• April 27, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for January, 2026

89% ng Pinoys puno ng pag-asa sa 2026 – SWS

Posted on: January 2nd, 2026 by @peoplesbalita No Comments

NASA 89 percent ng mga Pinoy ang nagsabing sasalubungin nila ang pagpasok ng 2026 nang may pag-asa sa halip na mangamba.

Base sa latest survey ng Social Weather Station (SWS) na ginawa nitong Nobyembre, ito na ang pinakamababang puntos sa loob ng 16 taon simula noong 2009 na nakapagtala rin ng 89%.

Nagpapakita rin ito ng isang puntos na pagbaba mula sa 90% noong 2024 at 7 puntos na pagbaba mula sa 96% noong 2023.

Sa naturang survey, 11% naman ang nagsabing may takot sila sa pagsisimula ng 2026, mas mataas ng isang puntos sa 10% noong 2024 at may 7 point na taas mula sa 3% noong 2023. Ito rin ang pinakamataas na puntos mula nang itala ang 11% noong 2009.

Tinanong ang 1,200 adults sa survey ng “Ang darating na taon ba ay inyong sasalubungin nang may pag-asa o may pangamba?”

Nasa 92% din ang umaasa ng masayang Pasko, 83% naman ang umaasa na maging­ masaya o malungkot ang Christmas at malungkot na Christmas ay pumalo sa 79%.
“Hope for the coming New Year has always been higher among those who expected a happy Christmas than those who expected a sad Christmas,” ayon sa SWS.

Sa survey, ang may malaking pag-asa sa pagsalubong sa bagong taon ay mataas sa Ba­lance Luzon (92%), Metro Manila (90%), Visayas (85%) at Minda­nao (84%).

Ang naturang survey ay ginawa noong November 24-30, 2025 gamit ang face-to-face interviews.

2026 budget, niratipikahan

Posted on: January 2nd, 2026 by @peoplesbalita No Comments

NIRATIPIKAHAN ng Kamara sa pamamagitan ng viva voce vote ang conference committee report ng bicameral conference committee ng House Bill (HB) 4058 o 2026 General Appropriations Bill (GAB).

Ang hakbang, kasabay ng ratipikasyon ng Senado ay nagbigay daan para sa
pormal na pagsusumite nito sa presidente para rebyuhin at ipasa.

Nakatakdang lagdaan ng pangulo ang panukalang 2026 budget bilang batas sa unang linggo ng Enero 2026.

Para kay Speaker Faustino “Bojie” Dy III, ang pagkakapasa ng GAB ay isa sa pinakaimportanteng tungkulin ng Kamara sa ilalim ng Constitution.

“Isa sa pinaka-mabigat ngunit pinakamahalagang tungkulin (na) ipinagkatiwala sa atin sa Saligang Batas – ang pagpasa ng pambansang budget,” ani Dy.

Nakapaloob sa P6.7 trillion 2026 GAB ang pondo sa edukasyon na katumbas sa 4.1% ng gross domestic product (GDP).

Kabilang sa sector na binigyang prayoritasyon ay ang health at agriculture.

Paperless system at blockchain technology ipatutupad simula 2026

Posted on: January 2nd, 2026 by @peoplesbalita No Comments

INIHAYAG ni Speaker Faustino “Bojie” Dy III na maglilipat sa paperless system at magpapatupad ng blockchain technology simula 2026.
Sa pamamagitan ng hakbang ay magiging kauna-unahang
legislative body sa Asya ang Philippine Congress na gagamit sa teknolohiya para palakasin ang transparency at public trust.
Ginawa ni Dy ang pahayag sa isang video message sa social media platforms ng Kamara isang araw matapos itong mag-adjourned makaraang ratipikahan ang P6.793-trillion 2026 national budget.

Sinabi ni Dy na ang reporma ay nagpapakita sa posisyon ng kamara na dapat anihin nito ang kumpiyansa ng publiko sa pamahalaan.

“As your Speaker, I have always said that trust in government is built not by words alone, but by actions,” ani Dy.

Sinabi nito na ang transition ay nagsisilbing susi sa mas malawak na hakbang para sa reporma at modernisasyon ng kongreso.

Ang inisyatibo ay isasagawa sa tulong at suporta ng Department of Information and Communications Technology.

