NAGBABALA ang mga nangungunang medical societies sa Pilipinas tungkol sa lumalalang epekto ng obesity sa kalusugan ng puso at bato at sinabing ang pagkaantala sa paggamot ay nagpapalala sa pagdami ng magkakaugnay na cardiovascular, kidney, at metabolic (CKM) diseases sa bansa.Ayon sa Philippine College of Endocrinology, Diabetes and Metabolism (PCEDM), mahigit 39.8% ng mga adult Filipino ay obese at 17.3% ay overweight, na nagpapataas ng panganib sa diabetes, hypertension, at chronic kidney disease—ilan sa mga pangunahing sanhi ng pagkamatay sa bansa.Upang tugunan ito, lumagda sa isang memorandum of agreement ang PCEDM kasama ang Philippine Heart Association (PHA), Philippine Society of Nephrology (PSN), at Philippine Association for the Study of Overweight and Obesity (PASOO) upang palakasin ang koordinadong aksyon laban sa obesity at mga komplikasyon nito.Ayon sa mga eksperto, hindi lamang lifestyle issue ang obesity kundi isang chronic disease na maaaring magdulot ng sakit sa puso, kidney disease, fatty liver, sleep apnea, at ilang uri ng cancer. Dahil dito, mahalaga ang maagang screening, malusog na pamumuhay, at mas mahusay na access sa serbisyong pangkalusugan.Nanawagan din ang mga eksperto sa pamahalaan na palakasin ang mga programa laban sa obesity at gawing mas madali para sa mga Pilipino ang pagpili ng mas malusog na pamumuhay.Ang kampanyang “8 Billion Reasons to Act on Obesity: Stronger Hearts, Healthier Kidneys, and Better Diabetes Control” ay isinagawa bilang paggunita sa Philippine Health Month, World Obesity Day, at World Kidney Day, kung saan nagkaroon ng libreng blood sugar tests, obesity screening, at kidney tests sa Quirino Grandstand upang palakasin ang kamalayan ng publiko tungkol sa obesity at mga kaugnay nitong sakit.Kabilang sa mga panelist sina Dr. Elaine Cunanan, Vice President ng Philippine College of Endocrinology , Diabetes and Metabolism, Dr Lourdes Ella Santos, Director 1 ng PHI, Dr. Ricardo A. Francisco, President ng PSN Dr. Nemecio A. Nicodemus, Presidente ng Philippine College of Physicians at Dr. Luzviminda S. Katigbak, President ng PASOO.(Gene Adsuara)