• September 24, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for August 30th, 2026

Mayor Sandoval, namahagi ng laptop sa mga guro sa Malabon 

Posted on: August 30th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MAHIGIT 3,000 laptops ang ipinamahagi ni Malabon City Mayor Jeannie Sandoval sa mga guro ng pampublikong paaralan bilang suporta ng lokal na pamahalaan sa pagpapalakas sa sektor ng edukasyon.

Isinagawa ng alkalde ang pamamahagi sa Malabon Sports Complex na aniya ay katuparan ng kanyang pangako na matiyak na mas magiging madali at dekalidad ang trabaho ng mga guro at non-teaching personnel na silang pundasyon ng edukasyon at magandang kinabukasan ng mga mag-aaral.

“Ito ang katuparan ng ating naging pangako noon na masiguro na mas magiging madali at dekalidad ang pagtatrabaho ng ating mga guro at non-teaching personnel. Kayo ang pundasyon ng edukasyon at magandang kinabukasan ng ating mga mag-aaral. Makakaasa po kayo na ang Pamahalaang Lungsod ay patuloy na susuporta sa inyo,” ani Mayor Jeannie. 

Naniniwala din siya na makakatulong ang mga laptop sa pagsuporta sa mga guro sa paghahanda ng kinakailangang materyales sa pagtuturo, pamamahala ng gawaing pang-paaralan, at paggamit ng makabagong teknolohiya.

Bukod sa mga laptop, isinabay na rin ni Mayor Sandoval ang pamamahagi ng P4,500 na second-quarter allowance sa mga kuwalipikadong guro bilag karagdagang suportang pinansiyal at pagkilala sa kanilang pagsisikap na turuan ng maayos ang mga estudyanteng Malabueño.

Naniniwala naman si City Administrator Dr. Alexader Rosete na ang pagbibigay ng laptop at allowance sa mga guro ay pagpapakita ng pagpapahalaga ng lokal na pamahalaan sa sakripisyo at dedikasyon ng mga guro at non-teaching personnel ng mga pampublikong paaralan. 

Kabilang sa mga dumalo sa turn-over ceremony sina First Gentleman Cong. Ricky Sandoval, Malabon Schools Division Superintendent Juan Obierna, mga opisyal ng School Divisions Office at Malabon Public Elementary at Secondary Teachers’ Association Inc. (Richard Mesa)

BAGONG HALAL NA MGA OPISYAL NG CAMANAVA PRESS CORPS

Posted on: August 30th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

DAHIL sa mahusay na pamumuno ni Ismael “Ka Maeng” Santos ng BULGAR, muli siyang

nahalal bilang presidente ng CAMANAVA PRESS CORPS sa taunang halalan na ginanap sa Caloocan City Police Headquarters.

Kasama ring nahalal sina Edd Reyes ng People’s Journal Tonight bilang Vice President, Merly Iral ng Remate bilang Secretary, Richard Mesa ng People’s Balita bilang Treasurer, Andrew Rabulan ng Manila Standard bilang Auditor, at Vickay Aquino ng Hataw bilang Chairman of the Board.

Nahalal naman bilang board of directors sina Jovy Lucero ng Agila ng Bayan, Edgar Rabulan ng Remate, Freddie Ng ng Radyo Agila, Ludwig Lechadores ng Metro, James Paragas ng Metro, at Hannah Nicol ng Manila Bulletin.

Nagpasalamat din ang grupo kina National Press Club Director Celestino “Jojo” Sicat, na nagsilbing election officer, at Caloocan City Police Chief PCOL. Joey Goforth sa kanilang suporta sa matagumpay na halalan.

MAPANGANIB NA PAG-OOVERTAKE NG PAMPASAHERONG BUS, INAKSYUNAN NG LTO

Posted on: August 30th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

AGAD na umaksyon ang ahensya at nagpalabas ng Show Cause Order (SCO) laban sa rehistradong may-ari at itinalagang drayber ng isang pampasaherong bus kaugnay ng isang insidenteng namataang mapanganib ang pagmamaneho.

Batay sa video na nakarating sa ahensya at nagsilbing batayan ng imbestigasyon, makikitang mapanganib na nag-overtake ang naturang bus at tumawid sa solid yellow lane na nagsisilbing traffic sign na nagbabawal sa pag-overtake at pagdaan sa kabilang linya.

Dahil sa malinaw na paglabag ng drayber, inaatasan ito na humarap sa tanggapan ng Intelligence and Investigation Division (IID) ng LTO Central Office para sa pagdinig sa Setyembre 4, 2026, at magsumite ng sinumpaang salaysay o paliwanag, kalakip ang mga dokumento na maaaring sumuporta sa kanilang paliwanag hinggil sa insidente.

Inaatasan ang driver na magpaliwanag kung bakit hindi siya dapat maharap sa mga kaukulang paglabag sa ilalim ng R.A. 4136 na nakasaad sa SCO, kabilang ang Reckless Driving, Disregarding Traffic Sign, at Driving Against Traffic, gayundin kung bakit hindi dapat suspindihin o tuluyang bawiin ang kanyang lisensya dahil sa pagiging Improper Person to Operate a Motor Vehicle.

Samantala, kinakailangan din ipaliwanag ng rehistradong may-ari kung bakit hindi siya dapat managot sa mga paglabag na Employing Reckless, Insolent, and Arrogant Driver, at Breach of Franchise Conditions.

Isinailalim na rin sa alarm status ang naturang bus habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. Kinakailangan namang isuko ng driver ang kanyang lisensya sa pagmamaneho sa IID, na isasailalim sa 90-araw na preventive suspension.

“Hindi namin palalampasin ang ganitong mapanganib na pagmamaneho, lalo na sa pampasaherong bus. Kung hindi kayang sumunod sa batas-trapiko, haharap sa pananagutan, ipatutupad namin ang nararapat na parusa,” saad ni Asec. Lacanilao.

Muling nagpapaalala ang LTO sa lahat ng motorista na mahigpit na sumunod sa batas-trapiko at iwasan ang anumang uri ng mapanganib na pagmamaneho. Patuloy na magsasagawa ng kaukulang aksyon ang ahensya laban sa mga lalabag upang matiyak ang kaligtasan ng lahat ng gumagamit ng kalsada. (PAUL JOHN REYES)