• November 18, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for November 17th, 2026

TUNAY NA PASAPORTE, PEKENG PAGKAKAKILANLAN: BI, HINARANG ANG IMPOSTOR NA TANGKANG PUMUNTA SA CANADA SA PAMAMAGITAN NG NAIA

Posted on: November 17th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

HINARANG ng Bureau of Immigration (BI) ang isang pasaherong nagpapanggap na ibang tao sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 noong Nobyembre 7, 2026, matapos tangkaing bumiyahe patungong Canada gamit ang tunay na pasaporte ng India at Canadian visa na pag-aari ng ibang indibidwal.

Galing Malaysia ang pasahero sakay ng Philippine Airlines nang masita ito ng mga tauhan ng BI kasunod ng impormasyong ibinahagi ng mga awtoridad ng Canada na nagbigay-daan sa masusing beripikasyon sa mga pasaherong dumaraan sa bansa.

Nagsagawa ang Immigration Protection and Border Enforcement Unit (I-PROBES) ng facial recognition at forensic signature comparison upang matukoy ang pagkakakilanlan ng pasahero. Nakumpirma na hindi siya ang tunay na may-ari ng mga dokumentong ginagamit sa paglalakbay.

Sa pagsusuri naman ng BI Anti-Fraud Section, napatunayang tunay ang pasaporte at Canadian visa, ngunit ginagamit lamang ang mga ito ng ibang tao.

Ipinasa ang pasahero sa kinauukulang airline upang agad na maibalik sa bansang pinagmulan nito.

Pinuri ni BI Commissioner Joel Anthony M. Viado ang pagiging mapagmatyag ng mga tauhan ng ahensya at binigyang-diin ang kahalagahan ng palitan ng impormasyon at pakikipagtulungan sa mga dayuhang awtoridad upang mapalakas ang seguridad sa mga hangganan ng bansa.

Tiniyak din ni Viado na patuloy na maghihigpit ang BI laban sa mga dayuhang gumagamit ng pekeng pagkakakilanlan o dokumento sa paglalakbay upang magamit ang Pilipinas bilang transit point, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang seguridad sa mga hangganan ng bansa. (Gene Adsuara)

Pag-apruba sa panukalang Smoke-Free and Vape-Free Environment, pinapurihan ng (PLCPD)

Posted on: November 17th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PINAPURIHAN ng Philippine Legislators’ Committee on Population and Development (PLCPD) ang House Committee on Health sa pag-apruba nitong Miyerkules ang panukalang Smoke-Free and Vape-Free Environment.

Layon ng panukala na maprotektahan ang kalusugan ng publiko mula sa exposure mula sa secondhand cigarette smoke at vape aerosol sa lahat ng public spaces at workplaces, lalo na sa mga lugar na madalas puntahan ng mga bata.

“We express our sincere thanks and recognition to the House Committee on Health chaired by Rep. Giselle Mary L. Maceda from Manila’s 4th District for prioritizing the scheduling and approval of the Smoke-Free and Vape-Free Environment Bill following the session break, and during the National Children’s Month, which makes it even more meaningful. The resounding support the bill received clearly demonstrates that many of our legislators recognize the importance of protecting children and the public from something they have no choice over, such as exposure to secondhand smoke,” pahayag ni Au Quilala, Executive Director ng PLCPD.

Ang House Bill 9603 na inihain ni Albay Rep. Krisel Lagman ay nagsusulong sa pagkakaroon ng framework ng RELATE:

R – Removal of indoor designated smoking and vaping areas (DSVAs) and standardization of outdoor DSVAs

E – Expansion of smoke-free and vape-free zones

L – Local health budget allocation for tobacco control programs

A – Awards for local government units that demonstrate local innovation and good practices in implementing the national law

T – Task force creation against smoking and vaping

E – Enhanced penalties to strengthen implementation and encourage behavior change

Isinusulong ng panuakala na magkaroon ng consistent national standard at masiguro na may nakalaang pondo para sa tobacco control programs.

Ayon sa 2024 Global Youth Tobacco Survey, 6 sa 10 Filipino students na may idad 13-15 ay exposed sa secondhand smoke sa enclosed at outdoor public spaces.

