Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan
ISA sa talagang nagugustuhan namin kay Kim Chiu ay ang pagiging matulungin niya.
Hindi pa lahat ng tulong na pinapaabot niya ay nasusulat o nababalita.
Pero isa si Kim sa maagap na magpadala lagi ng tulong, lalo na kapag may kalamidad sa Visaya at ngayon naman, sa Mindanao.
Kung hindi pa nag-post si Melai Cantiveros, hindi malalaman na nagpadala ng tulong niya si Kim sa GenSan (General Santos).
Sey ni Melai, “Migaaaa thank you kaayu grabe kaaaaaaaaaa sa Help mu sa Gensan,”
Nag-viral naman agad ang post ni Melai at siyempre, umani ng papuri si Kim.
Pinasalamatan din ni Melai sina Robi Domingo at Bianca Gonzalez na nagpaabot din ng tulong sa GenSan.
After ng napakalakas na lindol, isa si Melai sa nanawagan agad ng tulong. Nagpasalamat din ito na ligtas ang kanyang pamilya.
Sa post ni Melai, “In Jesus Name tanggalin nyu na Lord ang mga aftershocks and sana Lord makabangon ang Mindanao labi na ang Gensan Lord sa paglindol na itu. Thank you sa lahat ng nangamusta sa pamilya ko, thank you Lord all safe sila and praying for all families na safe din sila. Panawagan na din po sa lahat ng gustu mag help need po ng more tents sa mga hospitals namin dun.”
Kung si Melai ay taga-GenSan, si Kim naman ay nag-aral din dati sa naturang lugar.
***
TULOY na tuloy na ang pilot telecast ng “Sigabo.”
Ang bagong primetime series ni Coco Martin under his own production, CCM. Ang real-life partner niya na si Julia Montes ang kasama niya rito.
From a reliable source, mukhang sa “Sigabo” magsisimulang makabalik muli ang ABS-CBN shows sa TV5. Kung tama ang balita namin, mismong si Coco raw ang direktang nakikipag-usap sa TV5 o kay Chairman Manny V. Pangilinan.
Pero “Sigabo” pa lang ang makakatawid sa TV5, hindi pa ang ibang Kapamilya shows. So far, wala pang kumpirmasyon, waiting din kami kung totoong sa June 16 daw ang announcement.
Ramdam namin si Coco na malamang, hindi rin solve kung ang isang malaking production ay sa All TV lang mapapanood o ipapalabas. Kahit pa mapapanood naman sa Netflix, iba pa rin ang free TV, lalo na sa mga masa.
Kung totoo na nga na mapapanood din ito sa June 22 sa Kapatid network, may balita namang diumano’y ang seryeng “My Bespren Emman” ay posible raw ma-cut short.
INALMAHAN ng Phenomenal Box-office Star na si Vice Ganda ang tsikang bumili siya ng 50 tickets para sa magaganap na concert ng BTS sa Pilipinas sa March 2027 sa Philippine Sports Stadium sa Bulacan.
Hindi talaga pinalampas ng TV host-comedian ang fake news tungkol sa pinaka-aabangang concert ng super sikat na South Korean boy group.
Sa X (dating Twitter) account ni Vice, mariin niyang pinabulaanan ang naturang fake news.Mababasa sa post ng ilang netizen…
“Mahiya ka naman vice ganda @vicegandako ang hirap kumuha ng ticket ng bts tapos ikaw 50tix pa nakuha mo.”
“2 lang max sa website pero sayo petiks lang. nakakahiya galawan mo. sana lumaban naman kayo ng patas.”
Kaya ni-repost ito ng “It’s Showtime” host sa X at sinagot ang patutsada ng netizen, “Mas mahiya ka at ang mga kapwa mong mga bobo na mapagpaniwala sa mga tsismis na pang tanga! Tama yan!
“Nawa’y magpuyos ang mga puso nyo sa galit na likha ng mga maliliit nyong utak na kayang gaguhin ng fake news!” Hirit pa ng komedyante, “Bobong mapagpaniwala ampotah! San galing ang 50tix? Aanhin ko yun?
