• April 20, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for August 12th, 2025

PBBM, binasura ang akusasyon ng Tsina sa kanyang pahayag

Posted on: August 12th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
BINASURA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang akusasyon ng Tsina sa kanyang pahayag sa Taiwan conflict ay katumbas at malinaw na “playing with fire.”
Nauna nang sinabi ni Pangulong Marcos sa panayam sa kanya sa India na hindi makaiiwas ang bansa sakaling magkaroon ng gulo sa Taiwan Strait dahil sa geographic location at presensya ng nasa 200,000 na mga Filipino workers.
Sa press conference sa Kalayaan Hall, sa Palasyo ng Malakanyang, araw ng Lunes, dinepensahan ni Pangulong Marcos ang kanyang naging pahayag habang siya ay nasa state visit sa India noong nakaraang linggo, sinabi pa nito na sumusunod ang Pilipinas sa One-China policy, pero may obligasyon din ang bansa na depensahan ang teritoryo at soberanya nito.
Tinukoy ng Pangulo ang geographic proximity ng bansa at ang presensiya ng libo-libong manggagawang Filipino sa self-ruled island. Ang pahayag na ito ng Pangulo ay ikinagalit ng Tsina.
“I don’t know what they are talking about. Playing with fire? I was just stating facts. We do not want to go to war,” ayon kay Pangulong Marcos.
Binigyang diin ng Pangulo na hindi maiiwasan na madawit ang Pilipinas kapag sumiklab ang giyera dahil sa Taiwan.
“But I think if there is a war over Taiwan, we will be drawn, hihilaan tayo sa ayaw at gusto natin. Kicking and screaming,” aniya pa rin.
Sa ulat, iginiit ng Ministry of Foreign Affairs ng China na ‘inalienable part’ o hindi mahihiwalay na bahagi ng China ang Taiwan.
Inaakusahan din nito ang Maynila na nagpapahina sa one-China principle, at patuloy daw na sinisira ang relasyon sa pagitan ng parehong bansa.
Mariing tinututulan umano ito ng China.
Dahil dito, nagpaabot na ng ‘serious protest’ ang Chinese Foreign Ministry sa embahada sa Pilipinas.
Samantala, nagpahayag naman si Pangulong Marcos na dapat na handa ang Pilipinas sa posibilidad na paga-atake ng Tsina sa Taiwan.
“Hope is not a plan. I hope it doesn’t happen. But if it does, we have to plan for it already,” ang sinabi ni Pangulong Marcos, binigyang-diin na ang prayoridad ay ang kaligtasan ng mga mamamayan at iwasan ang ‘spillover’ ng komprontasyon sa Philippine territory.
Sa kabilang dako, tinatayang may 160,000 overseas Filipino workers (OFWs) sa Taiwan, marami sa mga ito ay nagtatrabaho sa electronics factories at domestic work. (Daris Jose)

Kamara, itutuloy pa ring mapanagot si VP Sara sa alegasyon ng misuse ng P612.5 milyong confidential funds

Posted on: August 12th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
PAHAYAG ito nina Deputy Speakers Paolo Ortega V ng La Union at Jay Khonghun ng Zambales kasunod ng sinabi ni Pangulong Bongbong Marcos na ang desisyon ng Supreme Court (SC) na nagdedeklarang unconstitutional ang impeachment complaint laban kay VP Duterte ay hindi nagresolba sa pananagutan nito.
“I agree with the President. The Supreme Court decision delved on procedural issues but not on the alleged misuse of CIFs received by the Office of the Vice President and the Department of Education when she was education secretary,” ani Ortega.
Ayon sa mambabatas, ang bahagi sa isyu ng accountability ay hindi pa nareresolbahan kung kaya intensiyon nilang tatanunging ang vp na bigyang linaw ang naturang pondo at sagutin kung papaano ito ginamit.
Sinabi naman ni Khonghunna ang buong 93 pahinang desisyon ng SC ay para sa proseso ng impeachment at rules ng kamara at hindi nito pinawawalang sala si VP Duterte sa usapin ng P612.5 M na natanggap ng kanyang opisina.
“In other words, the Vice President is not yet off the hook on the use of this large amount of taxpayers’ money. We will pursue accountability on her part wherever it takes us,” anang mambabatas.
Hindi rin aniya totoo ang lumalabas sa ilang social media posts na nagsasabing naabsuwelto na ang VP.
“The Duterte camp’s trolls and disinformation peddlers are busy at work again,” dagdag nito.
Umaasa na lamang ang mga mambabatas na mababaligdad ang unang desisyo ng SC upang matuloy ang impeachment trial.
Ngunit, kung hindi nagbago ang desisyon ay tatalakayin na lamang nila ito pagdating ng Pebrero 6, 2026, kung papaano ituloy na mapanagot ang VP ukol sa milyong confidential funds nito noong 2022 at 2023.
Sa ilalim ng SC ruling, sa Pebrero 6 matatapos ang one-year period kung saan maaaring maghain ng impeachment complaint laban sa vp.
(Vina de Guzman)

