• April 28, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

3,700 NA SENIOR CITIZENS SA MAYNILA, TUMANGGAP NG P10,000 CASH GIFT

NAKATANGGAP ng milestone age cash gift ang ang mahigit 3,700 senior citizens sa lungsod ng Maynila sa ilalim ng Expanded Centenarians Act of 2024.

Isinagawa ang pamamahagi noong Lunes ng umaga, Marso 9, sa pakikipagtulungan sa National Commission of Senior Citizens (NCSC). Umabot sa 3,703 senior citizens sa Maynila na umabot sa milestone ages na 80, 85, 90, at 95 ang nakatanggap ng tig-₱10,000 cash incentive sa ilalim ng Republic Act No. 11982.

Kinilala ni Manila Mayor “Francisco Isko Moreno” Domagoso ang pambansang pamahalaan sa pagpapatupad ng pinalawak na batas na nagbibigay na ngayon ng insentibo hindi lamang sa mga centenarian kundi pati sa iba pang milestone ages.

“Bagay na aking pinagpapasalamat kay President Bongbong Marcos sa pagpapatupad ng batas kung saan ang mga umabot ng 80, 85, 90, at 95 years old ay binibigyan ng ₱10,000,” ani ng alkalde.

Ayon kay Domagoso, libu-libong matatandang residente sa Maynila ang nakikinabang sa programa, na dagdag pa sa mga sariling inisyatiba ng lungsod para sa senior citizens.

“Sa Maynila, nagsimula ’yan noong panahon natin noong 2019. Regular ang bigay natin sa senior citizens, ₱500 every month, at walang pinipili: mayaman, middle class o mahirap,” dagdag niya.

Sinabi rin ng alkalde na patuloy na nagbibigay ang pamahalaang lungsod ng karagdagang tulong sa mga senior citizen, kabilang ang buwanang allowance at mga programang pang-nutrisyon upang mapanatili ang kanilang kalusugan.

Tiniyak din niya sa mga senior citizen na patuloy na magsisikap ang pamahalaang lungsod na mapabuti pa ang mga programa at serbisyong nakalaan para sa kanila, at binigyang-diin na nananatiling prayoridad ng administrasyon ng Maynila ang kapakanan ng mga nakatatanda.

“Ang inyo namang Pamahalaang Lungsod ay hindi titigil na makagawa ng paraan para sa kapakinabangan ng ating mga lolo at lola. Gusto ko lang lagi na maramdaman ninyo na may gobyerno sa Lungsod ng Maynila na ipinagmamalasakit ang mga matatanda natin sa lungsod,” ani ni Domagoso..(Gene Adsuara)