• April 24, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Kelot, kulong sa pagnanakaw, at droga sa Valenzuela

BINITBIT sa selda ang 25-anyos na kelot matapos ireklamo ng pagnanakaw sa isang tindahan ng cellphone at makuhanan pa ng iligal na droga sa Valenzuela City, Lunes ng gabi.
Mahaharap sa kasong paglabag sa Article 308 of RPC (Theft) at Section 11 ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang suspek na si alyas “Kevin”, 25, residente ng Brgy. Canumay West ng lungsod.
Sa pahayag ng 17-anyos na binatilyong complainant kina Valenzuela police investigators P/MSg Carlito Nerit Jr. at PSSg Reynaldo Cabales Jr., habang nagbabantay siya sa kanilang tindahan ng cellular phone sa Malanday Market sa M.H Del Pilar St., Brgy., Malanday nang dumating ang suspek at nagpanggap na kostumer alas-7:55 ng gabi.
Pasimple umanong ibinulsa ng suspek ang kinuha na isang flash drive na nagkakahalaga ng P750 subalit, napansin siya ng biktima at nang komprontahin ay kumaripas ito ng takbo bago sumakay sa isang jeepney.
Sakay ng motorsiklo, hinabol ng biktima ang suspek hanggang sa makorner at mabawi ang tinangay na flash drive bago inireport sa Dalandanan Police Sub-Station 6 ang pangyayari.
Kaagad namang rumesponde sa lugar sina PSSg Rey jayson Sy at Pat Leonardo Quimson na nagresulta sa pagkakaaresto kay ‘Kevin’ dakong alas-9:15 ng gabi.
Nakumpiska sa suspek ang isang brown belt bag, wallet, disposable lighter, empty pack of cigarette at isang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na nasa P2,720.00 ang halaga. (Richard Mesa)