• October 24, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 24, 2025
    Current time: October 24, 2025 10:56 PM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for August, 2025

DRUG PERSONALITY NA MAY STANDING WARRANT OF ARREST AT KASAMA NITO NASAKOTE NG PDEA, 20kls. NG SHABU NAKUMPISKA

Posted on: August 13th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
INARESTO ng mga Anti-Narcotics operatives ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang wanted na drug personality at ang kasama nito sa pagsisilbi ng Warrant of Arrest noong Agosto 12, 2025.
Ang naaresto sa bisa ng Warrant of Arrest ay si Abedin Salikaya Kendayo, 30 taong gulang, residente ng Sultan Sabarongis, Maguindanao Del Sur, sa kahabaan ng Maharlika Highway, Barangay San Antonio II, San Pablo City, Laguna. Naaresto din ang kasama ni Kendayo na isang alyas “Rene”, 30 taong gulang mula sa Cotabato, Maguindanao del Norte. Ang nagsilbi ng warrant ay ang pinagsanib na mga elemento ng PDEA Regional Office-National Capital Region Northern District Office at PDEA Regional Office IV-A Laguna Provincial Office, kasama ang mga miyembro ng Laguna Provincial Police Office, Police Drug Enforcement Unit.
Nakumpiska sa operasyon ang 20 gold packs na may label na “Guanyinwang” na naglalaman ng humigit-kumulang 20 kilo ng hinihinalang methamphetamine hydrochloride, o shabu, na nagkakahalaga ng PhP 136 milyon, isang beige Nissan Navara, isang identification card, at dalawang cellphone.
Si Kendayo, na mayroong standing Warrant of Arrest for possession of dangerous drugs, at alyas “Rene”, ay kabilang sa mga pangunahing pinagkukunan ng iligal na droga na kumakalat sa NCR.
“Ang operasyon ay produkto ng patuloy na pagsubaybay sa ating mga nakaraang operasyon at pag-aresto sa mga miyembro ng malalaking organisasyon sa pagtutulak ng droga. Ang PDEA ay magpapatuloy sa walang humpay na kampanya laban sa mga target na indibidwal tulad ni Kendayo at alyas “Rene” na naiulat na big-time na mga supplier ng shabu sa Metro Manila at kalapit na mga lalawigan”, sabi ni PDEA Director General Undersecretary Isagani R. Nerez.
Mahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 (Transportation of Dangerous Drugs) at Section 11 (Possession of Dangerous Drugs), Article II, ng Republic Act 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (PAUL JOHN REYES)

PBBM, hindi kokontrahin ang panawagan na amiyendahan ang Konstitusyon sa pamamagitan ng ConCon- Malakanyang

Posted on: August 13th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
HINDI kokontrahin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panawagan na amiyendahan ang 1987 Constitution sa pamamagitan ng isang constitutional convention (Con-con) basta’t makatutulong ito na mapahusay ang charter at isara ang mga butas sa probisyon nito.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na
kung ito aniya ay para sa ikagaganda at ikaliliwanag para hindi na mabutasan ang anumang probisyon dito sa Konstitusyon ay hindi aniya ito tututulan ng Pangulo.
Nauna rito, nanawagan si Deputy Speaker at National Unity Party (NUP) chairman Ronaldo Puno sa pagsasagawa ng isang constitutional convention (ConCon) para muling pag-aralan at ayusin ang 1987 constitution upang alisin ang matagal nang malalabong probisyon at mga pagkukulang na nagpapahina sa batas at sa tiwala ng taumbayan.
Sa kanyang privilege speech sa Kamara, binigyang-diin ni Puno na ang ConCon ang pinakamabuti, malinaw, at may pinakamaraming nakikilahok na paraan upang maitama ang probisyon at maipatupad ang kinakailangang reporma.
“Today, I submit to this august chamber that while the provisions of our Constitution are noble in aspiration, certain provisions are marked by ambiguity and procedural deficiency. These deficiencies do not merely complicate interpretation; they obstruct reform, hinder effective governance, and erode public trust,” ayon kay Puno.
Paglilinaw ng mambabatas, ang panukala ay hindi upang ipagwalang-bahala ang Konstitusyon, sa halip ay upang buuin at ayusin ito.
Ayon kay Puno, ang ConCon ay magbibigay sa mamamayan ng pagkakataon na “itama ang mga pagkukulang sa teksto, pag-isahin ang mga magkasalungat, alisin ang mga hindi malinaw, gawing permanente ang mga kinakailangang reporma, at tiyakin na ang batayang batas ng bansa ay akma sa pangangailangan ng isang masigla at demokratikong lipunan.”
Sinabi ng mambabatas na sa ConCon ay may malinaw at iisang layunin, at hindi mahahati ang atensyon ng mga delegado sa paggawa ng batas, oversight, o impeachment.
Dagdag pa niya, maiiwasan ang conflict of interest, masisiguro ang mas malawak na representasyon, at mababawasan ang panganib ng mga desisyong pabor lamang sa pulitika.
“A Constitution that allows repeated legislative interference in electoral timelines, without limit, is a Constitution vulnerable to manipulation,” ayon kay Puno.
Binigyang-diin niya na bilang pangunahing batas ng bansa, dapat malinaw, matatag, at madaling maunawaan ang Konstitusyon ng hukuman, mambabatas, at lahat ng mamamayan na pinangangalagaan ang karapatan.
Sa kabilang dako, habang ang Malakanyang ay hindi pa ina-adopt ang ‘definitive stance’ sa panukala, kinumpirma naman ni Castro na naka-monitor ang Malakanyang sa development at naghihintay ng ‘full proposal.’
“May mga pagkakataon lamang po sigurong kahit maliwanag ang ibang mga definition or mga term ay minsan napapalabo para merong mapaboran,” ayon kay Castro.
Idinagdag pa nito na ang muling pagbisita sa charter sa pamamagitan ng Con-Con ay magbibigay ng oportunidad “to better understand the original intent of the Constitution’s framers.” (Daris Jose)

