Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan
PAHIYA ang lahat ng mga nam-bash kay Aljur Abrenica sa viral na pagkanta na hindi naabot ang mataas na tono ng “Past Lives” at parang umaatungal.
But with Aljur’s performance last Sunday sa ‘ASAP’, all praises ang marami at trending ang gwapong Kapamilya aktor sa pagkanta niya ng “Himala” ng Rivermaya.
Yes, bagay at swak sa kanya ang nasabing kanta.
Hindi na dapat pang pagtakhan ang pagiging singer ni Aljur dahil maliban sa nabigyan siya ng recording ng GMA Records ay mula ito sa angkan ng singers.
Band soloist naman ang dad niya at marunong ding kumanta ang actor and brother na si Vin Abrenica.
At itong si Aljur at Daddy Jojo na rock singer ay madalas mag-show sa pag-aaring Resort Bar ng pamilya sa Batangas. Nakapag-show na rin si Aljur sa Las Vegas at iba’t-ibang bansa at nakasama pa ang itinanghal na grand winner sa ‘America’s Got Talent; na si Jessica Sanchez sa US tour ng huli.
Pagdating naman sa personal na buhay ng hunk actor ay maayos naman nitong naitataguyod ang mga anak nila ni AJ Raval at anak niya kay Kylie Padilla na sina Axel at Alas.
Napanood sa ‘Batang Quiapo’ si Aljur pero nagpaalam na ang karakter niya bilang pulis na si Hector.
***
MULA nang makilala ng social media personality at Canada based na si Dovie San Andres ang magkapatid na sina Kervin at Ken Sawyer.
Goal ni Dovie na sumikat ang Sawyer Brothers lalo’t parehong talented ang mga ito.
Nakapag-record na sila noon ng kantang “Ghosting” at taong 2013 nang mag-umpisa ang singing career.
At natutuwa si Dovie at hanggang ngayon ay hindi napuputol ang communication nila ni Kervin na parating nagla-like sa mga Facebook post niya.
Gusto niyang tulungan sa publicity ang mag-utol na parehong active sa socmed. Especiallly Kervin, na aktibo sa gaming content at paggawa ng nostalgia o throwback videos noong 90s. Active naman si Ken sa singing engagements ng banda nila sa Baguio, Bulacan, at Quezon City.
(PETER S. LEDESMA)
SA pamamagitan ng sashing ceremony, ipinakilala na sa media ang very promising na 15-year-old beauty queen na si Crissha Aves na kinoronahan bilang Miss Teenager Universe Philippines 2026.
Sa naturang event dumalo rin si Mister Teenager Universe Philippines 2026 Vanderlei Zamora na pambato ng Pilipinas sa Mister Teenager Universe 2026. Siya ang naatasang maglagay ng sash at magputong ng korona kay Crissha.
Ang singer-actor na si Lance Raymundo naman ang nagsilbing host ng event.
Si Crissha na tubong Tanauan, Leyte ang magiging representative natin sa Miss Teenager Universe 2026 na gaganapin sa Bali, Indonesia sa darating na March.
Naging 1st Runner-Up sa Miss Teen Pintados 2025 pala si Crissha na kung saan pinabilib niya ang mga hurado sa kanyang talino at galing sa pagrampa.
Kaya naman siya ang napili ng Miss Teen International Philippines Organization, na pinamumunuan ni Charlotte Dianco para mag-compete sa international beauty pageant.
Sa Q&A with media, nagpakitang gilas sa pagsagot si Crissha, mukhang pinaghandaan niya dahil halos lahat ng tanong ay maayos niyang nasagot. Kaya sa taglay niyang talino at ganda, umaasa kami na maiuwi niya ang korona.
Sa ngayon ay sumasailalim siya ng matinding beauty pageant trainings tulad pasarela, at pagsalang sa mga Q&A, para handang-handa siya sa pagsabak sa laban.
“My advocacy is providing a right amount of rights and to end the prejudice against the children with special needs. With that advocacy, it comes with providing them an affordable education.
