• April 16, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for February 17th, 2026

Retirement ni LeBron James, kanya pang pinag-iisipan

Posted on: February 17th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

PINAG-IISIPAN pa ni NBA superstar LeBron James ang kanyang retirement nang matanong kung may plano pa itong magpatuloy sa paglalaro matapos ang kasalukuyang season kung saan naitala niya ang ika-23 record.

Aniya, hindi pa niya tiyak kung siya’y magpapatuloy pero may plano na umano siya para sa kanyang retirement.

Sa isang panayam nitong Linggo bago ang NBA All-Star Game, sinabi ng 41-anyos na forward ng Los Angeles Lakers na hindi pa niya alam kung ano ang kanyang magiging hakbang sa susunod na season.

“Yeah, I want to live,” sabi ni LeBron tungkol sa plano pagkatapos ng season. “When I know, you guys know. I don’t know. I have no idea. I just want to live, that’s all.”

Bagama’t may agam-agam sa kanyang hinaharap sa NBA, tiniyak ni LeBron na hindi ito makakaapekto sa kanyang pagsisikap na tulungan ang Lakers na makuha ang kanilang ika-limang NBA title.

“This is beginning towards the post-season so it has nothing to do with that,” sabi niya.

“Same motivation, same mind factor. We’ve got past the marathon and now the sprint is about to start. I think everybody understands that,” dagdag pa ni LeBron.

Ngayong season, nag-average si LeBron ng 22.0 points, 7.1 assists, 5.8 rebounds, at 1.1 steals kada laro sa Lakers, na kasalukuyang pumapangalawa sa Western Conference na may record na 33-21.

“Our success is going to come down to obviously I think our health, our coach staff putting us in the right position,” aniya.

“I think they’re going to give us the game plan every night. But when it comes to what we have to work with, we have to actually go out and see it. We haven’t been able to have an opportunity much this year.”

Inamin rin ni LeBron na nais niyang maging may-ari ng NBA team kapag natapos na ang kanyang playing career, ngunit hindi ito ang tanging plano niya sa hinaharap.

“There’s a lot of things that I have on the table that I can tap into if I would like to, that being one of them,” sabi ni James.

“There’s other ventures as well I’ll continue to explore and see what will engage me and motivate me in a post-career. But right now I’m still locked in on what’s going on right now.”

Alex Eala pasok na sa ikalawang round ng Dubai Open

Posted on: February 17th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

PASOK na sa ikalawang round ng Dubai Tennis Championships si Pinay tennis star Alex Eala.

Ito ay matapos na hindi itinuloy ni Hailey Baptiste ang laro sa ikalawang round.

Nakuha ni Eala ang unang panalo sa first round na 6-4.

Pagpasok ng ikalawang round ay naging matindi ang ipinakitang laban ng American tennis star.
Nagkamit pa ng maraming deuces si Eala subalit pagkalamang ni Baptiste ng 1-0 ay nagpasya itong itigil ang laro.

Nakaranas umano ang American tennis player ng pananakit sa tiyan kaya minabuti na magretire o hindi ituloy ang laban.

Labi na ikinatuwa ni Eala ang panalo kung saan ipinagdasal niya ang American tennis player na gumaling na.

Susunod na makakaharap nito ay si World number 8 na si Jasmine Paolini ng Italy.

Pagtatayo ng landfill sa Calauan Laguna, pinabulaanan ni Vice Gov JM Carait

Posted on: February 17th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

NAGPAUNLAK ng isang panayam ang Bise Gobernador ng Lalawigan ng Laguna na si Vice Governor Atty JM Carait sa mga mamamahayag ng People’s Balita at Bagong Henerasyon News Tv Worldwide.
Ayon sa kanya ay di pa nakakarating sa kanyang tanggapan ang nasabing isyu sa Landfill na diumano’y itatayo sa Bayan ng Calauan, Laguna. Kung sakaling ito ay makarating na sa kanilang tanggapan ay kanilang masusing sisiyasatin, dahil may iba’t ibang klase ng landfill kung kaya’t wala pang pormal na komento dahil sa ito ay isang espikulasyon pa lamang kaya kung ito ay sakaling makarating sa kanila ay titignan ng Sangguniang Panlalawigan kung ito ay makakatulong o lubhang makakaapekto sa kalikasan at mga mamamayan at ito ay kanyang aaksyunan ng nasabing Bise Gobernador.

