• March 2, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for January 28th, 2026

Disenteng sahod para sa mga civilian personnel sa uniformed agencies, isinusulong

Posted on: January 28th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

DAPAT may benepisyo tulad ng security of tenure, disenteng sahod para sa mga civilian personnel sa uniformed agencies.
Isinusulong ni Parañaque Rep. Brian Raymund Yamsuan na maipasa ang kanyang panukala na masigurong mabibigyan ng security of tenure at mabigyan ng disenteng sahod at benepisyo sa mga non-uniformed personnel (NUP) ng military at law enforcement agencies.
Sinabi ni Yamsuan na sa kanyang House Bill (HB) 4796 o panukalang Magna Carta for Non-Uniformed Personnel, sinisuguro nito ang patas na pagtrato ng NUP at kilalanin ang kanilang naging papel sa ahensiya.

Kabilang sa mabibiyaan ng panukalang Magna Carta ang mga NUP sa Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), at lahat ng iba pang uniformed agencies.

“The recent round of salary hikes and increase in the subsistence allowance of military and uniformed personnel all the more highlight the wide disparity between the pay and benefits that they and their civilian counterparts receive,” ani Yamsuan.
(Vina de Guzman)

Kelot na akusado sa Statutory Rape sa Malabon, timbog

Posted on: January 28th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

HIMAS-REHAS ang isang lalaki na wanted sa kaso ng Statutory Rape matapos malambat ng pulisya sa pinaigting na manhunt operation sa Malabon City, Lunes ng hapon.

Sa ulat ni Malabon City Police Station (MCPS) chief P/Col. Allan Umipig kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, noong January 21, 2026 nang maglabas ng arrest warrant ang Regional Trial Court, Branch 289, Malabon City, para sa kasong Statutory Rape laban sa 23-anyos na akusado.

Nakatala umano ang akusado bilang No. 9 sa Top Ten Most Wanted Person sa NPD at No. 5 sa TTMWP naman sa Malabon CPS kaya iniutos ni Col. Umipig sa kanyang mga tauhan ang malawakang pagtugis sa laban dito.

Bandang alas-5:00 ng hapon nang tuluyang makorner ng mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section ng Malabon CPS ang akusado sa Brgy., Catmon.

Hindi naman umano pumalag ang akusado nang bitbitin ng mga operatiba ng WSS sa bisa ng nasabing warrant of arrest na walang inirekomendang piyansa para sa kanyang pansamantalang paglaya.

Ayon kay NPD Public Information Office P/Capt. Crisamay Dayto, pansamantalang nakapiit ang akusado sa Custodial Facility Unit ng Malabon CPS habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa korte para sa paglilipat sa kanya sa City Jail.

Pinuri naman ni BGen. Dela Cruz ang arresting team para sa kanilang kasipagan, disiplina, at propesyonalismo. “Hindi titigil ang kapulisan sa paghuli ng mga lumalabag sa batas, upang mapanatili ang kaligtasan, kapayapaan, at katarungan para sa Komunidad.” pahayag niya. (Richard Mesa)

ELECTION SA 2ND DISTRICT NG ANTIPOLO CITY HINDI MATUTULOY KUNG ISA LANG ANG KANDIDATO

Posted on: January 28th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

POSIBLENG hindi ituloy ang special election sa ikalawang legislative district ng Antipolo City na nakatakda sa Marso 14 kung isa lamang ang tatakbo at maghahain ng Certificate of Candidacy (COC), ayon sa Commission on Elections (Comelec).
Ayon sa Comelec kapag nangyari ito, maaari nang agad na ideklara o iproklama ang nag-iisang kwalipikadong kandidato ng saan ang District Board of Canvassers.

Sa kabilang banda , binanggit ng Comelec na kung sakaling ang isang petisyon para ideklara bilang isang nuisance candidate o tanggihan ang takdang panahon o kanselahin ang COC ay isampa laban sa nag-iisang kandidato sa loob ng pinapayagang panahon, dapat resolbahin ng komisyon ang petisyon nang hindi lalampas sa Marso 14.
Sinabi ng Comelec na ang kabiguang magdesisyon sa petisyon sa loob ng nasabing panahon ay magreresulta sa pagkasira ng kaso sa nag-iisang kandidatong ireklamo at maupo sa tungkulin nang hindi mas maaga kaysa sa nakatakdang araw ng halalan.
Samantala, idinagdag nito na walang espesyal na halalan kung sakaling ang diskwalipikasyon, deklarasyon bilang nuisance candidate, o pagtanggi o pagkansela ng COC, ay mapagpasyahan nang may finality bago ang Marso 14.

