• June 1, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for March 3rd, 2026

Kamara, mahigpit na mino- monitor ang sitwasyon sa Middle East

Posted on: March 3rd, 2026 by @peoplesbalita No Comments

MAHIGPIT na mino-monitor ng Kamara ang sitwasyon sa Iran at kalapit na mga bansa sa Middle East lalo na sa isyu ng kaligtasan ng mga kabababayang Pilipino partikular na ang mga Overseas Filipino Workers na nagtatrabaho sa naturang rehiyon.

Ayon kay Speaker Faustino “Bojie” Dy III, “Ang ating mga OFW ay mahalagang bahagi ng ating bansa at ng ating ekonomiya. Mahalaga na matiyak ang kanilang kaligtasan at maibigay ang kinakailangang suporta sa oras ng pangangailangan.”

Kinilala at pinuri ni Dy ang naging aksyon at pag-utos ni Pangulong Marcos sa mga kaukulang ahensiya na alamin kung nasaan na ang Pilipino sa Middle East at gumawa ng agarang hakbang para masiguro ang kanilang kaligtasan at magpatupad ng mga contingency measures kung sakaling lumalala ang sitwasyon sa nasabing rehiyon.

Nanawagan din ang speaker sa Department of Foreign Affairs at Department of Migrant Workers na siguruhin na may contingency plans na nakalaan kapag kinakailangan, nakahandang assistance teams at bukas na komunikasyon para sa agarang aksyon.

Nananawagan pa ito sa mga kababayan sa mga apektadong lugar na manatiling mag-ingat at sumunod sa mga opisyal na abiso ng ating pamahalaan.

“We continue to hope for a peaceful resolution of tensions and firmly reaffirm that the safety and protection of our people will always be our foremost priority,” pagtatapos ni Dy.
(Vina de Guzman)

Ikatlo at ika-apat na impeachment complaints kay VP Sara Duterte, sufficient in form

Posted on: March 3rd, 2026 by @peoplesbalita No Comments

IDINEKLARA ng House Committee on Justice ang natitirang dalawang impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte na sufficient in form, na siyang daan upang talakayin at pagbotohan naman ngayong Martes ang isyu ng sufficiency in substannce.

Sa magkahiwalay na mosyon na walang humadlang, nagdesisyon ang komite na ang mga reklamo na inihain nina Father Jose Saballa at abogadong si Nathaniel Cabrera ay nakasunod sa formal requirements sa ilalim ng House rules.

“The Chair declares the third impeachment complaint, that is Father Saballa et al. impeachment complaint, sufficient in form. So ruled,” pahayag ni committee chair Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro matapos ang mosyon ni vice chair San Juan City Rep. Ysabel Maria Zamora ng walang objection.

Ang Saballa complaint ay inendorso ni ML Party-list Rep. Leila De Lima.

Matapos nito, inaprubahan din ng komite ang ika-apat na reklamo na inindorso nina Deputy Speaker Francisco Paolo Ortega V at Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr.

“The Chair declares the fourth impeachment complaint, that is Cabrera impeachment complaint, sufficient in form. So ruled,” pahayag ni Luistro matapos ang motion ni GP Party-list Rep. Padiernos na sinegundahan at walang humadlang.

Didinggin naman sa susunod na pagdinig ang dalawang reklamo para idetermina ang sufficiency in substance nito kung saan susuriin ng panel kung totoo ang mga alegasyon, sa ilalim ng Constitution.

Una nito, isinantabi ng komite ang unang impeachment complaint laban kay Bise Presidente Sara Duterte.

Sa botong 22 pabor, 10 hindi at 0 abstention, isinantabi ng komite ang first impeachment complaint na inihain laban kay VP Sara Duterte dahil sa paglabag sa one-year bar rule.

Ang unang complaint ay inendorso ng mga mambabatas ng Makabayan bloc.

Inakusahan dito ang VP ng betrayal of public trust, culpable violation of the Constitution, at iba pa dahil sa umano’y maling paggamit ng P612.5 million na confidential fund.

“By setting [it] aside, it means it will be no longer be included in the proceedings of this committee,” pahayag ni Luistro.

