sumasalamin sa realidad ng lipunan habang kinikilala rin ang artistikong merito at epekto sa takilya.

Para sa iba pang detalye, pumunta lang sa opisyal na Facebook page ng The EDDYS (The Entertainment Editors’ Choice).

Final roster ng Gilas Pilipinas para sa 2027 FIBA Basketball World Cup Qualifiers, inilabas na

Posted on: June 19th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

INILABAS ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) ang final roster ng Gilas Pilipinas na makikilaban sa Window 3 ng 2027 FIBA Basketball World Cup Qualifiers.

Nakatakda sa July 3 at July 6 ang unang dalawang laban ng naturang roster na kinabibilangan ng mga sumusunod: RJ Abarrientos, Justine Baltazar, Justin Brownlee, AJ Edu, June Mar Fajardo, Chris Newsome, Mike Phillips, Kevin Quiambao, Dwight Ramos, Troy Rosario, Carl Tamayo at Scottie Thompson.

Sa ilalim ng Asian Qualifiers na nakatakda mula June 29 hanggang July 7, 2026, tatlong lugar ang magsisilbing venue sa mga nakatakdang laro.

Kinabibilangan ito ng Spark Arena sa New Zealand kung saan dito gaganapin ang laban sa pagitan ng Tall Blacks (NZ national team) at ng Pilipinas at Tall Blacks kontra Guam.

Ginebra nagkampeon matapos talunin ang TNT 88-76

Posted on: June 19th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

TINAPOS na ng Barangay Ginebra ang tatlong taon na pagkauhaw sa kampeonato.

Ito ay matapos na talunin nila ang TNT Tropang 5G sa score na 88-76 sa Game 7 ng kanilang 50th Season Commissioner’s Cup Finals.

Huling nakakuha kasi ng kampeonato ang Ginebra ay noong 2022-23 Commissioner’s Cup.

Ito na rin ang pang-16 na kampeonato ng Ginebra kung saan pang-26 naman na titulo ni coach Tim Cone.

Nagkamit rin ng record ang Game 7 ngayong taon dahil pumalo sa 24,617 fans ang nanood ng nasabing laro.

Bumida sa panalo ng Ginebra si Justin Brownlee na nagtala ng 30 points, habang tinanghal na finals Most Valuable Player si Scottie Thompson na nagtala ng 19 points, 11 rebounds at walong assists.

Caloocan, Malabon, Valenzuela LGUs, nakiisa sa 2nd Quarter Earthquake Drill

Posted on: June 19th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAKIISA ang Pamahalaang Lungsod ng Caloocan, Malabon at Valenzuela sa 2nd Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED) na layong pahusayin ang pagtugon at paghahanda sa emerhensiya, isulong ang kamalayan para sa mga kalahok, at tiyakin ang kahandaan sa sakuna o lindol para sa kaligtasan ng publiko.

Sa Malabon, pinangunahan ni Mayor Jeannie Sandoval ang aktibidad na isinagawa sa Panghulo Elementary School, kasama ang nasa 600 students, teachers, at school personnel habang pareho namang lumahok ang mga emplayado ng Caloocan at Valenzuela sa nasabing drill. 

(Richard Mesa)

PBBM, idineklara ang June 24 bilang special non-working days sa Maynila at Lian, Batangas

Posted on: June 19th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

IDINEKLARA ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang June 24, 2026, bilang special non-working day sa Lungsod ng Maynila para sa pagdiriwang ng 455th Founding Anniversary nito.

Sa ilalim ng Proclamation No. 1320, sinabi ng Pangulo na “it is but fitting and proper for the people of the City of Manila be given full opportunity to participate in the occasion and enjoy the celebration.”

Tinintahan ni Acting Executive Secretary Ralph Recto ang proklamasyon na may pahintulot ng Pangulo nito lamang Hunyo 16.

Samantala, idineklara naman ni Pangulong Marcos ang June 24 bilang special non-working day sa Munisipalidad ng Lian, Batangas, sa pamamagitan ng Proclamation No. 1321 sa pagdiriwang ng Sambuhos Festival, isang tradisyonal na water-dousing festival bilang pagkilala sa patron saint ng bayan na si Saint John the Baptist.

Ang pangalan ng kapistahan ay nagmula sa mga salitang Filipino na isa at buhos, tinutukoy ang tradisyon ng pagbabasa o paghuhugas ng tubig sa mga residente at mga bisita.

Ang kasanayan ay sumisimbolo sa biblical baptism na ginawa ni Saint John the Baptist sa Jordan River. (DARIS JOSE)

PBBM, Putin pinag-usapan ang pagpapalakas sa trade ties sa bilateral meeting sa Russia

Posted on: June 19th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

Ang bilateral meeting ay isinagawa sa ASEAN-Russia Commemorative Summit na iko-chair ng dalawang lider.

“Apparently, we are approaching the present threshold with an immense capital of mutual beneficial cooperation underpinned by good traditions of mutual respect and respect for legitimate interest of each other. Last year, bilateral trade exceeded $.5 billion. Of course, this is far from the limit. And of course, there is a good potential to enhance supplies of agriculture and energy resources,” ayon kay Putin.

