• April 21, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for August, 2025

Maaaring magpatupad ng pension hike: pondo ng SSS, matatag- PBBM

Posted on: August 9th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
MAAARING magpatupad ng pension hike ang Social Security System (SSS), nang hindi nagtataas ng kontribusyon ng mga miyembro.
Sa pinakabagong episode ng The BBM Podcast, sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na kumpiyansa siya sa ‘financial health’ ng SSS.
Aniya pa, ang lumalaking bilang ng mga nagtatrabahong pinoy ay magagamit na pambawi sa anumang short-term effect sa pondo ng SSS.
“That’s fine because the SSS is growing anyway. Our population is growing. Our working population is growing,” ayon sa Pangulo sabay sabing “So ‘yun ang bawi doon — it will continue to grow.”
Nauna rito, nag-anunsyo ang Social Security System (SSS) ng tatlong taon na pension increase na magsisimula sa September.
“Starting this year, all 3.8 million pensioners as of August 31, 2025, will receive annual pension increases every September until 2027,” ayon sa SSS.
Minaliit naman ni Pangulong Marcos ang alalahanin ukol sa
long-term sustainability, sabay sabing base sa pagtataya ng gobyerno, ang pondo ng SSS ay mabilis na mapapalaki na maaaring ilaban o malampasan ang Government Service Insurance System (GSIS).
“In fact, in our estimation, SSS in terms of its fund is growing at such a rate that it will be bigger than GSIS soon,” ayon sa Pangulo. ( Daris Jose)

Bilyong pisong gambling investment ng GSIS, pinaiimbestigahan

Posted on: August 9th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
NANANAWAGAN si House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Representative  Antonio Tinio na agarang imbestigasyon ng kamara sa kontrobersiyal na P1.45 billion investment ng Government Service Insurance System sa gambling-related companies,
Naniniwala ang mambabatas na ang ginawa na ito ng gsis ay isang betrayal of public trust at mapanganib na pagsugal sa retirement funds ng mga government workers.
“Napakasakit isipin na ang retirement funds ng ating mga guro at government employees ay ginagamit para sa sugal. This is not just poor investment judgment—this is a moral outrage,” reaksyon ni Tinio sa nabunyag na ulat ukol sa GSIS investments sa Alternergy Holdings Corp. At iba pang kumpanya na kaugnayan sa gambling operations.
Nagpahayag pa ito nang pagka-alarma sa P251.37 million valuation loss na dinanas ng GSIS sa ilang kuwestiyonableng investments, dahil na rin ang pondong ito ay mula sa kontribusyon ng mga guro at iba pang government workers .
“Isunugal nila ang pondo ng GSIS. Tinaya sa mga kuwestyunableng stocks at natalo. Sino ang nakinabang? Samantala, pensyon at benepisyo ng mga GSIS members ang apektado. Teachers sacrifice portions of their already meager salaries for their GSIS contributions, trusting that their money will be invested wisely and ethically. Instead, we find out that GSIS is funding an industry that destroys families and communities through gambling addiction,” pahayag ni Tinio.
Kinuwestiyon din ng mambabatas ang proseso sa likod ng nasabing investments.
“Paano nangyari na na-approve ang investment na ito kahit hindi sumusunod sa sariling policy ng GSIS? This reeks of corruption and gross negligence. Our teachers deserve answers,” giit nito.
Nanawagan ito sa mga kasamahang mambabata na supportahan ang pagpapatupad ng mas mahigpit na oversight mechanisms para sa government financial institutions upang maiwasan na maulit ang ganitong insidente sa hinaharap.
(Vina de Guzman)