Pormal ng isinumite ng DBM ang 2026 P6.793 trilyong National Expenditure Program (NEP) sa Kamara

Posted on: August 13th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
PINANGUNAHAN ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang pagtanggap ng  badyet mula kay DBM Secretary Amenah Pangandaman . Kabilang sa mga dumalong mga opisyal ay sina House Deputy Speaker Jayjay Suarez, Majority Leader Sandro Marcos, House Minority Leader Marcelino Libanan, at Rep. Mikhaela Angela Suansing, chairperson ng House Committee on Appropriations.
Ang Department of Education ang may pinakamalaking  budget na napaglaananan ng P928 Bilyon,  sinundan ng  DPWH na P881.31B,  Department of Health P320.2 B Department of Defense na may pondong P299 Bilyon, Department of Interior and Local Government na P287
Bilyon at ang Department of Agrarian Reform na P239.16 Bilyon.
Habang ang confidential funds ay pinaglaanan ng kabuuang P10.77 Bilyon kung saan ang nangunguna sa may malaking pondo ay ang Office of the President sa halagang P4.5 Bilyon.
Nangako naman si Romualdez na sisiguruhin ng Kamara na ang bawat piso sa badger ay may malinaw na patutunguhan at mapapakinabangan ng sambayanan.
Bawat piso, may pinaglalaanan; bawat gastusin, dapat may pakinabang sa tao,” pahayag ni Speaker Romualdez sa isinagawang  turnover ng 2026 NEP.
Ang 2026 NEP, ay katumbas ng   22 percent ng  GDP, at mas mataas ng 7.4 percent sa P6.326-trillion budget ngayon twin na may mas malaking alokasyon sa education, healthcare, social protection, at food security to sustain the country’s economic momentum.
Kinumpirma ng Speaker ang pagbuwag sa small committee na binuo noong nakalipas na taon para talakayin ang mga institutional amendments.
(Vina de Guzman)

MGA BAWAL, IPAPATUPAD SA 2025 BAR EXAMINATION

Posted on: August 13th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
MAGPAPATUPAD ang pamahalaang lugsod ng Maynila ng ilang mga pagbabawal alinsunod sa inilabas na Executive Order 41 series of 2025, kasabay ng 2025 Bar Examination.
Batay sa 2 pahinang EO na pirmado ni Manila Mayor Isko Moreno-Domagoso, mahigpit na ipatutupad ang liquor ban, pagbabawal ng ambulant vendors, noise control mitigation measures at pagbabawal sa maiingay na aktibidad sa loob ng 500 meter radius ng San Beda University at University of Santo Tomas sa Maynila .
Nakasaad na mula hatinggabi ng September 6 hanggang 10 ng gabi ng September 7, September 9 hanggang September 10 at September 13 hanggang September 14 ay iiral ang nabanggit na mga pagbabawal.
Layon umano ng mga pagbabawal na ito na matiyak ang seguridad at makontrol ang ingay sa paligid ng mga nasabing paaralan para sa kapakanan ng examinees.
Bukod dito, nais ng masiguro na maging matagumpay at maayos ang pagdaraos ng bar exams sa dalawang unibersidad sa Maynila. (Gene Adsuara)

‘Rice-for-All’ ng administrasyong Marcos makakakuha ng P10B sa ilalim ng NEP

Posted on: August 13th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

NAGLAAN ang administrasyong Marcos ng P10 bilyong piso sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP) para sa ”The Rice for All Program” ng Department of Agriculture (DA).

Kabilang sa nasabing programa ang proyektong Benteng Bigas Meron Na ng administrasyon, pinapayagan ang pagbebenta ng P20 kada kilo ng bigas lalo na sa vulnerable sector.

“The P10 billion budget seeks to expand access to affordable rice from both importers and local traders at public markets and KADIWA sites,” ang sinabi ng Pangulo sa kanyang budget message.

Sa ilalim ng NEP, tinaasan din ang budget ng National Rice Program (NRP) ng DA, mayroon na itong P29.9 bilyong piso, tumaas ng 37.8% mula sa P21.7 bilyong pisong budget noong 2025.

Sa pamamagitan ng NRP, magbibigay ang DA ng fertilizers sa pamamagitan ng Fertilizer Assistance Program nito na may ‘quality inbred at hybrid rice seeds’ na makatutulong sa mga lokal na magsasaka na palakasin ang ani ng kanilang pananim.

Idagdag pa rito, P30 bilyong piso naman ang inilaan sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) para pondohan ang modernisasyon ng ‘farm machinery at equipment; development ng rice seeds; pagpapalawak sa credit assistance; at probisyon ng rice extension service, bukod sa iba pa.

Naglaan naman ng P11.2 bilyong piso para sa Buffer Stocking Program, gagamitin ito para pambili ng 300,000 metric tons ng palay, na gagamitin sa panahon ng krisis gaya ng emergencies at sakuna.

“A total of P256.5 billion will be used to strengthen the Agriculture sector in 2026,” ang sinabi ng Pangulo.

Sa nasabing halaga, P153.9 bilyong piso ang itutustos sa DA at sa attached agencies nito; P45.1 bilyong piso para sa National Irrigation Administration (NIA), at P17.4 bilyong piso para sa Department of Agrarian Reform (DAR), bukod sa iba pa. (Daris Jose)

PBBM, nananatili ang tiwala kay DPWH Sec. Bonoan- Malakanyang

Posted on: August 13th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
NANANATILI pa rin ang tiwala at kumpiyansa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan sa gitna ng mga usapin na bumabalot sa halos 10,000 flood control projects na ipinatupad ng ahensiya sa nakalipas na tatlong taon ng administrasyon.
“His trust with Secretary Bonoan remains,” ang sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.
Sa katunayan, kasama ng Pangulo si Bonoan sa pag-inspeksyon ng ilang proyekto sa Marikina City, araw ng Lunes.
Nauna rito, nanawagan si Bacolod Rep. Albee Benitez na mag-leave (of absence) ang Kalihim habang isinasagawa ang imbestigasyon at audit sa kanyang ahensiya bilang delicadeza.
Ang tugon naman ni Bonoan ay handa niyang pagbigyan ang panawagan ni Benitez sa sandaling simulan na ang audit sa ahensiya na ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address (SONA) at kung ipag-uutos ng Pangulo na mag-leave of absence muna siya.
Giit pa ni Bonoan, hindi naman siya na-offend sa panawagan ni Benitez dahil baka mayroong pinanggagalingan ang suhestiyon ng kongresista kaya titingnan din niya ito, subalit nagsisilbi aniya siya sa kasiyahan ng Presidente.
Tiniyak naman ni Castro na hindi kasama ang DPWH sa imbestigasyon.
“He (Bonaoan) will not be a part of the ongoing investigation. We only need information and records about these projects which will be coming from the DPWH,” aniya pa rin.
Ang Regional Project Monitoring Committees aniya ang mangunguna sa pagrerepaso ng flood control projects, na binubuo ng regional directors ng Department of Economy, Planning and Development (DepDev) bilang chair; regional directors ng Department of Budget and Management bilang co-chair.
Kabilang din sa komite ang mga regional heads Department of the Interior and Local Government, Office of the President-Presidential Management Staff, at mga kinatawan mula sa pribadong sektor at non-government organizations.
Ang report ng komite ay isusumite sa DepDev, na pagsasama-samahin muna bago pa isumite sa Pangulo.
“The review will check if the projects are existing in the first place, if they are operational, or if they are effective in controlling floods,” ang winika ni Castro.
Wala namang timeline na ibinigay ang Pangulo para sa makumpleto ang pagrerebisa dahil ang utos ng Pangulo ay “the sooner the better.”
“The President will not sleep on this. He wants this investigation completed as soon as possible,” aniya pa rin.
“President Marcos committed to eliminate corruption involving the misuse of flood control projects, with the government’s ongoing investigation ensuring that no one will be exempt from accountability,” ayon sa Malakanyang.
“Even if they are close to his heart, even if they are friends, the President will spare no one. Those who must be held accountable will be held accountable,” ang sinabi ni Castro. ( Daris Jose)

Malakanyang kay VP Sara: “Hindi po sagot ang pagbibiyahe para masolusyunan kung may problema man ang bansa” 

Posted on: August 13th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
NIRESBAKAN ng Malakanyang si Vice President Sara Duterte sa pagdepensa nito sa kanyang madalas na pagba-byahe sa ibang bansa at pagsasabing ‘frustrated’ na ang Filipino communities abroad sa nangyayari dito sa ating bayan.
”Well, una siguro nga po mapu-frustrate iyong mga kababayan natin abroad dahil ang Pangulo po ay nasa Pilipinas, nagtatrabaho, inaayos iyong mga problema at lumalaban sa mga anomaly at korapsiyon. Samantalang ang Bise Presidente ay madalas na nasa personal trip,” ang sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.
”At hindi po sagot ang pagbibiyahe para masolusyunan kung may problema man ang bansa. Hindi po trabaho ng Bise Presidente at wala po sa Konstitusyon na kailangan siyang magbiyahe para siraan ang Pangulo at para hilingin sa taumbayan ang pagbagsak at pagtanggal sa puwesto ng Pangulo,” aniya pa rin.
Sa ulat, sinabi ni VP Sara na “Lumalabas ako ng bansa dahil frustrated na ang Filipino communities abroad sa nangyayari dito sa ating bayan. At pangalawa, bumibisita ako sa tatay ko na nakakulong.”
Samantala, ‘punto per punto’ na nilinaw ni Castro ang naging pahayag ni VP Sara hinggil sa impormasyon na sinasabing nagpunta ng Kuwait ang huli.
Binigyang diin ni Castro na may ilang video sa online ang edited.
”Okay, so in other words iyong sinabi natin na wala tayong impormasyon, at may napabalita na siya ay pumunta or pupunta sa Kuwait, na-edit po iyon,” ani Castro.
”So, ganyan sila gumawa ng pekeng balita kaya nagiging paulit-ulit na source of fake news ang Bise Presidente dahil sa ganiyang mga klase na video na ini-edit—edited! Fake news again!” giit nito.
Matatandaang, noong nakaraang linggo ay sinabi ni Castro na walang impormasyon ang administrasyon sa kinaroroonan ni VP Sara.
Sa isang press conference sa New Delhi, sinabi ni Castro ang huling authorized travel ni VP Sara ay ang kanyang byahe sa Netherlands at South Korea. ( Daris Jose)

