• April 24, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Kelot na akusado sa Statutory Rape sa Malabon, timbog

HIMAS-REHAS ang isang lalaki na wanted sa kaso ng Statutory Rape matapos malambat ng pulisya sa pinaigting na manhunt operation sa Malabon City, Lunes ng hapon.

Sa ulat ni Malabon City Police Station (MCPS) chief P/Col. Allan Umipig kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, noong January 21, 2026 nang maglabas ng arrest warrant ang Regional Trial Court, Branch 289, Malabon City, para sa kasong Statutory Rape laban sa 23-anyos na akusado.

Nakatala umano ang akusado bilang No. 9 sa Top Ten Most Wanted Person sa NPD at No. 5 sa TTMWP naman sa Malabon CPS kaya iniutos ni Col. Umipig sa kanyang mga tauhan ang malawakang pagtugis sa laban dito.

Bandang alas-5:00 ng hapon nang tuluyang makorner ng mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section ng Malabon CPS ang akusado sa Brgy., Catmon.

Hindi naman umano pumalag ang akusado nang bitbitin ng mga operatiba ng WSS sa bisa ng nasabing warrant of arrest na walang inirekomendang piyansa para sa kanyang pansamantalang paglaya.

Ayon kay NPD Public Information Office P/Capt. Crisamay Dayto, pansamantalang nakapiit ang akusado sa Custodial Facility Unit ng Malabon CPS habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa korte para sa paglilipat sa kanya sa City Jail.

Pinuri naman ni BGen. Dela Cruz ang arresting team para sa kanilang kasipagan, disiplina, at propesyonalismo. “Hindi titigil ang kapulisan sa paghuli ng mga lumalabag sa batas, upang mapanatili ang kaligtasan, kapayapaan, at katarungan para sa Komunidad.” pahayag niya. (Richard Mesa)