2 suspects sa pananaksak at pagnanakaw sa Malabon, timbog

Posted on: August 12th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
ARESTADO ang dalawang lalaki na suspek sa insidente ng pananaksak at pagnanakaw dahil sa mabilis na pagresponde ng pulisya matapos itawag sa 911 sa Malabon City.
          Sa ulat ni Malabon Police Chief P/Col. Allan Umipig kay Northern Police District (NPD) ActinG District Director P/BGen. Jerry Protacio, nagpapatrulya ang mga tauhan ng Malabon Police Patrol Base 3 nang makatanggap sila ng tawag mula sa 911 dakong alas-2:20 ng hapon hinggil sa nagaganap na kaguluhan sa Rosita St., Barangay Santulan.
          Kaagad namang rumesponde sa lugar ang mga tauhan ng Patrol Base 3 na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek na si alyas “Willy”, 22, pedicab driver dakong alas-2:24 ng hapon.
          Sa pahayag sa pulisya ng biktimang si alyas “Josh”, 26, factory worker, ng Templora St., Brgy. Santulan, habang nag-iinuman sila ng kanyang mga kaibigan sa nasabing lugar bandang ala-1:40 ng hapon nang bigla na lamang umanong magwala ang suspek.
          Nang tangkain niyang awatin, nagalit umano ang suspek at naglabas ng patalim saka siya inundayan ng saksak at tinamaan siya sa kanang kamay.
          Ani Col. Umipig, alas-2:50 ng hapon nang maaresto naman ng mga tauhan ng Patrol Base 5 sa follow-up operation si alyas “Vic”, 28, ng Caloocan City matapos respondehan ang natanggap na tawag mula sa 911 hinggil sa insidente ng pagnanakaw sa Block 43, Lot 9D, Phase 3, Area 2, Kaunlaran Village, Barangay Longos.
          Narekober sa suspek ang isang cellphone na nagkakahalaga ng P12,000 at iba’t ibang uri ng ID na pagmamay-ari ng biktimang si alyas “Vincent”, 49, freelance manager at residente sa nasabing lugar. (Richard Mesa)

Kelot na wanted sa murder sa Caloocan, tiklo

Posted on: August 12th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
NAGWAKAS na ang mahigit anim na taon pagtatago ng isang most wanted na kriminal matapos siyang masakote ng pulisya sa manhunt operation sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.
          Ayon kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting District Director P/BGen. Jerry Protacio, kinilala ni Caloocan Police OIC chief P/Col. Joey Goforth ang akusado na si alyas “Mac-Mac”, 29.
          Ikinasa ng mga tauhan ni Col. Goforth ang pagtugis sa akusado na kabilang sa talaan ng mga Most Wanted Person ng Caloocan police.
          Dakong alas-11:00 ng gabi nang tuluyang masukol ng mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section WSS) si alyas Mac-Mac sa Barangay 74, ng lungsod.
          Hindi na nakapalag ang akusado nang bitbitin siya ng mga tauhan ni Col. Goforth sa bisa ng arrest warrant na inilabas ng Caloocan City Regional Trial Court (RTC) Branch 124, noong Feruary 22, 2019 para sa kasong Murder na walang inirekomendang piyansa.
          Pansamantalang nakapiit ang akusado sa custodial facility unit ng IDMS-WSS ng Caloocan police habang hinihintay ang utos mula sa korte para sa paglilipat sa kanya sa City Jail.
Pinuri naman BGen. Protacio pagsisikap at propesyonalismo ng arresting team na binibigyang-diin ang kanilang hindi natitinag na pangako sa pangangalaga sa kaligtasan ng publiko. (Richard Mesa)

