• April 24, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Top 7 most wanted person sa Valenzuela, laglag sa selda

TIMBOG ang isang wanted na lalaking nahatulan sa dalawang bilang na kaso ng Attempted Rape at Acts of Lasciviousness sa ikinasang manhunt operation ng pulisya sa Valenzuela City.

Sa tinanggap na ulat ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, ang 54-anyos na akusado ay nakatala bilang No. 7 sa Top Ten Most Wanted Person sa Valenzuela City Police Station (VCPS).

May nakabinbin umanong warrant of arrest ang akusado para sa kasong Attempted Rape and Acts of Lasciviousness in relation to Section 5(B) of Republic Act 7610 (two counts) na inilabas ng Valenzuela Regional Trail Court (RTC) Branch 270.

Nang makatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ng Valenzuela CPS na naispatan ang presensya ng akusado sa Brgy. Malinta, kaagad nilang ikinasa ang operation laban dito.

Dakong ala-1:00 ng hapon nang maaresto ng mga operatiba ng WSS ang akusado sa bisa ng nasabing warrant of arrest para sa service of sentence.

Pinuri naman ni BGen. Dela Cruz ang arresting team sa kanilang kasipagan at propesyonalismo, na nagbibigay-diin na ang matagumpay ng operasyon ay sumasalamin sa pangako ng NPD sa hustisya at pagprotekta sa bata. (Richard Mesa)