Nilinaw din niya na may sari-sariling komitiba kaya’t hindi ito basta basta na maipapasa dahil sa ito ay susuriin bago ito maipanukala, dahil ang kapakanan ng nakakarami ang kanyang tinitignan kayat kailangan na masusing pag-aaral ukol sa mga ipinapanukalang ordinansa sa naturang lalawigan.
(Yvonne Bagang/ Photos : Boy Morales Sr.)

Walong priority measures ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC), umusad sa Kamara

Posted on: February 17th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

UMUSAD ang walong priority measures ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) matapos itong maaprubahan sa committee level ng House of Representatives.
Ayon kay House Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos, hinihintay na lamang ang komento ng House Committee on Appropriations sa kaukulang pagpopondo sa mga panukala kung sakaling maisabatas ang mga ito.
“Ang mga committee-level approvals ay nagpapakita lamang na ang Kamara, sa pumuno ni Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III, ay patuloy ang pagtatrabaho kahit nitong last week lang nag-convene ang LEDAC upang talakayin ang mga mauunang panukala na babalangkasin sa Kamara,” sinabi ni Marcos.
“Ang focus namin ay doon sa mga bills na may direktang kaugnayan sa sektor ng edukasyon, kalusugan, food security at social protection,” dagdag ni Marcos.
Kabilang sa mga LEDAC priority measures ay ang panukalang modernisasyon ng Bureau of Immigration; ang National Land Use Act; pagtatatag ng Independent People’s Commission; ang Presidential Merit Scholarship Program; amendments sa Universal Access to Quality Tertiary Education Act; amendments sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) Act; amendments sa Magna Carta for Micro, Small, and Medium Enterprises, at ang panukalang resetting ng elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ang BARMM bill ay kabilang sa apat na panukala na inindorso ng LEDAC nitong Martes na isama sa Common Legislative Agenda (CLA).
Kabilang sa CLA ay ang panukala ni Rep. Marcos na tanggalin ang travel tax, ang expanded (Online Sexual Abuse or Exploitation of Children) o CSAEM (Child Sexual Abuse or Exploitation Material) Act of 2026, at ang panukala laban sa mga fake news at disinformation. (Vina de Guzman)

WALANG ISASARA NA KALSADA SA SEMANA SANTA

Posted on: February 17th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

WALANG isasara ng kalsada sa Maharlika Highway sa Semana Santa ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sinabi ni DPWH Secretary Vince Dizon na inatasan na niya ang paglilinis ng mga sagabal at pansamantalang pag-aayos ng mga di-pantay na kalsada bago matapos ang Marso.
Sa nakalipas na dalawang buwan, ininspeksyon ni Dizon ang ilang bahagi ng Maharlika Highway sa Quezon, Bicol, at Samar.
Dagdag pa niya, ang pangmatagalang rehabilitasyon ng highway, na isang mahalagang daanan para sa mga produkto at pasahero sa bansa, ay sisimulan sa Hunyo o Hulyo, habang ang bidding para sa proyekto ay magsisimula sa Mayo.
Ang Semana Santa ngayong taon ay sa Abril, kung saan ang Huwebes Santo (Abril 2) at Biyernes Santo (Abril 3) ay regular holidays. Samantala, ang Abril 4 (Sabado de Gloria) ay isang special non-working day.
(Gene Adsuara)

P22 billion ang kikitain ng gobyerno kada taon sa pag-aalis ng travel tax

Posted on: February 17th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

AABOT ng P22 billion ang kikitain ng gobyerno kada taon sa pag-aalis ng travel tax, ayon kay Marikina City Rep. Miro Quimbo.
Ayon pa kay Quimbo, chairman ng House Committee on Ways and Means, ganito ang lumalabas sa kanilang kalkulasyon sa mga naunang pahayag na maaring malugi ang gobyerno ng aabot sa P7.5 billion sa buwis na dapat sanang makolekta.
“So ‘yun po ang overall for the 7.5 billion na mawawala po natin ‘pag tinanggal po natin annually. So, sa computation po namin ‘yung madadagdag in terms of income tax, dahil mas malaki ang kikita nila, aabot po ng P22 billion. No brainer po talaga siya,” sinabi ni Quimbo.

