• September 22, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for September 21st, 2026

Huwag pulitikahin ang trahedya na naganap sa eskuweluahan, pagtuunan ng pansin ang pagbibigay solusyon

Posted on: September 21st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

HINIKAYAT ng isang mambabatas si Vice President Sara Z. Duterte na huwag pulitikahin ang naganap na madugong trahedya sa Banga National High School na ikinasawi ng ilang estudyante, sa halip ay hanapan ng seryosong solusyon para maprotektahan ang mga mag-aaral.

Ang apela ay ginawa ni House Committee on Suffrage and Electoral Reforms Chairman at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong matapos isisi ni Duterte sa administrasyong Marcos ang insidente.

“Seryoso po ’yung ganitong usapin, at meron pong actual na biktima, may actual pong mga namatay, at meron pong nagdadalamhati sa ganitong pangyayari. Sana po, huwag po nating politikahin ito. Huwag po nating i-exploit ’yung pain, pagdadalamhati ng mga biktima by pointing to the wrong person or assigning the guilt or the blame to the wrong person,” anang mambabatas.

Sa halip na manisi habang nagsasagawa ng imbestigasyon ang otoridad, sinabi ni Alonto Adiong na dapat tutukan ng mga public officials ang paghahanap nga paraan kung papaano maiiwasan na mangyari ang ganitong insidente sa hinaharap.

“So dapat po, ang dapat na gawin natin bilang mga responsableng public officials is to support the ongoing investigation and to support the family by way of making sure na wala pong magiging biktima na susunod sa mga mass shooting,” ani Alonto Adiong.

Nanawagan din ito ng mas mataas na pondo para sa Department of Education para kumuha ng karagdagang guidance counselors na tutulong na matukoy ang mga estudyanteng nakararanas ng problema at mapalakas ang security measures sa mga paaralan.

“Let’s equip the Department of Education the necessary funding for them to hire more guidance counselors, for them to be able to detect kung meron pong problema ang kanilang mga estudyante. Bigyan po sila ng mas sapat na mga pondo para magkaroon sila ng security measures sa kanilang mga paaralan,” dagdag nito.

Kinuwestiyon naman ni House prosecution team adviser at spokesperson Ace Barbers ang naging basehan ni Duterte sa paninisi nito sa Marcos administration sa naganap na pamamaril.

“Ako, para sa akin, I will not dignify that statement kasi wala namang basehan,” ani Barbers. “Ano ’yung ebidensya at basehan para sabihin na ang dahilan ay ang administrasyon ng Pangulong Marcos kung bakit nangyayari ito?”

Iginiit pa ni Barbers na hindi dapat maging “blame game” ang insidente at sa halip ay dapat gawing prayoridad ang paghahanap ng solusyon at paraan upang maiwasan ang ganitong insidente.

“This is not a blame game thing, you know. Hindi naman dapat tayo nagtuturo. Dapat nga nagkakaisa tayo para masolusyonan itong problemang ito. We cannot start solving this problem kung magtuturo tayo nang magtuturo. At kung magtuturo ka rin lang din, dapat meron ka ring basihan o ebidensya,” pagtatapos ni Barbers (VINA de GUZMAN)

E-trike driver, kalaboso sa pagbabanta, panunutok ng baril sa kainuman

Posted on: September 21st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

KALABOSO ang 39-anyos na e-trike driver nang mapikon sa biruan at tinutukan ng baril saka pinagbantaan ang kainuman sa Valenzuela City matapos.

Sa ulat ni Valenzuela Police Chief Col. Joseph Talento kay NPD Director P/BGen. Benliner Capili, alas-10:40 ng gabi, nag-iinuman ang suspek na si alyas “Joel”, at biktimang si alyas “Jerome”, 36, vendor, sa Lanzones St. Brgy. Balangkas nang biruin ng biktima ang suspek na ikagalit nito.

Naglabas umano ng improvised firearm ang suspek saka tinutukan at pinagbantaan ang biktima na sa labis na takot ay nagtatakbo palayo hanggang makahingi ng tulong sa nagpapatrulyang mga tauhan ng Police Sub-Station 5.

Agad namang rumesponde sina P/SMS Israel Gutierrez at Pat. Joshua Miguel Capiral subalit, nang mapansin sila ng suspek ay nagtangka itong tumakas sakay ng isang Yamaha Aerox motorcycle.

Hinabol siya nina P/SMS Gutierrez at Pat. Capiral hanggang sa makorner at nakumpiska sa kanya ang isang improvised firearm (sumpak) na kargado ng isang bala ng shotgun.

