• September 23, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for May 6th, 2025

DepEd, binigyang-diin ang pangangailangan na tutukan ang karunungang bumasa’t sumulat para sa K-3

Posted on: May 6th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

BINIGYANG DIIN ng Department of Education (DepEd) ang pangangailangan na i-develop ang literacy skills ng mga mag-aaral habang nasa kindergarten.

Layon nito na tugunan ang naka-aalarmang sitwasyon ng ‘functional illiteracy’ sa hanay ng mga batang Filipino.

Sinabi ni DepEd Assistant Secretary for Curriculum and Teaching Jerome Buenviaje na ito’y bilang tugon sa resulta ng 2024 functional literacy, education and mass media survey (FLEMMS) na nagpapakita na mahigit sa 18 milyong junior high school graduates ay kinokonsiderang “functionally illiterate.”

“Importante, ‘yung sa pagtuturo…simulan siya sa early stages. ‘Yung kindergarten hanggang Grade 3. Kasi may mga pag-aaral na kung hindi ito mabibigyang tuon doon sa unang key stage natin, mahihirapan na siya na mag-catch up pagdating ng Grade 4 pataas,” ang sinabi ni Buenviaje sa isang panayam.

Matatandaan na inilunsad ng DepEd noong 2023 ang revised K-10 curriculum ng K-12 program. Sa ilalim ng recalibrated curriculum, na ngayon ay nasa ‘phased implementation’, ang bilang ng learning competencies ay nabawasan ng 70% mula sa 11,700 hanggang 3,600.

Tinapyasan din ng DepEd ang bilang ng mga subject, na may higit na diin na ibinibigay sa foundational skills ng Kinder hanggang Grade 3 learners gaya ng ‘literacy, numeracy, at socio-emotional skills.’

Sa kabila ng pagsisikap ng DepEd, binigyang diin ng Buenviaje na ang pagtugon sa functional illiteracy ay hindi magagawa ng ahensiya lamang, dahil ang problemang ito ay dahil sa ibang dahilan gaya ng ‘poor nutrition.’

“Naniniwala tayo na ang nutrisyon at literisiya ay hindi pwedeng paghiwalayin. Kaya nga ang ginagawa ng DepEd ay paglalagay ng maayos na batayang pundasyon. Meron tayong access to early childhood nutrition at strong literacy program sa K to 3,” dagdag na wika nito.

Kasunod ng pagpapalabas ng 2024 FLEMMS result, muling pinagtibay ni Education Secretary Sonny Angara ang commitment ng DepEd na tiyakin na ang bawat mag-aaral sa bansa ay “functionally literate.”

“Hindi namin hahayaang may batang nahuhuli sa pagbasa at pag-unawa [we will not let any learner fall behind in reading and comprehension]. The recent FLEMMS results on functional literacy highlight what we have long recognized—literacy must be at the heart of our education reforms,” ang sinabi ng Kalihim.

“Ensuring that every Filipino learner is functionally literate is a commitment we owe to our constituents,” aniya pa rin.

Samantala, nanawagan si Senador Loren Legarda, Komisyoner ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), ng agarang pagtutok sa pagpapalakas ng pundasyong kaalaman ng mga mag-aaral matapos lumabas sa datos na 18.9 na milyong Pilipino na nagtapos mula sa basic education system ng bansa mula 2019 hanggang 2024 ay itinuturing na “functionally illiterate”.

Ibinunyag ang nakababahalang impormasyong ito sa isang pampublikong pagdinig ng Senate Committee on Basic Education batay sa presentasyon ng Philippine Statistics Authority (PSA) hinggil sa paunang resulta ng 2024 Functional Literacy, Education and Mass Media Survey (FLEMMS).

Ang FLEMMS ay isang nationwide survey na isinasagawa kada limang taon. Kamakailan, nagpatupad ito ng bagong metodolohiya sa pagsukat ng basic at functional literacy sa Pilipinas.

Sa bagong depinisyon ng “functional literacy,” hindi na sapat na marunong lang bumasa, sumulat, at magbilang—kasama na rin dito ang mas malalim na pag-unawa, tulad ng pag-uugnay ng impormasyon at pagbuo ng sariling paliwanag mula sa binasa.

