DRUG PERSONALITY NA MAY STANDING WARRANT OF ARREST AT KASAMA NITO NASAKOTE NG PDEA, 20kls. NG SHABU NAKUMPISKA
- Published on August 13, 2025
- by @peoplesbalita
INARESTO ng mga Anti-Narcotics operatives ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang wanted na drug personality at ang kasama nito sa pagsisilbi ng Warrant of Arrest noong Agosto 12, 2025.Ang naaresto sa bisa ng Warrant of Arrest ay si Abedin Salikaya Kendayo, 30 taong gulang, residente ng Sultan Sabarongis, Maguindanao Del Sur, sa kahabaan ng Maharlika Highway, Barangay San Antonio II, San Pablo City, Laguna. Naaresto din ang kasama ni Kendayo na isang alyas “Rene”, 30 taong gulang mula sa Cotabato, Maguindanao del Norte. Ang nagsilbi ng warrant ay ang pinagsanib na mga elemento ng PDEA Regional Office-National Capital Region Northern District Office at PDEA Regional Office IV-A Laguna Provincial Office, kasama ang mga miyembro ng Laguna Provincial Police Office, Police Drug Enforcement Unit.
Nakumpiska sa operasyon ang 20 gold packs na may label na “Guanyinwang” na naglalaman ng humigit-kumulang 20 kilo ng hinihinalang methamphetamine hydrochloride, o shabu, na nagkakahalaga ng PhP 136 milyon, isang beige Nissan Navara, isang identification card, at dalawang cellphone.
Si Kendayo, na mayroong standing Warrant of Arrest for possession of dangerous drugs, at alyas “Rene”, ay kabilang sa mga pangunahing pinagkukunan ng iligal na droga na kumakalat sa NCR.
“Ang operasyon ay produkto ng patuloy na pagsubaybay sa ating mga nakaraang operasyon at pag-aresto sa mga miyembro ng malalaking organisasyon sa pagtutulak ng droga. Ang PDEA ay magpapatuloy sa walang humpay na kampanya laban sa mga target na indibidwal tulad ni Kendayo at alyas “Rene” na naiulat na big-time na mga supplier ng shabu sa Metro Manila at kalapit na mga lalawigan”, sabi ni PDEA Director General Undersecretary Isagani R. Nerez.
Mahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 (Transportation of Dangerous Drugs) at Section 11 (Possession of Dangerous Drugs), Article II, ng Republic Act 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (PAUL JOHN REYES)