• November 26, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for November 26th, 2026

VP Sara, hinikayat na tumestigo

Posted on: November 26th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

UMAASA pa rin ang dalawang mambabatas na ihaharap o ipatetestigo ng depensa si

Vice President Sara Z. Duterte

Ayon kina Deputy Speakers Janette Garin ng Iloilo at Jefferson “Jay” Khonghun ng Zambales, umaasa sila na ihaharap ng depensa ang VP para magpaliwanag sa akusasyon ng explain wealth

kasunod na rin sa nalalapit na pagtatapos ng presentasyon ng ebidensiya nito.

Anila, nasa mabuting posisyon si Duterte para magpaliwanag kaugnay sa financial records na iprinisinta sa kanyang impeachment trial.

“Umaasa, baka naman, baka naman makumbinsi ng depensa ’yung ating [pangalawang] pangulo na magpakita at sagutin ang maraming katanungan,” ani Garin.

Nagpahayag din ng simpatiya si Garin sa mga abogado ni Duterte sa paghihirap ng mga ito sa pagtutugma sa financial records.

“Sa totoo lang, we also empathize. Siyempre, kawawa din ’yung depensa kasi napakahirap talagang sagutin ’yung mga hindi nagtutugmang numero,” dagdag nito.

Una nang tinukoy ng forensic financial expert ng prosekusyon na si Atty. Alexander Cabrera, ang nasa P817.87 million na umanoy undeclared assets at unexplained wealth kasama ang asawang si Manases “Mans” Carpio, mula 2022 hanggang 2025.

(VINA de GUZMAN)

9.8 Milyong Pamilyang Pilipino, Itinuturing ang Sarili na Mahirap sa Ikatlong Kuwarter ng 2026- OCTA

Posted on: November 26th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

TINATAYANG 9.8 milyong pamilyang Pilipino, o katumbas ng 37% ng mga respondent, ang nagsabing itinuturing nilang mahirap ang kanilang sarili sa ikatlong kuwarter ng 2026, batay sa pinakahuling survey ng OCTA Research.

Ayon sa OCTA, hindi nagkaroon ng makabuluhang pagbabago ang naturang bilang kumpara sa ikalawang kuwarter ng taon, kung kailan nasa 39% o humigit-kumulang 10.3 milyong pamilya ang nagsabing sila ay mahirap. Pasok pa rin ito sa ±3% margin of error ng survey.

Samantala, hindi naman matukoy ng 42% ng mga respondent kung sila ay mahirap o hindi, habang 21% naman ang nagsabing hindi nila itinuturing na mahirap ang kanilang sarili.

Ipinakita rin sa Tugon ng Masa non-commissioned survey na pinakamataas ang bilang ng mga pamilyang nagsasabing mahirap sila sa Mindanao, na umabot sa 56%.

Sinundan ito ng Visayas na may 49%, Balance Luzon o mga bahagi ng Luzon na hindi kabilang ang Metro Manila na may 26%, at National Capital Region (NCR) na may 20%.

Batay naman sa antas ng pamumuhay, 52% ng mga kabilang sa Class E ang nagsabing itinuturing nilang mahirap ang kanilang sarili. Sa Class D, 38% ang nagsabing mahirap sila, habang 17% naman sa Class ABC ang may parehong pananaw.

Ayon sa OCTA Research, “Sa mga pamilyang nagsabing sila ay mahirap, ang median o panggitnang halaga ng buwanang gastusin ng sambahayan ay P18,000, habang ang karagdagang halagang kulang sa kanilang badyet ay P5,000. Ang mga halagang ito ay batay sa sariling pagtataya ng mga respondent at hindi opisyal na sukatan ng poverty line.”

Samantala, 22% o humigit-kumulang 5.8 milyong pamilya ang nagsabing nakaranas sila ng hindi kusang pagkagutom o kawalan ng makain kahit isang beses sa loob ng tatlong buwang sinusundan ng survey sa ikatlong kuwarter ng taon

Ayon sa OCTA, hindi rin ito nagpapakita ng makabuluhang pagbabago kumpara sa 21% o 5.6 milyong pamilyang naitala noong ikalawang kuwarter.

Sa kabilang banda, 78% naman ang nagsabing hindi sila nakaranas ng gutom kahit minsan sa nakalipas na tatlong buwan.

Ayon pa sa OCTA, “Sa mga pamilyang nakaranas ng gutom, humigit-kumulang 83% ang nagsabing nangyari ito nang isang beses lamang o ilang beses.”

