Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan
SUPORTADO ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang dalawang araw na nationwide transport strike sa pangunguna ng PISTON, kasabay ng panawagan na agarang big-time rollback sa presyo ng gasolina at pagtanggal ng VAT at excise taxes sa petroleum products, na siyang nagtataas sa gastusin ng mga magsasaka sa produksyon at transportasyon.
Ayon pa sa KMP, ang rollback na P7.57 kada litro sa diesel, P5.85 sa kerosene at P0.24 sa gasolina ay hindi nakakabura sa mataas na dagdag presyo ngayong buwan.
“Hindi lang problema ng mga tsuper at konsyumer ang mataas na presyo ng langis. Malaking problema din ito ng mga magsasaka. Bawat pagtaas sa presyo ng diesel ay pagtaas sa gastos sa land preparation, irigasyon, renta ng makinarya, pag-aani, paghahakot at transportasyon ng mga produkto mula sa bukid papunta sa palengke,” ayon kay KMP Secretary General Ronnie Manalo.
“Kapag tumataas ang diesel, tumataas ang gastos ng magsasaka. Pero hindi naman awtomatikong tumataas ang presyo na natatanggap namin sa farmgate. Ang nawawala sa kita ng mga magsasaka ay napupunta sa dagdag-gastos sa produksyon at transportasyon,” ani Manalo. “Sa huli, ang kumita lang ay ang mga kumpanya ng langis.”
Kritikal ang papel ng diesel bilang farm input, mula sa hand tractors at iba pang makinaryas, irrigation pumps, harvesters, hanggang threshers at trucks.
Sinabi pa nito na sobrang bigat ng epekto ng sunod-sunod na lingguhang taas-presyo ng langis sa mga magsasaka ng gulay at iba pang madaling masirang produkto.
Kaunti o halos wala na aniyang kapasidad ang mga magsasaka na mag-imbak ng kanilang ani at umaasa lang sa pag-transport ng gulay.
“Nauubos ng mataas na gastos sa transportasyon ang maliit nang kita sa farmgate, at sa ilang pagkakataon, hindi na praktikal at lugi na ang mga magsasaka kapag dinala pa nila sa trading post ang mga gulay. Kaya may mga napipilitan na itapon o ipamigay na lang ang kanilang aning repolyo, kamatis, at iba pa.”
“Paulit-ulit sinasabi ng gobyerno na may ayuda at subsidyo, pero mga magsasaka, tsuper at konsyumer ang nagpapasan ng epekto ng presyo ng langis,” giit ni Manalo.
(VINA de GUZMAN)
NANAWAGAN ang isang mambabatas kay Pangulong Bongbong Marcos na agad lagdaan ang Universal Social Pension kasabay ng selebrasyon ng Elderly Filipino Week mula October 1 hanggang 7.
Ayon kay United Senior Citizens Partylist Rep. Milagros Aquino-Magsaysay, mahigit sa 12 milyong Filipino senior citizens sa bansa ang kumakaharap sa pagtaas ng healthcare costs at inflation at ang universal coverage ay hindi na isang pribelehiyo kundi basic right ng bawat lolo at lola na naging bahagi sa pagtulong sa paglago ng sosyedad.
“Ang ating mga lolo at lola ang nagbanat ng buto, nagturo, at nagtaguyod sa henerasyong nagpapatakbo ngayon sa ating bayan. Hindi makatarungan na sa kanilang pagtanda ay nangangamba pa sila kung saan kukunin ang pambili ng gamot o pangkain sa araw-araw,” mariing pahayag ni Magsaysay. “Hindi ito limos. Ito ay laban para sa kanilang dangal, karapatan, at kapakanan.”
Layunin ng panukalang batas na tanggalin ang mga masasalimuot na patakaran at limitasyon na nagdudulot upang marami nating nakatatanda ang maitsapwera, upang matiyak na walang maiiwang lolo o lola saanmang sulok ng kapuluan.
Buong-paggalang na kinilala ni Magsaysay ang pagpapahalaga ng Pangulo sa kapakanan ng maralitang sektor, kasabay ng pakiusap na gawing ganap na batas ang panukala bilang makasaysayang pamana sa mga nakatatanda ngayong linggo ng kanilang pagpupugay.
“Mahal naming Pangulo, sa pagdiriwang po ng Linggo ng Katandaang Pilipino ngayong Oktubre 1 hanggang 7, umaasa ang 12 milyong senior citizens sa inyong malasakit at pamumuno. Ang isang lagda po ninyo ay magdudulot ng kapanatagan, kalinga, at pag-asa sa bawat tahanang Pilipino. Iparamdam po natin sa kanila na hindi sila pinababayaan ng pamahalaan.”