“Ang foundational learning, na matagal nang isinusulong ng EDCOM II, ang dapat maging pangunahing prayoridad. Kapag hindi natutong bumasa o kulang sa pundasyong kasanayan ang isang bata pagsapit ng Grade 3, unti-unti na siyang maiiwan sa lahat ng asignatura—dahil ang lahat ng pagkatuto ay nakasandig sa kakayahang umunawa at magproseso ng impormasyon,” paliwanag ni Legarda.

“Ang pagbasa na may pag-unawa ang siyang nagbibigay-daan sa malayang pag-iisip, pag-usisa, at panghabambuhay na pagkatuto. Hindi lang nito tinutulungan ang mga bata na makasagot sa mga tanong, tinuturuan din silang magtanong ng tama at umunawa sa mundo nang may layunin at direksyon,” dagdag niya.

Nagbabala pa si Legarda na ang malawakang functional illiteracy ay hadlang sa pag-unlad para sa lahat, nagpapahina sa kakayahan ng mga Pilipinong makipagsabayan sa mabilis na takbo ng trabaho, at lalo pang nagpapalalim ng hindi pagkakapantay-pantay sa lipunan.  (Daris Jose)

PBBM, dadalo sa ASEAN Summit sa Malaysia

Posted on: May 6th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

DADALO si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa ASEAN Summit sa Malaysia na nakatakda ngayong buwan.

Sa katunayan ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang, ang ASEAN Summit ay gaganapin sa May 26 hanggang 27 sa Malaysia.

Ani Castro, kinausap ni Pangulong Marcos si Malaysian Prime Minister Anwar Ibrahim, araw ng Biyernes hinggil sa regional economy at security at darating na ASEAN Summit.

“Nagkausap kami ni Prime Minister Anwar Ibrahim ng Malaysia tungkol sa mga hamon sa ekonomiya at seguridad na kinakaharap ng ASEAN bilang isang rehiyon,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa kanyang post sa Facebook.

“Inaasahan kong maipagpatuloy ang mga talakayang ito kasama ang iba pa nating mga kasamang lider sa Summit sa Kuala Lumpur, Malaysia, ngayong buwan,” aniya pa rin.

Ibinahagi naman ni Anwar ang mas marami pang detalye ukol sa kanilang phone call sa isang Facebook post, araw ng Biyernes.

“Earlier this evening, I called my good friend, Ferdinand ‘Bongbong’ Romualdez Marcos Jr., who is also the President of the Republic of the Philippines, to discuss several matters and developments related to ASEAN and global issues,” anito pa rin.

Ipinaalam din ni Anwar kay Pangulong Marcos ang hangarin ng at panawagan na tigil-putukan sa Myanmar na ie- extend, para masiguro na ang humanitarian aid ay magpapatuloy na maabot ang mga apektadong populasyon.

“We were also in agreement that any form of assistance must be delivered without discrimination or restrictions,” ang sinabi pa rin nito.

Pinag-usapan din ng dalawang lider ang taripa.

“On the issue of tariffs, as the ASEAN Chair, I conveyed that Malaysia can leverage its position to demonstrate its significance to the United States in global tariff negotiations,” ang sinabi ni Anwar.

(Daris Jose)

‘Trabaho Para sa Bayan’ program, inilunsad ng gobyernong Marcos

Posted on: May 6th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

INILUNSAD ng gobyerno ng Pilipinas ang kauna-unahang labor market development plan o ang Trabaho Para sa Bayan Plan 2025–2034.

Layon nitong lumikha ng mas maraming trabaho, baguhin ang labor market, at itaguyod ang inclusive workforce development alinsunod sa Philippine Development Plan 2023–2028 at sa AmBisyon Natin 2040.

Sinabi ni Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev) Secretary Arsenio Balisacan, nahaharap ang Pilipinas sa mga bagong hamon dulot ng automation, digitalization, at umuusbong na mga teknolohiya, pati na rin ang climate change at demographic shifts na nakakaapekto sa labor market dynamics ng bansa.

Tiwala naman ang DEPDev na sa tulong ng mga ahensya ng gobyerno, pribadong sektor, at iba pang stakeholders, magtatagumpay ang planong ito sa pagbibigay ng matatag, maginhawa, at panatag na buhay para sa bawat Pilipino.