“And I hope that if I were crowned as Miss Teenager Universe 2026, I will work hand and hand with their organization and give them the proper education they need to be successful in the future,” bonggang pahayag ni Crissha tungkol sa kanyang ipaglalaban na adbokasiya.
Tama rin ang obserbasyon ng mga dumalo sa event, na pagdating ng ilan pang taon, pupuwede na siyang mag-compete sa mga national beauty pageants tulad Miss Universe Philippines, Binibining Pilipinas at Miss World Philippines.
Present din pala si Little Mister Kids of the World Philippines 2026 JJ Rivera Ahaja, at Man of the Universe 2024 1st runner-up and Alta Skincare President Amir Bergado.
Good luck Crissha, bring home the crown!
***
NUSTAR Online, nagbigay serbisyo sa mga taga-Talisay Cebu
HABANG ang mga kalsada sa Cebu ay buhay na buhay sa sayawan, kantahan at bonggang selebrasyon, pinili ng NUSTAR Online na bigyang parangal ang Sinulog sa isang mas tahimik ngunit makabuluhang pagsisilbi sa kapwa.
Bilang patotoo sa pangakong iangat ang mga komunidad sa pamamagitan ng makabuluhang pakikipagugnayan at paglilingkod, pinalawig pa ng NUSTAR Online ang selebrasyon ng Sinulog sa Talisay City, Cebu.
Sa pakikipagtulungan sa pamahalaang panlungsod, nagpamigay ang NUSTAR Online ng mga grocery packs at sako-sakong bigas sa daan-daang pamilya sa iba’t ibang barangay upang tulungan ang mga nangangailangan.
Personal at malugod na tinanggap ang grupo ng NUSTAR Online nina City Mayor Samsam Gullas, City Councilor Atty. Dan Villaver, at City Social Welfare and Development Office Head, Ms. Coleen Enajada, na siyang namuno sa pamamahagi. Binigyang-diin ang kanilang presensyang bilang pakikibahagi sa misyon tungo sa pakikiramay, pakikiisa at pagbawi.
Dagdag pa sa init ng okasyon, isang pagtatanghal ang ibinahagi ng Talisay Cultural Dancers sa mga benepisyaryo, patunay na kahit hindi sila sumali sa taunang engrandeng parada, ang tunay na diwa ng pagpaparangal sa Mahal na Senor na Santo Nino ay nabubuhay sa pamamagitan ng pagbibigay, pakikiisa at paglilingkod.
Isa ang lungsod ng Talisay sa mga lugar na lubhang napinsala ng Bagyong Tino. Noong Disyembre 2025, inanusyo ng pamahalaang panlungsod ang desisyong hindi muna makilahok sa pagdiriwang ng Sinulog ngayong taong 2026 at sa halip ay ituon ang pondo tungo sa pagsisikap sa rehabilitasyon ng lugar.
Sa loob ng kontekstong ito, nakita nang NUSTAR Online ang oportunidad na tumayo kasama ng lungsod sa isang matahimik ngunit matatag na selebrasyon ng pananampalataya at katatagan.
Ang pagkakaroon na pormal na pagpapalakas ng mga initiatibo sa Corporate Social Responsibility ng brand sa huling bahagi ng 2025, tinukoy ng NUSTAR Online ang Talisay City bilang isang makabuluhang kapareha sa pag-uugnay ng layunin na may aksyon sa pagdiriwang ng Sinulog.
“Sinulog embodies the Filipino spirit of faith, gratitude, and communal strength. As we honor this tradition, we are reminded that true celebration extends beyond festivity – it calls us to walk alongside those who are rebuilding and rising again.
“Our presence in Talisay is a reflection of NUSTAR Online’s commitment to the communities we serve. Giving back isn’t simply part of our agenda; it is woven into the very fabric of who we are as an organization,” pahayag ni Krizia Cortez, Director of Public Relations of NUSTAR Online.
Mararanasan rin ng mga taga-tangkilik sa buong bansa ang pagdiriwang ng Sinulog sa pamamagitan ng NUSTAR Online: Exclusives, ang brand’s lifestyle and magazine show. Sa pangunguna ni Jercy Raine Cruz na magsisilbing host nang naturang programa, ang Cebu episode ay mapapanood na sa Enero 23 sa opisyal na Facebook page: www.facebook.com/nustaronline.