Higit P.3M droga, nasamsam sa Malabon drug bust, 2 tiklo

Posted on: August 9th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
MAHIGIT P.3 milyong halaga ng shabu ang nasamsam sa dalawang drug suspects, kabilang ang isang itinuturing na High Value Individual (HVI) matapos matiklo sa buy bust operation sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Malabon Police Chief P/Col. Allan Umipig ang naarestong mga suspek na si alyas “Salva”, 38, (HVI), ng Navotas City at alyas “Ending”, 46, ng Dagat-dagatan, Brgy. Longos.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting District Director P/BGen. Jerry Protacio, sinabi ni Col. Umipig na ikinasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang buy bust operation, sa koordinasyon sa PDEA matapos ang natanggap na impormasyon hinggil sa umano’y illegal drug activities ng mga suspek.
Dakong alas-11:45 ng gabi nang makipagtransaksyon umano ang mga suspek sa isang pulis na nagpanggap na buyer na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanila sa Aguilar St., Brgy., Panghulo.
Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 50.4 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P342,720 at buy bust money.
Ayon sa pulisya, kasong paglabag sa Section 5 at 11 under Article II ng R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang isasampa nila laban sa mga suspek sa Malabon City Prosecutor’s Office sa pamamagitan ng inquest proceedings.
Pinuri naman ni Gen. Protacio ang pagsisikap at propesyonalismo ng mga operatiba na nagbibigay-diin sa kanilang hindi natitinag na pangako sa pangangalaga sa kaligtasan ng publiko. (Richard Mesa)

Valenzuela LGU, bumuo ng Task Force para sa city-wide cleanup

Posted on: August 9th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
DAHIL sa magkakasunod na pag-ulan dulot ng bagyo na nagpabaha sa hindi bababa sa 80% ng Lungsod ng Valenzuela, nagtatag si Mayor Wes Gatchalian ng inter-department task force na magsasagawa ng malawakang paglilinis at pagpapaganda ng mga operasyon sa lungsod.
Ayon kay Mayor WES, ang paglikha ng Task Force Kalinisan ay bahagi lamang ng muling pinaigting na pagsisikap ng pamahalaang lungsod upang matugunan ang patuloy na problema ng pagbaha sa lungsod.
“While we are doing this regular cleanup, we are still studying and planning for a longer-term solution to the floods,” pahayag niya.
Pangungunahan ng Task Force Kalinisan, na binubuo ng mga tauhan mula sa iba’t ibang departamento ng lungsod, barangay, volunteers, at private sector partners, ang pagsasagawa ng “Operation Linis Ganda” sa buong lungsod.
Magsasagawa ang Task Force ng malawakang paglilinis at sa mga drainage, kanal, at iba pang daluyan ng tubig upang mabawasan ang pagbaha sa panahon ng malakas na pag-ulan.
Maliban dito, isasagawa rin ang mga aktibidad sa pagputol ng damo, pagputol ng mga puno, pag-aayos ng mga tinatawag na “spaghetti” wires at mga kable, pagpipinta ng mga dingding at iba pang open space, at pagsasaayos ng mga pampublikong pasilidad.
Nanawagan din si Mayor WES sa mga may-ari ng ari-arian, business establishments, at mga residente na tumulong sa mga pagsisikap na ito sa pamamagitan ng paglilinis ng kanilang mga bakuran at pagsasagawa ng wastong pamamahala ng basura tulad ng paghihiwalay ng basura at pag-recycle.
          Nakipagtulungan din ang pamahalaang lungsod sa MMDA at NLEX Corporation sa paglilinis sa Meycauayan River sa Barangay Caingin na boundary ng Valenzuela at Meycauayan, Bulacan na layuning maibsan ang pagbaha sa kahabaan ng NLEX.
Sa susunod na dalawang taon, ipinunto ni Mayor WES na ang pamahalaang lungsod ay tututukan ang dredging, desilting, at paglilinis ng mga drainage at mga daluyan ng tubig sa Valenzuela habang sinisimulan nila ang mga pangmatagalang flood mitigation projects upang matugunan ang patuloy na pagbaha sa lungsod.
Kabilang dito ang pagtatayo ng siyam pang pumping station at water catchment basin sa McArthur Highway at paggawa ng bagong Urban Planning Drainage Master Plan para sa Valenzuela City, ayon sa alkalde. (Richard Mesa)