Bilang tugon, sinabi ni Pangulong Marcos na ikinagagalak niya ang “forward-looking exchange on the different structural issues” na nakaaapekto sa kalakalan sa pagitan ng dalawang bansa.

“And as you have mentioned, Your Excellency, we – there are many potential areas that I think we should explore and I think that the present level of trade, although it is steady, I think that this is – there is a great deal more that we can do,” aniya pa rin.

Winika pa ng Pangulo na sa isinagawang Joint Commission on Trade and Economic Cooperation (JCTEC) sa Moscow noong September 2025, lumitaw na ang energy security at food security ang kanilang mutual concern.

“We note that during the JCTEC meeting held in Moscow, energy and food security emerged as a mutual – one of the mutual priorities of both our countries. And that is why we again, that B2B component at the sidelines of the JCTEC enabled Philippines and Russia to establish networks and to explore joint ventures,” ang sinabi pa ni Pangulong Marcos.

Sa kabilang dako, sinabi naman ni Putin na ito ang unang pagbisita ni Pangulong Marcos sa Russia, na nagkataon o natapat sa chairship ng Pilipinas sa ASEAN.

Gugunitain naman ng regional bloc at Russia ang 35 taon ng relasyon, na rerebisahin sa panahon ng ASEAN-Russia Commemorative Summit.

Binati naman ni Putin ang mga mamamayang Filipino sa pagdiriwang ng ika-128 na deklarasyon ng Philippine Independence noong Hunyo 12, na aniya’y isa ring national holiday sa Russia.

Binanggit din ni Putin ang naging pagbisita ng ama ni Pangulong Marcos na si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. sa Russia noong 1976.

Mamarkahan naman ng Pilipinas at Russia ang 50 taon ng diplomatic relations ngayong buwan.

Matapos ang bilateral meeting, dumalo naman sina Putin at Pangulong Marcos sa gala kasama ang ibang pinuno ng gobyerno.

(DARIS JOSE)

Liderato ng Kamara, tiwalang uusad ang Senado sa ilalim ni SP Gatchalian

Posted on: June 19th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

SINUPORTAHAN ni House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos ng Ilocos Norte ang paghalal kay Sen. Sherwin Gatchalian bilang Senate President na aniya, ay isang hudyat sa mga senador sa isantabi na nila ang hidwaan at mag focus na lang sa kanilang trabaho.

“On behalf of the House, we would like to congratulate Senate President Sherwin Gatchalian. We look forward to working with him,” pahayag ni Marcos sa isang ambush interview.   

Ayon kay Marcos, ang pagkakahalal ni Gatchalian ay naging oportunidad sa Senado na bumawi sa trabaho matapos ang ilang linggong sigalot sa liderato nito.

Aniya, kilala niya sa Gatchalian at pinuri nya ito sa kanyang istilo ng pamumuno. “I have worked with him and I know how level-headed he can be. So I think that’s exactly what this current political climate needs, especially there in the Senate, level-headedness and just the need for all of us to really get back to work,” aniya. 

Ayon kay Marcos, ang sigalot sa Senado ay nakaantala sa kumpirmasyon ng ilang opisyal ng militar na nakatakdang ma-promote bago ang kanilang mandatory retirement sa serbisyo.

 “I believe it’s the 7 or 8, the generals who were due for promotion but as a result of the leadership struggle in the Senate were not able to be confirmed, so that is what we are waiting for now,” sinabi ni Marcos. 

(Vina de Guzman)

Sa gitna ng umano’y ICC warrant…Sen. Bong Go, itinangging lumabag sa batas

Posted on: June 19th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

IGINIIT ni Senador Christopher “Bong” Go na wala siyang nilabag na batas at ipinauubaya na lamang niya sa Diyos ang lahat, kasunod ng mga ulat na umano’y naglabas ang International Criminal Court ng warrant of arrest laban sa kanya.

Ayon kay Go, hindi kailanman naging bahagi ng kanyang mandato ang mga usaping pangkapulisan at umaasa siyang hindi mapupulitika ang isyu.

Lumabas ang usapin matapos sabihin ni Davao City First District Representative Paolo “Pulong” Duterte na may impormasyon siyang naglabas na umano ang ICC ng arrest warrant laban kay Go at sa dalawa pang dating opisyal ng pulisya.

Gayunman, sinabi ng Department of the Interior and Local Government na wala pa silang natatanggap na pormal na abiso tungkol dito.

Si Go at Senador Ronald Dela Rosa ay kabilang sa mga opisyal na pinangalanan ng ICC bilang mga umano’y kasamang may pananagutan sa mga krimen laban sa sangkatauhan kaugnay ng war on drugs ng dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Samantala, muling itinanggi ni Go ang mga alegasyon at sinabing wala siyang anumang kinalaman, kaalaman, o awtoridad sa mga paratang na iniuugnay sa kanya.

 ( DARIS JOSE)