“100 ba ang mata at tenga ko kung sakaling manunuod man ako!!! Ni hindi ko nga alam ang sched ko sa araw na yun.”
Bukod pala kay Vice, biktima rin ng same fake news ang content creator na si Zeinab Harake.
***
MTRCB, nakatanggap ng ika-pitong magkasunod na Unmodified Opinion mula sa COA
MULING kinilala ng Commission on Audit (COA) ang mahusay na pamamahalang pampinansyal ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) matapos nitong pagkalooban ang Ahensiya ng Unmodified Opinion para sa Calendar Year (CY) 2025.
Ito na ang ika-pitong magkakasunod na taon na nakatanggap ang MTRCB ng pinakamataas na audit opinion mula sa COA, patunay ng patuloy na pagsunod nito sa mga umiiral na pamantayan sa pag-uulat at pamamahala ng pondo ng bayan.
Batay sa Annual Audit Report (AAR) na ipinadala ng COA noong ika-2 ng Junyo 2026, makatarungan at tumpak na naipakita ng MTRCB ang kalagayang pampinansyal, mga resulta ng operasyon, cash flows, at iba pang mahahalagang financial information alinsunod sa mga naaangkop na accounting at auditing standards ng pamahalaan.
Isinagawa ang audit alinsunod sa International Standards of Supreme Audit Institutions (ISSAIs) at sinuri ang financial statements, pagsunod sa mga batas at regulasyon, gayundin ang implementasyon ng mga rekomendasyon mula sa mga naunang audit.
Masayang tinanggap ni MTRCB Chairperson at CEO Lala Sotto ang resulta ng audit at sinabing ito ay bunga ng sama-samang pagsisikap ng buong organisasyon upang mapanatili ang mataas na antas ng integridad at pananagutan sa serbisyo publiko.
“Lubos po kaming nagpapasalamat sa Commission on Audit para sa kanilang masusing pagsusuri at pagkilala sa aming mga pagsisikap. Ang ika-pitong magkakasunod na Unmodified Opinion ay patunay ng matatag na paninindigan ng MTRCB sa transparency, accountability, at responsableng paggamit ng pondo ng bayan,” ani Sotto-Antonio.
Pinuri rin niya ang dedikasyon ng mga opisyal at kawani ng Ahensiya na naging mahalagang bahagi ng nasabing tagumpay.
“Tagumpay ito ng buong MTRCB. Bunga ito ng sama-samang pagsisikap ng bawat opisyal at kawani upang matiyak na ang lahat ng proseso at transaksyon ng Ahensiya ay isinasagawa nang may integridad, kahusayan, at malasakit sa publiko. Habang patuloy nating isinusulong ang modernisasyon ng MTRCB, mananatili tayong tapat sa ating tungkuling maging mabuting katiwala ng pondo ng bayan,” dagdag niya.
Sa liham na kalakip ng ulat, sinabi ng COA na ang isinagawang audit ay nagbigay ng sapat na batayan para sa paglalabas ng Unmodified Opinion. Nagpahayag din ito ng pasasalamat sa suporta at kooperasyong ipinagkaloob ng mga opisyal at kawani ng MTRCB sa buong audit process.
Muling pinagtitibay ng MTRCB ang pangako nito sa mahusay, tapat, at responsableng paglilingkod habang patuloy na isinusulong ang mga programang nagtataguyod ng responsableng panonood, media literacy, at pambansang kaunlaran.
KINUMPIRMA ng Ateneo na naka-leave sina coach Tab Baldwin at team manager Epok Quimpo.
Ayon kay Ateneo school president Roberto Yap, na ang nasabing hakbang ay matapos ang pagsisimula nila ng imbestigasyon sa pagkasawi nina Rene Baterbonia at Nigerian center Divine Adili.
Dagdag pa nito na layon nito ay para ma-preserba ang kabuuang integridad , independence at patas na imbestigasyon.
