Usapin sa pagsuko ni Zaldy Co, ipinaubaya na ng Malakanyang sa Ombudsman
- Published on January 23, 2026
- by @peoplesbalita
IPINAUBAYA na ng Malakanyang sa Office of the Ombudsan ang usapin ng posibleng pagsuko o pakikipagtulungan ng puganteng si dating mambabatas na si Zaldy Co.
Muling inulit ng administrasyon ang posisyon nito na ‘non-interference’ sa imbestigasyon sa maanomalyang flood control projects.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na bukas ang gobyerno na pakinggan ang magiging pahayag ni Co kung ito’y makatutulong na maitatag ang katotohanan, subalit binigyang diin na ang lahat ng parametro ay babagsak sa kapangyarihan ng Ombudsman.
“Sa ating pagkakarinig, siya po ay nais makipag-ugnayan sa Ombudsman. At ang sabi rin naman ng Ombudsman, even before, na lahat ng proteksyon na kailangan niya ay ibibigay,” ang sinabi ni Castro.
“Kung ito po ay makakatulong para malaman natin ang katotohanan, ang gobyerno ay open po para malaman kung ano ang kanyang sasabihin,” aniya pa rn.
At nang tanungin si Castro kung nagtakda ang Malakanyang ng kondisyon o safeguards sa posibleng pagsuko ni Co, sinabi nito na ang bagay na ito ay wala na sa hurisdiksyon ng Malakanyang.
“Nasa kamay na po ‘yan ng Ombudsman,” ang sinabi ni Castro.
Nananatiling matatag ang posisyon ni Pangulong Marcos sa direktiba nito na ang mga responsable sa maanomalyang flood control projects ay dapat na imbestigahan at dapat lamang na panagutin.
“Ang nais lamang ng Pangulo ay lumabas ang katotohanan at kung sino man ang maaaring responsable sa maanomalyang flood control projects ay silang maimbestigahan at mapanagot,” ayon kay Castro.
Matatandaang, napaulat na kinumpirma ni DILG Jonvic Remulla na nagpadala na ng “feelers” o pahiwatig si Zaldy Co para makipagdiyalogo sa pamahalaan.
Ayon kay Remulla, ang feelers na ito ay idinaan ni Co sa mga pari na kakilala nito kung saan biniberipika na rin ang nasabing ulat.
Kaugnay nito, sinabi rin ni Remulla na huling namataan sa Portugal ang nasabing dating Congressman. ( Daris Jose)