• April 29, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for March, 2026

PBBM, inamin na delikadong pauwiin ang mahigit 1K Pinoy na nag-request ng repatriation sa gobyerno ng Pilipinas

Posted on: March 4th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

INAMIN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na delikado na pauwiin ang 1,416 Filipino na nag-request ng repatriation sa gobyerno ng Pilipinas sa gitna ng matinding tensyon at nagpapatuloy na giyera sa Gitnang Silangan.

Sa press conference sa Kalayaan Hall, Palasyo ng Malakanyang, araw ng Martes, sinabi ng Pangulo na bagama’t mayroong mga pinaplano na dapat na mga ruta kung saan ilalabas ang mga Filipino o mga foreign – overseas workers, ang mga mga rutang ito ay isinara na dahil noong una ay hindi naman binobomba ang mga ito subalit ngayon ay kasama na sa binobomba.
“So, as of early this morning, sampu ang gustong magpa-repatriate from Iran. Ang pinakamarami from Israel – 297, 22 from Jordan, 231 from Bahrain, 586 from Dubai, 270 from Abu Dhabi. Altogether that’s 1,416 Filipino nationals who would like – who have requested repatriation,” ani Pangulong Marcos.
Bukod dito, wala aniyang lumilipad na eroplano dahil ang mga airport ay tinatamaan na.
“We have heard reports of attacks on different airports around the region, generally by – this is by Iran. ‘Yung mga tumulong sa Amerika at ‘yung mga tumulong – ‘yung mga bansa na tumulong sa Amerika ay inaatake ngayon ng Iran as retaliatory strikes,”a nito sabay sabing “Kaya’t very fluid ang situation. Ang assessment namin is delikado siguro magpalipad. Kahit na kaya nating kumuha ng eroplano at ipasok, wala tayong magagawa dahil number one, the airports are closed. They are all no-fly zones. This is a combat area.”
Kaya aniya, hindi muna gagawin ng gobyerno ang pagpapalipad.
Kung ‘by land’ naman aniya, sinabi ng Pangulo na delikado rin ito lalo na kung kung magkaroon ng friendly fire incident.
“Alam niyo pagka may putukan, it is an active combat zone, ‘pag nakakita ka ng maraming sasakyan, eh baka bombahin ‘yun because they will misidentify it as some – a hostile movement. So, that is also dangerous. Although that will be the best option that we will have in the immediate future dahil nga kinakatakutan pa natin ‘yung pagpalipad,” ang sinabi ng Pangulo.
Kaya aniya ang payo niya sa mga Filipinong nasa apekatdong lugar ay maghanap ng safe place at doon muna aniya manatili.
“You stay in a safe place and stay indoors and stay away from areas of danger,” ang pahayag ng Pangulo.
May plano rin aniya na maglagay ng quick response team sa mga crossing area, “Pero kagaya ng nasabi ko, ‘yung mga crossing area, kung maalala ninyo halimbawa sa – remember when the Hamas attack was done in Gaza, dinaan natin sila sa Rafah crossing, nagpunta sila sa Egypt. Eh ngayon, ang karamihan ng mga Pilipino in Israel are in Tel Aviv. Malayo na ‘yun sa Rafah crossing so we have to find other ways.”
Samantala, para sa Pangulo, ang pinaka-dangerous na lugar para sa mga Filipino ay ang Israel dahil tuloy-tuloy aniya ang pag-atake sa Israel.
“But the situation in Israel dahil sanay sila sa giyera, marami silang mga bomb shelter na puwedeng pagtaguan. At ‘yun ang naging advice namin sa ating mga kababayan, doon muna kayo. Para maging mas maginhawa para sa kanila, kumuha tayo ng – nakipag-areglo – nakipag-usap tayo sa mga iba’t ibang hotel na malapit doon sa bomb shelter na doon sila muna. Doon sila muna pumunta, doon sila muna. At pagka may air raid alarm, eh ‘di tumakbo muna sila sa bomb shelter. And that is the advice we have given to our nationals in Israel and also our nationals everywhere else na if you are in a safe place, kung malayo naman kayo, just stay put and be safe. And we will slowly try to find ways for those who want to be repatriated, we will find ways to get you out safely,” ang litaniya ng Pangulo.
“And that is the key thing here. Ang pinakauna nating tinitingnan ay dapat ligtas sila, hindi sila magka-problema. Hindi sila ma-attack dahil sa misidentification, dahil nga ay tuloy-tuloy ang pag-bomba, missile attacks, drone attacks. We already have seen friendly fire incidents in the past day.