Ang panukala, House Bill (HB) No. 7443, na inakdaan ni House Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos, ay nag aalis sa pagbayad ng P1,620 sa economy-class passengers at P2,700 sa first-class travelers.
“Kapag tinanggal po natin yung P1620 sa isang plane fare… meaning mas maraming tao ang makaka-biyahe. So mas madadagdag ang kikitain ng ating travel agencies, ating airline companies. No brainer,” pahayag ni Quimbo.
Ipinaliwanag ni Quimbo na ang mas mababang pamasahe ay katumabas ng 20 porsyentong bawas halaga ng mga airline ticket sa mga popular na sa destinasyon tulad ng Singapore and Bangkok.
Aniya, ang Pilipinas lamang sa Association of South East Asian Nations (ASEAN) ang kumukulekta ng travel tax sa mga pasahero palabas ng bansa.
“At saka tayo na lang po ang nangongolekta ng tax for outbound travel sa buong ASEAN. Wala na po nangongolekta nyan,” ani Quimbo.
Maaaring magkaroon ng “initial na kawalan” sa pagkolekta ng buwis sa kawalan ng travel tax sa loob ng 18 buwan, “pero mas malaki po over the next 18 months ang mas makokolekta at higit pa doon,” pahayag pa ni Quimbo.
(Vina de Guzman)

Mahigit 1K pares, ikinasal sa Valentine’s Day sa Caloocan, at Valenzuela

Posted on: February 17th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

MAHIGIT isang libong mag-asawa ang nagdiwang ng Araw ng mga Puso ngayong taon bilang mag-asawa sa taunang libreng Kasalan Bayan na idinaos ng Pamahalaang Lungsod ng Caloocan at Valenzuela.

Pinangunahan ni Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ang mass wedding ceremony ng mahigit 1000 couples na ginanap sa Caloocan City Sports complex na bahagi ng pagdiriwang ng ika-64th Cityhood Anniversary ng Caloocan.

Malugod na tinanggap ni Mayor Along ang mga bagong kasal sa isang bagong kabanata ng kanilang buhay at hinikayat silang manatiling matatag para sa isa’t isa lalo na sa mga mahirap na yugto ng kanilang pagsasama.

“Congratulations po sa inyong lahat! Ang paalala ko lang po, ang kasal ay hindi parang pagkain na isusubo at iluluwa kapag napaso,” paalala ni Mayor.

“Ito po ay commitment na panghabang-buhay, walang expiration date, at lalong hindi ito nagtatapos sa pagsasabi lang ng ‘I love you’. Sa bawat pagsasama, panatilihin ninyo ang respeto sa isa’t-isa at igalang ang inyong mga asawa,” dagdag niya.

Tiniyak din ng alkalde sa mga mag-asawa na may mga programa ang pamahalaang lungsod para suportahan sila at ang kanilang mga pamilya sa bawat hakbang.

Sa Valenzuela, umabot naman sa 178 Valenzuelano couples ang nagpalitan ng kanilang pinakamatamis na “I do” sa Kasalang Bayan 2026 na ginanap sa Valenzuela People’s Park Amphitheatre, bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-28th Charter Day ng ng lungsod

Pinangunahan ni Mayor WES Gatchalian, ang mass wedding ceremony at nagpaabot ng kanyang mainit na pagbati sa mga bagong kasal at naniniwala na ang Kasalang Bayan ay higit pa sa isang kaganapan sa kasal, ngunit ito rin ay naglalaman ng matatag na pangako ng pamahalaang lungsod sa pag-aalaga ng matatag na pamilya bilang pundasyon ng isang progresibong lipunan. Sa pamamagitan din nito, muli ring pinagtitibay ng lokal na pamahalaan ang kanilang dedikasyon sa pagtataguyod ng pagkakaisa, responsibilidad, at pakikiramay sa mga Valenzuelano.

Upang mas maging espesyal ang once-in-a-lifetime na okasyon, nagbigay ang pamahalaang lungsod ng buffet para sa mga bagong kasal at kanilang mga bisita, hotel gift certificate para sa kanilang unang gabing magkasama bilang mag-asawa, photobooth na may mga souvenir photos upang makuha at mapanatili ang mahahalagang sandali, at mga bridal bouquet para sa mga ikakasal. (Richard Mesa)

Bato, Go haharap sa kaparehong legal route na kahalintulad ng kay Digong Dutrete sa ICC case – Malakanyang