Ipapakita rito ang makulay na pagdiriwang ng Pista ng Sinulog, ang mayamang kultura ng lalawigan at kung bakit ang Cebu ang siyang humahawak ng titulong Queen City of the South.
WALANG ideya si Gelli de Belen na ang pupuntahan n’yang storycon para sa gagawing bagong pelikula ay press conference na rin.
Kaya hindi raw siya prepared nang pagtatanungin na ng press tungkol sa pamangkin n’ya na si Kaila Estrada.
Nakakaaliw si Gelli dahil ngayon lang daw n’ya nalaman na inaanak pala n’ya si Daniel Padilla. Nalaman lang daw n’ya kay Karla.
Kaya ‘pag nagkataon, aba, hindi na rin iba si Deejay sa kanya kung makakatuluyan ng pamangkin n’ya. Pero dahil hindi prepared, ayaw n’yang sumagot at maki-involve.
Ang sinagot ni Gelli at gulat na gulat pa ay ‘yung buntis issue kay Kaila.
Nanlaki ang mata nito at mabilis na sinabing, “Hindo totoo ‘yan. Kasi, kung totoo ‘yan, dapat alam ko. Sasabihin ‘yan agad ni Janice. So not true.”
Sa isang banda, nakausap namin si Gelli sa storycon ng pelikulang “Mantsa,” isang suspense-thriller at produce ng kanyang longtime friend at make-up artist na si Bambbi Fuentes at ni Mommy Cristine Areola.
Magsisilbing reunion din nila mula sa “Sis” ni Direk Louie Ignacio at makakasama n’ya sina Pilar Pilapil, Shira Tweig, LA Santos, Bo Sarmienta at iba pa.
***
MARIAN, mahilig pala sa iguana
MAHILIG pala sa iguana si Marian Rivera.
Nang makakita siya during Sinulog parade, bumaba ito at nagpa-picture pa.
May itinuro ito kay Dingdong Dantes mula sa hanay ng mga tao. Kaya akala pa namin, may nakita siyang kakilala. Pero ‘yun pala, may nakita siyang may hawak na iguana sa crowd.
Nagpaalam pala ito kay Dingdong na bababa at kinarga ang iguana at nagpa-picture. At talagang kitang-kita naman sa mukha ni Marian kung gaano siya na-excite na hawak na ito. Parang sanay na sanay kung paano humawak ng ganitong hayop.
Ang anak na si Sixto ay mahilig din daw kasi rito
Dahil sa ginawa ni Marian na ito, marami ang nagulat at ang komento nga halos ng lahat, “Grabe si Marian, walang kaarte-arte!”
(ROSE GARCIA)
SINABI ng Malakanyang na nakahanda at payag si dating Philippine National Police chief Police General Nicolas Torre III na ilipat ang kanyang four-star rank kay acting PNP chief Police Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr.
Sa press briefing sa Malakanyang, hiningan kasi ng paglilinaw si Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro ukol sa naging pahayag ni Torre na hindi siya nagretiro mula sa police service kasunod ng kanyang pag-upo bilang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) general manager.
Ani Castro, tila mayroong hindi pagkakaunawaan, subalit naintindihan naman ni Torre at nagpahayag ito ng kahandaan at payag na ilipat ang four-star rank kay Nartatez.
”Opo, nakausap po mismo natin si General Torre, at malamang po ay nagkaroon lang nang kaunting misunderstanding. Pero muli, the President appointed General Torre as the general manager of MMDA,” ayon kay Castro.
”He took his office. He is now actively performing his job as the general manager of MMDA. And for his optional retirement, he will receive full benefits and emoluments as a four-star general,” dagdag na wika nito.
Winika pa ni Castro na tinanggap ni Torre ang consequence ng pagtanggap ng bagong posisyon sa MMDA.