Sa mga rehiyon, pinakamataas ang naitalang insidente ng gutom sa National Capital Region at Visayas, na kapwa nagtala ng 29.

Samantala, halos kalahati o 49% ng mga respondent na kabilang sa Class E ang nagsabing nakaranas sila ng gutom.

Hindi rin nagkaroon ng makabuluhang pagbabago sa bilang ng mga pamilyang itinuturing na sila ay salat sa pagkain o food-poor sa ikatlong kuwarter. Nasa 27% o humigit-kumulang 7.1 milyong pamilya ang naitala.

Noong ikalawang kuwarter, nasa 28% o 7.4 milyong pamilya ang nagsabing sila ay salat sa pagkain.

Ayon sa OCTA, “Samantala, tumaas mula 27% patungong 33% ang bahagdan ng mga pamilyang nagsabing hindi sila salat sa pagkain, habang bumaba naman mula 45% patungong 40% ang mga hindi makapagpasya.”

Ipinaliwanag din ng OCTA na ang food poverty ay tumutukoy sa kalagayan kung saan nahihirapan ang mga indibidwal at pamilya na makakuha ng sapat at masustansiyang pagkain.

Batay sa survey, 54% ng mga respondent sa Mindanao ang nagsabing itinuturing nilang salat sa pagkain ang kanilang pamilya.

Sinundan ito ng Visayas na may 35%, Balance Luzon na may 16%, at NCR na may 10%.

Ayon sa OCTA, batay sa socioeconomic class, 34% ng mga pamilyang kabilang sa Class E ang nagsabing sila ay salat sa pagkain. Nasa 30% naman sa Class D, habang 6% lamang sa Class ABC.

Isinagawa ang survey mula Setyembre 28 hanggang Oktubre 4 sa pamamagitan ng harapang panayam sa 1,200 lalaki at babaeng nasa hustong gulang.

Mayroon itong margin of error na ±3% sa 95% confidence level.

Ayon sa OCTA, ang mga pagtataya sa bawat rehiyon ay may sumusunod na margin of error sa 95% confidence level: ±6% para sa NCR, Balance Luzon, Visayas, at Mindanao. ( Daris Jose)

Pangako ni PBBM, patuloy na susuportahan ang mga prgrama kontra pagkabansot ng mga bata

Posted on: November 26th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NANGAKO si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipagpapatuloy ng pamahalaan ang mga programang naglalayong pangalagaan ang mga buntis na ina at mga batang hanggang dalawang taong gulang upang maiwasan ang pagkabansot (stunting).

Ito ay kasabay ng pagtatapos ng apat na taong implementasyon ng Philippine Multisectoral Nutrition Project (PMNP).

“Sa pamamagitan ng Alagang Pinas Summit, ang mga serbisyong sinimulan sa ilalim ng PMNP ay magpapatuloy upang matiyak na ang bawat batang nangangailangan ng tulong sa nutrisyon ay makatatanggap ng angkop at sapat na pangangalaga,” pahayag ni Pangulong Marcos sa kanyang talumpati sa Clark, Pampanga.

Ang PMNP ay isang inisyatiba na pinagtutulungan ng Department of Health (DOH), World Bank, at United Nations Children’s Fund (UNICEF). Layunin nitong mabawasan ang pagkabansot at malnutrisyon ng mga bata sa pamamagitan ng pagpapalawak ng access sa mga serbisyong pangnutrisyon para sa mga buntis na ina at sanggol sa unang 1,000 araw ng kanilang buhay.

Ang nasabing summit ay nagsilbi ring pagtatapos ng apat na taong implementasyon ng PMNP na may temang “Alagang Pinas Tungo sa Mas Malusog na Bukas: Sustained First 1,000 Days (F1KD) Convergence.”

Winika pa ng Pangulo, umabot na sa 6.17 milyon ang mga benepisyaryong natulungan ng PMNP sa 235 kalahok na munisipalidad hanggang Setyembre 30, 2026.

Samantala, nasa 549,000 batang wala pang limang taong gulang ang nakinabang sa programa, habang 134 na kalahok na munisipalidad ang nagtala ng malaking pagbaba sa bilang ng mga batang may pagkabansot matapos ang dalawang taon.

Sinabi rin ni Marcos na pinalalakas ng pamahalaan ang kakayahan ng mga lokal na pamahalaan na ipatupad ang mga programa, kasabay ng pagkilala sa mga umiiral na limitasyon at kakulangan na kailangan pang tugunan.

Sa kabilang dako, sinabi naman ng Department of Health (DOH), bumaba ang antas ng pagkabansot sa mga batang wala pang dalawang taong gulang sa Pilipinas mula 22.5 porsiyento noong 2023 hanggang 21.1 porsiyento noong 2025.