“Once the transition is completed, we will be the first legislative body in Asia to adopt this technology,” saad nito.
(Vina de Guzman)

PBBM PINANGUNAHAN ANG BANSA SA PAGGUNITA SA ARAW NI RIZAL

Posted on: January 2nd, 2026 by @peoplesbalita No Comments

PINANGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., araw ng Martes, ang paggunita ng sambayanang Pilipino sa ika-129 anibersaryo ng kabayanihan at pagiging martir ng pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal sa Luneta.
Kasama ng Pangulo ang Unang Ginang Louise Araneta-Marcos at kanilang mga anak, National Historical Commission of the Philippines (NHCP) Chair Regalado Trota Jose Jr., Manila Mayor Francisco “Isko” Domagoso, Armed Forces Vice Chief of Staff Lt. General Jimmy Larida, Supreme Commander ng Knights of Rizal na si Raymundo del Rosario, at iba pang mga opisyal at kawani mula sa pambansang pamahalaan, lokal na pamahalaan, unipormadong serbisyo, mga organisasyong sibiko, at mga kasapi ng Diplomatic Corps.
Sa isinagawang flag-raising at wreath-laying rites sa Monumento ni Rizal, sabay-sabay ding nagdaos ng mga programa sa Rizal Shrine sa Lungsod ng Calamba, Laguna na siyang lugar ng kapanganakan ni Rizal; sa Rizal Shrine sa Lungsod ng Dapitan, Zamboanga del Norte; at sa iba’t ibang monumento ni Rizal sa buong bansa.
Ayon sa NHCP, ang paggunita ngayong taon na may temang “RIZAL: Sa Pagbangon ng mga Mamamayan, Aral at Diwa Mo ang Tunay na Gabay,” ay nagbabalik-tanaw sa mga walang kamatayang aral mula sa buhay at mga akda ng pambansang bayani sa pagharap ng bansa at mamamayan sa mga bagong hamon.
Bilang tanda ng pagluluksa, nakataas sa kalahating-mast ang mga watawat sa buong bansa, bilang pag-alala sa isa sa pinakatanyag at pinakamahalagang bayani ng lahing Malay.
Nang barilin si Rizal noong araw na iyon ng Disyembre 1896, tuluyan nang sumiklab ang rebolusyon, na nagpasimula ng sunod-sunod na pangyayari na humantong sa kalayaan ng bansa mula sa 333 taong pananakop ng mga Kastila, ayon sa NHCP. ( Daris Jose)

PBBM, HINIMOK ANG MGA PILIPINO NA MAMUHAY AYON SA HALIMBAWA NI DR. JOSE RIZAL

Posted on: January 2nd, 2026 by @peoplesbalita No Comments

HINIMOK ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., araw ng Martes ang mga Pilipino na humugot ng inspirasyon mula sa pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal sa pamamagitan ng pagpapanatili ng pagmamahal sa bayan, katotohanan, at responsableng pagkamamamayan, habang ginugunita ng bansa ang Araw ni Rizal.

“Nawa’y lalong patibayin ng ating pagdiriwang ang ating paninindigan na isabuhay ang mga halagang kanyang ipinakita: pagmamahal sa bayan, paggalang sa katotohanan, walang pagod na paghahangad ng makatarungang reporma, at ang tapang na magsalita at kumilos para sa tama,” ang bahagi ng mensahe ng Pangulo.

“Nawa’y magsilbing inspirasyon ang paggunita na ito sa bawat Pilipino—lalo na sa kabataan na lubos na minahal ni Rizal—na ipares ang pagmamahal sa bayan sa responsableng pagkamamamayan upang mas makapaglingkod tayo sa bansa,” aniya pa rin.

Ayon kay Pangulong Marcos, sa pamamagitan ng kanyang mga sulatin at sakripisyo, ginising ni Rizal ang kamalayan ng mamamayan at ipinakita na ang mga Pilipino ay karapat-dapat sa dignidad, kalayaan, at kapangyarihang magtakda ng sariling kinabukasan.

“Today, as Filipinos demand integrity and accountability from its leaders, we look up to his life to provide us with guidance and strength,” sinabi ng Punong Ehekutibo.

