PBBM PINANGUNAHAN ANG BANSA SA PAGGUNITA SA ARAW NI RIZAL
- Published on January 2, 2026
- by @peoplesbalita
PINANGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., araw ng Martes, ang paggunita ng sambayanang Pilipino sa ika-129 anibersaryo ng kabayanihan at pagiging martir ng pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal sa Luneta.
Kasama ng Pangulo ang Unang Ginang Louise Araneta-Marcos at kanilang mga anak, National Historical Commission of the Philippines (NHCP) Chair Regalado Trota Jose Jr., Manila Mayor Francisco “Isko” Domagoso, Armed Forces Vice Chief of Staff Lt. General Jimmy Larida, Supreme Commander ng Knights of Rizal na si Raymundo del Rosario, at iba pang mga opisyal at kawani mula sa pambansang pamahalaan, lokal na pamahalaan, unipormadong serbisyo, mga organisasyong sibiko, at mga kasapi ng Diplomatic Corps.
Sa isinagawang flag-raising at wreath-laying rites sa Monumento ni Rizal, sabay-sabay ding nagdaos ng mga programa sa Rizal Shrine sa Lungsod ng Calamba, Laguna na siyang lugar ng kapanganakan ni Rizal; sa Rizal Shrine sa Lungsod ng Dapitan, Zamboanga del Norte; at sa iba’t ibang monumento ni Rizal sa buong bansa.
Ayon sa NHCP, ang paggunita ngayong taon na may temang “RIZAL: Sa Pagbangon ng mga Mamamayan, Aral at Diwa Mo ang Tunay na Gabay,” ay nagbabalik-tanaw sa mga walang kamatayang aral mula sa buhay at mga akda ng pambansang bayani sa pagharap ng bansa at mamamayan sa mga bagong hamon.
Bilang tanda ng pagluluksa, nakataas sa kalahating-mast ang mga watawat sa buong bansa, bilang pag-alala sa isa sa pinakatanyag at pinakamahalagang bayani ng lahing Malay.
Nang barilin si Rizal noong araw na iyon ng Disyembre 1896, tuluyan nang sumiklab ang rebolusyon, na nagpasimula ng sunod-sunod na pangyayari na humantong sa kalayaan ng bansa mula sa 333 taong pananakop ng mga Kastila, ayon sa NHCP. ( Daris Jose)