• August 18, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for August 18th, 2026

‘SiPons’ sinapawan nina Pagara, Progella sa Finals

Posted on: August 18th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAKAMIT nina Sofia Pagara at Khy Progella ang kauna-unahan nilang Futures title matapos gulatin sina Sisi Rondina at Bernadeth Pons, 21-18, 21-13, sa isang All-Filipino gold medal match ng FIVB World Beach Pro Tour Futures kahapon sa Busan, South Korea.

Kumpara kina Rondina at Pons, dumaan muna sina Pagara at Progella sa qualification round.

Winalis nina Pagara at Progella sina Mireille Smith at Lavinia Tyrrel ng Australia, 21-12, 21-17, at dinomina sina Harumi Sakai at Shion Tsubou­chi ng Japan, 21-10, 21-11, papasok sa main draw.

Sinibak ng Pinay tandem sina Japanese pair Paurine Emiri Oto at Takemi Nishibori, 21-12, 21-13, para sumampa sa semis

Pinatalsik naman nina Rondia at Pons sina Jana Milutinovic at Jazz Rayner ng Australia, 23-21, 21-19, sa semis.

Sa kanilang finals match ay nailusot nina Progella at Pagara ang 21-18 panalo sa first set bago hatawin ang malaking 18-10 lead sa second frame.

Mula rito ay hindi na nakabawi sina Rondina at Pons, inangkin ang kauna-unahang women’s beach volleyball gold sa nakaraang 33rd Southeast Asian Games sa Thailand noong Disyembre.

Ito ang ikalawang runner-up finish nina Rondina at Pons matapos sumegunda sa nakaraang AVC Beach Tour Pingtung Open noong Hulyo sa Chinese Taipei.

Gilas Boys paborito vs Thailand

Posted on: August 18th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PILIT na babangon ang Gilas Pilipinas Boys mula sa kabiguan sa pagsagupa sa Thailand sa hangaring makasampa sa qualification patungo sa quarterfinal round ng 2026 FIBA U18 Asian Championships sa Veer Savarkar Indoor Stadium sa Ahmedabad, India.

Lalabanan ng mga Pinoy dribblers ang mga Thais ngayong alas-4 ng hapon matapos ang bakbakan ng mga Aussies at Taiwanese sa alas-2.

Matapos lusutan ang Chinese, 89-88, mula sa game-winning basket ni Ethan Aguas ay natalo ang Gilas Boys sa nagdedepensang Australia, 69-107.

Lider ang Australia sa Group A tangan ang 2-0 record kasunod ang Pilipinas (1-1), Chinese Taipei (1-1) at Thailand (0-2).

Talo ang mga Thais sa mga Aussies, 32-102, sa mga Taiwanese, 62-110.

Inaasahang gigibain ng Gilas Boys ang Thailand na pinatumba sa group stage, 98-63, at sa finals, 85-70, ng nakaraang SEABA qua­lifier sa Krabi, Thailand.

Ang top teams sa Group A, B, C at D pagkatapos ng preliminary stage ang papasok sa quarterfinals, habang ang second at third placers ang lalaro sa qualification para sa huling apat na quarterfinal spots.

Apat na tiket ang pag-aagawan para sa FIBA U19 Basketball World Cup 2027 na nakatakda sa Hunyo 26 hanggang Hulyo 4 sa Pardubice, Czechia.

June Mar Fajardo nakatakdang magretiro sa paglalaro sa Gilas Pilipinas

Posted on: August 18th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

KINUMPIRMA ni Gilas Pilipinas head coach Tim Cone ang nalalapit na pagreretiro na ni June Mar Fajardo.

Sinabi ni Cone na huling maglalaro na si Fajardo sa fourth window ng FIBA World Cup 2027 Asian qualifiers.

Dahil dito ay hindi na rin tiyak kung makakapaglaro ang 36-anyos na si Fajardo para sa nalalapit na 20th Asian Games sa Nagoya, Japan.

Dagdag pa ni Cone na noon pa man ay nais na ni Fajardo ang magretiro subalit isinama pa rin nila ito sa fourth window.

Mahalaga aniya na makasama nila ang 6-foot-11 na beterano at nine-time PBA Most Valuable Player.

Kable ng NavGate, ninakaw ng armadong mga kawatan sa Navotas

Posted on: August 18th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

IPINAG-UTOS ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili ang imbestigasyon sa naganap na pagnanakaw ng hindi pa kilalang mga armadong kawatan sa mga kable ng Navotas Navigational Gate sa Navotas City.

Mismong si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Nicolas Torre III ang nag-post sa kanyang opisyal na Facebook account ng naganap na pagnenok ng mga hindi pa kilalang armadong suspek sa halos 10-metrong grounding cable ng NavGate pumping station.