Para sa layuning ito, dapat patunayan ng Commission En Banc sa Kapulungan ng mga kinatawan ang hindi pagdaraos ng isang espesyal na halalan dahil sa disqualification, deklarasyon bilang nuisance candidate, o pagtanggi o pagkansela ng Certificate of Candidacy ng nag-iisang kandidato.
Ang panahon para maghain ng mga COC para sa mga espesyal na botohan ay itinakda mula Pebrero 5 hanggang 7.
(Gene Adsuara)

Top 7 most wanted person sa Valenzuela, laglag sa selda

Posted on: January 28th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

TIMBOG ang isang wanted na lalaking nahatulan sa dalawang bilang na kaso ng Attempted Rape at Acts of Lasciviousness sa ikinasang manhunt operation ng pulisya sa Valenzuela City.

Sa tinanggap na ulat ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, ang 54-anyos na akusado ay nakatala bilang No. 7 sa Top Ten Most Wanted Person sa Valenzuela City Police Station (VCPS).

May nakabinbin umanong warrant of arrest ang akusado para sa kasong Attempted Rape and Acts of Lasciviousness in relation to Section 5(B) of Republic Act 7610 (two counts) na inilabas ng Valenzuela Regional Trail Court (RTC) Branch 270.

Nang makatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ng Valenzuela CPS na naispatan ang presensya ng akusado sa Brgy. Malinta, kaagad nilang ikinasa ang operation laban dito.

Dakong ala-1:00 ng hapon nang maaresto ng mga operatiba ng WSS ang akusado sa bisa ng nasabing warrant of arrest para sa service of sentence.

Pinuri naman ni BGen. Dela Cruz ang arresting team sa kanilang kasipagan at propesyonalismo, na nagbibigay-diin na ang matagumpay ng operasyon ay sumasalamin sa pangako ng NPD sa hustisya at pagprotekta sa bata. (Richard Mesa)

BAGONG BUSINESS PERMIT, TUMAAS NG 40% ANG PAGPROSESO SA MAYNILA

Posted on: January 28th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

TUMAAS ng 40% ang pagpoproseso ng bagong business permits kasabay ng malakas na renewal activity na nagpapakita ng matatag na negosyo sa lungsod.

Iniulat ito ni Bureau of Permits Director Levi Facundo kay Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso.

Hanggang Enero 25, 2026, nakaproseso ang lungsod ng 384 bagong business permits, mas mataas mula sa 176 noong parehong petsa noong nakaraang taon.

Sa kabuuan, 159 bagong permits ang bayad na at tumutugma sa bilang ng bayad noong nakaraang taon kahit mas maraming aplikasyon ngayon.

Samantala, nakaproseso ang Maynila ng 45,261 business permit renewals, kung saan 37,484 ang bayad na, na may compliance rate na halos 82–83% sa maagang bahagi ng renewal cycle.

“That’s about 82%, Yes, actually almost 83% po, Mayor.” ani Facundo.

Pinalawig ng lungsod ang renewal period hanggang Pebrero 13, 2026, nang walang interest, penalty, o surcharge, ayon kay City Treasurer Atty. Paul Vega, upang bigyan ng sapat na oras ang mga negosyante na mag-renew ng kanilang permits.

Ayon kay Domagoso, ang datos ay patunay ng tiwala ng publiko sa sistema ng City Hall. (Gene Adsuara)

