SA isinagawang Ulat sa Malabueno 2026, isa-isang tinalakay ni Malabon City Mayor Jeannie Sandoval ang mga pag-unlad at nakamit na tagumpay ng siyudad na bahagi ng kanyang Lucky 9-Point Agenda na ginanap sa Malabon City Sports Complex, Martes ng hapon.
Kabilang sa mga inihayag ni Mayor Jeannie, na sinuportahan ng video presentation, ang gumandang ekonomiya, negosyo at oportunidad na patunay sa patuloy na pag-ahon ng lungsod na kanyang sinimulan nang mahalal bilang Punong Lungsod noong 2022.
Pinangasiwaan din ng alkalde ang maayos na pamamahala, pagseserbisyo, edukasyon, proyektong pang-imprastraktura at pag-unlad ng turismo para sa mas maganda, malawak, at mas kilala para sa makabagong Malabon. Patunay ang paggawad ng Guinness World Record bilang “Longest Line of Bowls of Noodles” lalu’t bantog ang siyudad sa Pancit Malabon.
Sinabi pa ng alkalde na napanatili rin ng kanyang administrasyon ang pagkakaloob ng de-kalidad na serbisyong pang-kalusugan at suporta sa mga natatanging nagtataguyod sa kanilang pamilya, kabilang ang libreng serbisyo sa Ospital ng Malabon, Serbiyo Caravan, libreng bakuna at pagtatayo ng Animal Bite Treatment Center.
“Taos-pusong pasasalamat sa ating mga kababayang Malabueno, sa kanilang patuloy na suporta sa ating pamumuno at mga layunin. Ang Ulat sa Malabueno ay ang ating pagkakataon upang ilahad ang ating mga naging tagumpay, mga pagsubok na hinarap, na ating nakamit at nalampasan dahil sa pagkakaisa at tiwala,” pahayag ni Mayor Sandoval.
“Kayo ang aming inspirasyon sa patuloy na pagbangon at pagbibigay ng dekalidad na serbisyo sa araw-araw. Kaya naman po kayo ay aking hinihikayat na mas makilahok sa ating mga programa para sa patuloy na pag-unlad,” dagdag niya.
Sa pamamagitan ng Lucky 9-Point Agenda, nakatanggap ang Malabon ng maraming parangal, kabilang ang ISO 9001:2015 certification, ang Guiness World Record para sa Longest Line of Bowls of Noodles, media, health, environmental, at good governance recognitions, na nagpapatunay na ang mga serbisyo nito ay sumusunod sa mga internasyonal na pamantayan.
(Richard Mesa)