Milyong pisong pangkabuhayan, ipinamahagi ng DOLE-Calabarzon

Posted on: August 12th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
NAMAHAGI nang mahigit  sa P5 milyong tulong pangkabuhayan at emergency employment ang Department of Labor and Employment o (DOLE) CALABARZON.
Ayon sa DOLE, sa Calamba City, ang kabuuang P5.8 milyon ay ipinamahagi para sa sahod sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers o TUPAD katuwang ang iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan.
Sinabi ni DOLE CALABARZON Regional Director Atty. Erwin Aquino, simbolo ito ng pagtutulungan para sa iisang layunin—ang palakasin at bigyang-kapangyarihan ang mga komunidad.
Binigyang-diin din ni Officer-in-Charge Angelique Yaun na mahalaga ang pangmatagalang epekto sa kabuhayan at hindi lamang ang agarang tulong.
Patuloy na isinusulong ng DOLE ang whole-of-nation approach para sa mas inklusibo at matatag na kinabukasan ng bawat Pilipino. (Gene Adsuara)

Online registration, ipapatupad ng Comelec

Posted on: August 12th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
MAGPAPATUPAD ang Commission on Elections ng online registration para sa susunod na halalan para makaiwas na rin sa dagsa ng mga magpaparehistro .
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, electronic registration ang paraan ng komisyon para makapagparehistro online ang mga botante kung walang maipapasang batas para rito.
Ang pahayag ni Garcia ay kasunod ng insidente kung saan may nahimatay o nabilad sa init ng araw dahil sa haba at dami ng mga voter registrants.
Pero paglilinaw ni Garcia, kinakailangan pa ring magtungo sa local offices ang mga nagparehistro online upang makuhanan ng litrato at biometrics .
“Tapos pag nagpa-online ka automatically ‘yung mismong system magbibigay sayo ng date kung kailan ka pupunta sa local Comelec ibig sabihin hindi muna kailangan pa pumila pa para maisubmit ‘yung form para hindi na po napupuno registration site natin na nakapila para magsubmit ng papel,” ani Garcia.
Target ng Comelec na ipatupad ang online voter registration sa Oktubre para sa BSKE sa 2026 kung magiging batas ito at sa presidential election sa 2028. (Gene Adsuara)

Patama at personal na pag-atake ni Senadora Imee Marcos laban kay Speaker Romualdez, pinalagan ng mambabatas 

Posted on: August 12th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
WALA sa lugar, hindi kinakailangan ng masamang salita, ito ang reaksyon ni House Committee on Human Rights Chair Bienvenido “Benny” Abante Jr. sa naging pahayag ni Senadora Imee Marcos matapos bumotong pabor na i-archive ang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Abante, hindi na nakuntento sa ginawang pagboto sa impeachment ay kinakailangan pang magpahayag ng nakakahiyang tirada.
Tinukoy nito ang naging patama at personal na pag-atake ng senadora laban kay Speaker Martin Romualdez.
“There was no need for insults, innuendo, and personal barbs. What the moment required were rational arguments, not reckless theatrics. Sadly, her language was more appropriate for a kindergarten playground, not a legislative chamber. Isipin nyo naman. Nasa records ng Senado yan. Her words will now have a place side by side with the eloquent and elegant sentences of greats like Sen. Claro M. Recto. Nakakahiya,” ani Abante.
Ikinalungkot ni Abante ang uri ng lengguwahe ni Marcos na hindi lamang minaliit ang institusyon na kanyang irerepresenta kundi isang banta rin sa kortesiya at respeto sa pagitan ng dalawang kapulungan ng kongreso.
“Respecting one another is not just a matter of etiquette. It contributes to more constructive governance. The people expect us to conduct ourselves with professionalism, not pettiness. That’s the least they deserve from those entrusted with public office,” pagtatapos ni Abante. (Vina de Guzman)

Pag- release nang hindi pa nababayarang benepisyo ng mga health workers pinamamadali ng mambabatas 

