• April 21, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for August 11th, 2025

Autism care support sa buong bansa, isinusulong ng mambabatas 

Posted on: August 11th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
DALA na rin sa magastos at mahal na gamutan para sa autism lalo na sa ordinaryong pamilyang Pilipino, isinulong ni Bacolod lone district Rep. Albee Benitez ang paglalaan ng suporta sa mga ito.
Layon ng House Bill No. 3379 o National Autism Program bill na mabigyan ng suporta ang tinatayang nasa 1.2 milyong Pilipino, kabilang na ang halos 350,000 bata, na may autism o naninirahan kasama ng mga ito.
Sa kanyang explanatory note, sinabi ni Benitez na dala na rin sa gastusin para sa assessment at therapies, ay kadalasang hindi matustusan ng mga low at medium-income families ang regular na gastusin para dito.
Ibinunyag ng United Nations International Children’s Emergency Fund (UNICEF) na ang poverty rates ay 50% na mas mataas sa kabahayan na may batang may disabilities.
“It is more than crucial that the government make available free or affordable services for the diagnosis and therapies of children on the spectrum,” ani Benitez.
Upang matugunan ang inaccessibility para sa autism treatment, bubuuin ng HB 3379 ang Autism Support Allowance Program sa ilalim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na siyang maglalaan ng regular stipend na nagkakahalaga ng P4,000.00 sa pamilya na may POS.
Maglalaan din ang panukala ang iba pang serbisyo tulad ng free developmental assessment sa lahat ng batang Pilipino na 5 anyos pababa, free occupational, speech, at behavioral therapy sa mga DOH hospitals; at libreng gamot para sa POS na na-diagnosed na may Level 3 Autism.
Sinabi ng mambabatas na ang initial consultations cost ay nasa P4,000 hanggang P5,000 bawat sesyon at kapag nakumpirma at irerekomenda na magkaroon ng kaukulang therapt ng 4-5 beses kada linggo, ang gastos ay nasa P1,000 per session.
“It is incumbent upon the government to provide necessary support for persons on the spectrum to afford them better prospects of a future where they reach their full potential, and become self-reliant and functional members of society,” pagatatapos ni Benitez.
(Vina de Guzman)

Top 6 most wanted person sa sexual assault sa Malabon, nabitag sa Taguig

Posted on: August 11th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
ARESTADO ang isang lalaki na wanted sa kaso ng sexual assault sa Malabon City sa isinagawang manhunt operation ng pulisya sa Taguig City.
Nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ni Malabon Police Chief P/Col. Allan Umipig na naispatan sa Bonifacio Global City, Taguig ang akusado na si alyas “Darwin”, 30.
Ayon kay Col. Umipig, ang akusado ay nakatala bilang No. 6 sa Most Wanted Person (MWP) sa Malabon Police kaya inatasan niya ang Warrant and Subpoena Section (WSS) para arestuhin si alyas Darwin.
Agad nakipag-ugnayan ang mga tauhan ni Col. Umipig sa Sub-Station 1 ng Fort Bonifacio, Taguig City, at HACKETT Security Agency saka ikinasa ang operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa akusado dakong ala-1:20 ng hapon sa 9th Avenue, BGC.
Si alyas Darwin ay binitbit ng mga tauhan ni Col. Umipig sa bisa ng warrant of arrest para sa Sexual Assault in relation to Section 5 (b) of R.A. No. 7610 na inisyu ng Regional Trail Court (RTC) Branch 73, Malabon City, noong February 24, 2022, na may inirekomendang piyansa na P120,000.00 para sa kanyang pansamantalang paglaya.
Pansamantalang nakapiit ang akusado sa custodial facility unit ng Malabon CPS habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa hukuman para sa paglilipat sa kanya sa City Jail.
Pinuri naman ni P/BGen. Jerry Protacio, Acting District Director ng Northern Police District (NPD) ang matagumpay na operation at dedikasyon ng arresting units. (Richard Mesa)

Kelot, huli sa baril sa search warrant sa Caloocan

Posted on: August 11th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
SWAK sa kulungan ang isang lalaki matapos makuhanan ng hindi lisensyadong baril sa bisa ng ipinatupad na search warrant ng pulisya sa Caloocan City.
Sa kanyang ulat kay NPD Acting District Director P/BGen. Jerry Protacio, sinabi ni Caloocan Police OIC Chief P/Col. Joey Goforth, nakatanggap ng impormasyon ang Station Intelligence Section (SIS) na nag-iingat umano ng hindi lisensyadong baril ang 42-anyos na lalaki na residente ng Brgy. 177.
Nang makakuha ng kopya ng search warrant na inisyu ng Caloocan City Regional Trial Court (RTC) Branch 124, para sa paglabag sa R.A 10591, ay agad sinalakay ng mga tauhan ni Col. Goforth ang bahay ng suspek.
Sa harap ng mga saksi mula sa elected barangay opisyal at media representative, hinalughog ng mga operatiba ng SIS ang bahay ng suspek kung saan nasamsam nila ang isang kalibre .38 revolver na kargado ng limang bala.
Nang walang naipakita ang suspek na mga dokumento na nagpapatunay ng pagmamay-ari niya ng natutang baril, inaresto siya ng mga pulis dakong alas-10 ng gabi.
Kasong paglabag sa R.A 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang isinampa ng pulisya laban sa suspek sa Caloocan City Prosecutor’s Office. (Richard Mesa)