Mananatiling naka-leave sina Baldwin at Quimpo habang hindi pa natatapos ang imbestigasyon.
Hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa nagbibigay ng pahayag si Baldwin kung saan hindi rin ito nakasama noong dumalaw ang koponan sa burol ni Baterbonia sa Arlington Memorial Chapels.
NANGAKO si San Antonio Spurs bigman Victor Wembanyama na babangon pa ang kaniyang koponan sa do-or-die na Game 5 laban sa New York Knicks.
Bago nito ay natalo ang San Antonio sa Game 4 sa kabila ng 27 points na halftime lead ng koponan kontra Knicks.
Ito na ang pinakamalaking comeback sa kasaysayan ng NBA Finals.
Ayon kay Wembanyama, dalawa lamang ang option ng kaniyang koponan, at ito ay ang lumuhod sa Knicks o puwersahin ang Game 6.
Lahat ng Spurs player at ng buong management aniya ay walang ibang hinahangad kundi makabangon mula sa 3-1 deficit kayat tiyak na magtutulungan ang mga ito para puwersahin ang isa o dalawa pang game laban sa New York.
Natanong din ang 20-anyos na bigman ukol sa morale ng koponan matapos ang danasin ang 27-point comeback ng Knicks.
Ayon sa Spurs center, bagaman mahirap tanggapin ang resulta ng Game 4, batid ng buong koponan na maraming pagkakamali ang kanilang nagawa, lalo na sa 2nd half.
Gayunpaman, tiniyak niyang nananatiling positibo ang buong koponan kasabay ng pagbabalik nito sa San Antonio, Texas kung saan nakatakdang ganapin ang Game 5.
ISINUSULONG ng isang mambabatas ang paglikha ng isang bagong departamento ng gobyerno na eksklusibong tututok sa kapakanan, karapatan, at pag-unlad ng mga Indigenous Peoples sa bansa.
Sa ilalim ng House Bill No. 9808 o ang panukalang “Department of Indigenous Cultural Communities and Indigenous Peoples Act,” layunin ni Nueva Vizcaya Rep. Timothy Joseph “Tim” Cayton na gawing isang ganap na departamento ang National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) upang magkaroon ng mas malakas na kapangyarihan, mas malaking pondo, at direktang representasyon sa pambansang pamahalaan.
Nakapaloob sa panukala na sa kabila ng halos tatlong dekada mula nang maisabatas ang Indigenous Peoples’ Rights Act (IPRA), marami pa ring hamon ang kinakaharap ng mga katutubo kabilang ang mabagal na pagproseso ng mga usapin sa lupang ninuno, kakulangan sa serbisyo, at limitadong representasyon sa paggawa ng mga polisiya.
Sa ilalim ng kagawarang ito, magkakaroon ng mas maayos na koordinasyon ng mga programa para sa mga IP, mas matibay na proteksyon sa kanilang mga karapatan, at mas mabilis na pagresolba sa mga usaping may kaugnayan sa kanilang mga komunidad at ancestral domains.
Kasama rin sa panukala ang pagpapalakas ng proseso ng Free and Prior Informed Consent (FPIC), pagtatatag ng Indigenous Peoples’ Adjudication Board para sa mga sigalot na may kinalaman sa mga karapatan ng mga IP, at paglikha ng Indigenous Peoples’ Community Development Trust Fund upang suportahan ang mga proyekto at pangangailangan ng mga komunidad.
“Hindi lamang pagkilala sa kanilang karapatan ang kailangan. Dapat mayroon silang direktang kinatawan sa pinakamataas na antas ng gobyerno upang matiyak na naririnig at napapangalagaan ang kanilang mga interes,” ayon sa mambabatas.
Para kay Cayton, ang panukala ay isang hakbang tungo sa mas inklusibo, makatarungan, at makataong pamahalaan na tunay na kumikilala sa mahalagang papel ng mga katutubo sa kasaysayan, kultura, at kinabukasan ng bansa. (Vina de Guzman)
SAMPUNG abogado mula sa tatlong nangungunang law firms sa bansa ang magsisilbing private prosecutors sa impeachment trial ni Vice President Sara Z. Duterte.