Posted on: August 12th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
NANAWAGAN ang isang mambabatas para sa agarang pagre-release nang hindi pa nababayarang benepisyo ng mga health workers sa pamamagitan ng affidavit.
Apela ni House Special Committee on Food Security Chair at Albay Rep. Raymond Adrian Salceda sa Department of Budget and Management at Department of Health na makipagtulungan sa Kamara upang agad na maipa-release ang naka-pending na Health Emergency Allowance claims ng mga health workers sa pamamagitan ng individual sworn affidavits.
Bunsod na rin ito sa libong claims ng unpaid HEA dahil sa record keeping issues sa DOH.
Ang Health Emergency Allowance na nasa ilalim ng Republic Act No. 11712 ay ibinibigay na buwanang allowance sa mga health workers sa panahon ng deklarasyon ng public health emergency, na ang rates ay base sa kanilang level ng exposure sa panganib.
Ito ay ginamit noong panahon ng COVID-19 pandemic, bilang pagkilala sa serbisyo at sakripisyo ng mga medical frontliners.
Sa House Resolution No. 127 na inihain ni Salceda, inaatasan ang Department of Budget and Management at Department of Health na idetermina ang eksaktong halaga ng unpaid benefits, isama sa kasalukuyang budget, at mag-sumite ng detailed report sa loob ng 30 araw.
Nakasaad pa sa resolution na dapat siguruhin ng House Committee on Appropriations na may nakalaang pondo para sa mga hindi naibigay na allowance.
“Nakakahiya na po kasi. Buwis buhay po ang trabaho ng frontliners noong COVID-19. Utang po ito, literal, ng gobyerno,” ani Salceda.
Kung magulo umano ang records, ang bawat frontliner na lang ang gumawa ng sariling affidavit para patunayan ang kanilang serbisyo.
“Sa confidential funds nga po pwede ang papel lang na pipirmahan, sa health workers pa kaya,” pahayag nito.
Sa ilalim ng panukala ni Salceda, ang bawat unpaid health worker ay gagawa ng sworn affidavit para sa kanilang eligibility, panahon at naging papel ng serbisyo at iba pang importanteng detalye.
Ang nasabing affidavits ay isusumite sa Department of Health at ikukumpirma sa records habang ang Department of Budget and Management naman ang magpoproseso sa payments samantalang ang Commission on Audit naman ang magsasagawa ng post-audit verification.
Ang Department of Budget and Management ay nagpalabas na ng ₱121.325 billion mula 2020 hanggang 2025 para sa Public Health Emergency Benefits.
Kabilang na dito ang ₱27.453 billion noong July 2024 para sa mahigit na 5m Health Emergency Allowance claims at 4,283 sickness and death compensation cases.
Ngunit sa kabila nito ay maraming claims ang nakapending dahil sa missing o inconsistent facility documentation.
layon aniya ng affidavit solution na matapos ang ganitong cycle of delay. “Hindi po ito simpleng papeles lang. Kabuhayan at karapatan po ito ng mga naglingkod sa pinakadelikadong panahon ng pandemya. Kung may utang tayo sa kanila, dapat ayusin agad at magtulungan tayo.” (Vina de Guzman)