Nauna nang sinabi ni Health Secretary Edwin Mercado na walo sa bawat sampung batang dalawang taong gulang pababa ay may sapat na taas batay sa kanilang edad.

Gayunman, sinabi niyang malayo pa rin ang bansa sa mga target na itinakda sa ilalim ng Philippine Plan of Action for Nutrition (PPAN) 2023–2028.

Layunin ng nasabing plano na pababain sa 17.9 porsiyento o mas mababa pa pagsapit ng 2028 ang antas ng pagkabansot sa mga batang wala pang limang taong gulang.

( DARIS JOSE)

Atong Ang nasa bansa pa! – Matibag

Posted on: November 26th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NASA bansa pa rin ang gambling tycoon na si Charlie “Atong” Ang.

Ito naman ang sinabi ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag nitong Martes kasunod ng pagpapalabas ng warrant of arrest ng Manila Regional Trial Court Branch 175 laban kay Ang at sa kapwa akusado niyang dating pulis na si PLT. Ryan Jay Orapa sa kasong kidnapping at serious illegal detention.

“I have a strong belief and there’s a strong indication na nandito siya sa Pilipinas,” ani Matibag.

Noong Enero nang magpalabas din ng mga arrest warrant ang mga korte sa Laguna at Batangas. Ang warrant of arrest ay may kinalaman sa pagkawala ng anim na sabungero.

Sinabi ni Matibag na patuloy daw ang ginagawang surveillance ng NBI para matunton si Ang. Kabilang aniya, sa kanyang “Christmas wishes” ang madakip na si Ang. Una na ring sinabi ni Justice Secretary Fredderick Vida, na base sa immigration records, nasa Pilipinas pa rin si Ang.

Kabilang sa kinasasangkutang kaso ang15 counts ng kidnapping at serious illegal detention at 4 counts ng kidnapping with homicide, na may kinalaman sa umano’y pagdukot at pagpatay sa hindi bababa sa 34 na sabungero.

Subalit sinabi naman ni Interior Secretary Jonvic Remulla na nakalabas na raw ng bansa si Ang sa pamamagitan ng “backdoor.”

Ang mga biktima diumano ay may ginawang pandaraya sa sa mga sabong na may kaugnayan kay Ang noong 2021 hanggang 2022. ( DARIS JOSE)

Optional retirement na 56 sa gobyerno, aprub sa Kamara

Posted on: November 26th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

INAPRUBAHAN ng House of Representatives sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill No. 10995 na naglalayong ibaba ang optional retirement age ng mga kawani ng pamahalaan mula 60 tungo sa 56 taong gulang.

Nakapasa ang panukala sa botong 209 pabor, walang tumutol at isang abstention matapos bigyan ng prayoridad ni Speaker Faustino “Bojie” Dy at isulong sa plenaryo ni Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos.

Sa ilalim ng panukala, maaaring magretiro sa edad na 56 ang isang miyembro ng Government Service Insurance System (GSIS) kung mayroon itong hindi bababa sa 15 taong serbisyo sa gobyerno at hindi tumatanggap ng buwanang pensiyon dahil sa permanent total disability. Mananatili rin ang pagtanggap nila ng retirement benefits mula sa GSIS.

Layunin ng panukala na mabigyan ng opsyon ang mahigit isang milyong kawani ng gobyerno na makapagretiro nang mas maaga upang magkaroon ng mas maraming panahon para sa kanilang pamilya at matamasa ang bunga ng kanilang paglilingkod sa bayan.

Ayon sa mga may-akda, magbibigay rin ito ng pagkakataon sa mga retiradong empleyado na makapagsi­mula ng bagong kabuhayan, negosyo o iba pang personal na interes habang aktibo pa ang kanilang kalusugan.

Inaasahan ding makalilikha ito ng mas maraming bakanteng posisyon sa pamahalaan, na magbubukas ng oportunidad para sa mga nakababatang kawani na makakuha ng permanenteng trabaho at promosyon sa serbisyo publiko.

Binigyang-diin din ng mga nagsulong ng panukala na kaayon ito ng umiiral na retirement age ng mga sundalo na 57 taon at ng mga unipormadong tauhan ng Philippine National Police (PNP) na 56 taon.

Umaasa naman ang Kamara na bibigyan din ng prayoridad ng Senado ang panukala upang tuluyan itong maisabatas at mapakinabangan ng mga kwalipikadong kawani ng gobyerno. ( DARIS JOSE)