Nahagip pa sa kuha ng CCTV ang paglalakad ng mga armadong suspek na hindi na nasita ng nakatalagang guwardiya sa pangambang malagay sa panganib ang kanyang buhay.

Ang NavGate na may pumping station sa Navotas-Malabon River malapit sa Barangays Tangos at Tanza na karaniwang tinatawag na North Navotas Pumping Station ang kumokontrol sa umaapaw na tubig mula sa Manila Bay at nagpo-protekta sa mababang lugar sa magkatabing lungsod ng Malabon at Navotas.

Kinondena ni GM Torre ang ginawang pagnanakaw ng mga kawatan na aniya ay maliit na halaga lamang kumpara sa paglalagay sa panganib ng maraming residente sa Lungsod ng Navotas at Malabon.

Hinigpitan na rin ng mga awtoridad ang pagbabantay sa mga pumping stations habang patuloy na tinutugis ng kapulisan ang mga nakatakas na kawatan. (Richard Mesa)

2027 national budget, pormal nang sinimulan ang pagtalakay

Posted on: August 18th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PORMAL nang sinimulan ng Kamara ang pagtalakay sa panukalang ₱7.2-trillion 2027 National Expenditure Program sa pamamagitan ng briefing ng Development Budget Coordination Committee (DBCC).

Ang briefing ay dinaluhan nina Speaker Faustino “Bojie” Dy III, House Committee on Appropriations Chairperson Rep. Mikaela Angela Suansing, Senior Deputy Speaker Ferdinand Hernandez, Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos, at iba pang lider ng Kamara.

Sa ginanap na NEP turnover noong nakalipas na linggo, sinabi ni Dy na bubusisiin ng Kamara ang mga budget proposals ng iba’t ibang ahensiya, na tutuon hindi lamang sa funding levels kundi kung papaano ipatutupad ang mga programa at inaasahang resulta sa pagbibihgay serbisyo sa publiko.

“Sa dulo, iisa ang ating sukatan: isang budget na tunay na para sa tao at nararamdaman ng tao,” ani Suansing. (VINA de GUZMAN)

Mahalagang papel ng PA sa pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad, binigyang diin ni PBBM

Posted on: August 18th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

BINIGYANG-DIIN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mahalagang papel ng 302nd Infantry Brigade ng Philippine Army sa pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad, gayundin sa pagtugon sa iba’t ibang hamon sa mga komunidad na kanilang nasasakupan.

Kinilala ng Pangulo ang mga pagsisikap ng 302nd Infantry Brigade sa kanilang internal security operations, pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at iba pang security partners, gayundin sa humanitarian assistance at disaster response.

Muli namang hinikayat ni Pangulong Marcos ang mga sundalo na patuloy na paigtingin ang kanilang civil-military operations, kakayahan sa pagtugon sa mga hamon sa seguridad, at koordinasyon sa mga ahensya ng pamahalaan at lokal na pamahalaan. 

Siniguro rin ng Chief Executive ang patuloy na suporta ng pamahalaan sa Armed Forces of the Philippines (AFP) upang maisakatuparan ang kanilang misyon para sa kapayapaan, seguridad, at kapakanan ng mga Filipino. ( DARIS JOSE)

PBBM, tuloy-tuloy ang trabaho sa gitna ng sama ng panahon- Malakanyang

Posted on: August 18th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

TULOY-TULOY ang trabaho ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ngayong araw sa gitna ng sama ng panahon sa maraming bahagi ng bansa.

Sa katunayan, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, umaga ngayong araw ng Lunes, Agosto 17, personal na binisita ng Pangulo ang Baslay Highland Agriculture o BASHACO sa Negros Oriental na pinamamahalaan ang 487.55 ektarya ng forestland sa ilalim ng Community-Based Forest Management Agreement o CBFMA.

Sa tala noong Abril, mayroong 1,293 na aktibong CBFMA na nakakatulong sa 167,543 members ng people’s organization o mga POS. 

Sa administrasyon ni Pangulong Marcos, umabot sa 7,645.61 hectares ng kagubatan ang naipaayos ng pamahalaan. Aabot sa 50 na POS ang nakatanggap ng tulong pinansyal at 14,460 trabaho ang naibigay sa ilalim ng programa.

Samantala, nagpasalamat naman si Pangulong Marcos Jr. sa BASHACO sa patuloy na pangangalaga sa kapaligiran kasabay ng pag-unlad ng sektor ng agrikultura at pagpapalago ng mga lokal na produkto.

Pangunahing produkto ng BASHACO ay kape kung saan umaabot ang kanilang produksiyon sa 30,000 kilograms sa isang taon. 

Bilang suporta sa BASHACO, ipinatayo ng pamahalaan ang dalawang agricultural greenhouses sa ilalim ng Farm and Fisheries Clustering and Consolidation Program.