Pinas, hindi aatras sa agresibong pagkilos ng Tsina sa WPS

Posted on: August 12th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
TINIYAK ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na hindi aatras ang Pilipinas sa agresibong pagkilos ng Tsina sa West Philippine Sea (WPS) dahil patuloy na igigiit nito ang karapatan nasabing katubigan.
Kasunod ito ng napaulat na pinakabagong pag-atake at pag- water-cannoned ng Chinese vessels sa dalawang BFAR vessels sa Bajo de Masinloc.
“We will never instruct any of our vessels to back out. Never.. Never. But… We do not back out because natakot tayo, umatras tayo. Alam mo, i don’t know about other places but dito sa gobyernong ito hindi tayo umaatras sa laban. We don’t. We are brave, Filipinos are brave,” ayon kay Pangulong Marcos.
Binigyang diin pa ng Chief Executive na ang Philippine vessels sa nasabing lugar ay hindi kumikilos nang agresibo subalit ngunit tumutugon lamang sa mga probokasyon.
“We did not intensify our operations, we just respond. Hindi tayo aggressive, dumidepensa lang tayo,” aniya pa rin.
“Sinong Pinoy ang gustong magkagiyera? Sino? Kahit maghanap ka para sakin, isa. Kahit yung sundalo, kahit yung Coast Guard ayaw nila ng gulo. So, no. But at the same time we have a duty to perform and that is to defend the country,” ayon kay Pangulong Marcos.
“So, no, we never back down. We always continue to do… our uniformed personnel, the navy, the coast guard, the army, the marines, all of them, the air force. All of them, are pledged, they took an oath and they are doing their duty, they’re performing their mission: defend the Philippines, yun lang naman ang ginagawa nila, and we will not stop doing it.”
“We will not stop doing it. We will stop it when the threats stop. Itigil nila yung mga threat, we can all sit more safely at home and mas magiging magaan ang kalooban natin kapag mangyari… kapag ganun ang sitwasyon. Okay?,” ang winika pa rin ng Pangulo.
( Daris Jose)

Para pangalanan ang mga personalidad na sangkot sa maanomalyang flood control projects, masyado pang ‘premature’- PBBM

Posted on: August 12th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
PREMATURE pa kung ituring ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pangalanan ang mga personalidad na di umano’y sangkot sa maanomalyang flood control projects.
“It will be premature for me to name names,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa press conference sa Kalayaan Hall, sa Palasyo ng Malakanyang, araw ng Lunes.
Sa kabilang dako, humingi naman ng saklolo si Pangulong Marcos sa publiko na gamitin ang website, www.sumbongsapangulo.ph, na inlunsad para sa mga ito para magsumbong sa maanomalyang flood control projects sa kanilang lugar.
“Pertinent information will be presented in a website about the flood control projects,” aniya pa rin.
“And we are very much open to suggestions if the people want us to put more info or other info onto the website, we will certainly do that.”
“So, we transmitted a map coordinates down to the barangay level. So, ang kailangan lang ipasok ng kahit sino, buksan ‘yung website para makita, tiga-barangay 1, 2, 3 ako, tama. Iyon ilagay lang – ayan Barangay Tabaco. And they can search – they can search all of the – they can search all of the projects that are in their area.”
“So, kung alam na nila, puwede na silang magsabi, maganda naman. Puwede silang magsabi hindi maganda ang naging project. And so, those are – we’re just trying to keep it as simple as possible so that people can just put… Iyan lang naman eh. Basta barangay lang tama na ‘yun. Kasi ‘yung isa may listahan pa eh where, when, that’s not necessary.”
“If alam ninyo, eh ‘di gamitin niyo. Pero kung hindi necessary na ganoon, ito na lang. Basta ilagay ninyo ‘yung barangay ninyo at lalabas na lahat ng flood control project,” ang litanya ng Pangulo
Kung matatandaan, binanatan ni Pangulong Marcos ang mga opisyal at kawani ng gobyerno na nagnakaw ng pondo ng flood control projects, sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address (SONA) sa Batasan Complex.
Inatasan ng Pangulo ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na masgumite ng listahan ng mga flood control projects kada region na sinimulan na o nakumpleto na sa nakalipas na tatlong taon.
Ipinag-utos ni Pangulong Marcos sa regional project monitoring committee ang pag-eksamin ng listahan ng mga proyekto at magbibibgay din ng report sa mga hindi natuloy o natapos na proyekto at maging ng mga alegasyon ng ghost projects.
Ipa-publish na rin ang mga listahan at isasa­publiko ito para masaksihan ang mga proyektong ito at malayang masuri ang listahan at magbahagi ng kanilang nilalaman para makatulong sa imbestigasyon.
Kasabay nito, magkakaroon din ng audit performance review kaugnay sa mga proyekto para masuri at masiguro kung paano ginastos ang pera rito.
Siniguro naman ni Marcos na sa mga susunod na buwan ay makakasuhan ang lahat ng mga lalabas na may sala mula sa imbestigasyon maging ang mga kasabwat na mga kontratista sa bansa, para malaman ng taumbayan ang buong katotohanan at kailangang may managot sa naging pinsala at katiwalian. ( Daris Jose)