Rep. Tiangco, nagpasalamat sa pagbuwag sa small committee

Posted on: August 9th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
PINASALAMATAN ni Navotas Representative Toby Tiangco ang House Co on Appropriations sa pagdinig sa kanyang panawagan na buwagin ang nakagawian ng paglikha ng small committee na hahawak ng mga amendment sa panukalang pambansang badyet.
“Nagpapasalamat tayo dahil nakinig ang House Committee on Appropriations sa matagal na nating sinasabi. Hindi talaga transparent ang paggawa ng small committee, kaya dapat lang itong buwagin,” ani Tiangco.
“The fact that they agreed to abolish the small committee proves that I was correct and that may problema talaga sa sikretong usapan ng apat na tao na bumubuo nito,” dagdag niya.
Gayunpaman, binigyang diin ni Tiangco na ang pag -alis ng small committee ay ang unang hakbang lamang patungo sa pagtaguyod ng transparency sa mga konsultasyon sa badyet.
Hinimok niya ang House Committee on Appropriations na gawin na ang lahat ng individual amendments sa bukas plenary sessions.
“It is not enough that there is a subcommittee on budget amendments review. As I’ve said, just like any law, ALL individual amendments must be discussed in plenary before the approval of the House General Appropriations Bill on second reading. Dapat mag-commit sila na lahat ng individual amendments ay gagawin sa plenaryo para talagang kita ng lahat kung ano ang mga pagbabago sa proposed budget,” aniya.
“Hindi na uubra yung excuse na sobrang dami ng line items. Kung marami talaga, then we must work overtime. If we can do it for all other bills, why can’t we do it for the most important bill we pass each year? Trabaho namin ‘yan. Kahit gaano kahirap, dapat naming gampanan. No ifs and buts,” dagdag pa niya.
Muling sinabi niya na walang mga pagbabago sa iminungkahing badyet na dapat gawin pagkatapos na naaprubahan ang panukalang batas para sa pangalawang pagbasa.
Hinamon din ni Tiangco ang House Committee on Appropriations na maipahayag ang amendments na ginawa ng small committee para sa 2025 budget, kung ito ay tunay na taos -puso sa pangako nito sa transparency and accountability. (Richard Mesa)

QC LGU, ERC AT MERALCO LUMAGDA SA KASUNDUAN UPANG MAGTULUNGAN SA PAGSUSULONG SA PAGGAMIT NG RENEWABLE ENERGY

Posted on: August 9th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
LUMAGDA sa kasunduan ang Quezon City Local Government, Energy Regulatory Commission o ERC at Meralco upang magtulungan sa pagsusulong sa paggamit ng renewable energy.
Sa ilalim ng Memorandum of Agreement, paiigtingin nito ang pagsusulong ng Net-Metering Program at Distributed Energy Resources.
Ito ay upang mapabilis  at maging accessible sa mga residente ang pag-transition sa renewable energy.
Ayon kay Mayor Joy Belmonte, layon nito na pagtibayin ng Quezon City LGU, ERC at Meralco ang kolaborasyon na makakatulong sa kampanya ng lokal na pamahalaan na mabawasan ang carbon emission sa lungsod.
Aniya, sa inaprubahan ay mas pinalawig na green building ordinance sa Quezon City, tinitiyak nito na ang lahat ng itatayong gusali at ire-renovate na establisyimento ay environment friendly at naaayon sa international standards.
Ang nasabing MOA signing ay sinaksihan ng mga City Department Heads, Meralco Officials at iba pang opisyal ng ERC. (PAUL JOHN REYES)

MAYOR NG SAN SIMON PAMPANGA INARESTO SA PANGINGIKIL

Posted on: August 9th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
HAWAK ng National Bureau of Investigation (NBI) ang alkalde ng San Simon Pampanga na inaresto dahil sa umano’y pangingikil ng P80 milyon sa isang negosyante.
Sa reklamo, hiningan umano ni Mayor Abundio “JP” Punsalan Jr. ang isang steel manufacturing company ng malaking halaga .
Nagbigay naman ng paunang P30 milyong halaga ang kumpanya at ang balanse na P50 milyon ay babayaran umano sa pamamagitan ng hulugan o installment.
Matapos namang magsumbong ang negosyante ay agad na nagkasa ng entrapment operation ang NBI sa isang restaurant sa Clark, Angeles City sa Pampanga.
Kasamang naaresto ng NBI si Punsalan ang kanyang mga kasabwat na tauhan na pawang mga armado ng matataas na kalibre matapos iabot ang pera na nakalagay sa isang bag .
Mula naman sa Pampanga ay dinala sa Department of Justice ang alkalde at isinailalim agad sa inquest proceeding.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act ang alkalde . (Gene Adsuara)