Nangangahulugan na tanging dalawang impeachment complaints laban sa VP ang naiwan matapos na iatras ang ikawalang complaint ng Tindig Pilipinas upang suportahan ang ikatlong reklamo na may kaparehong alegasyon.

Ang unang impeachment complaint ay inihain ni dating ACT Teachers party-list Rep. France Castro, at iba pa noong February 2.
(Vina de Guzman)

Sa gitna ng gulo sa Middle East: Nakatakdang working visit ni PBBM ngayong buwan sa New York, USA tuloy – Malakanyang

Posted on: March 3rd, 2026 by @peoplesbalita No Comments

TULOY pa rin ang naka-iskedyul na working visit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa New York, USA mula March 8-11 upang dumalo sa mga high-level meeting ng United Nations.
Ito’y sa gitna ng nagpapatuloy na gulo sa Gitnang Silangan.
“Sa ngayon, wala pa pong pagbabago sa schedule,” ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.
Sa kabilang dako, kabilang sa magiging agenda ng Pangulo sa working visit nito sa New York, USA ay ang pagdalo sa opening ng 70th session ng Commission on the Status of Women, na tumatalakay sa mga isyu ng gender equality at women empowerment.
Matatandaang, taong 2024 nang muling nahalal ang Pilipinas bilang myembro ng Commission on the Status of Women para sa taong 2025 hanggang 2029, matapos ang naging pamumuno ng bansa sa ika-68 session nito.
Magbibigay din ng talumpati ang Presidente sa isang special session ng UN General Assembly bilang bahagi ng aktibong pakikilahok ng Pilipinas.
Makikipagpulong din ang Pangulo sa ilang opisyal ng United Nations. (DARIS JOSE)

Top 1 most wanted ng NCRPO, nalambat sa Caloocan

Posted on: March 3rd, 2026 by @peoplesbalita No Comments

NAGWAKAS na ang maligayang araw ng isang lalaki na akusado sa patong-patong na panghahalay sa isang menor-de-edad nang matunton ng pulisya sa kanyang pinagtataguan sa Caloocan City.

Nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz hinggil sa kinaroroonan ng 32-anyos na akusado.

Ang akusado ay nakatala umano bilang No. 1 Regional Top Most Wanted Person at No. 1 District Top Most Wanted dahil sa kasong Qualified Rape of a Minor (3 counts), Acts of Lasciviousness (4 counts), at Sexual Assault under Article 266-A(2) in relation to RA 7610.

Katuwang ang mga operatiba ng WSS–Caloocan Police at Northern District Intelligence Team – Regional Intelligence Unit (NDIT-RIU NCR), ikinasa ng mga operatiba ng NPD Special Operations Unit (DSOU) ang joint manhunt operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa akusado sa Brgy., 171, ng lungsod.

Pansamantalang nakapiit ang akusado sa NPD Custodial Facility Unit habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa korte para sa paglilipat sa kanya sa City Jail.

Pinuri naman ni Gen. Dela Cruz ang arresting team sa kanilang matagumpay na operation na binibigyang-diin na ang NPD ay nananatiling mapagbantay sa pagpapanatili ng kaligtasan ng publiko at pagtiyak na ang mga wanted persons ay papanagutin sa ilalim ng batas. (Richard Mesa)

PBBM, inutos ang koordinasyon ng mga ahensya para sa epekto ng gulo sa Gitnang Silangan