PBBM INIUTOS ANG MAAGANG PAGLABAS NG BUONG P1.19 T PONDO PARA SA MGA LGU

Posted on: January 28th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

ALINSUNOD sa kautusan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr, inilabas na ng Department of Budget and Management (DBM) ang PhP1.19 trilyon na National Tax Allotment (NTA) ng local government units (LGUs) para sa buong Fiscal Year 2026.
Inanunsyo ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na iniutos ng Pangulo ang agarang pagpapalabas ng naturang pondo para masigurong magpapatuloy ang mga pampublikong serbisyo at mapabuti ang buhay ng mga Pilipino sa buong bansa.
“Bilang tugon sa kautusan ni Pangulong Marcos Jr. na masigurong ang pondo ng gobyerno ay mabilis at ramdam ng taumbayan, inilabas na ng Department of Budget and Management ang PhP1.19 trillion National Tax Allotment ng mga LGUs para sa kasalukuyang taon,” pahayag ni Castro.
Dagdag pa ni Castro, inaprubahan ni Acting DBM Secretary Rolando Toledo ang pagpapalabas ng Special Allotment Release Order (SARO) at kaukulang Notices of Cash Allocation (NCA) nitong Enero 26. Saklaw nito ang buong taong pangangailangan ng NTA ng mga LGU sa buong bansa, alinsunod sa awtorisasyon ng 2026 General Appropriations Act.
Ayon kay Castro, ang pondo ay direktang nilagak sa mga awtorisadong government servicing banks ng mga LGU, alinsunod sa umiiral na mga patakaran ng pamahalaan sa budgeting, accounting, at auditing.
“Ayon sa DBM, ang buo at maagang paglabas ng budget sa mga LGU ay patunay na ang 2026 budget ay nakatuon sa pagpapaunlad ng pamumuhay ng taumbayan,” diin ng Palace Press Officer.
Sa pamamagitan ng pagpapalakas ng kakayahan ng mga LGU, prayoridad ng administrasyon ni Pangulong Marcos ang mabilis na paghahatid ng mga pangunahing serbisyo at mga programang direktang makaaapekto sa mga komunidad, ayon kay Castro.
“Sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Marcos Jr., mas palalakasin pa ang kakayahan ng local government. Panawagan naman ng Pangulo sa mga LGU: gamitin ang budget para sa mga awtorisadong pakay at sumunod sa reporting requirements bilang bahagi ng transparency at accountability standards ng pamahalaan,” dagdag ni Castro.
(Daris Jose)

PBBM, PINALAWAK ANG ZERO BALANCE BILLING; SAKLAW NA RIN ANG MIDDLE-CLASS CONTRIBUTORS

Posted on: January 28th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

INIUTOS ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Department of Health (DOH) at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang pagpapalawak ng zero balance billing program upang masiguro na hindi lamang ang mga mahihirap kundi maging ang mga nagbabayad ng kontribusyon na mula sa middle-class ay ganap na makikinabang sa serbisyong pangkalusugan ng pamahalaan.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, ang hakbang na ito ni Pangulong Marcos ay pagpapatunay sa matibay na paninindigan ng kanyang administrasyon na maghatid ng abot-kaya, accessible, at patas na serbisyong pangkalusugan para sa lahat ng Pilipino.
“Alinsunod sa kagustuhan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pangalagaan ang kalusugan ng bawat Pilipino, nakipag-ugnayan si Executive Secretary Ralph Recto sa pamunuan ng DOH at PhilHealth upang palawigin ang mga benepisyo ng programa at mapangalagaan maging ang mga contributors mula sa middle class,” pahayag ni Castro sa press briefing sa Palasyo, araw ng Martes.
Titiyakin ng pinalawak na zero balance billing na mas mararamdaman ng mga miyembro ng PhilHealth ang direktang benepisyo ng kanilang mga binabayad na premium contributions.
“Makakaasa pa sa mas maayos at mas accessible na healthcare ang mga nagbabayad ng kanilang premium sa PhilHealth,” ani Castro.
“Sa ilalim ng bagong direktiba ng Pangulo, layunin ng pamahalaan na mas maramdaman ng taumbayan ang mga serbisyong nagmumula sa mga buwis na kanilang binabayaran,” dagdag ni Castro.
Ayon pa sa Malacañang, nasa huling yugto na ang DOH ng pagsasaayos ng healthcare provider network (HPN) model, na layong palakasin ang kakayahan ng mga local government unit (LGU) na magbigay ng mas mataas na kalidad ng serbisyong medikal sa buong bansa. (Daris Jose)

Navotas, tinanggap ng Green Legacy Awards mula sa DENR

Posted on: January 28th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

TINANGGAP ni Mayor John Rey Tiangco ang Award na iginawad ng Department of Environment and Natural Resources National Capital Region (DENR-NCR) sa Pamahalaang Lungsod ng Navotas bilang isa sa mga inductees ng Green Legacy Awards. Ani Mayor Tiangco, ang pagkilalang ito ay para sa kontribusyon at pakikipagtulungan ng Pamahalaang Lungsod sa pagpapatupad ng mga programang pangkalikasan, lalo na sa larangan ng coastal at urban environmental management, solid waste management, at community engagement. (Richard Mesa)