“Sa kasalukuyan, habang hinihingi ng mga Pilipino ang integridad at pananagutan mula sa kanilang mga pinuno, tinitingala natin ang kanyang buhay upang magsilbing gabay at lakas,” aniya pa rin.

Dagdag pa ng Pangulo, sa lahat ng larangan ng buhay, pampubliko man o pribado, nawa’y gabayan ng mga prinsipyo ni Rizal ang ating pamumuhay at pagtatrabaho para sa bayan upang sa anumang ating ginagawa, palaging piliin ang malasakit kaysa sa kawalang-pakialam at ang bayan kaysa sa pansariling interes.

“Bumuo tayo ng isang bansa kung saan ang katarungang ipinaglaban niya ay maisakatuparan sa pang-araw-araw na buhay ng lahat ng Pilipino,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.

“Sapagkat sa bawat gawa ng integridad at bawat paninindigan para sa katotohanan, binubuhay natin ang mga pangarap ni Dr. Rizal at inilalapit ang ating sama-samang pangitain ng isang Bagong Pilipinas sa realidad,” dagdag na wika nito. ( Daris Jose)

54% ng mga Pinoy, nais ang agarang pagpapasa ng Anti-Dynasty Law

Posted on: January 2nd, 2026 by @peoplesbalita No Comments

MAY 54% na mga Filipino adults ang sumang-ayon na ang batas na magbabawal sa political dynasty ay dapat na agad na maipasa sa bansa.
Ito makikita sa pinakabagong survey ng Pulse Asia Research.
Ang survey, isinagawa mula December 12 hanggang 15, makikita na ang 21% ng mga pinoy ay “very much agree” at 33% naman ang nagsabi na “somewhat agree” nang tanungin ukol sa naiulat na: “Congress should immediately pass a law banning political dynasties.”
Mayroong “small majority” ng mga Filipino adults ang sumusuporta sa agarang pagpapasa ng batas, ang agreement ay pinakamataas sa Metro Manila (69%), nalalabing bahagi ng Luzon (59%), Visayas (59%), at mga miyembro ng Class D (57%).
Sa kabilang dako, 27% naman ang hindi masabi kung payag sila o hindi sa bagay na ito.
Samantala, 18% naman ng mga pinoy sa buong bansa ang hindi sumasang-ayon sa pagpapasa ng batas, kung saan 13% ang nagpahayag na “somewhat disagree” at 5% naman ang nagsabi na “very much disagree.”
Makikita rin sa survey na ang oposisyon ay mayroong pinakamataas sa Mindanao na may 27% at 20% naman sa hanay ng mga miyembro ng Class C.
Makikita rin sa survey na may 52% ng mga respondents ang nakikita ang pangangailangan sa madaliang pagkilos na maipasa ang batas upang patatagin ang Independent Commission Against Infrastructure Corruption (ICAIC), isang ganap na makapangyarihang independent body na mag-iimbestiga sa korapsyon sa infrastructure projects.
“Bare to sizeable majorities in Metro Manila (67%), the rest of Luzon (52%), the Visayas (61%), Class D (54%), and Class E (51%) share the same opinion on the matter,” ayon sa Pulse Asia.
Gayunman, may 33% ng Filipino adults ay undecided sa bagay na ito, habang 15% ang nagsabi na hindi nila nakikita ang pangangailangan para agad na maipasa ang nasabing batas. Ang oposisyon ang pinakamataas sa Mindanao na may 24% at 20% sa hanay ng mga miyembro ng Class C.
Ang independent surveyay isinagawa sa pamamagitan ng face-to-face interviews na may sample na 1,200 adults na may edad na 18 taong guang pataas.
Mayroon itong ±2.8% error margin na 95% confidence level.
Samantala, may ±5.7% error margin ang in-apply para sa Metro Manila, nalalabing bahagi ng Luzon, Visayas, at Mindanao, na may 95% confidence level.
Matatandaang, hinikayat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Kongreso na gawing prayoridad ang pagtalakay at pagpasa sa Anti-Dynasty bill at tatlong iba pa. ( Daris Jose)

VP Sara, hinikayat ang mga Pinoy sa Rizal Day: Panindigan ang katotohanan, katarungan