Matapos maiprisinta sa Valenzuela City Prosecutor’s Office para sa pagsasampa ng kasong Grave Threat at paglabag sa R.A. 10591 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act, dinala na Custodial Facility ng Valenzuela Police Station ang suspek.

Habang nakapiit, dumating sa Valenzuela Police Station si alyas “Dennis”, kasama ang mga pulis ng Sta Maria, Bulacan upang kilalanin si alyas Joel na tumangay ng kanyang motorsiklo habang nakaparada sa harap ng isang paaralan sa Brgy. Caypombo sa naturang bayan.

Positibong kinilala ni alyas Dennis ang nabawing motorsiklo na ginamit ni ‘Joel’ sa pagtakas na kanyang pag-aari at iprinisinta ang dalang certificate of registration at official receipt. (Richard Mesa)

Pilipinas, nakamit ng unang medalya sa 2026 Asian Games sa Soft Tennis

Posted on: September 21st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAKAMIT ng Pilipinas ang unang medalya nito sa 2026 Asian Games matapos magwagi ng bronse ang women’s team sa soft tennis, binubuo ang koponan nina Hilary Paas, Princess Catindig, Noelle Mañalac, Christy Sanosa, at Shyryn Salazar.

Nasungkit ng kupunan ang bronze matapos matalo sa host country na Japan, sa score na 0-2, sa semifinals. Sa kabila ng pagkatalo, naging makasaysayang tagumpay ito para sa bansa bilang unang medalya ng Pilipinas sa edisyon ng 2026 Asian Games na ginaganap sa Aichi-Nagoya, Japan.

Sa kasalukuyang medal tally nasa ika–19 na puwesto ang Pilipinas.

Pormal na pagsisimula ng Asian Games sa Japan

Posted on: September 21st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAKAHANDA na ang organizers ng 20th Asian Games sa Nagoya, Japan para sa kanilang pormal na opening ceremony.

Gaganapin ang pormal opening ng dakong ala-6 ng gabi ngayong Sabado, Setyembre 19 oras sa Pilipinas.

Inamin ni Nagoya mayor Ichiro Hirosawa na siya ring deputy president ng mga laro ay naging malaking hamon nila ang pag-ulan at pagdaan ng mga bagyo.

Noong nakaraang mga linggo ay dinaanan ng malakas na bagyo ang nasabing bansa bukod pa sa may inaasahan nilang panibagong bagyo na paparating.

Sa unang plano nila ay magtayo ng athlete’s village subalit dahil sa pagtitipid ay gumamit na lamang sila ng mga container housing, cruise ship at mga hotels para doon na tumuloy ang mga atleta.

Bagama’t nagkaroon ng cost-cutting sa budget ay inamin ni Hirosawa na lumobo din ang kanilang gastusin.

Aabot sa mahigit 17,000 na mga atleta at mga staff mula sa iba’t ibang bansa sa Asya ang magpapaligsahan.

Hindi naman makakadalo sa opening ceremony si Japanese Prime Minister Sanae Takaichi.

Baste ipadedeklarang ‘hostile witness’

Posted on: September 21st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

HIHILINGIN ng House prosecution panel sa Senate impeachment court na ideklarang hostile witness si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte, na una nang pinaisyuhan ng subpoena para tumestigo kaugnay ng mga kontrata ng kapatid niyang si Vice President Sara Duterte sa pamahalaang lungsod ng Davao.

Ayon kay private pro­secutor at spokesman Benjamin “Jay” Tolosa Jr., susuriin ang testimonya ni Mayor Baste hinggil sa Gencorp Industries, kumpanyang nakasaad sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni VP Sara at umano’y nakipagtransaksyon sa City Hall.

“Gusto natin makita kung nagkaroon bang any dealings itong kum­panya na ito with the city government of Davao,” ani Tolosa, na nagsabing mahalaga ang magi­ging pahayag ni Baste sa Article II o ‘unexplained wealth’ ng Articles of Impeachment.

Giit ng prosekusyon, si Mayor Baste ay itutu­ring na hostile witness upang makapagtanong gamit ang leading questions. Isa siya sa mga testigong ipina-subpoena kaugnay ng pagbusisi sa SALNs, corporate records, at iba pang dokumento ng gobyerno ni VP Sara.