Posted on: February 17th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

SINABI ng Malakanyang na haharap sina Senator Ronald “Bato” dela Rosa at Christopher “Bong” Go sa kaparehong legal process na naranasan ni dating Pangulong Rodrigo “Digong” R. Duterte sa International Criminal Court (ICC).
Binigyang diin ng Malakanyang na susunod ang gobyerno sa batas kapag ipinalabas na ang arrest warrants.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na ang pagkakasama ng pangalan nina Dela Rosa, Go at iba pang dating opisyal bilang di umano’y co-perpetrators sa ICC case ay nag-ugat mula sa proceedings na pinasimulan noong 2017.
“Kung ito naman ay legal process na nanggagaling po sa ICC, hindi naman po natin ito maaaring pakialaman dahil ang kasong iyan ay naisampa noon pa, 2017, at hindi pa po pangulo si Pangulong Marcos Jr.,” ayon kay Castro.
Nauna rito, pinangalanan ng International Criminal Court (ICC) sa isang dokumento nitong Biyernes (oras sa The Hague) ang mga umano’y co-perpetrator o kasabwat ni Digong Duterte kaugnay ng kasong kinahaharap nito.
Ayon sa Document Containing the Charges (DCC) na isinumite ng Prosecution, ang mga kasabwat umano ni Duterte sa “common plan” para mapuksa ang mga kriminal sa pamamagitan ng “violent crimes including murder” ay ang mga sumusunod:
Senador Ronald “Bato” dela Rosa, hepe ng Davao City Police mula Enero 2012 hanggang Oktubre 2013, at hepe ng Philippine National Police (PNP) mula Hulyo 2016 hanggang Abril 2018;
– Vicente Danao, hepe ng Davao City Police mula Oktubre 2013 hanggang Hunyo 2016; counterintelligence chief, PNP Directorate for Intelligence mula Hulyo 2016 hanggang Pebrero 2017; hepe ng Directorial Staff and Deputy Director for Operations ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) mula Pebrero 2017 hanggang Nobyembre 2018; at Manila Police District director mula Nobyembre 2018 hanggang Oktubre 2019
Camilo Cascolan, finance chief ng Davao Region Police Office mula 2011-2012; hepe ng PNP Directorate for Operations mula Hulyo 2016 hanggang Abril 2018; regional director ng National Capital Region Police Office (NCRPO) mula Abril hanggang Mayo 2018; at chief of staff ng PNP Office ng PNP Office of the Chief of Directorial Staff mula Setyembre 2018 hanggang Oktubre 2019
– Oscar Albayalde, regional director ng NCRPO mula Hulyo 2016 hanggang Abril 2018, at hepe ng PNP mula Abril 2018 hanggang Oktubre 2019
Senador Bong Go, personal aide at special assistant ni Duterte mula 1998 hanggang 2016; special assistant at chief ng Presidential Management Staff ni Duterte mula Hunyo 2016 hanggang Oktubre 2018
– Dante Gierran, Davao regional director ng National Bureau of Investigation (NBI) mula 2013 hanggang 2016; NBI director mula 2016 hanggang 2020;
– Isidro Lapeña, Davao City Police chief mula 1996 hanggang 1998; hepe ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) mula 2016 hanggang 2017
Vitaliano Aguirre II, abogado ni Duterte at iba pang miyembro ng Davao Death Squad (DDS); secretary ng Department of Justice mula Hulyo 2016 hanggang Abril 2018
-iba pang miyembro ng PNP at matataas na opisyal
Sinabi ni Castro na susunod ang administrasyong Marcos sa “due process.”
“Kung dadaan sa proseso, iyon naman po ang nais ng pamahalaang ito. Ang ginagawa ng pamahalaang ito ay dumadaan lahat sa proseso,” aniya pa rin.
Samantala, sa posibleng implementasyon ng arrest warrants sa pamamagitan ng International Criminal Police Organization (Interpol), winika ni Castro na ang kahalintulad na procedure ay sinundan sa nakaraan.
“’Yun po ang nangyari before at ‘yan din po ang mangyayari ngayon,” anito.
Consistent naman ang Malakanyang sa posisyon nito na ang pag-aresto kay Digong Duterte ay nag-ugat mula sa Philippines commitment sa Interpol, at hindi ang ICC.
Subalit, nilinaw naman ni Castro na pinanatili naman ng gobyerno ang posisyon nito na ang ICC ay kasalukuyang walang hurisdiskyon sa Pilipinas, di umano’y krimen na nagawa nang ang bansa ay nananatiling miyembro pa na maaaring iba ang pagtrato.
Hindi naman mino-monitor ng gobyerno kung nasaan ngayon ang mga pinangalanan, sabay sabing wala pang arrest warrants ang natatanggap.
“Kapag ka may warrant of arrest na na-issue na po, kailangan i-implement… sa ngayon, wala pa pong dahilan para sila i-bantayan,”a nito. (DARIS JOSE)

Panukalang trimester system, nangangailangan ng karagdagang pag-aaral, public consultations- Malakanyang

