Pagtataas sa presyo ng mga pangunahing bilihin dahil sa giyera sa Middle East, hindi napapanahon- Malakanyang
- Published on March 3, 2026
- by @peoplesbalita
HINDI pa napapanahon ang pagtataas sa presyo ng mga pangunahing bilihin sa gitna ng krisis sa Gitnang Silangan.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro Palace Press Officer Claire Castro na hindi ito ang tamang panahon para samantalahin at gamitin ng mga negosyante ang gulo sa Gitnang Silangan para itaas ang presyo ng kanilang produkto.
Sa katunayan nga aniya ay inutusan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang iba’t ibang ahensiya para hindi aniya magkaroon ng pang-aabuso at kasama na aniya rito ang Department of Trade and Industry (DTI).
Sa kabilang dako, sinabi ni Castro na pag-uusapan sa emergency meeting ni Energy Secretary Sharon Garin kasama ang mga oil companies ang posibilidad na pagsirit ng presyo ng langis dahil sa gulo sa Middle East.
Nauna rito, inihayag ng Department of Energy na magkakaroon lamang ng limited impact sa supply ng langis sa mundo ang kasalukuyang kaguluhan sa Middle East.
Sinabi ni Oil Management Bureau Director Rino Abad na wala namang reports ng nasirang oil production facilities sa Iran sa kabila ng mga pag-atake ng Estados Unidos at Israel.
Ipinaliwanag ni Abad na ang mga pag-atake sa Iran ay limitado lamang sa military at nuclear-related infrastructure at hindi umano apektado ang oil export capacity ng Middle East.
Gayunman, ipinunto ni Abad na ang takot ng mga shipping operator ang nagpapabagal sa oil deliveries.
Dahil sa pagkaantala ng shipment, inaasahan ang pagtaas ng presyo ng langis.
Tinataya ng DOE ang pagtaas na 5 hanggang 10 US dollars per barrel sa presyo ng langis, katumbas ng 30 centavos per liter sa bawat isang dolyar na pagtaas.
Kung magpapatuloy ang pagtaas ng presyo, mararamdaman ng consumers ang impact nito sa susunod na dalawa hanggang tatlong linggo, kung saan posibleng hanggang P3 per liter ang kabuuang pagtaas sa presyo ng langis sa bansa.
Sa kabila ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis, naniniwala ang DOE na ito ay magreresulta sa krisis sa supply sa mundo.
(DARIS JOSE)