So, kailangan natin bantayan ‘yun. So, right now, safety first for our people. And they are in constant contact with our embassy staff both – and the families of those who are working and living in the Gulf countries, mayroon silang hotline with the Department of Migrant Workers and also with the DFA para maitanong naman nila kung anong kalagayan ng kanilang mga kamag-anak,” ang pahayag pa rin ng Pangulo.
( DARIS JOSE)

Mala-hotel na bilangguan sa Mindoro… BucorTel raket ni Gen. Catapang, buking!

Posted on: March 4th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

MALA- hotel na pasilidad sa loob ng BuCor na pinapaupahan kada araw umano ni General Catapang sa High Value Chinese Prisoners, nabuking.

Tuluy tuloy ang pamamayagpag ng mga maimpluwensiyang bilanggong foreigners na karamihan ay napapabilang na Chinese nationals dahil sa mala-hotel na bilangguan sa Sablayan Prison and Penal Farm (SPPF), Occidental Mindoro.

Ito ay dahil sa pagpapahintulot daw ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio Catapang kung saan diumano’y may tinatanggap na bayad mula sa mga foreigners na gustong gumamit ng pasilidad.

Napag-alamang nangyayari ang pagha-hari-harian ng mga dayuhang bilanggo simula sa termino ni Catapang kung saan lakas loob na ginagawa ng naturang opisyal na ginagamit madalas ang pangalan ng kanyang kaibigang si dating DOJ Secretary Crispin Boying Remulla na ngayo’y kasalukuyang Ombudsman kaya’t malakas ang loob dahil ka brad pala niya ito. Totoo ba yan Mr. Ombudsman Boying? Ito ang katanungan ng marami na dapat liwanagin.

Tuluy tuloy daw ang kitaan sa loob ng mga bilangguan sa BuCor at ginagawang source of income na. Malaki raw bayad kada unit ng mala -VIP sa loob ng compound ng BuCor sa Sablayan.

Mayroong isang gusali na may tinatayang sampung kuwarto na pang VIP para lamang sa mga nakukulong mula sa Chinese community kung saan nagpapapasok pa di umano ng mga chicks na animo’y motel ang nasabing bilangguan imbes na doon pagdusahan ang kanilang mga kasalanan ay puro pagpapasarap pala ang ginagawa ng mga bilanggo.

Bukod pa rito, natuklasan pang may visiting area na pinapatakbo mismo ng Chinese community sa loob ng BuCor imbes na ang pamahalaan ang nagpapatakbo.

Ang sabi nga ng kaibigan natin sa loob ng BuCor lahat ng gusto mo kahit kontrabando iyan kayang ipalusot at gawing legal basta idaan lamang sa Deed of Donation para pasok pa rin sa loob ng bilangguan para maging legal.

Kaya naman nagmistulang inilipat lamang ang mga sinira noon na marangyang mga kubol mula dati sa New Bilibid Prison patungo sa jail compound ng BuCor ng probinsya ng Occidental Mindoro.

Nabatid pa natin sa isang BuCor official na tumanggi muna mapangalanan na may ilang high profile na bilanggo na karamihan ay Intsik ang nilipat na dyan sa nabanggit na bilangguan, magkano kaya ang kitaan per night sa VIP rooms ng BuCor sa Sablayan.
Samantala, sumabit din si Catapang sa mga lumutang kamakailan na 18 ex-marines na nagbuking na may male-maletang pera ang nire-remit kay dating congressman Zaldy Co. Kung saan may nag-deliver daw at tinanggap ni Catapang sa basement na paradahan sa Shangri-la Hotel, BGC ang male-maletang pera base na rin sa inilabas na joint affidavit ng mga dating marines.
Dagdag pa, sangkot din daw itong si Catapang sa mga ghost projects. Ibinulong kamakailan ng isa pang opisyal ng BuCor na itago na lang muna natin sa pangalang Mr. C na meron din ghost project si Catapang na pinagkakitaan ang isang proyektong gusali para maging kulungan subalit hanggang ngayon ay nganga pa rin at hindi ipinatupad kahit na pinondohan na ito ng gobyerno. Fully paid na diumano ang contractor pero poste pa lang ang naitatayo. (Bukas ang pahina ng People’s Balita para tumugon ang tauhan ng BuCor partikular na si Gen. Catapang sa lahat ng akusasyong ito. (PJR)

Sa gitna ng tensyon sa Middle East … PBBM, nanawagan sa taumbayan na magtipid sa paggamit ng enerhiya