Kelot, kulong sa pagnanakaw, at droga sa Valenzuela

Posted on: January 28th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

BINITBIT sa selda ang 25-anyos na kelot matapos ireklamo ng pagnanakaw sa isang tindahan ng cellphone at makuhanan pa ng iligal na droga sa Valenzuela City, Lunes ng gabi.
Mahaharap sa kasong paglabag sa Article 308 of RPC (Theft) at Section 11 ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang suspek na si alyas “Kevin”, 25, residente ng Brgy. Canumay West ng lungsod.
Sa pahayag ng 17-anyos na binatilyong complainant kina Valenzuela police investigators P/MSg Carlito Nerit Jr. at PSSg Reynaldo Cabales Jr., habang nagbabantay siya sa kanilang tindahan ng cellular phone sa Malanday Market sa M.H Del Pilar St., Brgy., Malanday nang dumating ang suspek at nagpanggap na kostumer alas-7:55 ng gabi.
Pasimple umanong ibinulsa ng suspek ang kinuha na isang flash drive na nagkakahalaga ng P750 subalit, napansin siya ng biktima at nang komprontahin ay kumaripas ito ng takbo bago sumakay sa isang jeepney.
Sakay ng motorsiklo, hinabol ng biktima ang suspek hanggang sa makorner at mabawi ang tinangay na flash drive bago inireport sa Dalandanan Police Sub-Station 6 ang pangyayari.
Kaagad namang rumesponde sa lugar sina PSSg Rey jayson Sy at Pat Leonardo Quimson na nagresulta sa pagkakaaresto kay ‘Kevin’ dakong alas-9:15 ng gabi.
Nakumpiska sa suspek ang isang brown belt bag, wallet, disposable lighter, empty pack of cigarette at isang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na nasa P2,720.00 ang halaga. (Richard Mesa)

NHA PINAPAALALA ANG MGA PAYMENT OPTIONS PARA SA MGA HOUSING BENEFICIARIES NITO

Posted on: January 28th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

PINAPAALALA ng National Housing Authority (NHA) ang mga iba’t-ibang payment options para sa mga housing beneficiaries nito upang makatulong sa kanilang pagbabayad ng buwanang amortisasyon.

Ngayon ngang accessible na ang pagbabayad ng amortisasyon sa NHA sa pamamagitan ng GCash at ECPay application system, mas napadali at napasimple nito ang sistema para sa mga pamilyang benepisyaryo ng pabahay. Ang digital payment ay nagdulot ng katipiran sa oras sa byahe at sa pamasahe para sa mga benepisyaryo.

Sa kanyang pahayag, sinabi ni General Manager Joeben A. Tai na layunin ng NHA na palakasin ang payment network ng ahensya sa pamamagitan ng pagdaragdag ng higit pang mga alternatibo sa pagbabayad, na bahagi ng NHA Online Payment Gateways (OPG) sa ilalim ng kanyang administrasyon.
“Sa pagbubukas ng bagong taon, patuloy po ang pagsusumikap ng NHA na mas palakasin ang payment methodologies tulad ng pagpapatibay ng aming digitalization efforts upang gawing makabago at i-streamline ang aming mga proseso, partikular na sa pagbabayad ng buwanang amortisasyon na mas makakatulong sa mga benepisyaryo ng aming mga proyektong pabahay,” GM Tai shared.
Muli ring iginiit ni GM Tai na may umiiral ng partnerships ang NHA sa mga major e-payment services at applications, tulad ng Maya Philippines, Green Apple Technologies & Systems, Inc., ESP Collection Agency, Link.BizPortal, at iba pang mga over-the-counter partners tulad ng Bayad Center at 7-Eleven.
Ang gawaing ito ay naaayon sa mga hakbangin ng pamahalaan sa pagpapabuti ng mga transaksyon at proseso na nakabalangkas sa Republic Act 11032 o ang Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018; at mga layunin ng digitalization sa pamamagitan ng Republic Act 8792 o ang Electronic Commerce Act of 2000.
Sa kaugnay na balita, pinaalalahanan ng NHA ang mga housing beneficiaries na nag-avail ‘Condonation 7’ program na pag-ibayuhin ang pagsunod sa skedyul ng buwanang hulog upang maiwasan ang penalties at interests at tuluyang makinabang sa benepisyo ng programa. Nagtapos ang ‘Condonation 7’ noong Disyembre 2025.
Nananatili pa rin at maaari pa ring magbayad ng amortisasyon sa mga cashiers na matatagpuan sa NHA offices. Nagsusumikap ang NHA na makapagdevelop pa ng iba pang payment options upang mapagaan at mapadali ang pagbabayad ng mga pamilya ng kanilang bayarin sa pabahay. Kasunod nito, ang hangad ng digital payments na mapataas pa ang collection efficiency ng NHA, kung saan maaari pang makapagtayo ng iba pang pabahay mula sa pondong malalakap. (PAUL JOHN REYES)