Nanawagan din si Magsaysay sa sambayanan, lalo na sa mga samahan ng senior citizens sa buong kapuluan, na magkaisa at iparinig ang kanilang tinig upang maisakatuparan ang batas.
“Hindi po ako titigil hangga’t hindi natutugunan ang karapatan ng bawat lolo at lola. Sa ating mga minamahal na senior citizens: magtiwala po kayo, kasama ninyo ako sa bawat laban, at titiyakin nating maririnig ang inyong boses sa Malacañang.” (VINA de GUZMAN)
FAKE news!
Ito ang natatawang tugon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa sinabi ni Vice President Sara Duterte na desperado ang administrasyon na pigilan maganap ang 2028 elections.
Nito lamang weekend, sinabi ni VP Sara na sinusubukan di umano ng administrasyon na pigilan ang 2028 presidential election.
“Ang sabi po niya (Pang. Marcos), ‘yan po ay nonsense, fake news, may hilig magsinungaling, mga buwaon. Sinungaling,” ang sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.
Inihayag ito ni Castro matapos makatanggap ng tawag mula sa Pangulo kung saan ipinaabot ng Pangulo ang kanyang tugon hinggil sa usaping ito.
Nauna rito, tinawanan lang ni Pangulong Marcos ang pahayag ni VP Sara na sinusubukan di umanong harangin ng administrasyon ang 2028 presidential elections.
Sa aktibidad sa Pasay City, nahingan ng reaksyon ang Pangulo sa tinuran ng bise presidente pero imbes na sumagot ay tumawa lang ito at napailing.
Nitong Sabado ay naglabas ng statement si VP Sara kung saan sinabi nitong lalong nagiging “desperado” ang administrasyong Marcos.
Aniya, ginagawa ng kasalukuyang administrasyon ang lahat ng paraan para mapahina siya sa pulitika, itulak ang Charter Change, at tuluyang mapigilan ang susunod na national election.
Ginawa ng Bise Presidente ang pahayag kasunod ng paglutang ni Rodulfo Gracioso Jr. na nagpakilalang dating security aide ni dating Speaker Lord Alan Velasco at nag-akusang naghatid siya ng male-maletang pera kay Duterte sa utos umano ni Velasco.
Mariin itong itinanggi ni VP Sara at tinawag ang alegasyon bilang media stunt.
Samantala, muli namang nanawagan si Castro kay VP Sara na sagutin ang mga akusasyon laban sa kanya na may bitbit na ebidensiya sa halip na umasa lamang sa ‘logical fallacies’ para ipagtanggil ang kanyang sarili.
“Alamin niya ang definition ng red herring at ad hominem fallacies para malaman niya ang kamalian niya sa pakikipag-argumento,” diing pahayag ni Castro. (DARIS JOSE)
SINABI ni Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte na umabot sa 19 ang awards na ibinigay ng lungsod sa GenCorp Industries Inc., kumpara sa 15 awards na naunang tinukoy ng isang kinatawan ng PhilGEPS.
Tinanong si Baste tungkol sa kanyang September 21 statement kung saan sinabi niyang ang GenCorp ay “rigorously evaluated” at nakapagsumite ng pinakamababang calculated at responsive bid sa mga food service contracts mula 2022 hanggang 2025.
Nang tanungin kung personal niyang napatunayang natugunan ng GenCorp ang requirement na limang taon nang operational ang line of business nito, sinabi niyang hindi niya alam at kailangang tingnan ang records ng lungsod. Dagdag pa niya, “It is presumed that GenCorp has complied.”
Sinabi ni Davao City Mayor Baste Duterte na hindi niya sana papayagan umano ang pag-award ng anumang kontrata sa GenCorp Industries Inc. kung alam niyang stockholder nito si Vice President Sara Duterte.
“I would not allow it,” ani Baste sa pagpapatuloy ng impeachment trial ngayong Martes, Setyembre 29.
Ito ay matapos tanungin ni presiding officer Chiz Escudero si Baste kung nakita niya ang SALN ng bise presidente. Sinabi rin ni Escudero na lumabas sa impeachment trial na idineklara ni Sara sa kanyang SALN na isa siyang stockholder ng GenCorp.
“Kung siya po ay stockholder ng GenCorp at nalalaman po ninyo, hindi niyo po papayagang ma-awardan ng anumang kontrata sa Davao, tama po ba?” tanong ni Escudero. (DARIS JOSE)