• September 23, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

PBBM, nais na magkaroon ng katarungan ang mga naging biktima ng road crash —Malakanyang

LABIS na ikinalungkot ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang kamakailan lamang na ‘road crashes’ na nagresulta ng pagkasawi ng maraming indibidwal.

“Of course kinakalungkot po ng Pangulo (Marcos) ang mga nangyari, lalo po’t may mga buhay po na nawala, may mga kababayan din po tayong nasaktan, hindi magandang balita po ang ganitong klaseng aksidente,” ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang,

At dahil aniya sa pag-uutos ng Pangulo na mabigyan agad ng hustisya ang mga pamilya ng nasawi, kagyat na umaksiyon aniya si Transportation Secretary Vince Dizon sa bagay na ito.

Bukod dito, nagbabala at nagbigay na rin ng agarang pag-uutos si Dizon patungkol sa regular at mandatory drug test para sa public utility vehicle (PUVs) drivers, “effective immediately.”

Matatandaang, 10 indibiduwal kabilang na ang apat na bata, ang nasawi sa isang multiple-vehicle collision sa Tarlac City Toll Plaza sa Subic-Clark-Tarlac Expressway, noong nakaraang Huwebes.

Dalawang iba pang indibidwal ang nasawi, araw ng Linggo nang araruhin ng SUV ang departure area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1.

Samantala, nanawagan naman si Vice President Sara Duterte sa publiko na sumunod sa traffic rules para mapigilan ang road accidents na maaaring magresulta ng pagkasugat at pagkamatay ng mabibiktima nito.

Sa isang video message para sa Land Transportation Safety Month, tinukoy ni VP Sara na ang tiyakin na ligtas ang lansangan ay hindi lamang trabaho ng mga traffic enforcers, kundi maging responsibilidad ng bawat mamamayan, pribadong sektor at gobyerno.

“Mga kababayan, sumunod tayo sa batas-trapiko. Gamitin ang tamang tawiran. Iwasan ang paggamit ng cellphone habang nagmamaneho o naglalakad. At i-report agad ang mga panganib sa daan. Simpleng disiplina, malaking ambag sa kaligtasan,” ang sinabi ni VP Sara.

Kaya nga, hinikayat ni VP Sara ang pribadong sektor na siguraduhin na ang mga driver ay may sapat na kasanayan na bumagtas sa mga kalsada at panatilihin ang kanilang mga sasakyan ay nasa maayos na kondisyon.

Tinuran pa ni VP Sara na responsibilidad ng pamahalaan na panatilihing ligtas ang road infrastructure at ipinatutupad ng maayos ang batas trapiko. (Daris Jose)