Ang unang batch ng private prosecutors, na ipinakilala ni lead prosecutor at House Committee on Justice Chair Gerville “Jinky Bitrics” Luistro, ay mula sa PECABAR Law, Kapunan and Castillo Law Offices, at SALiGAL Law.
Kasama sa mga sasali sa prosecution ay sina Marforth Fua, managing partner ng PECABAR Law at dating assistant presidential legal counsel sa ilalim ni President Ferdinand R. Marcos Jr.; veteran litigator Lorna Kapunan, founder and senior partner ng Kapunan and Castillo Law Offices; at Amando Virgil Ligutan, managing partner ng Cebu-based SALiGAL (Sapayan Lim Alvarez & Ligutan) Law at senior lecturer sa University of the Philippines College of Law.
Kasali rin sa legal team sina PECABAR partners Erwin Matib at Justin Anne Lamarca at senior associate James Bryan Ibrahim Alih, Kapunan and Castillo senior partner Sonya Margarita Benemerito-Castillo, junior partner Deanna Melissa Lorenzo-Singian, co-managing partner Bettina Zamora, at Atty. Lino Chris Kapunan.
Sinabi ni Luistro na ang dagdag na private prosecutors ay magpapalakas sa paghahanda ng prosecution team para sa impeachment proceedings.
“We are more confident than before because of the presence of the private prosecutors,” ani Luistro.
Ang mga abogado ay may kanya-kanyang kadalubhasaan sa criminal prosecution, graft and corruption cases, white-collar crime, labor law, environmental law, family law, taxation, commercial litigation, at dispute resolution.
“Today is a very important day for the country because finally, we will be introducing the first batch of the private prosecutors who will be assisting the House prosecutors. By first batch, it means that there will be subsequent batches,” pahayag ni Luistro.
Ayon pa kay Luistro, nagboluntaryo ang mga nasabing abogado ng kanilang serbisyo o pro bono at tutulung sa pagprepara sa mga saksi, ebidensiya, pleadings at iba pang legal requirements para sa pagdinig sa Senate impeachment court.
“We solicited the help of private lawyers who are willing to be with us on this cause on a voluntary basis. Mas kilala sa tawag na pro bono, o para mas maintindihan pa ng ating mga kababayan, ibig sabihin libre, walang bayad,” paliwananag ni Luistro.
Sinabi naman ni House prosecutor at Akbayan Party-list Rep. Jose Manuel “Chel” Diokno na ang pagsali ng private lawyers ay makakatulong sa prosecution team na ma-navigate ang matinding trabaho para sa preparasyon at presentasyon ng impeachment case.
“Hindi po madali ang trabaho ng isang prosecutor. Maraming kailangang gawin in terms of witnesses, in terms of evidence, exhibits, making sure that all the evidence we present is admitted by the court. It’s not exactly simple or easy. Kaya we really appreciate the help of our private prosecutors,” added the lawyer,” ani Diokno.
Iginiit naman nina Luistro at Diokno na ang mga private prosecutors ay tutulong lamang at mananatili sa ilalim ng direksyon at supervision ng House prosecution panel.
“I want to make it clear that the lead and the one in control of the trial will still be the House prosecutors. In other words, ang mga private prosecutors po na makakasama ng House prosecutors will be assisting prosecutors. And pursuant to the rules, they will remain under the direct control and supervision of the House prosecutors,” paliwanag ni Luistro. (Vina de Guzman)
MINALIIT lang ng Malakanyang ang report na di umano’y may nakaambang na destabilization plot laban kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na nananatiling nagkakaisa, propesyonal at committed ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa constitutional mandate nito.
Ani Castro, walang natanggap ang liderato ng AFP ng anumang detalye o impomasyon kaugnay sa lumalaking kawalang-kasiyahan sa loob ng military ranks.