Posted on: March 3rd, 2026 by @peoplesbalita No Comments

INATASAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga pangunahing ahensya ng gobyerno na tiyaking maayos at agarang natutugunan ang kapakanan at proteksyon ng mga overseas Filipino sa gitna ng tumitinding tensyon sa Middle East.
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Department of Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac na ipinag-utos ng Pangulo ang interagency mobilization upang matiyak ang sapat na tulong at suporta sa mga Pilipino sa naturang rehiyon.
Ayon kay Cacdac, pinamumunuan ni DOH Secretary Ted Herbosa ang pagpupulong para pag-isahin ang mga medikal na tugon, kabilang ang online consultations at psychosocial support ng Department of Health.
“From the DICT, si Sec. Henry Aguda may direktiba mula sa kanya at sa DICT that all telcos will do everything to make sure connectivity with OFWs in the Middle East is maintained and instructed the regional offices to provide free connections to anyone who would like to reach out to their family members and loved ones in affected areas,” dagdag pa ni Cacdac.
Samantala, handa ang Department of Social Welfare and Development sa pamumuno ni Secretary Rex Gatchalian na tumulong sa mga Pilipinong uuwi sa bansa. Nakipagpulong din si Cacdac kay Trade Secretary Cristina Roque para sa mga programang pangkabuhayan at reintegration ng mga babalik na OFW.
Ayon pa sa DMW, may mga opsyon sa trabaho para sa mga maaapektuhan, kabilang ang redeployment sa ibang bansa at aplikasyon sa mga job orders na hawak ng ahensya.
Para sa lokal na trabaho, nakikipag-ugnayan din ang pamahalaan sa Department of Labor and Employment at sa sektor ng turismo sa pamumuno ni Secretary Christina Frasco.
Para naman sa pagsasanay, katuwang ang Technical Education and Skills Development Authority sa pamumuno ni Director Francisco Benitez sa pagbibigay ng reskilling at training vouchers sa mga OFW.
“May mga training vouchers na ibinilin sa amin si Sec. Kiko na puwede naming ibigay sa kanila. Puwede nilang piliin ‘yung kurso at saka ‘yung training institution parang blank ‘yung vouchers na ‘yun na ifi-fill up lang nila,” ayon kay Cacdac..
Suportado rin ng pribadong sektor ang mga programa sa kabuhayan at marketing ng produkto.
Samantala, sinabi naman ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na nagpatawag ng emergency meeting si Energy Secretary Sharon Garin kasama ang mga oil companies upang suriin ang posibleng epekto ng sitwasyon sa Middle East sa presyo ng langis sa bansa.
(Daris Jose)

Tiangco, mga estudyante, kawani ng NPC nagsagawa ng talakayan

Posted on: March 3rd, 2026 by @peoplesbalita No Comments

NAGSAGAWA ng masusing talakayan sina Mayor John Rey Tiangco, kasama ang mga estudyante at kawani ng Navotas Polytechnic College hinggil sa pagpapasigla ng antas ng edukasyon at kabuuang kalagayan ng naturang pamantasan.

Ani Tiangco, nais nilang magsagawa ng mga programang tutugon sa mga hamong kinakaharap ng mga mag-aaral ng NPC sampu ng buong komunidad nito katulad ng pagpapatuloy ng libreng edukasyon at iba pang pangangailangan.

Tinitiyak din nya na buo ang suporta ng lokal na pamahalaan kaakibat ng layunin na iangat ang pamantayan ng edukasyon sa siyudad dahil ito ang magiging gabay ng mga kabataan sa magandang kinabukasan. (Richard Mesa)

DHSUD namahagi ng 1,000 bahay sa mga benepisyaro ng 4PH sa Bulacan

Posted on: March 3rd, 2026 by @peoplesbalita No Comments

SINIMULAN na ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang pamamahagi ng mahigit 1,000 housing units sa Santa Maria Highlands, Bulacan.
Sa katunayan ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na pinangunahan ni DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling ang turnover bilang bahagi ng Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Program (4PH).
Ang proyekto, na suportado ng Pag-IBIG Fund ay may 33 gusali at 11,016 unit, na inaasahang makikinabang ang humigit-kumulang 30,000 katao. Nakatanggap na ng sertipiko at susi ang mahigit isanlibong unang batch ng benepisyaryo.
Ayon sa DHSUD, simula pa lamang ito ng mas malawak na pamamahagi upang mas maraming pamilyang Pilipino ang magkaroon ng sariling tahanan.
( Daris Jose)

Pagtataas sa presyo ng mga pangunahing bilihin dahil sa giyera sa Middle East, hindi napapanahon- Malakanyang