Dagdag ni Tolosa, nais nilang matukoy kung may transaksyon ang Gencorp sa pamahalaang lungsod sa panahon ng panunungkulan ni Baste bilang alkalde. Nakaiskedyul ang kanyang pagharap sa Setyembre 23, ngunit depende pa rin ito sa takbo ng paglilitis.

Nilinaw ni Tolosa na ipinatatawag si Mayor Baste upang magbigay-linaw sa kaso, at hindi dahil may direktang kina­laman siya sa impeachment na kinakaharap ng kanyang kapatid. ( DARIS JOSE)

VAT sa system loss charge, posibleng maalis sa November power bill

Posted on: September 21st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

POSIBLENG maramdaman ng mga konsyumer sa Nobyembre ng ang bawas sa singil mula sa pagtanggal ng 12% value-added tax (VAT) sa allowable system loss charges ng mga power utility.

Ayon sa Energy Regulatory Commission (ERC), nakipagpulong na ito sa mga stakeholder noong Biyernes upang plantsahin ang mga mekanismo para sa pagpapatupad ng bagong patakaran ng Bureau of Internal Revenue (BIR).

Sinabi ni ERC Chairperson Francis Saturnino Juan na target nilang maipatupad ang pagtanggal ng VAT sa system loss charge para sa kinunsumo na kuryente sa buwan ng Oktober, na makikita sa bill na matatanggap ng mga consumer sa Nobyembre.

Sa ilalim ng Revenue Memorandum Circular No. 97-2026 ng BIR na inilabas noong Setyembre 14, hindi na papatawan ng 12% VAT ang system loss charges na pasok sa limitasyong itinakda ng ERC.

Itinuturing na ng BIR ang naturang singil bilang government-mandated pass-through cost, kaya hindi na ito sasailalim sa VAT.

Gayunman, nilinaw ng ERC na VAT lamang sa system loss charge ang aalisin at hindi ang mismong system loss charge.

Ang system loss charge ay kumakatawan sa gastos na kaugnay ng kuryenteng nawawala habang ipinapadala at ipinapamahagi ito sa power system. Hiwalay ito sa generation, transmission at distribution charges na regular na nakikita sa electricity bill.

 ( DARIS JOSE)

Taas-pasahe sa PUVs namumuro

Posted on: September 21st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

IKAKASA ng Department of Transportation (DOTr) ang posibleng taas-pasahe sa mga pampasaherong sasak­yan dahil sa inaasahang pagsipa ng presyo ng diesel sa halos P10 kada litro.

Ayon sa DOTr, ang ahensiya at ibang tanggapan ng gobyerno na nasa ilalim ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) Committee ay nakipagpulong kay Exe­cutive Secretary Ralph Recto para talakayin ang kaukulang mga hakbang na makatutulong na maib­san ang impact ng taas- presyo ng petrolyo at ope­rating costs ng transport sector.

“The proposed fare adjustment for public uti­lity vehicles was among the matters discussed, and we hope to arrive at a positive decision in the coming days,” ayon sa DOTr.

Bukod sa posibleng fare adjustment, nais din ng DOTr na magsagawa ng isa pang targeted assistance sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development’s (DSWD) Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program na eks­klusibong ipagkakaloob sa mga qualified transport operators at drivers upang makatulong sa kanilang mga gastusin.

Ang pahayag ng DOTr ay ginawa habang naka- pending sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang fare hike petitions ng transport groups. Binigyan nang taning ng DOTr ang LTFRB na madesisyunan ang petisyon ngayong buwan ng Oktubre.

Nais ng transport groups na magpatupad ang LTFRB ng P1 hanggang P2 provisional fare increase sa pasahe dahil sa patuloy na taas- presyo ng petrolyo.

DILG: Cotabato shooter lulong sa ‘deep dark web’

Posted on: September 21st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NALULONG umano sa “deep dark web” ang 16-anyos na estudyante na namaril sa Banga National High School sa South Cotabato nitong Biyernes.

“Upon investigation, he was heavily into the deep dark web… Accor­ding to his phone, he left several notes detailing his depression… discovered last April 2026 ng parents niya. And the parents tried to handle the situation ngunit nagkulang,” pahayag ni DILG Sec. Jonvic Remulla.

Batay sa imbestigas­yon ng Banga Municipal Police Station (MPS) lumabas na miyembro ang suspek ng grupong True Crime Community o “deep dark web” na nag-impluwensya sa kanya na magplano ng pamamaril simula pa noong Agosto.

Ayon sa mga kaibigan ng suspek, nagbabala pa ito sa group chat na umalis sa eskuwelahan kung ayaw madamay, dahil itutuloy na niya ang pamamaril sa Setyembre 18.