Ang paglikha ng grand plan ay alinsunod sa Trabaho Para sa Bayan Act (Republic Act No. 11962), na nilagdaan upang maging ganap na batas noong 2023. (Daris Jose)

2 patay sa pag-araro ng SUV sa NAIA

Posted on: May 6th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

DALAWA ang kumpirmadong patay kabilang ang isang 5-anyos na batang babae habang apat ang nasaktan nang  araruhin ng isang sports utility vehicle ang walkway sa labas ng terminal 1 entrance ng departure area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA), kahapon ng umaga.

Dead on the spot si Maliya Masunson, 5 at Dearick Keo Faustino, 28 habang isinugod naman sa San Juan De Dios Hospital ang  apat na mga sugatan. Ang katawan ng bata ay pumailalim sa SUV.

Hawak naman ng  Philippine National Police Aviation Security si Leo Gonzales, 47, driver ng  Ford Everest  na may plakang DCB-3411.

Batay sa inisyal na pagsisiyasat, nangyari ang  insidente bandang alas-8:45 ng umaga sa entrance gate ng  terminal 1.

Sa pahayag ng driver naka-park siya sa harap matapos na maibaba ang kanyang hinatid na pasahero.

Papaalis na siya sa parking lot nang biglang may dumaan na sedan at sa halip na preno, silinyador ang natapakan kaya humarurot at sinagasa ang steel barrier gayundin ang mga tao na naroroon.

Gayunman, hindi mapigilan ang galit ng isang papaalis na OFW na ama ng batang babaeng nang makita nitong inararo at namatay ito habang nasa ilalim ng SUV na bumangga pa sa salamin ng nasabing lugar.

Bandang alas-10:15 ng umaga kahapon ay tuluyang ng naalis ang SUV. (Daris Jose)

PBBM, nais na magkaroon ng katarungan ang mga naging biktima ng road crash —Malakanyang

Posted on: May 6th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

LABIS na ikinalungkot ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang kamakailan lamang na ‘road crashes’ na nagresulta ng pagkasawi ng maraming indibidwal.

“Of course kinakalungkot po ng Pangulo (Marcos) ang mga nangyari, lalo po’t may mga buhay po na nawala, may mga kababayan din po tayong nasaktan, hindi magandang balita po ang ganitong klaseng aksidente,” ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang,

At dahil aniya sa pag-uutos ng Pangulo na mabigyan agad ng hustisya ang mga pamilya ng nasawi, kagyat na umaksiyon aniya si Transportation Secretary Vince Dizon sa bagay na ito.

Bukod dito, nagbabala at nagbigay na rin ng agarang pag-uutos si Dizon patungkol sa regular at mandatory drug test para sa public utility vehicle (PUVs) drivers, “effective immediately.”

Matatandaang, 10 indibiduwal kabilang na ang apat na bata, ang nasawi sa isang multiple-vehicle collision sa Tarlac City Toll Plaza sa Subic-Clark-Tarlac Expressway, noong nakaraang Huwebes.

Dalawang iba pang indibidwal ang nasawi, araw ng Linggo nang araruhin ng SUV ang departure area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1.

Samantala, nanawagan naman si Vice President Sara Duterte sa publiko na sumunod sa traffic rules para mapigilan ang road accidents na maaaring magresulta ng pagkasugat at pagkamatay ng mabibiktima nito.

Sa isang video message para sa Land Transportation Safety Month, tinukoy ni VP Sara na ang tiyakin na ligtas ang lansangan ay hindi lamang trabaho ng mga traffic enforcers, kundi maging responsibilidad ng bawat mamamayan, pribadong sektor at gobyerno.

“Mga kababayan, sumunod tayo sa batas-trapiko. Gamitin ang tamang tawiran. Iwasan ang paggamit ng cellphone habang nagmamaneho o naglalakad. At i-report agad ang mga panganib sa daan. Simpleng disiplina, malaking ambag sa kaligtasan,” ang sinabi ni VP Sara.

Kaya nga, hinikayat ni VP Sara ang pribadong sektor na siguraduhin na ang mga driver ay may sapat na kasanayan na bumagtas sa mga kalsada at panatilihin ang kanilang mga sasakyan ay nasa maayos na kondisyon.