Posted on: March 4th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

INATASAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang lahat ng opisyal ng gobyerno at taumbayan na maghanap ng paraan para makatipid sa paggamit ng enerhiya sa gitna ng matinding tensyon sa Middle East.
“Maghanap tayo ng paraan upang mabawasan ang ating paggamit ng lahat ng mga sources of energy natin. Kagaya ng sabi ko, sapat naman ang supply natin. Ngunit baka sakali, ito ay kakailanganin nating gawin ito upang mabawasan nga ang pagbayad dahil tataas nga ang presyo,” ayon sa Pangulo sa press conference na isinagawa Kalayaan Hall, Malakanyang, araw ng Martes.
“At hindi lamang sana sa government offices but we have issued a directive to all the government offices to find ways to save energy in every ways,” ibinigay na halimbawa ng lupa ang mga unnecessary travel, carpooling at iba pa.
“These are things that the general public can do,” anito.
Sa kabilang dako, hinikayat naman ng Punong Ehekutibo ang publiko na gumamit ng public transport.
“You know, private vehicles. Punuin naman ninyo ‘yung sasakyan ninyo. Huwag ‘yung iisang tao lang ang gumagamit,” ani Pangulong Marcos.
“All of these things can come together. We will give further guidance in terms of that. We will give further guidance. We will make public service announcements to make suggestions to people kung ano ‘yung puwede pa nilang gawin para mabawasan ang kanilang paggamit ng energy,” ang pahayag ng Pangulo.
“So that is the… That is the situation as we have it right now,” aniya pa rin. (DARIS JOSE)

Kamara, mahigpit na mino- monitor ang sitwasyon sa Middle East

Posted on: March 3rd, 2026 by @peoplesbalita No Comments

MAHIGPIT na mino-monitor ng Kamara ang sitwasyon sa Iran at kalapit na mga bansa sa Middle East lalo na sa isyu ng kaligtasan ng mga kabababayang Pilipino partikular na ang mga Overseas Filipino Workers na nagtatrabaho sa naturang rehiyon.

Ayon kay Speaker Faustino “Bojie” Dy III, “Ang ating mga OFW ay mahalagang bahagi ng ating bansa at ng ating ekonomiya. Mahalaga na matiyak ang kanilang kaligtasan at maibigay ang kinakailangang suporta sa oras ng pangangailangan.”

Kinilala at pinuri ni Dy ang naging aksyon at pag-utos ni Pangulong Marcos sa mga kaukulang ahensiya na alamin kung nasaan na ang Pilipino sa Middle East at gumawa ng agarang hakbang para masiguro ang kanilang kaligtasan at magpatupad ng mga contingency measures kung sakaling lumalala ang sitwasyon sa nasabing rehiyon.

Nanawagan din ang speaker sa Department of Foreign Affairs at Department of Migrant Workers na siguruhin na may contingency plans na nakalaan kapag kinakailangan, nakahandang assistance teams at bukas na komunikasyon para sa agarang aksyon.

Nananawagan pa ito sa mga kababayan sa mga apektadong lugar na manatiling mag-ingat at sumunod sa mga opisyal na abiso ng ating pamahalaan.

“We continue to hope for a peaceful resolution of tensions and firmly reaffirm that the safety and protection of our people will always be our foremost priority,” pagtatapos ni Dy.
(Vina de Guzman)

Ikatlo at ika-apat na impeachment complaints kay VP Sara Duterte, sufficient in form

Posted on: March 3rd, 2026 by @peoplesbalita No Comments

IDINEKLARA ng House Committee on Justice ang natitirang dalawang impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte na sufficient in form, na siyang daan upang talakayin at pagbotohan naman ngayong Martes ang isyu ng sufficiency in substannce.

Sa magkahiwalay na mosyon na walang humadlang, nagdesisyon ang komite na ang mga reklamo na inihain nina Father Jose Saballa at abogadong si Nathaniel Cabrera ay nakasunod sa formal requirements sa ilalim ng House rules.

“The Chair declares the third impeachment complaint, that is Father Saballa et al. impeachment complaint, sufficient in form. So ruled,” pahayag ni committee chair Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro matapos ang mosyon ni vice chair San Juan City Rep. Ysabel Maria Zamora ng walang objection.

Ang Saballa complaint ay inendorso ni ML Party-list Rep. Leila De Lima.

Matapos nito, inaprubahan din ng komite ang ika-apat na reklamo na inindorso nina Deputy Speaker Francisco Paolo Ortega V at Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr.