Posted on: January 2nd, 2026 by @peoplesbalita No Comments

HINIKAYAT ni Vice President Sara Duterte ang mga Filipino na maging matapang at magkaroon ng lakas ng loob na panindigan ang katotohanan at katarungan habang inaalala ang mga sakripisyo ng Pambansang Bayani Dr. Jose Rizal.
Sa paggunita ng Rizal Day, binigyang diin ni VP Sara kung paano naging isang inspirasyon ang walang takot na pagmamahal ni Rizal para sa bansa at ang pangarap na tunay na kalayaan sa pamamagitan ng kanyang mga isinulat.
“Ang tunay na aral ni Rizal ay malinaw: Ang kalayaan ay hindi lamang paglaya mula sa puwersang dayuhan, kundi pati na rin ang paglaya ng ating isip at damdamin mula sa pang-aabuso, pagkawatak-watak at kasamaan,” ang sinabi ni VP Sara sa isang video message.
“Sa paggunita natin sa kanyang sakripisyo, manumbalik nawa ang ating lakas at tapang na manindigan para sa katotohanan at katarungan. Huwag nating hayaang mamatay ang diwa ng karunungan at pagkakaisa,” aniya pa rin.
Binigyang diin din ni VP Sara na ang tunay at pangmatagalang pagbabago ay nagmula sa kaalaman, moral integrity, pinagsama-samang aksyon sa loob ng mga komunidad at institusyon. ( Daris Jose)

Malakanyang, sinimulan na ang 2026 budget review, nangako ng integridad, tamang paggasta

Posted on: January 2nd, 2026 by @peoplesbalita No Comments

SINABI ni Executive Secretary Ralph Recto na nagsasagawa na ang Executive Branch ng masusing pagsusuri at pagrerepaso sa ratipikadong 2026 General Appropriations Act (GAA) upang masiguro na ang public funds ay maaayos na nakalaan at tumutugon sa pangangailangan ng mga mamamayang Filipino.
Sa isang kalatas, sinabi ni Recto na natanggap na ng Malakanyang ang ratified 2026 GAA , araw ng Lunes, Dec. 29 at kagyat na sinimulan ang “a thorough review to ensure its integrity and effective execution.”
Ani Recto, masusi at maingat na sinusuri at nirerepaso ni Pangulong Marcos at kanyang economic team ang budget upang matukoy ang anumang pagbabago mula sa orihinal na isinumiteng National Expenditure Program (NEP).
Ani Recto, ang pagsusuri, inaasahang tatagal ng isang linggo, naglalayon na tiyakin na ang spending bill ay makatutugon sa legal requirements at public needs.
“We will ensure that the 2026 GAA will satisfy not only the legal and technical requirements but, more importantly, the needs of the Filipino people,” aniya pa rin.
Siniguro pa rin ni Recto sa publiko na ang maikling panahon sa ilalim ng reenacted budget ay hindi makaaapekto sa operasyon ng gobyerno.
“The public is assured that a brief period under a reenacted budget will not disrupt government operations,” ang sinabi ni Recto, idagdag pa na ang review process ay naglalayong pangalagaan ang fiscal discipline at tiyakin na ang taxpayers’ money ay “spent wisely” at mata-translate sa konkretong benepisyo para sa mga Filipino. (Daris Jose)

PBBM sa mga Pinoy ngayong Rizal Day: Piliin ang bansa kaysa sa pansariling interest

