PBBM, FIRST LADY, TINANGGAP SI JESSICA SANCHEZ SA COURTESY CALL SA MALACAÑANG
- Published on January 2, 2026
- by @peoplesbalita
TINANGGAP nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at First Lady Louise Araneta-Marcos ang Filipino-American singer na si Jessica Sanchez sa isang courtesy call sa Malacañan Palace nitong Martes, bago ang kanyang pagtatanghal sa Bisperas ng Bagong Taon sa Maynila.
Sa kanilang pagpupulong, nagpalitan ng pagbati sina Pangulong Marcos at Sanchez, kung saan ibinahagi ng mang-aawit ang kanyang mga saloobin hinggil sa kanyang tagumpay kamakailan bilang grand champion ng America’s Got Talent 2025. Napag-usapan din ang kulturang Pilipino at pagkain, gayundin ang nalalapit na album ni Sanchez at mga proyekto sa hinaharap.
Ang Pangulo, ang First Lady, si Sanchez, at ang kanyang team ay naglaan ng halos kalahating oras na kwentuhan. Si Sanchez, 30 taong gulang at may dalawang buwang gulang na anak na babae ay nagpasalamat sa Pangulo at sa First Lady sa pagbibigay ng oras na makipagkita sa sa kanya.
Nagpasalamat naman si Pangulong Marcos kay Sanchez sa pagbibigay ng karangalan sa bansa sa pamamagitan ng kanyang tagumpay sa pandaigdigang entablado. Pabiro namang nag-alok ang Pangulo kay Sanchez na maging kanyang manager, habang iminungkahi ng First Lady na pasyalan pa niya ang iba’t ibang probinsya sa kanyang pananatili sa Pilipinas.
Si Sanchez ay nakatakdang manguna sa “The Grand Countdown to 2026,” isang pagdiriwang ng Bagong Taon na inihahandog ng Newport World Resorts sa Manila Marriott Grand Ballroom sa Lungsod ng Pasay. Ito ang kanyang unang malaking pagtatanghal sa Pilipinas mula nang manalo sa America’s Got Talent at ang kanyang unang homecoming concert matapos ang internasyonal na kompetisyon.
Ipinanganak niya ang kanyang unang anak noong Oktubre 2025, ilang araw pagkatapos ng talent show.
Unang nakilala si Sanchez bilang runner-up ng American Idol Season 11. Mula noon, ilang ulit na siyang bumalik sa Pilipinas para sa mga konsiyerto at malalaking kaganapan, kabilang ang American Idols Live! Tour noong 2012 at ang Miss Universe 2023 na ginanap sa bansa. ( Daris Jose)