• November 17, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for November 16th, 2026

DoT ipinagmalaki ang malaking kita ng mga MSME sa ASEAN

Posted on: November 16th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MASAYANG ibinahagi ng Department of Tourism (DOT) na nagkakaroon ng magandang kita ang mga negosyanteng kasama sa hub ng micro, small and medium enterprises (MSME) sa ASEAN International Media Center (IMC) sa World Trade Center sa Pasay City.

Base kasi sa pagtaya ng DOT na mula ng magkaroon ng soft-opening ang nasabing hub noong Nobyembre 11 ay nakalikom na sila ng kita na aabot sa mahigit P900,000.

Ang “Philippine Experience” ay inorganisa ng DOT kasama ang Presidential Communications Office (PCO) kung saan makikita ang ilang mga produktong ipinagmamalaki sa Pilipinas.

Mayroong mga kiosk kung saan matitikman ang mga ipinagmamalaking pagkain mula Luzon, Visayas at Mindanao.

Ayon kay Tourism Secretary Dita Angara-Mathay na ang hosting ng Pilipinas ng ASEAN ay nagbibigay ng pagkakataon para maipakilala ng Pilipinas ang produkto nito sa buong mundo. ( DARIS JOSE)

World leaders, nagsidatingan na para sa ASEAN

Posted on: November 16th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGSIMULA nang dumating sa bansa ang mga lider ng iba’t ibang estado upang dumalo sa ika-49 na ASEAN ­Summit at mga kaugnay na pagpupulong.

Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), magsisimula ngayong araw ang ­pangunahing serye ng mga pulong na gaganapin sa Philippine International Convention Center (PICC).

Susundan ito ng Plenary at Retreat Sessions kung saan tatalakayin ng mga lider ng ASEAN ang mga naging tagumpay ng Pilipinas bilang ASEAN Chair, gayundin ang mga hakbang upang higit na mapalakas ang kakayahan ng samahan sa pagtugon sa mga bagong hamon sa rehiyon at sa pandaigdigang komunidad, kabilang ang patuloy na sitwasyon sa Myanmar.

Makikipagpulong din ang mga pinuno ng ASEAN sa mga kinatawan ng ASEAN Parliamentarians, sektor ng negosyo at kabataan upang mapalawak ang talakayan at marinig ang kanilang pananaw sa mahahalagang usaping panrehiyon.

Dumating nitong Sabado ng umaga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) si Canadian Prime Minister Mark Carney bilang panauhin ng ASEAN Chair. Dumating din si Cambodian Deputy Prime Minister for Education, Youth and Sports Hang Chuon Naron na kumakatawan kay Prime Minister Hun Manet.

Bandang hapon naman nang lumapag sa NAIA si Australian Prime Minister Anthony Albanese at Sultan Haji Hassanal Bolkiah ng Brunei.

Nasa bansa na rin si Brazilian President Luiz Inácio Lula da Silva, na nakipagpulong kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Inaasahan pa ang pagdating ng iba pang mga lider habang nagpapatuloy ang mga pagpupulong ng mga senior officials bago ang pormal na pagbubukas ng ASEAN Summit. (DARIS JOSE)

300 binitbit sa ASEAN rally Trump, Pax Silica kinondena

Posted on: November 16th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

INARESTO ng Philippine National Police (PNP) ang nasa mahigit 300 raliyista na kabilang sa iba’t ibang cause oriented groups na tutol sa pagdating ni US President Donald Trump at sa isyu ng Pax Silica kaugnay ng ginaganap na ASEAN Summit.

Kinumpirma ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na dinala sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City ang mga inarestong raliyista na kabilang sa Bagong Alyansang Makabayan Southern Tagalog, Kilusang Mayo Uno at ACT, dahil hindi kakasya sa pasilidad ng mga police stations ang mahigit 200 katao at nais din nilang maiwasan ang pagsisiksikan na maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan ng mga detainee.