Sa salaysay ng mga kaibigan, dapat noong Setyembre 3 pa isinagawa ang pamamaril ngunit naantala dahil wala pang armas ang suspek. Set­yembre 18, dakong 1:15 ng hapon, natuloy ang pamamaril na ikinasawi ng tatlo at ikinasugat ng walo.

Hindi umano nagsumbong sa guro ang mga kaibigan ng suspek dahil inakala nilang biro lamang ang mga pahayag nito.

“Hindi lang ito national concern kundi internatio­nal concern na, dahil mayroon silang social media platform na gina­gamit na “True Crime Community”. Nagkakaroon ng indoctrination at binibigyan ng task na community o school shooting,” pahayag naman ni South Cotabato Gov. Reynaldo Tamayo.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad, kabilang ang posibleng pananagutan ng ama ng suspek na opisyal ng Disaster Mitigation Team ng DepEd, na nagmamay-ari ng baril na ginamit sa insidente.

Nagbabala rin si Remulla sa mga magulang na bantayan ang mga website at social media na binubuksan ng kanilang mga anak.

“Tingnan ninyo. It is not a privacy issue. Anak n’yo ‘yan… Nalulublob sila sa malalalim at madidilim na websites,” aniya. “Tignan niyo po ang sine-search nila… Depression among kids is real. We must give access to proper ­psychiatric health care.”

Dagdag pa ng kalihim, makikipagpulong siya sa Department of Information and Communications Technology (DICT) at hihikayatin ang Kongreso na magpatupad ng mas mahigpit na regulasyon sa paggamit ng social media ng mga bata, gaya ng ginawa sa Australia.

Binanggit din ni Remulla na sa ilang nakaraang pagpupulong kasama ang mga game developers, lumabas na may mga bata na nakiki­pag-usap sa ibang platform habang naglalaro ng online games.

 (DARIS JOSE)

Garin, hinahanap mula sa DICT ang isang kongretong plano kung papaano tutugunan ang problema sa online platforms

Posted on: September 21st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

 SA GINANAP na Saturday News Forum sa Quezon City sinabi ni House Deputy Speaker Janet Garin, kailangan munang maipakita ng Department of Information and Communication Technology ( DICT) ang konkretong plano laban sa online scams, mapanganib na content, at recruitment ng mga kabataan ngayon sa social media.
(BOY MORALES Sr.)

Bebot at kelot na kapwa wanted sa carnapping sa QC, nasukol sa Caloocan

Posted on: September 21st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGWAKAS na ang maligayang araw ng dalawang karnaper na kapwa wanted sa Quezon City kabilang ang isang bebot matapos masakote ng pulisya sa magkahiwalay na operation sa Caloocan City.

Mahigit pitong taon nagtago sa batas ang puganteng si alyas “Lily” bago nasukol ng mga tauhan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili sa harap ng Gate 2, Zamora Compound, Camarin Road, Brgy. 172 dakong alas-7:15 ng gabi .

Matagal ng tinutugis ng pulisya si alyas Lily mula nang maglabas ng warrant of arrest laban sa kanya ang Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 92 noong Marso 15, 2019 para sa kasong paglabag sa R.A. 10883 o ang New Anti‑Carnapping Act na may inilaang piyansang ₱300,000.00.

Pasado alas-2:30 ng hapon nang makorner naman ng mga operatiba ng NPD District Special Operations Unit (DSOU) ang 22-anyos na kelot sa kanyang tinutuluyang lugar saPhase 6, Package 4, Camiling, Barangay 178, Camarin,.

Inaresto siya sa bisa ng arrest warrant na inisyu ng kaparehong korte noong September 4, 2026, para sa paglabag sa R.A 10883 o ang Anti-Carnapping Act of 2016, na may inilaan ding piyansa na P300,000.

Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Officer‑in‑Charge P/BGen. Christopher N Abrahano, ang pakakadakip sa mga akusado ay bahagi ng pinalakas at patuloy nilang pagsisikap na tukuyin at dakpin ang mga taong may nakabimbing warrant of arrest sa kinakaharap na kaso.

Pinuri rin niya ang mga umarestong pulis sa kanilang pagsisikap at propesyunalismo, kasabay ng pagbibigay diin na ang pagsisilbi ng warrant sa mga wanted na kriminal ay nananatiling pinakamahalagang bahagi ng kanilang mga pangunahing tungkulin. (Richard Mesa)