Posted on: February 17th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

SINABI ng Malakanyang na mas makabubuti kung magsasagawa ng public consultations para mipatupad ang isang trimester system para sa incoming school year 2026-2027.
”Mas maganda naman po talaga na pinag-uusapan lahat ito ng mga stakeholders, ng mga interested parties, lahat po, para po ma-reach iyong pinakamagandang programa para sa ating mga kabataan,” ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.
Winika pa ni Castro na ang pagsasagawa ng karagdagang pag-aaral ay mas magiging mas mahusay para sa panukalang ito.
”Mas mainam na mas agaran pang pag-aaral ang gawin kung dapat itong i-implement,” anito.
Sa ulat, plano nang ipatupad ng Department of Education (DepEd) ang trimester system para sa susunod na pasukan ng klase o school year 2026-2027.
Ayon sa isang pahayag, ang gagawing pagbabago ay isang “holistic approach” upang mabalanse ang pamamahala ng oras para sa mga mag-aaral na nagbibigay-daan para sa isang mas flexible na diskarte sa kalidad ng pagtuturo.
“Itinutulak natin ito upang magkaroon ng mas mahahaba, tuluy-tuloy na panahon ng pagkatuto, mas maayos na pacing ng mga aralin, at mas mababang administrative burden para sa ating mga guro. Sa ganitong paraan, napapangalagaan natin ang kalidad ng edukasyon,” ani DepEd Secretary Sonny Angara.
Sa trimester, ang 201 araw ay hahatiin sa tatlong termino: Hunyo hanggang Setyembre; Setyembre-Disyembre at Enero-Marso.
May 54 hanggang 61 araw ng pagtuturo na may minor interruptions sa mga non-academic activities. ( DARIS JOSE)

Valenzuela LGU, nagbigay ng mga bagong ambulansya sa 33 Barangay

Posted on: February 17th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

UPANG palakasin ang emergency healthcare services sa Valenzuela City, pormal na ibinigay nina Mayor Wes Gatchalian at Senator Win Gatchalian ang 33 bagong ambulansya para sa bawat barangay, bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-28 Charter Day ng lungsod.

Ang mga ambulansya ay may mga makabagong pang-emerhensiyang medikal, kabilang ang mga stretcher bed na may mga safety restraints, spinal boards, at trauma kits. Mayroon din ang mga ito ng panloob LED na medical lighting at two-way radio communication system device upang matiyak ang mahusay na koordinasyon sa central command center ng lungsod.

Mataas rin ang bubong ng mga ito upang kumportable na makagalaw ang mga paramedic habang nagbibigay ng pangangalaga at nilagyan ng mga sirena at high-visibility emergency lighting para sa ligtas at mabilis na transportasyon lalo na pagtrapik.

Sa kanyang pahayag, binigyang-diin ni Mayor WES na ang inisyatiba ay sumasalamin sa proactive at people-centered na pamamahala ng lungsod. Nabanggit din niya na ang pamumuhunan sa emergency medical infrastructure ay mahalaga sa isang mabilis na lumalagong sentro ng lungsod, kung saan ang napapanahong pagtugon sa medikal ay maaaring mangahulugan ng pagkakaiba sa pagitan ng buhay at kamatayan.

Binigyang-diin pa ng alkalde na ang deployment ng mga dedikadong ambulansya bawat barangay ay nagbibigay ng kapangyarihan sa mga lokal na opisyal at frontline responders na kumilos nang mabilis.

“Ito pong programa natin ay bilang suporta sa ating programang pangkalusugan, ang mabili at efficient po na service sa ating mga constituents sa pamamagitan po ng mga brand new ambulance natin. ‘Wag po kayong mag-alala, pinapaalam ko rin sa inyo na ang LGU rin po ay patuloy pong sumusuporta sa ating mga barangay… Kaya sa ating mga kapitan at barangay officials na nandito, suklian po natin ng magandang serbisyo ang ating mga mamamayan,” ani Mayor Gatchailan.

Sa kabilang banda, muling pinagtibay ni Senator WIN ang kanyang pangako na tulungan ang mga lokal na pamahalaan na palakasin ang kanilang mga kakayahan sa pangangalagang pangkalusugan. Pinuri din niya ang pamunuan ng Valenzuela City sa pagbibigay prayoridad sa kalusugan at kaligtasan ng publiko.

Dumalo rin sa kaganapan sina Vice Mayor Marlon Alejandrino, 2nd District Congressman Gerald Galang, mga konsihal ng lungsod, at mga kapitan ng 33 Barangay. (Richard Mesa)