Sa kabilang dako, araw pa rin ng Lunes ay nakatakda namang pangunahan ng Pangulo ang Bawat Bayan Makikinabang Program sa Negros Oriental. Inaasahang mamamahagi ang Pangulo ng tigsampung kilong bigas sa 2,230 beneficiaries mula sa mga barangay Talay at Cantil-e ng Dumaguete City, sa ilalim ng Bagong Pilipinas Rice Program na bahagi ng Local Government Support Fund o LGSF ng pamahalaan.

“Kailangang buong sampung kilo ang makukuha ng bawat beneficiary — hindi bawas, hindi kulang kung hindi buong sampung kilo. Kung makakuha ng hindi buong sampung kilong bigas, agad na i-report ang insidente sa Office of the President o dito mismo sa PCO,” ani Castro.

Libre lang din aniya ang ayudang ito ng pamahalaan, ibig sabihin, aniya ay walang sinisingil na bayad ang gobyerno sa bigas o sa tulong na ibinibigay sa mga beneficiaries. Target ng Pangulo na mabigyan ang 386,673 beneficiaries sa buong Negros Oriental. 

Sa pinakahuling tala ng pamahalaan, umabot na sa 1,281 local government units ang nakatanggap ng financial assistance sa ilalim ng Bagong Pilipinas Rice Program.

Inaasahan din ani Castro na makikinabang ang 2,785 presidential scholars sa buong Negros Oriental sa ilalim naman ng Socio-Civic Projects Fund o SCPF. Sa pinakahuling datos, umabot na sa 38,279 barangays ang napagkalooban ng SCPF sa buong bansa. Sa kabuuan, nakapagbigay na ang pamahalaan ng 7.66 billion pesos. ( DARIS JOSE)

Rebelasyon sa ika-16 araw ng impeachment trial…Hostile witness, kinumpirmang iniutos ni VP Sara na ibigay ang P125-M kay Col. Lachica

Posted on: August 18th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

KINUMPIRMA ng hostile witness na si dating Office of the Vice President (OVP) Special Disbursing Officer (SDO) Gina Acosta sa kanyang opisyal na testimonya na si VP Sara Duterte ang nag-utos sa kanya na ibigay ang ₱125 milyong confidential funds kay Col. Raymund Dante Lachica.

Ginawa ni Acosta ang rebelasyong ito sa harap ng Senate Impeachment Court sa ika-16 na araw ng impeachment trial ni VP Sara.

Sinabi ni Acosta sa kanyang testimonya na matapos niyang ma-encash o maipalit ang tseke ng confidential funds, tinawagan niya agad si Col. Lachica.

Nang tanungin kung bakit niya ito ginawa, ang kanyang mismong pahayag ay: “Ang nag-utos po sa akin na i-release ang pera na ₱125M sa security officer na si Colonel Lachica ay si Ma’am Sara Duterte.”

Si Col. Lachica ang pinuno noon ng Vice Presidential Security and Protection Group (VPSPG).

Inilahad din ni Acosta ang dalawang dahilan kung bakit niya ibinigay ang confidential funds kay Col. Lachica. Una ay dahil iniutos ito ni VP Sara bilang Head of Agency at pangalawa, si Lachica ang eksperto na nagpapatupad ng mga confidential operations ng OVP.

Tinanong naman ni Trial Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero kung trabaho ng security officer na gastusin ang dinisburse na confidential fund ni Acosta bilang special disbursing officer.

Sumagot naman ng “hindi” si Acosta dahil trabaho ito ng SDO subalit kapag nai-release na aniya ang pera tungkulin ng security officer na magsumite ng utilization report bilang patunay na naipatupad ang confidential activities.

Samantala, inatasan ni Trial Presiding Officer Francis “Chiz Escudero si Acosta na bumalik bukas, Agosto 18 para muling tumestigo sa ilalim ng parehong subpoena. ( DARIS JOSE)

17 HINIHINALANG TULAK, BARIL, ARESTADO SA TANZA CAVITE, P.4 MILYON NA DROGA, NASAMSAM

Posted on: August 18th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

ARESTADO ng Tanza Municipal Police Station(MPS) ang labingpitong hinihinalang tulak at nasamsam ang tinatayang P.4 milyon halaga ng shabu at mga baril sa isinagawang police operation sa Tanza, Cavite Linggo ng umaga.

Kasong paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammuniation Regulation Act) ang kinakaharap ng naarestong suspek na si alyas Riel, 49 ng Brgy Molino, Naic, Cavite, alyas Mar, 25 ng Brgy Bagtas, Tanza, Cavite, alyas Nard, 21 ng Bgry Bagtas, Tanza, Cavite, alyas Jandro, 47, at alyas Charile ng Brgy Bagtas, Tanza, Cavite habang kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drus Act of 2022) ang kinakaharap nina alyas Rus, 35, alyas Jhon, 27, alyas Ian, 22, alyas Chris, 24, alyas Cial, 20, alyas Lloyd, 17, alyas Ruel, 37, alyas Lei, 30, alyas Nardo, 47, alyas JPee, 40, alyas Mario, 58 at alyas Ben, 42, pawang residente ng Brgy Bagtas, Tanza, Cavite.

