Top 6 most wanted person sa sexual assault sa Malabon, nabitag sa Taguig
- Published on August 11, 2025
- by @peoplesbalita
ARESTADO ang isang lalaki na wanted sa kaso ng sexual assault sa Malabon City sa isinagawang manhunt operation ng pulisya sa Taguig City.
Nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ni Malabon Police Chief P/Col. Allan Umipig na naispatan sa Bonifacio Global City, Taguig ang akusado na si alyas “Darwin”, 30.
Ayon kay Col. Umipig, ang akusado ay nakatala bilang No. 6 sa Most Wanted Person (MWP) sa Malabon Police kaya inatasan niya ang Warrant and Subpoena Section (WSS) para arestuhin si alyas Darwin.
Agad nakipag-ugnayan ang mga tauhan ni Col. Umipig sa Sub-Station 1 ng Fort Bonifacio, Taguig City, at HACKETT Security Agency saka ikinasa ang operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa akusado dakong ala-1:20 ng hapon sa 9th Avenue, BGC.
Si alyas Darwin ay binitbit ng mga tauhan ni Col. Umipig sa bisa ng warrant of arrest para sa Sexual Assault in relation to Section 5 (b) of R.A. No. 7610 na inisyu ng Regional Trail Court (RTC) Branch 73, Malabon City, noong February 24, 2022, na may inirekomendang piyansa na P120,000.00 para sa kanyang pansamantalang paglaya.
Pansamantalang nakapiit ang akusado sa custodial facility unit ng Malabon CPS habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa hukuman para sa paglilipat sa kanya sa City Jail.
Pinuri naman ni P/BGen. Jerry Protacio, Acting District Director ng Northern Police District (NPD) ang matagumpay na operation at dedikasyon ng arresting units. (Richard Mesa)