”Accepted po niya iyon. Dahil po tinanggap niya po ang posisyon na ito, alam naman niya po kung ano po ang maaaring mangyari. At muli, ang mangyayari lamang po, siya po ay tatanggap ng benepisyo, full benefits and lahat ng emoluments as a four-star general,” ani Castro. (Daris Jose)
MASAYANG nakipag-indakan ang Navoteño seniors sa Zumba at Health Caravan para kina Lolo at Lola, kasama sina Mayor John Rey Tiangco, Vice Mayor Tito Sanchez, at mga konsehal ng lungsod bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-120th anibersayo ng Navotas. (Richard Mesa)
HINDI isang simpleng sagutan lamang ang naging palitan ng pahayag nina Commodore Jay Tarriela ng Philipine Coast Guard at ng Chinese Embassy sa Maynila kung hindi ito ay hayagang tangka upang patahimikin ang Pilipinas at subukin ang katatagan na ipaglaban ang karapatan nito sa West Philippine Sea (WPS).
“Makatotohanang ebidensya at hindi propaganda ang inilalahad ng Coast Guard,” ani Dr. Jose Antonio Goitia. “Hindi nagiging mali ang katotohanan dahil lamang hindi ito kanais- nais sa iba.”
Ang mga pahayag ni Commodore Tarriela ay nakabatay sa opisyal na mga ulat, mga larawan at dokumentaryo ng katotohanang mga insidente sa dagat. Hindi ito gawa-gawa lamang o haka haka. Lalo nang hindi paninira sapagkat may kalapakip na ebidensya ng katotohanan dagdag pa ni Goitia.
Aniya, ang pagpapahayag ng katotohanan ay hindi lamang personal na aksyon ng isang opisyal dahil ito ay isang malinaw na polisiya ng administrasyon ni PBBM na ihayag sa mga Pilipino ang totoong nangyayari na walang itinatago.
“Kapag hinihingi ang pananahimik ng isang opisyal,” paliwanag ni Goitia, “ang tinatamaan ay ang patakaran ng estado. Ang transparency ay hindi opinyon. Ito ay pagpapakita ng paninindigan ng Pilipinas”.
Maliwanag aniya ang posisyon ni Commodore Tarriela. Ang paglalahad ng katotohanan ay isang pananagutan . Walang ulat na itatago at walang teritoryong isusuko. Nakatindig ang Pilipinas sa UNCLOS at sa 2016 Arbitral Award.
Lumampas na aniya ang China sa hangganan ng diplomasya. Mula sa pahayag ng kanilang embahada, umabot ito sa hayagang babala ng Foreign Ministry ng Beijing, sa pamamagitan ng tagapagsalita nito, na ang mga opisyal ng Pilipinas at Coast Guard ay dapat tumigil sa kanilang pahayag o “pay the price”.
Ito ay lantad na pananakot at hindi diplomasya. Ang naging pahayag ng Tsina sa harap ng international community ay hindi makatarungan at isang malinaw na tanda ng pananakot at panggigipit.
Walang banta, gaano man kalakas o kadalas, ang kayang burahin ang ebidensya o pahinain ang paninindigan ng Pilipinas.
Nanawagan din si Senator Risa Hontiveros sa Department of Foreign Affairs (DFA) na tugunan ang agresibong asal ng China alinsunod sa Vienna Convention.
“Estado ang nakikipag usap sa estado,” ani Goitia. “Hindi dapat tinatakot ang mga lingkod -bayan na ginagampanan lamang ang kanilang tungkulin.”
“Ang soberanya ay pinangangalagaan sa batas at matatag na paninindigan,” diin ni Goitia.
Ang paglalahad aniya ng katotohanan ay hindi paninira. Ito ay disiplina. Ito ay tungkulin. At ito ay hindi hihinto.
Ginampanan ng Philippine Coast Guard ang mandato nito. Nagsalita si Commodore Tarriela ng may katatagan at awtoridad. Ang tungkulin ngayon ng estado ay ipagtanggol ang sarili nitong mga institusyon.