“The Chair declares the fourth impeachment complaint, that is Cabrera impeachment complaint, sufficient in form. So ruled,” pahayag ni Luistro matapos ang motion ni GP Party-list Rep. Padiernos na sinegundahan at walang humadlang.

Didinggin naman sa susunod na pagdinig ang dalawang reklamo para idetermina ang sufficiency in substance nito kung saan susuriin ng panel kung totoo ang mga alegasyon, sa ilalim ng Constitution.

Una nito, isinantabi ng komite ang unang impeachment complaint laban kay Bise Presidente Sara Duterte.

Sa botong 22 pabor, 10 hindi at 0 abstention, isinantabi ng komite ang first impeachment complaint na inihain laban kay VP Sara Duterte dahil sa paglabag sa one-year bar rule.

Ang unang complaint ay inendorso ng mga mambabatas ng Makabayan bloc.

Inakusahan dito ang VP ng betrayal of public trust, culpable violation of the Constitution, at iba pa dahil sa umano’y maling paggamit ng P612.5 million na confidential fund.

“By setting [it] aside, it means it will be no longer be included in the proceedings of this committee,” pahayag ni Luistro.

Nangangahulugan na tanging dalawang impeachment complaints laban sa VP ang naiwan matapos na iatras ang ikawalang complaint ng Tindig Pilipinas upang suportahan ang ikatlong reklamo na may kaparehong alegasyon.

Ang unang impeachment complaint ay inihain ni dating ACT Teachers party-list Rep. France Castro, at iba pa noong February 2.
(Vina de Guzman)

Sa gitna ng gulo sa Middle East: Nakatakdang working visit ni PBBM ngayong buwan sa New York, USA tuloy – Malakanyang

Posted on: March 3rd, 2026 by @peoplesbalita No Comments

TULOY pa rin ang naka-iskedyul na working visit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa New York, USA mula March 8-11 upang dumalo sa mga high-level meeting ng United Nations.
Ito’y sa gitna ng nagpapatuloy na gulo sa Gitnang Silangan.
“Sa ngayon, wala pa pong pagbabago sa schedule,” ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.
Sa kabilang dako, kabilang sa magiging agenda ng Pangulo sa working visit nito sa New York, USA ay ang pagdalo sa opening ng 70th session ng Commission on the Status of Women, na tumatalakay sa mga isyu ng gender equality at women empowerment.
Matatandaang, taong 2024 nang muling nahalal ang Pilipinas bilang myembro ng Commission on the Status of Women para sa taong 2025 hanggang 2029, matapos ang naging pamumuno ng bansa sa ika-68 session nito.
Magbibigay din ng talumpati ang Presidente sa isang special session ng UN General Assembly bilang bahagi ng aktibong pakikilahok ng Pilipinas.
Makikipagpulong din ang Pangulo sa ilang opisyal ng United Nations. (DARIS JOSE)

Top 1 most wanted ng NCRPO, nalambat sa Caloocan

Posted on: March 3rd, 2026 by @peoplesbalita No Comments

NAGWAKAS na ang maligayang araw ng isang lalaki na akusado sa patong-patong na panghahalay sa isang menor-de-edad nang matunton ng pulisya sa kanyang pinagtataguan sa Caloocan City.

Nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz hinggil sa kinaroroonan ng 32-anyos na akusado.

Ang akusado ay nakatala umano bilang No. 1 Regional Top Most Wanted Person at No. 1 District Top Most Wanted dahil sa kasong Qualified Rape of a Minor (3 counts), Acts of Lasciviousness (4 counts), at Sexual Assault under Article 266-A(2) in relation to RA 7610.

Katuwang ang mga operatiba ng WSS–Caloocan Police at Northern District Intelligence Team – Regional Intelligence Unit (NDIT-RIU NCR), ikinasa ng mga operatiba ng NPD Special Operations Unit (DSOU) ang joint manhunt operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa akusado sa Brgy., 171, ng lungsod.

Pansamantalang nakapiit ang akusado sa NPD Custodial Facility Unit habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa korte para sa paglilipat sa kanya sa City Jail.