Sa ulat, dakong alas-8:30 ng umaga nang magsagawa ng Continuos Police Operation and Recovery of Illegal Drugs ang mga operatiba ng Tanza, Municipal Police Station sa pamumuno ni PLtCol Chester Borlongan, COP sa Pabahay, Brgy Bagtas, Tanza, Cavite na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek at pagkakarekober ng 27 sachet ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price na P442,000.00 , tatlong kalibre ng 45 na may 16 rounds na bala, isang kalibre 38 na baril na may 5 rounds na bala.

Ang mga naarestong suspek ay nasa kustodiya ng PFU SOCO habang ang mga nakumpiskang baril at mga sachets ng hinihinalang shabu ay nai-turn over sa Crime Laboratory para sa eksaminasyon at beripikasyon. (Gene Adsuara)

CHAIRMAN VIGOR, NAGSAGAWA NG INSPEKSYON SA MGA GASOLINAHAN KASABAY NG PAGSISIMULA NG ₱12/L NA DISKWENTO SA GASOLINA

Posted on: August 18th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGSAGAWA ng sorpresang pag-iinspeksyon si Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II sa ilang gasoline station sa Metro Manila upang tiyakin ang maayos na pagpapatupad ng itinaas na P12 kada litro na fuel discount na nagsimula noong Agosto 15.

Ayon kay Chairman Vigor, layunin ng inspeksyon na matukoy at agad na matugunan ang anumang hamon sa aktuwal na implementasyon ng programa, kapwa para sa participating gas stations at mga benepisyaryo mula sa sektor ng pampublikong transportasyon.

“Minomonitor din natin ang unang araw ng pagpapatupad ng programa sa buong bansa sa pamamagitan ng ating mga RFRO (Regional Franchising and Regulatory Office). Layunin nating matiyak na maayos ang implementasyon at agad na maresolba ang anumang hamon na maaaring lumitaw,” ani Chairman Vigor.

Wala pa aniyang malubhang problema sa mga participating gas station, ngunit magpapatuloy ang araw-araw na monitoring alinsunod sa direktiba ni DOTr Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez. Sa Metro Manila, walo sa 10 gas station na kanilang binisita ang nagpapatupad na ng P12 kada litro na discount.

Itinaas ang fuel discount mula P10 tungo sa P12 kada litro, bilang bahagi ng suporta ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. sa sektor ng pampublikong transportasyon.

Bukod dito, sinabi ni Chairman Vigor na may ilang gasolinahan ding nagbibigay ng karagdagang discount na umaabot sa P5 kada litro sa ilalim ng kanilang loyal customer promotions. Dahil dito, maaaring umabot sa P17 kada litro ang kabuuang discount para sa mga jeepney at UV Express operator.

Sa mga gasolinahang binisita, nasa P81 hanggang P89 kada litro ang presyo ng gasolina, na maaaring bumaba sa P64 hanggang P72 kada litro kapag isinama ang P12 fuel discount at hanggang P5 loyal customer discount.

Mahigit 143,000 jeepney at UV Express units na ang nakalista sa programa sa higit 5,000 gas station sa buong bansa. Maaari silang makakuha ng discount para sa hanggang 150 litro kada linggo, o tinatayang P1,800 na matitipid bawat linggo.

Kailangan lamang ipakita ng driver ang plaka ng sasakyan bago magpakarga upang awtomatikong maibawas ang discount.

Tumulong ang Land Bank of the Philippines sa DOTr at LTFRB sa pagbuo ng online platform para sa fuel discount, sa pakikipag-ugnayan sa Department of Energy.

Inatasan na rin ni Chairman Vigor ang lahat ng RFRO na patuloy na magmonitor at magsumite ng ulat hinggil sa implementasyon ng programa sa kanilang mga lugar.

“Ang instruction natin ay maging responsive tayong lahat sa LTFRB at agad na tugunan ang anumang concerns na maaaring lumitaw sa pagpapatupad ng programa,” ani Chairman Vigor.

Samantala, sinabi ni Chairman Vigor na inihahanda na ng LTFRB ang mga kinakailangang dokumento para sa agarang pagbabayad sa mga participating gas station.

“Inihahanda na natin ngayon ang mga credit memo para makapagsimula na tayong magbayad sa mga gas station sa Lunes ng susunod na linggo,” ani Chairman Vigor. (PAUL JOHN REYES)