“Tumatatag ang republika,” pagtatapos ni Goitia, “dahil hindi ito natitinag kapag hinaharap ang katotohanan”. (Richard Mesa)
IPINAUBAYA na ng Malakanyang sa Office of the Ombudsan ang usapin ng posibleng pagsuko o pakikipagtulungan ng puganteng si dating mambabatas na si Zaldy Co.
Muling inulit ng administrasyon ang posisyon nito na ‘non-interference’ sa imbestigasyon sa maanomalyang flood control projects.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na bukas ang gobyerno na pakinggan ang magiging pahayag ni Co kung ito’y makatutulong na maitatag ang katotohanan, subalit binigyang diin na ang lahat ng parametro ay babagsak sa kapangyarihan ng Ombudsman.
“Sa ating pagkakarinig, siya po ay nais makipag-ugnayan sa Ombudsman. At ang sabi rin naman ng Ombudsman, even before, na lahat ng proteksyon na kailangan niya ay ibibigay,” ang sinabi ni Castro.
“Kung ito po ay makakatulong para malaman natin ang katotohanan, ang gobyerno ay open po para malaman kung ano ang kanyang sasabihin,” aniya pa rn.
At nang tanungin si Castro kung nagtakda ang Malakanyang ng kondisyon o safeguards sa posibleng pagsuko ni Co, sinabi nito na ang bagay na ito ay wala na sa hurisdiksyon ng Malakanyang.
“Nasa kamay na po ‘yan ng Ombudsman,” ang sinabi ni Castro.
Nananatiling matatag ang posisyon ni Pangulong Marcos sa direktiba nito na ang mga responsable sa maanomalyang flood control projects ay dapat na imbestigahan at dapat lamang na panagutin.
“Ang nais lamang ng Pangulo ay lumabas ang katotohanan at kung sino man ang maaaring responsable sa maanomalyang flood control projects ay silang maimbestigahan at mapanagot,” ayon kay Castro.
Matatandaang, napaulat na kinumpirma ni DILG Jonvic Remulla na nagpadala na ng “feelers” o pahiwatig si Zaldy Co para makipagdiyalogo sa pamahalaan.
Ayon kay Remulla, ang feelers na ito ay idinaan ni Co sa mga pari na kakilala nito kung saan biniberipika na rin ang nasabing ulat.
Kaugnay nito, sinabi rin ni Remulla na huling namataan sa Portugal ang nasabing dating Congressman. ( Daris Jose)
“I’M FINE.”
Ito ang naging pahayag ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa isang video statement bilang tugon na rin sa paghingi ng publiko ng ‘proof of life’ matapos siyang dalhin sa St. Lukes Hospital, Miyerkules ng gabi dahil nakaramdan ng ‘discomfort.’
“I’m feeling very different from the way I was feeling before. Naayos na ‘yung problema. What happened was, apparently, I now have diverticulitis. It’s a common complaint amongst, apparently, people who are heavily stressed and people who are, I have to admit, growing old,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa isang panayam.
Ang Diverticulitis ay isang kondisyon na nakaaapekto sa digestive system. Ito ay nagiging sanhi ng problema sa bowel movements at maaaring maging sanhi ng matindi at pabigla-biglang sakit sa tiyan.
Inamin ng Pangulo na kasama na rin ang ‘overworked’ siya sa trabaho sa pagsama ng kanyang pakiramdam.
“Well, yeah. Of course, lagi namang sinasabi ng doktor sa’kin ‘yun eh pero paano mo naman gagawin ‘yun. Ang daming trabaho,” ang winika ng Pangulo.
Kaya nga ang mensahe ng Pangulo sa mga taong nais siyang mawala sa puwesto ay “Wag kayo munang masyadong excited dahil it’s not a life-threatening condition.”
Binigyang diin ng Pangulo na walang dapat na ipag-alala ang publiko sa kanyang kondisyon.
“Huwag kayong mag-alala. The rumors of my death are highly exaggerated,” giit nito.
Samantala, balik- Malakanyang na ang Pangulo matapos manatili nang magdamag sa Luke’s Hospital sa Quezon City para isailalim sa precautionary medical observation dahil nakaramdam ng ‘discomfort’.
