2nd impeachment complaint laban kay PBBM, kulang ng merito- Malakanyang
- Published on January 23, 2026
- by @peoplesbalita
DINEDMA lang ng Malakanyang ang pangalawang impeachment complaint na inihain laban kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., dahil ‘kulang sa patunay’ at higit sa lahat ay haka-haka.
Sa pagkakataong ito, ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ang nagsampa ng impeachment complaint at ang nag-endorso ay ang Makabayan Bloc.
Sinabi ni Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ang reklamo, inakusahan ang Pangulo ng ‘abuse of discretionary powers’ ukol sa unprogrammed appropriations sa national budget at di umano’y sangkot sa budget-related kickbacks, ay “story-weaving” nang walang substance.
“Kapag sinabi nilang abusive, kailangan talagang i-prove ito. Kung wala naman po silang mailalagay na anumang pruweba sa kanilang complaint ay nagagawa lamang po silang kuwento, naghahabi ng istorya,” ayon kay Castro.
Ang reklamo, inihain ni Bayan chair Renato Reyes at dating ACT Teachers Party-list representative France Castro, at inendorso ng Makabayan Bloc sa pangunguna nina ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio, Gabriela Rep. Sarah Elago at Kabataan Party-list Rep. Renee Co, inakusahan si Pangulong Marcos ng ‘betrayal of public trust’ para sa di umano’y maling paghawak ng unprogrammed appropriations, pondo na inilaan para sa ‘urgent o unforeseen government needs’ at ipinalabas sa diskresyon ng Pangulo.
Tinukoy nito ang paggamit ng tinatawag na BBM parametric formula o Baselined-Balanced-Managed (BBM) formula na in-institutionalized bilang isang system akin (similar) sa controversial pork barrel, subalit sinabi ni Castro na hindi pa nakikita ng administrasyon ang ebidensiya na magsusuporta sa alegasyon.
“Unang-una, nasaan po ba iyong sinasabi nating BBM parametric formula? They have to prove that. Panglawa po iyong sinasabi ninyong pork barrel, mapapatunayan po natin sa mga ginawa ng Pangulo na pinag-ingatan… marami po ang nasaktan dahil hindi naibigay ang kanilang mga budget dahil pinag-ingatan po at may ‘for later release,” ang sinabi pa rin ni Castro.
Sa ulat, ito ang second impeachment complaint na inihain laban kay Pangulong Marcos simula nang maupo siya sa kanyang tungkulin bilang Ama ng Bansa noong 2022.
Ang unang impeachment ay inihain ni Atty. Andre de Jesus at inendorso ni Pusong Pinoy Party-list Rep. Jernie Jett Nisay kamakailan, inakusahan si Pangulong Marcos ng constitutional violations at betrayal of public trust kaugnay sa di umano’y flood control project kickbacks at pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Binasura na ng Malakanyang ang initial complaint. (Daris Jose)