Posted on: January 2nd, 2026 by @peoplesbalita No Comments

NANAWAGAN si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga Filipino na mas piliin ang interest ng bayan at pagiging maging mahabagin kaysa sa pansariling kapakinabangan, isang pamana ng pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal sa gitna ng muling pampublikong panawagan para sa integridad at pananagutan sa gobyerno.
Sa kanyang Rizal Day message, araw ng Martes, sinabi ng Pangulo na ang buhay ni Rizal at pagiging martir ay patuloy na nagsisilbi bilang isang moral na gabay para sa mga Filipino habang ang bansa ay nahaharap sa iba’t ibang usapin na sumusubok sa tiwala ng publiko kabilang na ang korapsyon at maling paggamit ng public funds.
“Today, as Filipinos demand integrity and accountability from its leaders, we look up to his life to provide us with guidance and strength,” ayon sa Pangulo.
Binigyang diin ng Chief Executive na ang prinsipyo ni Rizal ay dapat na maging gabay ng mga Filipino sa kanilang pampubliko at pribadong buhay, hinikayat ang mga ito na piliin ang ‘common good’ kaysa sa ‘personal o vested interests.’
“Across all spheres in life, both public and private, may we allow Rizal’s principles to guide the way we live and work for our nation so that in whatever we do, we always choose compassion over indifference and country over personal interests,” ang sinabi pa rin ng Pangulo.
Winika pa ng Pangulo na ang kahalagahan at kasaysayan ni Rizal ay mahalaga habang isinusulong ng gobyerno ang pananagutan partikular na sa mga sektor na direktang nakaaapekto sa kapakanan ng publiko gaya ng imprastraktura at disaster mitigation.
“Let our celebration deepen our resolve to live by the values he embodied: love of country, respect for truth, a tireless pursuit of just reform, and the courage to speak and act for what is right,”ayon sa Pangulo.
Idinagdag pa nito na ang pagdakila kay Rizal ay nangangahulugan na pagtiyak na ang katarungan ay mararamdaman sa pang-araw-araw na buhay lalo na ng mga ordinaryong mamamayan.
“Let us build a nation where the justice he fought for is realized in the everyday lives of all Filipinos,” ani Pangulong Marcos.
Samantala, hangad naman ng Pangulo sa lahat ng mga Filipino ay isang makabuluhang Rizal Day o Araw ni Rizal at nanawagan sa mga kabataan na bitbitin pasulong ang mga mithiin ni Rizal sa pamamagitan ng pagiging isang responsableng mamamayan.
( Daris Jose)

PBBM, FIRST LADY, TINANGGAP SI JESSICA SANCHEZ SA COURTESY CALL SA MALACAÑANG

Posted on: January 2nd, 2026 by @peoplesbalita No Comments

TINANGGAP nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at First Lady Louise Araneta-Marcos ang Filipino-American singer na si Jessica Sanchez sa isang courtesy call sa Malacañan Palace nitong Martes, bago ang kanyang pagtatanghal sa Bisperas ng Bagong Taon sa Maynila.
Sa kanilang pagpupulong, nagpalitan ng pagbati sina Pangulong Marcos at Sanchez, kung saan ibinahagi ng mang-aawit ang kanyang mga saloobin hinggil sa kanyang tagumpay kamakailan bilang grand champion ng America’s Got Talent 2025. Napag-usapan din ang kulturang Pilipino at pagkain, gayundin ang nalalapit na album ni Sanchez at mga proyekto sa hinaharap.
Ang Pangulo, ang First Lady, si Sanchez, at ang kanyang team ay naglaan ng halos kalahating oras na kwentuhan. Si Sanchez, 30 taong gulang at may dalawang buwang gulang na anak na babae ay nagpasalamat sa Pangulo at sa First Lady sa pagbibigay ng oras na makipagkita sa sa kanya.
Nagpasalamat naman si Pangulong Marcos kay Sanchez sa pagbibigay ng karangalan sa bansa sa pamamagitan ng kanyang tagumpay sa pandaigdigang entablado. Pabiro namang nag-alok ang Pangulo kay Sanchez na maging kanyang manager, habang iminungkahi ng First Lady na pasyalan pa niya ang iba’t ibang probinsya sa kanyang pananatili sa Pilipinas.

Si Sanchez ay nakatakdang manguna sa “The Grand Countdown to 2026,” isang pagdiriwang ng Bagong Taon na inihahandog ng Newport World Resorts sa Manila Marriott Grand Ballroom sa Lungsod ng Pasay. Ito ang kanyang unang malaking pagtatanghal sa Pilipinas mula nang manalo sa America’s Got Talent at ang kanyang unang homecoming concert matapos ang internasyonal na kompetisyon.
Ipinanganak niya ang kanyang unang anak noong Oktubre 2025, ilang araw pagkatapos ng talent show.
Unang nakilala si Sanchez bilang runner-up ng American Idol Season 11. Mula noon, ilang ulit na siyang bumalik sa Pilipinas para sa mga konsiyerto at malalaking kaganapan, kabilang ang American Idols Live! Tour noong 2012 at ang Miss Universe 2023 na ginanap sa bansa. ( Daris Jose)