• August 18, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for August 18th, 2026

20% student discount sa load, internet isinulong

Posted on: August 18th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

SA GITNA ng sunud-sunod na suspensyon ng klase at paglipat sa online learning dahil sa masamang panahon, isinusulong ni Senador Erwin Tulfo ang panukalang batas na magbibigay ng 20% discount sa mobile prepaid load, postpaid plans, at internet packages para sa lahat ng mag-aaral sa bansa.

Sa kanyang Senate Bill No. 2275 o “Student Load Discount Act,” layon ni Tulfo na maibsan ang dagdag-gastusin ng mga estudyante at magulang na hirap makasabay sa pangangailangan ng digital education.

Binanggit pa ng senador na hindi madaling makapag-adjust ang mga mag-aaral mula sa mahihirap na pamilya kung walang tulong mula sa pamahalaan. Sa ilalim ng panukala, sakop ng discount ang lahat ng Pilipinong naka-enroll sa elementarya, sekondarya, technical-vocational at higher education, maliban sa post-graduate studies. Magagamit ang diskwento buong taon, kabilang ang weekends at holidays.

Para makuha ang benepisyo, kailangan lamang ipakita ng estudyante ang school ID o enrollment certificate, kasama ang birth certificate bilang patunay ng pagiging Filipino citizen. Obligado ang mga kumpanya ng telekomunikasyon na ipatupad ang discount, at papatawan ng mabigat na parusa ang lalabag.

Binigyang-diin ni Tulfo, na chairman ng Senate Committee on Social Justice, Welfare and Rural Development, na malaki na ang ipinagbago ng konsepto ng “class suspension.” “Noon, kapag suspended ang klase, talagang walang pasok. Pero ngayon, karamihan sa mga paaralan ay agad na lumilipat sa online modality upang maiwasan ang backlog,” paliwanag niya.

“Tungkulin natin sa pamahalaan na tiyakin ang access sa edukasyon. Walang estudyante ang dapat maiwan kapag ang lahat ay nakakonekta,” pagtatapos ni Tulfo.

85 pamilya, nawalan ng tahanan sa sunog sa Valenzuela

Posted on: August 18th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

TINATAYANG aabot sa 85 pamilya ang nawalan ng tirahan matapos tupukin ng apoy ang mga kabahayan sa sunog na sumiklab sa hindi pa batid na dahilan sa Valenzuela City.

Sa ulat ni City Fire Marshal F/Supt. Ma. Theresa Alqueza kay Valenzuela City Mayor Wes Gatchalina, nagsimula ang apoy na itinaas sa unang alarma dakong ala-1:54 ng madaling araw sa Sitio Kabatuhan, Barangay Gen. T. de Leon, na umabot sa ikatlong alarma alas-2:12 sanhi ng mabilis na pagkalat ng apoy sa mga dikit-dikit na kabahayan na pawang gawa sa light materials.

Idineklarang undercontrol ang susnog dakong alas-4:44 ng madaling araw hanggang tuluyang maapula ng alas-6:05 ng umaga.

Ayon kay Alqueza, kabilang sa mga nasunugan ang rumespondeng fire volunteer na si Jeckster Quiamco, na walang naisalbang gamit dahil sa mabilis na pagkalat ng apoy bagamat ligtas naman ang kanyang pamilya.

Pansamantala ngayong nanunuluyan sa San Roque Chapel at sa covered court ng Brgy, Gen. T. De Leon ang mga apektadong pamila kung saan sila pinadalhan ni Mayor Gatchalian ng mainit na pagkain at kanilang mga pangunahing pangangailangan.

Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng mga arson investigator upang matukoy ang sanhi ng sunog at kung magkano ang halaga ng mga ari-arian na natupok ng apoy. (Richard Mesa)

10-day Service Incentive Leave para sa manggagawang Pilipino

Posted on: August 18th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

IPINANUKALA ni 4Ps Partylist Representative JC M. Abalos na taasan ang mandatory annual Service Incentive Leave (SIL) para sa kuwalipikadong Filipino workers mula sa limang (5) araw sa sampung (10) araw.

“Our Constitution recognizes labor as a primary socio-economic force and mandates the State to protect the rights and promote the welfare of Filipino workers. Under the Labor Code, employees who have rendered at least one (1) year of service are currently entitled to five (5) days of Service Incentive Leave with pay. For more than 50 years, this minimum entitlement has remained unchanged. Should HB 10753 be enacted into law, it will entitle workers to at least 10 days service incentive leave with pay,” ani Abalos.

Sinabi ni Abalos na kinikilala sa House Bill (HB) No. 10753 ang pangangailangan ng mga manggagawa na makapagpahinga, mapangalagaan ang kalusugan at personal needs, at mapunan ang kanilang responsibilidad sa kanilang pamilya.

“Ang mga manggagawa ay hindi lamang bahagi ng ating workforce. Tao sila na nangangailangan din ng sapat na panahon para makapagpahinga, magpagaling kapag may sakit, asikasuhin ang kanilang personal na pangangailangan, at gampanan ang kanilang responsibilidad sa pamilya. Mahigit 50 taon nang limang araw ang minimum Service Incentive Leave. Panahon na para dagdagan ito,” pahayag ni Abalos.

Sinabi nito na ang Pilipinas ang may pinakamababang statutory minimum leave entitlement kumpara sa ibang bansa sa rehiyon.

“Medyo napapag-iwanan na rin tayo sa usapin na ito. Ang mga kapitbahay natin sa Southeast Asia tulad ng Singapore at Malaysia ay may statutory annual leave entitlements na mas mataas kaysa sa kasalukuyang limang (5) araw na Service Incentive Leave sa Pilipinas. Sa Singapore, ang annual leave ay nagsisimula sa pitong (7) araw at umaabot sa labing-apat (14) na araw depende sa haba ng serbisyo. Sa Malaysia naman, ang annual leave ay nasa walo (8), labindalawa (12), o labing-anim (16) na araw, depende rin sa haba ng serbisyo,” pagdidiin ni Abalos.

“Kung madadagdagan natin sa sampung araw ang annual Service Incentive Leave, mabibigyan natin ang ating mga manggagawa ng karagdagang panahon para makapagpahinga, makauwi sa kanilang pamilya, at maasikaso ang mahahalagang pangangailangan nang hindi isinasakripisyo ang kanilang sweldo,” aniya.

Para kay Abalos, kinikilala ng panukala ang diginidad ng mga manggagawang Pilipino at mabigyan sila ng supisyenteng panahon para pangalagaan ang kanilang sarili at kanilang pamilya.

“Ang dagdag na limang araw ay hindi lamang dagdag na leave. Ito ay pagkilala sa dignidad ng ating mga manggagawa at sa kanilang pangangailangan na magkaroon ng sapat na panahon para sa kanilang sarili at kanilang mga mahal sa buhay,” pagtatapos nito.

(VINA de GUZMAN)