CHAIRMAN VIGOR, NAGSAGAWA NG INSPEKSYON SA MGA GASOLINAHAN KASABAY NG PAGSISIMULA NG ₱12/L NA DISKWENTO SA GASOLINA
- Published on August 18, 2026
- by Francis Paolo Torres
NAGSAGAWA ng sorpresang pag-iinspeksyon si Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II sa ilang gasoline station sa Metro Manila upang tiyakin ang maayos na pagpapatupad ng itinaas na P12 kada litro na fuel discount na nagsimula noong Agosto 15.
Ayon kay Chairman Vigor, layunin ng inspeksyon na matukoy at agad na matugunan ang anumang hamon sa aktuwal na implementasyon ng programa, kapwa para sa participating gas stations at mga benepisyaryo mula sa sektor ng pampublikong transportasyon.
“Minomonitor din natin ang unang araw ng pagpapatupad ng programa sa buong bansa sa pamamagitan ng ating mga RFRO (Regional Franchising and Regulatory Office). Layunin nating matiyak na maayos ang implementasyon at agad na maresolba ang anumang hamon na maaaring lumitaw,” ani Chairman Vigor.
Wala pa aniyang malubhang problema sa mga participating gas station, ngunit magpapatuloy ang araw-araw na monitoring alinsunod sa direktiba ni DOTr Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez. Sa Metro Manila, walo sa 10 gas station na kanilang binisita ang nagpapatupad na ng P12 kada litro na discount.
Itinaas ang fuel discount mula P10 tungo sa P12 kada litro, bilang bahagi ng suporta ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. sa sektor ng pampublikong transportasyon.
Bukod dito, sinabi ni Chairman Vigor na may ilang gasolinahan ding nagbibigay ng karagdagang discount na umaabot sa P5 kada litro sa ilalim ng kanilang loyal customer promotions. Dahil dito, maaaring umabot sa P17 kada litro ang kabuuang discount para sa mga jeepney at UV Express operator.
Sa mga gasolinahang binisita, nasa P81 hanggang P89 kada litro ang presyo ng gasolina, na maaaring bumaba sa P64 hanggang P72 kada litro kapag isinama ang P12 fuel discount at hanggang P5 loyal customer discount.
Mahigit 143,000 jeepney at UV Express units na ang nakalista sa programa sa higit 5,000 gas station sa buong bansa. Maaari silang makakuha ng discount para sa hanggang 150 litro kada linggo, o tinatayang P1,800 na matitipid bawat linggo.
Kailangan lamang ipakita ng driver ang plaka ng sasakyan bago magpakarga upang awtomatikong maibawas ang discount.
Tumulong ang Land Bank of the Philippines sa DOTr at LTFRB sa pagbuo ng online platform para sa fuel discount, sa pakikipag-ugnayan sa Department of Energy.
Inatasan na rin ni Chairman Vigor ang lahat ng RFRO na patuloy na magmonitor at magsumite ng ulat hinggil sa implementasyon ng programa sa kanilang mga lugar.
“Ang instruction natin ay maging responsive tayong lahat sa LTFRB at agad na tugunan ang anumang concerns na maaaring lumitaw sa pagpapatupad ng programa,” ani Chairman Vigor.
Samantala, sinabi ni Chairman Vigor na inihahanda na ng LTFRB ang mga kinakailangang dokumento para sa agarang pagbabayad sa mga participating gas station.
“Inihahanda na natin ngayon ang mga credit memo para makapagsimula na tayong magbayad sa mga gas station sa Lunes ng susunod na linggo,” ani Chairman Vigor. (PAUL JOHN REYES)