Squad leader ng teroristang grupo na wanted sa Samar, nalambat sa Caloocan 

Posted on: August 11th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
NAGWAKAS na ang maligayang araw ng 50-anyos na squad leader ng Communist Terrorist Group (CTG) na wanted sa iba’t-ibang mga kasong kriminal sa Eastern Samar at Palawan nang matunton ng pulisya sa kanyang pinagtataguan sa Caloocan City.
Nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ni Northern Police District (NPD) Acting District Director P/BGen. Jerry Protacio hinggil sa pinagtataguang lugar ng miyembro ng teroristang grupo sa lungsod na itinuturing na No. 1 Provincial Level Most Wanted Person sa Eastern Samar.
Agad ikinasa ng mga tauhan ng District Special Operation Unit (DSOU) ng NPD ang pagtugis sa akusado na nagresulta sa pagkakaaresto sa akusado dakong alas-7 ng umaga sa Langit Road, Phase 7B, Brgy. 176 Bagong Silang.
Bitbit ng mga tauhan ng DSOU-NPD ang dalawang warrant of arrest na inilabas noong Abril 2008 at Disyembre 9, 2021 ng Regional Trial Court (RTC) ng Eastern Samar laban sa akusado para sa mga kasong murder at Direct Assault with Attempted Murder.
Naglaan ang korte ng piyansang P200,000 para sa kasong murder habang P72,000 naman sa kasong direct assault with attempted murder.
Lumabas sa rekord ng Crime Research and Analysis Section (CRAS) na nasangkot din ang akusado sa kasong attempted direct assault noong 2015 sa Eastern Samar at frustrated murder sa Palawan noong 2018,
Sinabi ni BGen. Protacio na mabibigat ang mga kasong kinasangkutan ng akusado na nagsisilbing banta sa kaligtasan ng publiko. (Richard Mesa)

SENIOR CITIZEN AT 3 IBA PA, HULI SA OPERASYON KONTRA DROGA NG PDEA SA GREENHILLS

Posted on: August 11th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
ARESTADO sa isang buy-bust operation ng PDEA sa isang mall sa Barangay Greenhills, San Juan City ang isang 63 taong gulang na babae na kinilala sa alyas na MAMI at 3 iba pa, noong Biyernes Agosto 8, 2025, kung saan nakumpiska ang tinatayang 200 gramo ng methamphetamine hydrochloride o mas kilala sa tawag na shabu.
Ayon sa PDEA Bulacan Provincial Office, tatlong suspek pa ang nahuli na kasama ng senior citizen na kinilalang sina; alyas JON, 27 taong gulang; alyas LOU, 19 taong gulang; at alyas YAEL, 25 taong gulang.
Nakarekober ang mga operatiba ng dalawang plastic sachet na nakatali at naglalaman ng 200 gramo ng shabu, pati na rin ang marked money na ginamit ng undercover agent.
Ayon sa PDEA, si MAMI ay sangkot sa malawakang bentahan ng shabu sa San Juan City at mga karatig lugar sa probinsya ng Bulacan.
Ang mga nakumpiskang iligal na droga ay ipapadala sa PDEA RO3 laboratory para sa forensic examination.
Ang magkasanib na operasyon ay kinabibilangan ng pagtutulungan mula sa PDEA Provincial Offices sa Bulacan at Bataan, PDEA NCR, at PNP Drug Enforcement Unit sa San Juan City.
Ang mga suspek ay sasampahan ng kasong non-bailable sa ilalim ng seksyon 5 (pagbebenta ng mapanganib na droga) na may kaugnayan sa seksyon 26B (sabwatan para magbenta ng droga) ng Republic Act 9165. Ang seksyon 5 ay may parusang habang buhay na pagkabilanggo at multa na mula 5 daang libo hanggang 10 milyong piso. (PAUL JOHN REYES)

DOH: Kaso ng leptospirosis sisirit pa

Posted on: August 11th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
UMABOT sa 2,396 kaso ng leptospirosis ang naitala ng Department of Health (DOH) mula Hunyo 8 o isang linggo matapos ideklara ng PAGASA ang tag-ulan, hanggang Agosto 7, 2025.
Nakaalerto na ang mga DOH Hospitals sa bansa at nagbukas na rin ng ilang mga leptospirosis fast lanes para mabilis na matingnan ang mga pasyenteng dudulog ng ­konsultasyon.
Simula alas-10 ng umaga nitong Agosto 9, 2025 nasa 19 DOH hospitals na ang kumpirmadong may Leptospirosis Fast Lanes. Dito nangyayari ang assessment para malaman kung kailangan i-admit sa ospital ang pasyente o hindi. Dito rin tinitingnan ang risk level ng pasyente para mabigyan ng reseta sa tamang paggamit ng doxycycline.
Paalala ng DOH, agad na kumonsulta sa doktor kung nalubog sa baha o putik dahil sa ulan.
‎Handa naman ang ahensya sa inaasahang pagtaas sa kaso ng leptospirosis matapos ang sunud-sunod na pagbaha mula Hulyo 21 dulot ng habagat, bagyong Crising, Dante, at Emong.
Samantala, binabantayan din ng DOH ang mga kaso ng dengue na umabot na sa 8,171 mula Hulyo 6-Hulyo 19. Mas mababa ito ng 33% kumpara noong Hunyo 22-Hulyo 5, na nasa 12,166 kaso.
Payo ng DOH, ‘wag maging kampante sa banta ng dengue—maaraw man o maulan.
Matatandaang sinabi ng ahensya na Pebrero nitong taon na maaaring tumaas ang kaso ng dengue ngayong tag-ulan pero ano mang panahon ay puwedeng mangitlog ang lamok at makapagkalat ng sakit.