“Ang sabi po mismo ng pamunuan ng AFP ay wala silang nakukuhang anumang detalye o impormasyon patungkol dito,” ang sinabi ni Castro.
Kinilala naman ni Castro ang report na may umiikot na tsismis subalit naka-monitor aniya ang military officials sa situwasyon.
“May ugung-ugong, at ito naman din ay kanilang binabantayan,” aniya pa rin.
Winika pa ni Castro na tiniyak ng AFP sa gobyerno na ang mga miyembro nito ay “active, united and professional,” binigyang diin na walang dahilan para sa loyalty check sa loob ng military organization.
“Hindi po kinakailangan, according to AFP, ng loyalty check dahil alam po nila ang kanilang mandato para sa bayan na naaayon sa Konstitusyon,” aniya pa rin.
Nauna rito, nanawagan si Sen. Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Martes ng gabi, Hunyo 9, sa lahat ng sandatahang lakas na manatiling mapagmatyag at mapanuri laban sa mga mapagsamantalang grupo na maaaring samantalahin ang kanilang hinaing at saloobin upang isulong ang destabilisasyon laban sa pamahalaan sa pamamagitan ng pagpapanggap na kanilang kaalyado.
Ani Lacson, hindi niya isinasantabi ang posibilidad na ang 18 dating sundalo na dinala sa Senado noong Lunes ay maaaring magamit bilang bahagi ng mas malawak na plano upang maghasik ng kaguluhan at magpasimula ng destabilisasyon.
Nauna nang nagbabala si Lacson na ang lumalaking frustration sa hanay ng sandatahang lakas ay maaaring magdulot ng panganib kung ito ay sasamantalahin ng mga mapagsamantala at makapangyarihang destabilizer na ginagamit ang mga pambansang usapin tulad ng mga anomalya sa flood control, implasyon, at pagtaas ng presyo ng langis.
Binanggit din ni Lacson na ang 18 dating sundalo, na unang nagsabing naghatid umano sila ng mga maleta ng salapi mula sa kickback ng mga proyekto sa flood control para sa ilang personalidad, ay nakasuot ng fatigue uniforms nang pumasok sila sa Senado noong Lunes.
Tinukoy niya ang intelligence information na ibinahagi ni National Bureau of Investigation Director Melvin Matibag na maaaring gamitin ang 18 upang makakuha ng suporta mula sa mga miyembro ng uniformed services, lalo na’t may mga anti-government protesters na araw-araw na nagsasagawa ng mga rally sa labas ng Senado.
Sa ngayon, sinabi niyang mahirap makakuha ng simpatya mula sa sandatahang lakas ang 18, lalo na mula sa Marines, dahil hindi bababa sa 12 sa kanila ang dishonorably discharged mula sa serbisyo. Aniya, halos itinakwil na rin sila ni retired Marine Col. Ariel Querubin dahil itinuturing silang kahihiyan ng kanilang hanay.
Ani Lacson, dahil sa naturang potensyal na banta, inilagay ni Senate President Pro Tempore at acting Senate President Sherwin Gatchalian sa heightened alert ang seguridad ng Senado, kabilang ang paghihigpit sa pagpasok at paglabas ng mga senador at pagbabawal muna sa mga bisita.
(DARIS JOSE)
IREREKOMENDA ng Department of Agriculture (DA) ang ekstensyon ng P50-per-kilo maximum suggested retail price (MSRP) para sa bigas, na nakatakdang mag- expire o mapaso sa Hunyo 30.
Sa nasabing press briefing, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na pinag-aaralang mabuti ng DA ang posibilidad na palawigin ang hakbang upang panatilihin ang presyo ng bigas na abot-kaya para sa mga consumers.
“Ang sabi po mismo ng DA ay magrerekomenda pa rin po sila ng extension of the price cap, at ito naman po ay titingnan po natin kung sasang-ayunan pa rin po ng National Price Coordinating Council at kung aaprubahan ng Pangulo. Pero magrerekomenda po sila ng extension for the price cap,” ang sinabi ni Castro.
