• October 14, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for October 14th, 2026

PBBM, pinaigting ang kampanya laban sa pagpupuslit ng ilegal na droga

Posted on: October 14th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MAS pinaigting ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kampanya laban sa pagpupuslit ng illegal na droga matapos masamsam ng Bureau of Customs (BOC) ang mga hinihinalang illegal na droga na nagkakahalaga ng mahigit P560 milyon sa magkakahiwalay na operasyon sa mga pangunahing paliparan sa bansa.

 Binanggit ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro ang tatlong kamakailang operasyon ng BOC.

Kabilang dito ang pagsamsam noong Oktubre 5 ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng PhP496.4 milyon na itinago sa loob ng mga makinarya sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Noong Oktubre 12, nakumpiska rin ang mga illegal na droga na nagkakahalaga ng P43.7 milyon mula sa walong parsel na walang umangkin. Samantala, napigilan naman noong Oktubre 6 ang tangkang pagpupuslit ng ketamine na nagkakahalaga ng P20.7 milyon sa Clark International Airport.

Ayon kay Castro, iniulat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na ang kargamento ng droga na nasabat sa tulong ng mga awtoridad mula sa Laos at Thailand ay nakatakdang ipadala sa Mindanao.

Binigyang-diin ng opisyal ang kahalagahan ng patuloy na pakikipagtulungan sa mga karatig-bansa upang mapigilan ang pagpupuslit ng ilegal na droga sa Pilipinas.

Sinabi rin ni Castro na mahalaga ang tuloy-tuloy na koordinasyon ng BOC, PDEA at Philippine National Police (PNP) upang mapigilan ang pagpasok ng ilegal na droga sa mga komunidad at matiyak na mapapanagot ang mga nasa likod ng mga naturang gawain. ( DARIS JOSE)

Buong puwersa ng pamahalaan, nakatutok at nakahanda sa El Niño- Malakanyang

Posted on: October 14th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MULING tinipon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang lahat ng mga pangunahing ahensiya ng pamahalaan upang talakayin ang mga paghahanda laban sa El Niño.

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na nauna nang tinipon ng Pangulo noong nakaraang linggo ang mga ahensiya na nakabantay laban sa El Niño .

Partikular aniya na nakatuon si Pangulong Marcos sa mga paraan kung paano maiibsan ang epekto ng tagtuyot sa usapin ng food at water supply at sa enerhiya.

Present aniya sa naturang meeting ang Department of Agriculture (DA), Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Labor and Employment (DOLE) kung saan natalakay ang mga hakbang sa sektor ng agrikultura. 

Samantalang ang Department of Environment and Natural Resources (DENR), kasama ang National Irrigation Administration, Metropolitan Waterworks and Sewerage System at Local Water Utilities Administration, tinutukan ang mga epektibong hakbang sa water management at irrigation. 

Ani Castro, ang Department of Energy (DOE) ay nakatutok sa energy and fuel supply, samantalang ang Presidential Communications Office (PCO) ay nakabantay sa pagpapalaganap ng tamang impormasyon hinggil sa tagtuyot katuwang ang mga attached agencies nito.

“Walang dapat ipangamba ang ating mga kababayan — the government is on top of the situation, handa at nakabantay po tayo rito. Handa man ang pamahalaan, kailangan pa rin po ang pagtutulungan ng bawat isa,” ani Castro.

“Sa nagpapatuloy na meeting ngayong umaga, binigyang-diin ng Pangulo na kinakailangang mas palakasin pa ng pamahalaan kung ano na ang mga nakalatag na mga hakbang sa tagtuyot. Ngayon, nakatutok ang pamahalaan na masiguro na handa ang mga ospital, mga dam, at mga sakahan,” aniya pa rin. ( DARIS JOSE)

Ads October 14, 2026

Posted on: October 14th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments