LTFRB NAGLABAS NG SCO VS 4 BUS COMPANIES DAHIL SA HINDI MAAYOS NA KALAGAYAN NG KANILANG MGA TERMINAL
- Published on January 29, 2026
- by @peoplesbalita
NAGLABAS ng Show Cause Order (SCO) ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ng pamumuno ni Kalihim Giovanni Z. Lopez ng Department of Transportation (DOTr), laban sa apat (4)na kumpanya ng bus dahil sa hindi maayos na kalagayan ng kanilang mga terminal.
Ipinaliwanag ni LTFRB Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza II na ang naturang hakbang ay bunga ng isinagawang biglaang inspeksyon sa iba’t ibang bus terminal sa Lungsod Quezon.
“Patunay ito na seryoso kami sa aming sinabi na hahabulin namin ang mga hindi sumusunod sa batayang pamantayan ng mga terminal at pampublikong transportasyon,” diin ni Chairperson Mendoza.
Batay sa ulat ng inspeksyon, bawat isa sa mga kompanya ay nakapagtala ng hindi bababa sa 10 paglabag sa mga alituntunin ng LTFRB kaugnay ng wastong pamamahala ng mga terminal. Kabilang sa mga karaniwang paglabag ang:
• Kakulangan ng bubong upang maprotektahan ang mga pasahero mula sa araw at ulan
• Kawalan ng disenteng hiwalay na palikuran para sa lalaki, babae, at PWDs
• Kakulangan sa mga panseguridad gaya ng CCTV at baggage inspection
• Kawalan ng rampa at pasilidad para sa PWDs
Nauna nang ipinahayag ni Chairperson Mendoza ang mas pinaigting na kampanya laban sa mga ilegal at hindi maayos na terminal na nagiging kanlungan ng mga kolorum na sasakyan. Aniya, pangunahing layunin ng LTFRB na ipagtanggol ang karapatan ng mga pasahero sa ligtas at kumportableng biyahe.
Ang hakbang na ito ay bahagi rin ng plano ng LTFRB na bumuo ng bagong polisiya upang hindi na ma-renew ang prangkisa ng mga bulok na pampublikong sasakyan.
“Ang paglalabas ng SCO laban sa apat na kompanya ng bus ay simula pa lamang. Asahan ng mga mananakay ang araw-araw na pagbabantay at mabilis na aksyon mula sa LTFRB para sa kanilang karapatan sa ligtas at maayos na paglalakbay,” dagdag ni Mendoza.
Sa apat na magkakahiwalay na SCO, inatasan ang mga koumpanya ng bus na magsumite ng nakasulat na paliwanag kung bakit hindi dapat bawiin ang kanilang Certificate of Public Conveyance (CPC) na nagbibigay sa kanila ng karapatang mag-operate ng pampublikong transportasyon.
Ang unang pinagsamang pagdinig para sa apat na kompanya ay nakatakda sa Pebrero 11, 2026.
Hinimok ni Chairperson Mendoza ang lahat ng kumpanya ng bus, transport groups, at mga kooperatiba na ayusin at tiyakin na ang mga terminal na kanilang pinamamahalaan ay sumusunod sa mga regulasyon ng LTFRB. (PAUL JOHN REYES)