Gayunman, sinabi ni Castro na wala pang nagagawang pinal na desisyon, ang panukala ay kailangan na sumailalim sa masusing ebalwasyon ng National Price Coordinating Council bago pa isumite sa pag-apruba ng Pangulo.
At nang tanungin kung maaaprubahan ba ang ekstensyon bago mag- June 30, sinabi ni Castro na nananatili itong layunin ng DA.
“Iyon po ang inaaral ng DA at iyan po ang nais nila,” aniya pa rin.
Samantala, kinumpirma naman ni Castro na may ilang rice retailers ang sumasailalim ngayon sa imbestigasyon ukol sa di umano’y bigong pagsunod o hindi pagsunod sa government-imposed price cap.
Ani Castro, sinimulan na ng DA ang pagpapalabas ng notices sa mga establisimyento na pinaghihinalaang lumabag sa polisiya habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
“So, sa ngayon po ay iniimbestigahan po ito kaya po hinihikayat natin ang mga kababayan po natin, sa mga nakikita ninyo pong umaabuso patungkol sa presyo ng bigas, ipagbigay-alam lamang po ninyo sa …kahit po sa amin dito at sa Department of Agriculture para po ito ay maimbestigahan at mapanagot na ang dapat na mapanagot,” ang dagdag na pahayag ni Castro.
Samantala, hinikayat naman ng Malakanyang ang publiko na tumulong sa pagmomonitor ng pagsunod sa rice price cap sa pamamagitan ng pagre-report ng anumang pinaghihinalaang paglabag sa tamang awtoridad.
Tinuran ni Castro na hindi pa makapagbibigay ang DA ng eksaktong numero ng rice retailers na kasalukuyang iniimbestigahan subalit kumpirmadong nabigyan na ng notices ang ilang establisimyento para sa posibleng paglabag.
(DARIS JOSE)
KAILANGAN ng 16 boto para ma-convict si Vice President Sara Duterte sa gagawing impeachment trial, ayon kay acting Senate President Win Gatchalian.
“Article XI, Section 3(6) of the 1987 Constitution states unequivocally that no person shall be convicted without the concurrence of two-thirds of all the Members of the Senate,” sabi ni Gatchalian.
Dahil naka-fixed aniya sa 24 ang bilang ng mga senador, mananatiling 16 ang kailangan kahit ano man ang bilang ng mga senador na dadalo sa trial.
“With the Senate’s membership fixed at 24, the conviction threshold is 16 votes, and it will remain 16 votes regardless of how many senators attend the trial, which bloc controls the chamber, or who presides over the impeachment court,” ani Gatchalian.
Sa ngayon ay 12 senador ang kasapi sa Gatchalian bloc samantalang 10 sa grupo ni Sen. Alan Peter Cayetano kung hindi isasama ang nakakulong na si Sen. Jinggoy Estrada at ang nagtatagong si Sen. Bato dela Rosa.
Itinakda ng Senate impeachment court sa ilalim ng liderato ni Gatchalian ang pre-trial conference sa Hunyo 18, kung saan inatasan ang parehong kampo ni Duterte at House prosecution panel na magsumite ng kanilang pre-trial briefs sa Hunyo 15 at sisimulan naman ang trial proper sa Hulyo 6, 2026.
Inilutang naman ni Gatchalian ang posibilidad na isang lawyer-senator ang mamumuno sa impeachment trial ni VP Sara. Kabilang sa mga lawyer-senator sa grupo ni Gatchalian sina Sen. Kiko Pangilinan at Sen. Chiz Escudero.
Sa ilalim ng mga patakaran, ang pangulo ng Senado ang dapat mamuno sa lahat ng impeachment trial, maliban kung ang Pangulo ng Pilipinas ang nililitis.
Bilang acting Senate president, iginiit ni Gatchalian na siya ang mamumuno sa impeachment trial ni Duterte. ( DARIS JOSE)