Bago ang insidente, nagpalipas ng gabi sa Sucat People’s Park ang mga raliyista matapos magmartsa mula sa San Pedro City, Laguna. Ayon sa ulat, karamihan

sa kanila ay pumasok sa isang convenience store, habang ang iba naman ay nagsagawa ng programa pagsapit ng hapon.

Pagsapit ng ala-1:45 ng madaling araw, binantayan at pinalibutan ng pinagsanib na puwersa ng Philippine National Police (PNP) Muntinlupa, SPD, Special Weapons and Tactics (SWAT), at Bureau of Fire Protection (BFP) ang ruta ng grupo. Umabot nang mahigit siyam na oras ang standoff matapos hindi payagan ng mga awtoridad ang caravan na makalabas at tumuloy patungong Liwasang Bonifacio sa Maynila.

Ang mga pangyayari sa Liwasang Bonifacio at Sucat ay bahagi umano ng mga pagtatangkang pigilan ang pagkilos ng mamamayan laban sa Pax Silica at sa presensiya ni Trump sa bansa. Binigyang-diin din nilang hindi sila matitinag sa kabila ng mga pag-aresto at panggigipit. Nanawagan sila sa pagpapalaya sa lahat ng inaresto. ( DARIS JOSE)

PBBM sa 49thASEAN Summit: ‘Travel forward together’

Posted on: November 16th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PORMAL nang binuksan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang 49th ASEAN Summit and Related Summits at hinikayat ang mga bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na sama-samang hara­pin ang mga hamon at isulong ang kaunlaran ng rehiyon sa ilalim ng temang “Travel Forward Together.”

Sinalubong nina Pa­ngulong Marcos at First Lady Liza Araneta-Marcos ang mga lider ng iba’t ibang bansa sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City, kung saan ginaganap ang summit na hino-host ng Pilipinas.

Sa kanyang opening speech, sinabi ng Pangulo na nananatiling nagkakaisa ang 11 bansang kasapi ng ASEAN sa kabila ng pagkakaiba sa laki ng teritoryo, kasaysayan, kultura at antas ng pag-unlad.

Ayon kay Marcos, nagtipon ang mga lider bilang magkakapantay na bansa, dala ang pag-asa ng kani-kanilang mamamayan at ang iisang hangaring maisakatuparan ang mga ito sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos.

Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng balangay, ang sinaunang sasakyang-pandagat ng mga Pilipino na tampok sa logo ng summit, bilang simbolo ng pagkakaisa, pagtutulungan at sama-samang paglalakbay ng mga bansang kasapi ng ASEAN.

Tinukoy rin ng ­Pangulo ang mga hamong kinahaharap ng rehiyon kabilang ang tumitinding geopolitical tensions, kawalang-katiyakan sa ekonomiya, mabilis na pag-unlad ng mga bagong teknolohiya, climate change, at iba pang transnational threats.

Sa kabila nito, sinabi ni Marcos na ipinakita ng mga lider ng ASEAN ang kanilang pagkakaisa sa pagdalo sa summit upang sama-samang tugunan ang mga hamon at bumuo ng mas matatag na kinabukasan para sa rehiyon.

Binanggit din niya ang epekto ng krisis sa Middle East, partikular ang pangamba sa suplay ng langis, na patuloy na nagdudulot ng hamon sa iba’t ibang bansa.

Aniya, sa halip na pahinain ng mga natu­rang krisis ang rehiyon, lalo nitong pinagtibay ang pangangailangan ng kooperasyon sa hanay ng mga kasaping bansa.

“When national capacities are tested, regional strength reinforces,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Iginiit niya na walang iisang bansa ang nagtataglay ng lahat ng kakayahan at solus­yon, kaya mahalaga ang pagtutulungan upang mapanatili ang katatagan, seguridad at kaunlaran ng buong ASEAN. ( DARIS JOSE)