Kasambahay, janitor pasok sa 4Ps

Posted on: August 9th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
KINOKONSIDERA ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga house helper at janitor na ibilang sa mga benepisyaryo ng 4Ps.
Ito ayon kay DSWD spokesperson Irene Dumlao ay bahagi ng enhancement na gagawin ng DSWD sa 4Ps na may 17 taon na ang implementasyon.
Aniya, kailangan lamang na sila ay nasa below threshold o sumasahod nang hanggang P8,000 kada buwan at may maliliit na anak o nasa zero age hanggang 18 years old na pinag-aaral.
Binigyang diin ni Dumlao na bukas ang DSWD sa anumang enhancement sa implementasyon ng 4Ps tulad ng suhestyon ni dating DSWD secretary at Senador Erwin Tulfo na nagsabing gawing one time bigtime livelihood grants ang ibigay sa mga benepisyaryo ng 4Ps kaysa Conditional Cash Grants.
Sa ngayon aniya ay patuloy ang pag-uusap ng Senado at Kongreso para sa posibleng amendments sa programa alinsunod sa batas sa 4Ps.
Sinabi ni Gemma Gabuya, National Program director ng 4Ps, nasa 3 milyon ang benepisyaryo ng programa as of July 2025 habang nasa 1.4M na ang naka-graduate o nag-exit na sa programa matapos madetermina ng mga social workers na self sufficient na ang mga ito o may kakayahan nang buhayin ang pamilya.

Ads August 9, 2025

Posted on: August 9th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

9 – page 4-merged

P1 MILLION PABUYA SA PUMATAY SA ABP PARTYLIST NOMINEE

Posted on: August 8th, 2025 by people's balita No Comments

MAY P1 milyong pabuya ang ipagkakaloob para sa pagdakip sa mga pumaslang sa ABP Partylist’s nominee at sa mga kasabwat sa karumal-dumal na krimen Laban sa mga maka-Diyos, mapayapa at tapat na lingkod-bayan.

Nag-aalok ang Ang Bumbero ng Pilipinas (ABP) ng ₱1 milyong pabuya sa sinumang makapagtuturo sa kinaroroonan ng mga pumatay kay Leninsky “Bogs” Bacud, ikatlong nominee ng ABP, na brutal na pinaslang noong Abril 28 sa may P. Guevarra St. Bgy.435 Sampaloc, Maynila.

“Hindi ito basta pagpatay. Isa itong pag-atake sa isang taong buong-pusong naglingkod sa bayan. Hindi kami tatahimik hangga’t hindi nakakamit ang hustisya,” pahayag ng ABP.

Kinilala ang mga suspek na sina Arnold “Ford” Glean Umandap at Joshua Hernandez Andaleon. Noong Hulyo 30, naglabas ang Regional Trial Court, Branch 33 ng non-bailable warrant of arrest laban sa kanila. Naka-alerto na ang mga pulis na nagsasagawa ng manhunt opeation at sa lahat ng operasyon ay kailangang may body cam na gagamitin.

Si Arnold Umandap ay huling nakatira sa
47 Ruiz Street, Eastern, NCR samantalang si Joshua Andaleon naman ay nakatira sa Pantihan I, Balayungan, Maragondon, Cavite.

Si Umandap ay pinuno ng isang grupong peke na iligal na gumagamit ng pangalan ng ABP. Si Andaleon naman ang sinasabing isa sa mga sakay ng motor na ginamit sa pananambang kay Bacud. Malakas ang hinalang may pulitikal na motibo sa likod ng isinagawang krimen.
“Nananawagan kami sa publiko—kung may alam kayo ay magsalita na para sa ikadadakip ng mga kriminal. Bawat impormasyon ay mahalaga,” dagdag ng ABP.
Makipag-ugnayan sa:
PNP Hotline: 117
CIDG: 0951-059-3843

Ang ₱1 milyong pabuya ay ibibigay sa sinumang makapagbibigay ng tamang impormasyon at ituturing na confidential. Makakaasa na sisiguraduhing ligtas ang sinuman na magbibigay ng tip o impormasyon.

“Ito ay laban para katotohanan, hustisya at para sa layunin ng aming kilusan. Hindi kami uurong. Hindi kami titigil. Hahabulin namin ang mga salarin hanggang sa makamit ang hustisya,” buwelta ng ABP. (Gene Adsuara)