Tinuran pa ni VP Sara na responsibilidad ng pamahalaan na panatilihing ligtas ang road infrastructure at ipinatutupad ng maayos ang batas trapiko. (Daris Jose)

 

LTO, sinuspinde ang lisensya ng driver sa NAIA tragic accident

Posted on: May 6th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

ALINSUNOD sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na papanagutin ang mga pasaway na motorista, sinuspinde agad ng Land Transportation Office (LTO), sa ilalim ng patnubay ni DOTr Secretary Vince B. Dizon, ang lisensya ng driver na sangkot sa malagim na aksidente sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 noong Linggo, May 4. Ang suspensyon ay epektibo sa loob ng 90 araw.

Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, naglabas din ang ahensya ng show cause order laban sa rehistradong may-ari ng sasakyan. Dagdag pa ni Asec. Mendoza, inatasan ang driver na isuko ang kanyang lisensya sa lalong madaling panahon.

“Una sa lahat, nais kong ipahatid ang aking taus-pusong pakikiramay sa pamilya ng dalawang nasawi sa aksidenteng ito. Talagang nakalulungkot ang pangyayaring ito lalo’t isa sa mga namatay ay isang bata, anak ng isang overseas Filipino worker,” ani Asec. Mendoza.

“Nakapaglabas na kami ng show cause order na nag-aatas sa rehistradong may-ari ng sasakyan at sa driver na humarap sa aming tanggapan upang magpaliwanag bilang bahagi ng aming imbestigasyon,” dagdag niya.

Batay sa ulat na natanggap ng LTO, isang itim na Ford Everest (Plate No. DCB-3411) ang bumangga sa west departure curbside area bandang alas-8 ng umaga noong Linggo. Ilang indibidwal ang nasugatan sa insidente.

Hawak na ng mga awtoridad ang driver at ayon sa kanyang pahayag, paalis na sana siya sa departure area matapos ihatid ang pasahero nang biglang may dumaan na sedan sa kanyang harapan.

Dahil dito, siya ay nataranta at imbes na preno ang apakan, napindot niya ang silinyador. Dahil dito, dalawa ang nasawi at tatlo pa ang nasugatan.

Agad na nagtungo si Secretary Dizon sa lugar upang personal na tingnan ang kalagayan ng mga biktima at ipinahayag niyang ipapaubaya na niya sa kapulisan ang masusing pagsisiyasat.

Sinabi ni Asec. Mendoza na bagaman may naunang pahayag na ang driver, magsasagawa pa rin ang LTO ng hiwalay na imbestigasyon upang matukoy ang lahat ng detalye at mga dahilan ng trahedyang ito. (PAUL JOHN REYES)

Rapist na top 2 most wanted sa Malabon, himas-rehas

Posted on: May 6th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

NAGWAKAS na ang pagtatago ng isang puganteng kriminal na nakatala bilang isa sa pinaka-most wanted na personalidad nang matunton ng pulisya sa kanyang pinagtaguang lugar sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.

Sa ulat, nakatanggap ng impormsyon ang Northern Police District (NPD) hinggil sa tinutuluyang lugar ng akusadong si alyas “Roger”, 32, na nakatala bilang Top 2 Most Wanted Person sa lungsod.

Magkasanib ang District Special Operations Unit (DSOU), Northern District Intelligence Team ng Regional Intelligence Unit (NDIT-RIU), at Women and Children Protection Section ng Malabon Police Station na binuo ni NPD Director P/BGEN. Josefino Ligan upang tugisin ang akusado na mahigit tatlong taon ng nagtatago sa batas.

Dakong alas-7:45 ng gabi nang malaglag na ng tuluyan sa kamay ng batas si alyas Roger na kinasuhan ng magulang ng batang biktimang ginawan niya ng kahalayan matapos masukol sa kanyang tinutuluyang lugar sa Dalagang Bukid St. Brgy. Longos

Ayon kay Malabon Police Chief P/Col. Jay Baybayan, isinilbi ng pulisya kay alyas Roger ang warrant of arrest na inilabas noong Nobyembre 3, 2022 ni Malabon Family Court Branch 4, Presiding Judge Abigail Santos Domingo-Laylo kaugnay sa mga kasong Statutory Rape, Sexual Abuse, at Acts of Lasciviousness.