Vice Ganda, ipinagtanggol ng mambabatas 

Posted on: August 13th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
IPINAGTANGGOL ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio ang komedyanteng si Vice Ganda laban sa patuloy na harassment at atake mula sa Duterte Diehard Supporters (DDS),
Ito ay kasunod na rin sa naging satirical “jetski holiday” skit na tumutukoy sa napakong pangako noong kampanya ni dating Presidente Rodrigo Duterte.
Ayon sa mambabatas, anak ni National Artist for Theater and Literature Rolando Tinio, importante na maprotektahan ang artistic freedom at ang right to satirical expression.
“Satire is a form of entertainment but also a form of protest. Don’t they get that? Ang hirap kasi sa mga Duterte at mga supporters nila ay mga pikon. Kapag sila ang nagmumura, nananakot o nanindak, hyperbole daw o joke lang pero kapag sa kanila ginawa ay bumubula ang bibig,” ani Tinio.
Kapansin-pansin aniya ang pagiging double standard umano ng mga Duterte supporters na handang ipagtanggol at bigyang paliwanag ang mga hindi magandang pananalita ng kanilang lider habang naglulunsad ng coordinated na pag-atake sa mga kritiko o nagbibigay ng ganitong uri ng biro sa dating presidente.
“We have witnessed how the Dutertes have weaponized social media, employing a core of influencers and content creators to silence critics and dissenting voices. The same people who defended Duterte’s death threats against journalists, his misogynistic remarks, and his violent language are now crying foul over a comedian’s satirical skit,” Tinio observed.
Giit ng Deputy Minority Leader na lehitimo ang skit ni Vice Ganda bilang isang uri ng political commentary na dumidiin sa naging kabiguan ni Duterte na maipatupad ang kanyang campaign promise na sasakay ng jetski patungong Spratlys para igiit ang sovereign rights ng Pilipinas.
Kinondena rin ni Tinio ang coordinated campaign laban kay Vice Ganda sa social media at pagtatangka na ma-pressure ang networks at sponsors na ilaglag ang komedyante.
“This is a clear example of cancel culture being employed by authoritarian forces to suppress free expression. We must not allow the culture of fear and intimidation that characterized the Duterte regime to continue silencing voices of dissent,” dagdag nito.
Nanawagan naman ang mambabatas sa mga kasamahang kongresista at civil society groups na suportahan sa mga artists at entertainers na ginagamit ang kanilang plataporma para ibunyag ang katotohanan at mapanagot ang mga public officials. (Vina de Guzman)

POGO HUB NA SINALAKAY NG NBI, IPINASARA NA

Posted on: August 13th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
TULUYAN nang ipinasara ang isang Philippine Offshore Gaming Operations o POGO hub sa isang residential area na sinalakay ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Davao City.
Sa ikinasang operasyon ng NBI – Southern Mindanao Regional Office XI, sa pamumuno ni Regional Dir. Atty. Arcelito Albao, matagumpay naipasara ang naturang illegal na POGO hub.
Sinabi ng NBI na ikinasa ang operasyon matapos makatanggap ng relamo mula sa sang ‘homeowner’ sa kahina-hinalang aktibidad sa loob ng kanilang subdivision.
Nagsagawa ng survellaince ang NBI ay nakumpirma ang presensya at illegal na gawain sa naturang lugar.
Dito na sinalakay ng NBI ang POGO hub at naaresto ang walong (8) Chinese nationals habang nasabat naman ang ilang computer at mobile phones na gamit sa gaming operations.
Sa pahayag ng NBI, napansin ang ‘pattern’ sa mga aktibidad ng illegal na POGO kung saa’y naghiwa-hiwalay na ang mga ito sa mga maliliit na grupo.
Nagagawa rin nilang magpalipat-lipat ng lokasyon upang maiwasan na matukoy kung nasaan ang pinaroroonan kaya’t ayon sa kawanihan ay mahalagang maging mapagmatyag ang mga komunidad sa bansa.
Hinimok ng NBI Region XI ang publiko na i-report sa kanilang tanggapan ang anumang ‘suspicious activities’ na mapapansin sa kani-kanilang mga lugar.
Ito ay upang tuluyan ng mahinto ang naturang illegal na operasyon kasama pati ang money laundering, cybercrime at human trafficking. (Gene Adsuara)

MGA “BAWAL”, IPAPATUPAD SA 2025 BAR EXAMINATION

Posted on: August 13th, 2025 by @peoplesbalita No Comments
MAGPAPATUPAD ang pamahalaang lugsod ng Maynila ng ilang mga pagbabawal alinsunod sa inilabas na Executive Order 41 series of 2025, kasabay ng 2025 Bar Examination.
Batay sa 2 pahinang EO na pirmado ni Manila Mayor Isko Moreno-Domagoso, mahigpit na ipatutupad ang liquor ban, pagbabawal ng ambulant vendors, nosie control mitigation measures at pagbabawal sa maiingay na aktibidad sa loob ng 500 meter radius ng San Beda University at University of Santo Tomas sa Maynila .
Nakasaad na mula hatinggabi ng September 6 hanggang 10 ng gabi ng September 7, September 9 hanggang September 10 at September 13 hanggang September 14 ay iiral ang nabanggit na mga pagbabawal.
Layon umano ng mga pagbabawal na ito na matiyak ang seguridad at makontrol ang ingay sa paligid ng mga nasabing paaralan para sa kapakanan ng examinees.
Bukod dito, nais ng masiguro na maging matagumpay at maayos ang pagdaraos ng bar exams sa dalawang unibersidad sa Maynila. (Gene Adsuara)