Pinuri naman ni Gen. Dela Cruz ang arresting team sa kanilang matagumpay na operation na binibigyang-diin na ang NPD ay nananatiling mapagbantay sa pagpapanatili ng kaligtasan ng publiko at pagtiyak na ang mga wanted persons ay papanagutin sa ilalim ng batas. (Richard Mesa)

PBBM, inutos ang koordinasyon ng mga ahensya para sa epekto ng gulo sa Gitnang Silangan

Posted on: March 3rd, 2026 by @peoplesbalita No Comments

INATASAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga pangunahing ahensya ng gobyerno na tiyaking maayos at agarang natutugunan ang kapakanan at proteksyon ng mga overseas Filipino sa gitna ng tumitinding tensyon sa Middle East.
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Department of Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac na ipinag-utos ng Pangulo ang interagency mobilization upang matiyak ang sapat na tulong at suporta sa mga Pilipino sa naturang rehiyon.
Ayon kay Cacdac, pinamumunuan ni DOH Secretary Ted Herbosa ang pagpupulong para pag-isahin ang mga medikal na tugon, kabilang ang online consultations at psychosocial support ng Department of Health.
“From the DICT, si Sec. Henry Aguda may direktiba mula sa kanya at sa DICT that all telcos will do everything to make sure connectivity with OFWs in the Middle East is maintained and instructed the regional offices to provide free connections to anyone who would like to reach out to their family members and loved ones in affected areas,” dagdag pa ni Cacdac.
Samantala, handa ang Department of Social Welfare and Development sa pamumuno ni Secretary Rex Gatchalian na tumulong sa mga Pilipinong uuwi sa bansa. Nakipagpulong din si Cacdac kay Trade Secretary Cristina Roque para sa mga programang pangkabuhayan at reintegration ng mga babalik na OFW.
Ayon pa sa DMW, may mga opsyon sa trabaho para sa mga maaapektuhan, kabilang ang redeployment sa ibang bansa at aplikasyon sa mga job orders na hawak ng ahensya.
Para sa lokal na trabaho, nakikipag-ugnayan din ang pamahalaan sa Department of Labor and Employment at sa sektor ng turismo sa pamumuno ni Secretary Christina Frasco.
Para naman sa pagsasanay, katuwang ang Technical Education and Skills Development Authority sa pamumuno ni Director Francisco Benitez sa pagbibigay ng reskilling at training vouchers sa mga OFW.
“May mga training vouchers na ibinilin sa amin si Sec. Kiko na puwede naming ibigay sa kanila. Puwede nilang piliin ‘yung kurso at saka ‘yung training institution parang blank ‘yung vouchers na ‘yun na ifi-fill up lang nila,” ayon kay Cacdac..
Suportado rin ng pribadong sektor ang mga programa sa kabuhayan at marketing ng produkto.
Samantala, sinabi naman ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na nagpatawag ng emergency meeting si Energy Secretary Sharon Garin kasama ang mga oil companies upang suriin ang posibleng epekto ng sitwasyon sa Middle East sa presyo ng langis sa bansa.
(Daris Jose)

Tiangco, mga estudyante, kawani ng NPC nagsagawa ng talakayan

Posted on: March 3rd, 2026 by @peoplesbalita No Comments

NAGSAGAWA ng masusing talakayan sina Mayor John Rey Tiangco, kasama ang mga estudyante at kawani ng Navotas Polytechnic College hinggil sa pagpapasigla ng antas ng edukasyon at kabuuang kalagayan ng naturang pamantasan.

Ani Tiangco, nais nilang magsagawa ng mga programang tutugon sa mga hamong kinakaharap ng mga mag-aaral ng NPC sampu ng buong komunidad nito katulad ng pagpapatuloy ng libreng edukasyon at iba pang pangangailangan.

Tinitiyak din nya na buo ang suporta ng lokal na pamahalaan kaakibat ng layunin na iangat ang pamantayan ng edukasyon sa siyudad dahil ito ang magiging gabay ng mga kabataan sa magandang kinabukasan. (Richard Mesa)

DHSUD namahagi ng 1,000 bahay sa mga benepisyaro ng 4PH sa Bulacan

Posted on: March 3rd, 2026 by @peoplesbalita No Comments

SINIMULAN na ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang pamamahagi ng mahigit 1,000 housing units sa Santa Maria Highlands, Bulacan.
Sa katunayan ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na pinangunahan ni DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling ang turnover bilang bahagi ng Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Program (4PH).
Ang proyekto, na suportado ng Pag-IBIG Fund ay may 33 gusali at 11,016 unit, na inaasahang makikinabang ang humigit-kumulang 30,000 katao. Nakatanggap na ng sertipiko at susi ang mahigit isanlibong unang batch ng benepisyaryo.
Ayon sa DHSUD, simula pa lamang ito ng mas malawak na pamamahagi upang mas maraming pamilyang Pilipino ang magkaroon ng sariling tahanan.
( Daris Jose)