Walang inilaang piyansa ang korte sa kasong Statutory Rape habang may piyansa namang P200,000 sa Sexual Assault at P180,000 sa Acts of Lasciviousness para sa pansamantalang paglaya ng akusado.

“I issue this stern warning for those who prey on women and children: NCRPO, with all its available resources, will not rest until you will be arrested and held accountable for your crimes,” pahayag naman ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Regional Acting Director P/MGEN. Anthony Aberin makaraang magpaabot ng pagbati sa NPD sa matagumpay na operasyon. (Richard Mesa)

Holdaper, nadisarmahan ng biniktimang sekyu sa Caloocan

Posted on: May 6th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

HINDI nagtagumpay sa kanyang masamang balak ang isang holdaper matapos pumalag at madisarmahan pa siya ng biniktimang security guard na may pagsasanay sa pagtatanggol sa sarili sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.

Kasong paglabag sa Robbery Hold-Up, paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at Election gun ban ang isinampa ng pulisya laban sa suspek na si alyas “Ungas”, 29, ng Brgy., 20, sa piskalya ng Caloocan City.

Sa ulat ni Caloocan Police Chief P/Col. Paul Jady Doles kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Josefino Ligan, pauwi na mula sa kanyang duty ang sekyu na si Vicente Gaviola, 43, nang mula sa likuran ay tutukan siya ng baril ng suspek at magdeklara ng holdap dakong alas-4:30 ng madaling araw sa harapan ng Royale Moto Club sa 10th Avenue.

Binantaan pa ng suspek ang biktima na huwag lilingon at papalag kung ayaw niyang mamatay subalit sa halip na masindak, ginamit ni Gaviola ang natutunan sa pagsasanay bilang sekyu na dahilan upang maagaw niya ang armas at mapadapa ang suspek.

Humingi na rin ng tulong ang biktima sa mga bystander sa lugar na sila namang nag-ulat ng insidente sa nagpapatrulyang mga tauhan ng East Grace Park Police Sub-Station 2 na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.

Nakumpiska sa suspek ang isang hindi lisensiyadong kalibre .38 revolver na kargado ng isang bala. (Richard Mesa)

‘Mandatory drug testing’ at pagbawas sa ‘maximum driving hours’ para sa mga PUV drivers, iimplementa ng DOTr  

Posted on: May 6th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

IPINAG-UTOS ngayong araw ng Department of Transportation (DOTr) na sumailalim ang lahat ng Public Utility Vehicle (PUV) drivers sa ‘mandatory drug testing’. Ito ay kasunod ng mga insidente sa daan na sangkot ang mga public transportation drivers.

Sa naging pulong balitaan ngayong araw, ayon Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon, gagawin nilang regular ang mandatory drug testing at hindi lamang kapag kukuha ng lisensya o kahit magrerenew ng lisensya.

Suhestiyon pa ni DOTr Sec. Dizon na gawin ito bawat 90 na araw para mas masuri pa talaga ang mga drivers. Aniya, makatutulong nila sa pag-iimplenta nito ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)

“DOTr will be working with PDEA to implement mandatory drug testing..Ako po galit na galit no’ng narinig ko na hindi pumayag magpa-drug test ang driver ng Solid North. Wala po siyang choice.  Nakapatay ka ng tao tapos di ka magpapa-drug test? Mandatory po ito, regular mandatory.  Hindi lang ito kapag magre-renew ka ng lisensya, magre-renew ka ng prangkisa, rehistro, regular ito. We’re recommending every 90 days..” pahayag ni DOTr Sec. Vince Dizon sa naging pulong balitaan ngayong araw.

Samantala, planong iimplementa na rin ng ahensya kasama ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Land Transportation Office (LTO) ang pagbawas ng maximum driving hours ng mga pampasaherong bus. Mula anim na oras, ito ay magiging apat na oras na. Ibig-sabihin, kapag ang byahe ay lagpas na ng apat na oras, dapat may kapalitan na ang driver.

“I have asked LTFRB and the LTO to change the maximum number of hours that a driver can drive consecutively, from six to four hours…. Kapag ang biyahe mas mahaba sa four hours, dapat may relyebo, hindi kundoktor.” dagdag na pahayag ni DOTr Sec. Dizon.

Ads May 6, 2025

Posted on: May 6th, 2025 by @peoplesbalita No Comments