Ani Castro, maayos na ngayon ang kondisyon ng Pangulo matapos na dalhin sa nasabing ospital, Miyerkules ng gabi dahil sa naramdaman ngang discomfort.
“The President continued to carry out his responsibilities while under medical observation and has returned to Malacañang,” ani Castro.
”Siya po ay nasa maayos na kalagayan at mamayang hapon po ay magkakaroon pa po siya ng dalawang pribadong meetings,” ang sinabi pa rin ni Castro.
Aniya pa, walang dapat na ipag-alala ang publiko lalo pa’t ‘fully capable’ ang Pangulo na gampanan ang kanyang tungkulin at ipagpapatuloy nito ang kanyang mga naka-iskedyul na aktibidad.
Sa katunayan, ipinagpatuloy na ng Pangulo ang pakikipag-ugnayan sa mga makabuluhang opisyal sa pamamagitan ng serye ng pribadong pagpupulong at nalalapit na public engagements.
“Ang importante rito at dapat natin maipaalam sa ating mga kababayan na siya po ngayon ay muling nagtatrabaho at nasa Malacañang. Siya ay nasa maayos na kalagayan at mamayang hapon ay magkakaroon pa siya ng dalawang pribadong meetings,” ang tinuran pa rin ni Castro. ( DARIS JOSE)
DINEDMA lang ng Malakanyang ang pangalawang impeachment complaint na inihain laban kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., dahil ‘kulang sa patunay’ at higit sa lahat ay haka-haka.
Sa pagkakataong ito, ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ang nagsampa ng impeachment complaint at ang nag-endorso ay ang Makabayan Bloc.
Sinabi ni Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ang reklamo, inakusahan ang Pangulo ng ‘abuse of discretionary powers’ ukol sa unprogrammed appropriations sa national budget at di umano’y sangkot sa budget-related kickbacks, ay “story-weaving” nang walang substance.
“Kapag sinabi nilang abusive, kailangan talagang i-prove ito. Kung wala naman po silang mailalagay na anumang pruweba sa kanilang complaint ay nagagawa lamang po silang kuwento, naghahabi ng istorya,” ayon kay Castro.
Ang reklamo, inihain ni Bayan chair Renato Reyes at dating ACT Teachers Party-list representative France Castro, at inendorso ng Makabayan Bloc sa pangunguna nina ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio, Gabriela Rep. Sarah Elago at Kabataan Party-list Rep. Renee Co, inakusahan si Pangulong Marcos ng ‘betrayal of public trust’ para sa di umano’y maling paghawak ng unprogrammed appropriations, pondo na inilaan para sa ‘urgent o unforeseen government needs’ at ipinalabas sa diskresyon ng Pangulo.
Tinukoy nito ang paggamit ng tinatawag na BBM parametric formula o Baselined-Balanced-Managed (BBM) formula na in-institutionalized bilang isang system akin (similar) sa controversial pork barrel, subalit sinabi ni Castro na hindi pa nakikita ng administrasyon ang ebidensiya na magsusuporta sa alegasyon.
“Unang-una, nasaan po ba iyong sinasabi nating BBM parametric formula? They have to prove that. Panglawa po iyong sinasabi ninyong pork barrel, mapapatunayan po natin sa mga ginawa ng Pangulo na pinag-ingatan… marami po ang nasaktan dahil hindi naibigay ang kanilang mga budget dahil pinag-ingatan po at may ‘for later release,” ang sinabi pa rin ni Castro.
Sa ulat, ito ang second impeachment complaint na inihain laban kay Pangulong Marcos simula nang maupo siya sa kanyang tungkulin bilang Ama ng Bansa noong 2022.
Ang unang impeachment ay inihain ni Atty. Andre de Jesus at inendorso ni Pusong Pinoy Party-list Rep. Jernie Jett Nisay kamakailan, inakusahan si Pangulong Marcos ng constitutional violations at betrayal of public trust kaugnay sa di umano’y flood control project kickbacks at pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Binasura na ng Malakanyang ang initial complaint. (Daris Jose)