Posted on: March 3rd, 2026 by @peoplesbalita No Comments

HINDI pa napapanahon ang pagtataas sa presyo ng mga pangunahing bilihin sa gitna ng krisis sa Gitnang Silangan.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro Palace Press Officer Claire Castro na hindi ito ang tamang panahon para samantalahin at gamitin ng mga negosyante ang gulo sa Gitnang Silangan para itaas ang presyo ng kanilang produkto.
Sa katunayan nga aniya ay inutusan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang iba’t ibang ahensiya para hindi aniya magkaroon ng pang-aabuso at kasama na aniya rito ang Department of Trade and Industry (DTI).
Sa kabilang dako, sinabi ni Castro na pag-uusapan sa emergency meeting ni Energy Secretary Sharon Garin kasama ang mga oil companies ang posibilidad na pagsirit ng presyo ng langis dahil sa gulo sa Middle East.
Nauna rito, inihayag ng Department of Energy na magkakaroon lamang ng limited impact sa supply ng langis sa mundo ang kasalukuyang kaguluhan sa Middle East.
Sinabi ni Oil Management Bureau Director Rino Abad na wala namang reports ng nasirang oil production facilities sa Iran sa kabila ng mga pag-atake ng Estados Unidos at Israel.
Ipinaliwanag ni Abad na ang mga pag-atake sa Iran ay limitado lamang sa military at nuclear-related infrastructure at hindi umano apektado ang oil export capacity ng Middle East.
Gayunman, ipinunto ni Abad na ang takot ng mga shipping operator ang nagpapabagal sa oil deliveries.
Dahil sa pagkaantala ng shipment, inaasahan ang pagtaas ng presyo ng langis.
Tinataya ng DOE ang pagtaas na 5 hanggang 10 US dollars per barrel sa presyo ng langis, katumbas ng 30 centavos per liter sa bawat isang dolyar na pagtaas.
Kung magpapatuloy ang pagtaas ng presyo, mararamdaman ng consumers ang impact nito sa susunod na dalawa hanggang tatlong linggo, kung saan posibleng hanggang P3 per liter ang kabuuang pagtaas sa presyo ng langis sa bansa.
Sa kabila ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis, naniniwala ang DOE na ito ay magreresulta sa krisis sa supply sa mundo.
(DARIS JOSE)

Dahil sa paglabag sa SEC… MGA VILLAR PINADALHAN NA NG SUBPOENA NG DOJ

Posted on: March 3rd, 2026 by @peoplesbalita No Comments

PINADALHAN na ng subpoena ang pamilya Villar kaugnay sa umano’y paglabag sa Securities Regulation Code.
Ayon sa Department of Justice (DOJ) sasailalim na sa preliminary investigation ang reklamo ng SEC laban sa Villar Holdings Corporation at iba pa matapos ang initial evaluation.
“Subpoena have been served upon the respondents”, ayon pa sa DOJ.
Ayon kay DOJ spokesperson Atty. Polo Martinez, may sapat na batayan upang umusad sa susunod na yugto ng imbestigasyon.
Sa ilalim ng proseso, tutukuyin ng Department of Justice kung may sapat na merito ang mga alegasyong inilahad ng Securities and Exchange Commission.
Binigyang-diin din na bibigyan ng pagkakataon ang lahat ng respondent na magsumite ng kanilang mga sagot at ebidensya bilang bahagi ng kanilang depensa.
Itinakda ang preliminary investigation sa ikatlong linggo ngayong buwan ng Marso . (Gene Adsuara)

Sa posibleng paglala ng tensiyon sa giyera… Paglikas sa mga Pinoy sa Middle East ikinakasa

Posted on: March 3rd, 2026 by @peoplesbalita No Comments

NAGHAHANDA na ang Department of ­National Defense (DND) at Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa paglikas at humanitarian mission sa mga Pilipino sa Middle East sa posibleng paglala ng tensiyon matapos mag­lunsad ng airstrikes ang Estados Unidos at Israel sa Iran.

“The Armed Forces of the Philippines stands ready to assist in humanitarian and evacuation operations, if directed,” pahayag ni DND spokesperson Asst. Sec. Arsenio Andolong.

Libu-libong mga Pilipino ang nagtatrabaho at naninirahan sa Middle East kabilang ang mga nasa household service, caregivers, engineers at mga health professionals.

“The DND and the AFP are ready to respond to probable contingencies, including possible repatriation support and crisis response coordination of Filipinos in affected countries should conditions warrant further action,” pahayag pa ni Andolong na sinabing walang direktang banta sa Pilipinas ang nasabing sigalot.
( DARIS JOSE)