• April 22, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for August, 2025

LTO, SINUSPINDI MUNA ANG MULTA PARA SA LATE REGISTRATION NG SASAKYAN, LISENSYA AT TRAFFIC VIOLATIONS SA MGA LUGAR NA TINAMAAN NG KALAMIDAD

Posted on: August 1st, 2025 by @peoplesbalita No Comments
NAGLABAS ng kautusan ang Land Transportation Office (LTO), sa ilalim ng pamumuno ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon, na i-waive ang multa para sa late registration ng sasakyan at renewal ng driver’s license sa mga lugar na matinding tinamaan ng kalamidad.
Batay sa memorandum na nilagdaan ni Acting Assistant Secretary Atty. Greg G. Pua Jr., sakop nito ang weekly surcharge para sa late motor vehicle registration at driver’s license renewal mula Hulyo 21 hanggang 25.
“Ang bisa ng vehicle registration at driver’s license na sakop ng petsang Hulyo 21–25 ay pinalawig hanggang Agosto 8, 2025,” ayon sa memorandum na ipinadala sa mga Regional Director ng LTO at iba pang opisyal at kawani ng ahensya.
Sa parehong memo, binanggit din ni Pua na ang multa para sa mga sasakyang nabili (kasama na ang motorsiklo) mula Hulyo 21 hanggang 25 ngunit hindi nairehistro sa takdang panahon ay hindi na rin ipapataw.
Nilinaw din ni Pua na ang bilang ng araw batay sa Sales Invoice para sa mga nabanggit na sasakyan ay magsisimula na lamang sa Agosto 8, 2025, upang maiwasan ang anumang parusa para sa late registration ng mga bagong sasakyan.
Bilang karagdagang tulong sa mga apektadong motorista, sinabi ni Pua na pinalawig din ang 15-araw na palugit para sa pag-areglo ng lahat ng traffic apprehensions na may petsang Hulyo 21–25.
“Dahil dito, ang huling araw para magbayad ng kaukulang multa na walang karagdagang parusa ay sa Agosto 8, 2025,” saad sa memo na nilagdaan ni Pua.
Ang desisyong ito ay kasunod ng tatlong sunod-sunod na weather disturbances na tumama sa Luzon at iba pang bahagi ng bansa simula sa “Crising,” sinundan ng “Dante,” at pagkatapos ay “Emong.”
Nagbunsod ng matinding pagbaha ang mga pag-ulang dala ng tatlong bagyo, kasabay ng pinalakas na habagat.
Tinatayang mahigit 2.7 milyong katao ang naapektuhan ng pagbaha at iba pang epekto ng pananalasa ng mga bagyo. (PAUL JOHN REYES)

Matapos ang working visit sa Washington, D.C. .. PBBM, byaheng India naman sa susunod na linggo

Posted on: August 1st, 2025 by @peoplesbalita No Comments
BYAHENG INDIA si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., para sa kanyang five-day State Visit doon.
Ang state visit ng Pangulo ay magsisimula ng Agosto 4 hanggang 8, bilang tugon na rin sa imbitasyon ni Prime Minister Narendra Modi.
Matapos ang opisyal na mga pagpupulong at events sa New Delhi, ang Pangulo at ang kanyang delegasyon ay ba-byahe naman patungong Bangalore. Makakapulong niya ang business
sectors sa dalawang lungsod.
Inaasahan din na magkakaroon ng ‘meet and greet’ ang Pangulo sa Filipino Community sa New Delhi.
Sa kabilang dako, ang huling State Visit sa India ng Philippine President ay nangyari sa panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo noong October 2007.
Samantala, nagsagawa naman ng kanyang state visit sa Pilipinas si dating Indian President Ram Nath Kovind noong October 2019.
Kapwa naman ipinagdiriwang ng Pilipinas at India ang kanilng 75th anniversary ng pagkakatatag ng diplomatic relations noong 2025.
( Daris Jose)

Kai Sotto, dumalo sa Gilas Tune-Up Game habang patuloy na nagpapagaling mula sa Injury

Posted on: August 1st, 2025 by @peoplesbalita No Comments
Bakas ang kalungkutan ni Kai Sotto habang pinapanood ang tune-up game ng Gilas Pilipinas kontra Macau Black Bears noong Lunes ng gabi sa Araneta Coliseum.
Bagama’t masigla siyang nakipag-selfie sa mga fans sa halftime, ramdam ang lungkot ng manlalaro habang hindi siya makalaro upang tulungan ang koponan.
Sa ngayon hindi pa maibabalik si Sotto dahil sa patuloy na recovery mula sa ACL injury na kanyang natamo noong Enero habang naglalaro para sa Koshigaya Alphas sa Japan B.League.
Sa kabila ng kanyang kondisyon, nagpahayag siya ng kumpiyansa sa Gilas, na bumangon mula sa 21 points na pagkakalamang ng kalaban at nagtala ng 103-98 panalo.

Caloocan LGU, nagbigay ng 3 bagong sasakyan sa CCPS SWAT Team

Posted on: August 1st, 2025 by @peoplesbalita No Comments
TATLONG bagong pickup trucks ang ibinigay ng Pamahalaang Lungsod ng Caloocan para sa Special Weapons and Tactics (SWAT) Team ng Caloocan City Police Station (CCPS), bilang bahagi ng pagtataguyod nito ng peace ond order sa lungsod.
Gayundin, plano rin ng pamahalaang lungsod na magbigay ng 30 pang police vehicle sa pagtatapos ng taon upang palakasin ang kakayahan ng CCPS sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, at sa pagtugon sa mga emergency na tawag sa iba’t ibang lokalidad ng lungsod.
Nagpahayag naman ng kanyang pasasalamat si CCPS Chief P/Col. Joey Goforth sa administrasyon ni Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan at hinikayat ang mga miyembro ng lokal na puwersa ng pulisya na patuloy na itaguyod ang panuntunan ng batas habang nagpapakita ng pakikiramay at paggalang sa mga komunidad na kanilang pinaglilingkuran.
“Malaking tulong ang bagong sasakyan na ipinagkaloob sa atin ng pamahalaang lungsod lalo na para sa ating mga anti-criminality operations. Makakaasa po ang lahat na patuloy na gagampanan ng CCPS ang mandato nito na linisin ang krimen mula sa Caloocan at panatilihing ligtas ang ating mga komunidad,” ani Col. Goforth.
Bukod sa pagkuha ng mga bagong kagamitan at sasakyan para sa lokal na puwersa ng pulisya, ang pamahalaang lungsod ay patuloy na nagpatupad ng iba pang mga hakbangin sa kaligtasan ng publiko, kabilang ang street lighting projects, disaster and emergency response programs, at pagdagdag ng mga tauhan para sa traffic safety operations. (Richard Mesa)