(VINA de GUZMAN)

Marcos at Japanese PM Takaichi, nagkasundo sa pagpapalakas ng ugnayan sa seguridad at ekonomiya

Posted on: November 17th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGKASUNDO sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Japanese Prime Minister Sanae Takaichi na palawakin ang kooperasyon ng Pilipinas at Japan sa iba’t ibang larangan kasunod ng kanilang bilateral meeting sa Maynila.

Sa kanilang pagpupulong, tinalakay ng dalawang lider ang mga usaping panrehiyon at ang pagpapalakas ng ugnayan ng dalawang bansa, partikular sa seguridad, enerhiya, at ekonomiya.

Ayon kay Takaichi, layunin ng Japan na higit pang patatagin ang partnership ng dalawang bansa bilang Comprehensive Strategic Partners at palawakin ang pagtutulungan para sa kapayapaan at katatagan sa rehiyon.

Nakiisa rin ang punong ministro sa ASEAN Gala Dinner na pinangunahan ni Pangulong Marcos, kasama ang iba pang mga lider at kinatawan ng mga pandaigdigang organisasyon. ( DARIS JOSE)

Apela ni Jinggoy sa 90-araw na suspensyon, ibinasura ng Sandiganbayan

Posted on: November 17th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

IBINASURA ng Sandiganbayan Fifth Division ang mosyon ni Senador Jinggoy Estrada na bawiin ang ipinataw sa kanya na ikalawang 90-araw na preventive suspension kaugnay ng mga kasong graft at plunder na may kinalaman sa umano’y iregularidad sa flood control projects.

Sa resolusyong isinulat ni Associate Justice Zaldy Trespeses, sinabi ng korte na hiwalay at independiyente ang mga kasong nakabinbin sa Fifth Division kumpara sa naunang kaso na hinawakan ng Second Division.

Dahil dito, hindi tinanggap ng korte ang argumento ng kampo ni Estrada na ang panibagong suspensyon ay katumbas ng dobleng parusa o magreresulta sa kabuuang 180 araw na pagkakasuspinde.

Binigyang-diin ng Sandiganbayan na ang bawat preventive suspension ay nagmumula sa magkakaibang kaso at proseso. Anila, ang layunin ng suspensyon ay mapanatili ang integridad ng paglilitis at hindi ito maituturing na paghatol o pagpapasiya ng pagkakasala.

Ayon naman kay Assistant Ombudsman Mico Clavano, naaayon sa batas ang naging pasya ng korte dahil ang naunang suspensyon ay hindi nakaaapekto sa iba pang hiwalay na kasong isinampa laban kay Estrada. ( DARIS JOSE)

PBBM sa ASEAN, China: Pairalin ang paggalang, pagtutulungan

Posted on: November 17th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NANAWAGAN si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga lider ng Southeast Asia at China na pairalin ang pagpipigil sa sarili, paggalang sa isa’t isa at pagtutulungan sa gitna ng patuloy na tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China.

“Palawakin natin ang mga tagumpay ng ating mga katuwang upang isulong ang kapayapaan, katatagan at kaunlaran sa ating rehiyon,” ani Marcos sa pagbubukas ng pulong ng ASEAN at China ngayong Lunes, Nobyembre 16.

Sa kabila ng tensyon sa relasyon ng Pilipinas at China, binigyang-diin ni Marcos ang dalawang mahalagang anibersaryo ngayong taon: ang ika-35 taon ng ugnayan ng ASEAN at China bilang dialogue partners at ang ikalimang anibersaryo ng kanilang comprehensive strategic partnership.

“Mula nang maging dialogue partner ang China noong 1996, lumawak ang ating ugnayan at naghatid ng mahahalagang pag-unlad sa tatlong pangunahing larangan ng ating pagtutulungan,” ani Marcos.

Hinimok din ng pangulo ang ASEAN at China na maghanap ng mga usaping maaari nilang pagkasunduan at magsulong ng mga konkretong hakbang sa gitna ng kawalang-katiyakan sa rehiyon at sa buong mundo.

Bilang halimbawa, binanggit ni Marcos ang pagpapatibay ng isang magkasanib na pahayag tungkol sa epekto sa rehiyon ng mga pangyayari sa Middle East.

 (DARIS JOSE)